Pakikihanay sa mga Tapat kay Jehova
“Sa ganang akin, ako’y lalakad sa aking katapatan. . . . Sa gitna ng nagkakatipong karamihan ay pupurihin ko si Jehova.”—AWIT 26:11, 12.
1, 2. (a) Paano nagkaroon ng mga tagasunod ang mga ilang relihiyon sa Sangkakristiyanuhan? (b) Anong mga paraan ng pagtuturo ang ginamit ni Jesus? (Mateo 11:28-30)
NOONG 1985, mayroong 189,800 katao ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay na maglingkod kay Jehova bilang kaniyang mga saksing Kristiyano. Ang katamtamang dami niyan ay 520 sa bawat araw. Paano nga nangyaring lahat ng mga taong ito ay nagpasiya na pabautismo? Sila ba’y dumalo sa mga mass rallies, nakinig sa isang emosyonal na predikador, at pagkatapos ay gumawa ng isang emosyonal na desisyon para kay Kristo? Ganiyan ang paraan ng pag-andar ng mga ilang relihiyong Protestante at Ebangheliko. Ngunit ganiyan ba ang paraan ni Kristo ng pagtawag ng mga tagasunod?
2 Kung susuriin nating maingat ang pangmadlang pangangaral ni Jesus, hindi natin makikitang inaantig niya ang damdamin ng sinuman. Halimbawa, kaniya bang inantig ang damdamin ng kaniyang mga tagapakinig sa pamamagitan ng mga korista at ng pag-aawitan? O siya ba’y gumamit ng tusong pamamaraan ng pag-antig sa kaisipan ng kaniyang mga tagapakinig para madama nilang sila’y makasalanan at pagkatapos ay naakay sila na dumukot sa kanilang mga bulsa ng maiaabuloy? Sa kabaligtaran, ang kaniyang paraan ng pagtuturo ay umakay sa mga tao na mag-isip at mangatuwiran. Yamang karamihan ng kaniyang mga tagapakinig ay mga Judio, sila ay may dati nang kaalaman sa Kasulatang Hebreo. Kaniyang maaakay sila na mangatuwiran salig sa kanilang dating kaalaman upang makikilala nila siya bilang ang Mesiyas.—Mateo, kabanata 5-7; Lucas 13:10-21.
3. Paano natin nalalaman na hindi lamang inantig ni Pablo ang damdamin sa pamamagitan ng kaniyang pagtuturo?
3 Gayundin naman, si Pablo, bagama’t itinuturing ng iba na hindi gaanong mahusay magsalita, ay dumulog sa abilidad na mangatuwiran. (Gawa 20:7-9; 2 Corinto 10:10; 11:6) Siya’y sumulat: “Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran. . . . Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip [“upang ang inyong buong saloobin ng isip ay mabago,” Phillips], upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:1, 2.
4. Bago ang isang tao’y mabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, anong mga hakbang ang kailangang kunin?
4 Gayundin sa ngayon, yaong mga nagpapabautismo ay mga tao na nakapag-aral ng Kasulatan at maingat na nakapangatuwiran tungkol sa mga ito bago gumawa ng masinsinang hakbang na pagpapabautismo, o lubusang pagpapalubog sa tubig. (Gawa 17:11, 12) Ang kanilang desisyon ay hindi padalus-dalos at udyok ng silakbo ng damdamin. Bagkus, bago tinanggap sa bautismo, sila’y regular na dumadalo sa mga pulong Kristiyano upang magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin sa pamamagitan ni Kristo Jesus. (Hebreo 10:25) Sila rin naman ay nakibahaging palagian sa ministeryong Kristiyano, at kanilang ipinangaral sa iba ang mabuting balita ng Kaharian. (Gawa 5:42; 1 Corinto 9:16) Pagkatapos, sa huling mga linggo bago sila pabautismo, maingat na nirepaso nila sa tulong ng iba’t ibang hinirang na matatanda ng kongregasyon ang mahigit na 120 mga tanong tungkol sa turo at asal-Kristiyano, at isinaalang-alang din nila ang daan-daang sumusuportang mga teksto sa Bibliya—lahat na ito upang sila’y maging aprobadong mga nag-iingat ng katapatan bago sila pabautismo.—Gawa 8:34-36.a
Ang Pagkakaiba na Nagagawa ng Bautismo
5. Anong asal ang nagpapakilalang kuwalipikado ang isang tao sa bautismo?
5 Ano ba ang nagagawa ng isang tao pagka siya’y napabautismo? Una sa lahat, kaniyang tinutularan ang pinakadakilang tagapag-ingat ng katapatan na lumakad sa lupa kailanman—si Kristo Jesus. Siya mismo ang nagpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng pagpapabautismo nang siya’y mga edad 30 anyos. (Lucas 3:21-23) Nang maglaon ay iniutos niya sa kaniyang mga tagasunod na magturo at magbautismo sa buong daigdig. (Mateo 28:19, 20) Ngunit ang ibig ba niyang sabihin ay basta magbautismo na lamang nang magbautismo ng mga tao ang kaniyang mga alagad nang hindi na isinasaalang-alang ang kanilang kasalukuyang asal?
6, 7. (a) Ano ang kailangan sa isang tunay na tagasunod ni Kristo? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng kabanalan?
6 Inihaharap ni apostol Pedro ang tamang pangmalas nang siya’y sumulat: “Magpakabanal din naman kayo sa lahat ng pitak ng pamumuhay ninyo, sapagkat nasusulat: ‘Kayo’y magpakabanal, sapagkat ako’y banal.’” (1 Pedro 1:15, 16) Bueno, para sa isang nag-alay na Kristiyano, ano ang ibig sabihin ng pagiging “banal”?
7 Ayon sa Expository Dictionary of New Testament Words ni W. E. Vine, ang salitang Griego na haʹgi·os (isinaling “banal”) ay “pangunahing nangangahulugan ng pagkahiwalay . . . at sa gayon, sa Kasulatan sa moral at espirituwal na pangangahulugan nito, pagkabukod sa kasalanan at samakatuwid nakatalaga sa Diyos.” Isa pang iskolar na Griego ang nagsasabi na “ito’y ang katangian na pagiging tulad-diyos.” Ang ganitong pagkaunawa ay naglalagay ng mataas na pamantayan sa mga taong napababautismo bilang tunay na mga Kristiyano. Ito ang pamantayan ng katapatan, at ang katapatan ay ‘matibay na pagkapit sa isang kodigo ng moral na pamantayan’—sa kaso ng Kristiyano, ang mga pamantayan ni Kristo.—Juan 17:17-19; 18:36, 37.
8. (a) Anong mga pamantayan ang umiral sa sinaunang kongregasyong Kristiyano tungkol sa asal? (b) Ang Sangkakristiyanuhan ba ay sumunod sa mga pamantayang iyon? Magbigay ng mga halimbawa buhat sa mga lokal na pangyayari.
8 Sa tuwina iginigiit ng tunay na kongregasyong Kristiyano ang pagtataglay ng integridad o katapatan, at pinamamalagi ang isang malinis na organisasyon. Kaya iniutos ni Pablo sa mga unang Kristiyano na “huwag makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyusan o mapagtungayaw o lasenggo o mangingikil, sa gayo’y huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa ganoong tao. . . . ‘Alisin ninyo sa inyo ang taong balakyot.’” (1 Corinto 5:9-13; 2 Juan 10, 11) Ikinapit ba ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang ganiyang mataas na pamantayan ng katapatan sa kanilang mga kawan? Tinatanggap ng Sangkakristiyanuhan—bilang naturingan o dili kaya’y aktibo na mga miyembro—ang mga taong namihasa na sa paggawa ng lahat ng uri ng malubhang kasalanan at krimen. Ang mga simulain ng Bibliya ay hindi nagpapahintulot sa gayong kaluwagan.—Ihambing ang Jeremias 8:5, 6, 10.
9. Ano ang nakakaakit sa maraming tao sa pag-aalay at bautismo?
9 Tiyak na dahilan sa mataas na pamantayang ito na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova, ang mga taong umiibig sa katotohanan at katapatan ay naaakit na mag-alay ng kanilang sarili sa Soberanong Panginoon ng sansinukob, si Jehovang Diyos. (Habacuc 3:18, 19) Kanilang nakikita ang isang malinaw na pagkakaiba ng iniasal ng makasanlibutang mga relihiyon at ng iniasal naman ng mga Saksi ni Jehova. Totoo, karamihan ng mga tao ay umaayaw sa dalisay na pagsamba. (1 Pedro 4:3, 4) Subalit libu-libong mga umiibig sa katapatan ang tumatanggap sa katotohanan. Kanilang ipinakikita ang kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang mga pamantayan pagka sila’y nagpabautismo sa tubig.—Ihambing ang Marcos 1:10; Juan 3:23; Gawa 8:36.
Katapatan na Salig sa Pag-ibig at Pagtitiis
10. Ano ang kailangan para ang isang Kristiyano ay manatili sa kaniyang katapatan?
10 May halagang dapat ibayad sa katapatan. Niliwanag iyan ni Jesus nang kaniyang anyayahan ang mga tao na maging kaniyang mga tagasunod. “Kung sinuman ay ibig na sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili [“iwanan sa likuran ang sarili,” The New English Bible] at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at sumunod siya sa akin nang patuluyan.” (Marcos 8:34) Ang Kristiyanong nananatili sa katapatan ay dumaraan sa mga pagsubok at mga pagsasakripisyo at ito’y sa kadahilanan na kagaya rin ng napaharap kay Kristo—tayo’y may iisang kaaway, si Satanas. (Efeso 6:11, 12) Ang pagtitiis na ito ay kailangan upang makasunod kay Jesus “nang patuluyan.” Kaya naman, sa pag-aalay ay hindi madali ang magdesisyon; hindi dapat na ito’y isang madaling lumipas na silakbo ng damdamin. Kaya naman ang ilan ay huminto na sa paglakad sa daan ng katotohanan pagkaraan lamang ng mga ilang buwan o mga taon pagkatapos na sila’y mabautismuhan. Paano natin maipaliliwanag iyan?
11. Bakit nga, marahil, ang iba ay hindi nagpatuloy ng paglakad sa katapatan?
11 Marahil ang iba ay napabautismo udyok ng simbuyo ng damdamin at hindi ng makatuwirang kaisipan. Baka naman ang iba ay umaasa sa dagliang mga resulta at sila’y nag-alay para sa sandaling panahon lamang at nakasentro iyon sa sarili. Anuman ang dahilan, kanilang naiwala ang kanilang matibay na kaugnayan kay Jehova. Sila’y hindi ‘masidhing nagmasid’ sa kanilang Uliran, si Jesu-Kristo . (Hebreo 12:1, 2) Kaya naman, ang kanilang pag-ibig sa Diyos ay naglaho at ang kanilang katapatan ay panandalian. At bakit ang pag-ibig ay isang mahalagang katangian dito? Sapagkat ito ang tanging matatag na saligan para sa isang mananatiling pag-aalay kay Jehova.—Marcos 12:30, 31; 1 Juan 4:7, 8, 16; 5:3.
Pag-isipan ang Magagastos sa Katapatan
12. Ano ang matalinong hakbanging dapat kunin bago pabautismo?
12 Hindi hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sumunod sa kaniya nang may kabulagan nang hindi kinukuwenta ang gastos. Siya’y nagpayo: “Sino ba sa inyo ang kung ibig magtayo ng isang moog ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol, upang alamin kung mayroon siyang sapat na magugugol hanggang sa matapos?” Oo, ang isang taong matalino ay maingat na pinagtitimbang-timbang ang kaniyang gagawing pagkilos sa hinaharap. Kailangang matiyak niya ang kaniyang motibo bago tanggapin ang buong pananagutan ng pag-aalay at bautismo bilang Kristiyano. At ipinakita ni Jesus kung ano ang maaaring maging kahulugan niyan nang kaniyang sabihin: “Kaya nga, matitiyak ninyo, sinuman sa inyo na hindi tumatanggi sa lahat niyang ari-arian ay hindi maaaring maging alagad ko.”—Lucas 14:28-33.
13. Kung ang buod ng turo ni Jesus ay pag-ibig, ano ang ibig niyang sabihin nang banggitin niya ang ‘pagkapoot’ sa mga miyembro ng pamilya ng isang tao? (Mateo 22:37-40)
13 Ang pag-aalay kay Jehova ay nangangailangan ng buong-kaluluwang katapatan sa paggawa ng banal na kalooban. Walang sinuman o ari-arian na maaaring payagang mauna pa sa pag-ibig ng isang tao sa Diyos. Kaya naman sinabi ni Jesus: “Kung ang sinumang tao’y pumaparito sa akin at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama at ina at asawang babae at mga anak at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling kaluluwa man, siya ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:26) Bueno, ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin ang pagkapoot sa sariling mga miyembro ng pamilya ng isang tao at pati na ang pagkapoot sa kaniyang sarili? Yamang kaniyang itinuro sa kaniyang mga tagasunod na ibigin kahit ang kanilang mga kaaway, sa anong diwa ginamit niya ang salitang mapoot dito? (Lucas 6:27, 35) Ang pagkapoot dito ay may diwa ng pag-ibig na mas kaunti.—Ihambing ang Mateo 12:46-50.
14. Ano ang reaksiyon ng mga ibang kaibigan at kamag-anak pagka ang isa’y naging isang Saksi ni Jehova? (Juan 15:18, 19)
14 Tunay na kapag ang isang tao ay naging isang Kristiyanong Saksi ni Jehova, biglang nasusumpungan niya kung sino ang kaniyang tunay na mga kaibigan. Ang iba ay marahil iiwas na o magboboykoteo sa kaniya dahil sa kaniyang iniwan na ang kaniyang dating relihiyon, bagama’t sila sa kanilang sarili ay hindi naman sumusunod nang wasto sa anumang relihiyon. Subalit ipinangako ni Jesus na mayroon namang kagantihan ang gayong pagkawala, na ang sabi: “Walang sinumang nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita, na hindi tatanggap ng tig-iisang daan ngayon sa panahong ito . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
15. Bakit kaya hinahamak ng mga iba ang mga Saksi ni Jehova?
15 Sa mga ilang kaso dahilan sa hakbangin ng pag-aalay at integridad ng isang tao ay hinahamak siya ng iba. (1 Corinto 4:12, 13) Bakit nga nagkakaganiyan? Sapagkat ngayon ay sumusunod ka sa isang relihiyon na hindi itinuturing na “kagalang-galang.” (Ihambing ang Marcos 2:15, 16.) Talaga naman, hindi kagalang-galang na ‘gambalain mo ang mga ibang tao sa iyong relihiyon na ipinagbabahay-bahay.’ Hindi kagalang-galang na mabilanggo ka imbis na labagin mo ang iyong pagkaneutral tungkol sa nasyonalismo at sa pagkamakabayan. (Juan 18:36) Hindi kagalang-galang na tanggihan ang pagsasalin ng dugo dahilan sa isang budhi na sinanay sa Bibliya—bagaman ang kasalukuyang salot ng AIDS ay humihila sa mga ibang tao na pag-isipan ang bagay na iyan.—Ihambing ang Gawa 15:28, 29; 17:6, 7; 24:5.
16. Paano tayo tinutulungan upang mapanatili ang ating katapatan?
16 Bagama’t ang daan ng Kristiyanong integridad ay makipot at maraming pagsubok, tayo’y palaging makapagkakamit ng tulong. (Mateo 7:13, 14) Kaya naman nasabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.” (Filipos 4:13) At maaari nating kamtin ang lakas na iyon sa pamamagitan ng palaging pananalangin, ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, at ng pakikisama sa kongregasyong Kristiyano. Bilang bautismadong mga tagapag-ingat ng katapatan, tayo’y makapananatiling tapat at masunurin, dahil sa lakas na ibinibigay ng Diyos.—Efeso 4:11-13; 6:18; Awit 119:105.
Mga Kapakinabangan sa Pananatili sa Katapatan
17. Sa anong pagpapala maaaring umakay ang bautismo?
17 Ang hakbangin ng pag-aalay at bautismo ay umaakay patungo sa maraming pagpapala. Unang-una, maaaring mangahulugan iyan ng isang lalong malawak at kasiya-siyang ministeryo. Nariyan ang maaaring asam-asaming panghinaharap na paglilingkod bilang isang auxiliary payunir, na sa mga ilang kaso ay umaakay tungo sa pagiging regular at espesyal payunir, misyonero, tagapangasiwa ng sirkito o distrito, at paglilingkod sa Bethel. (Tingnan ang kahon sa pahina 26.) Para sa bautismadong mga kapatid na lalaki nabubuksan ang daan para maglingkod sa iba sa kongregasyon bilang isang ministeryal na lingkod at, sa takdang panahon, bilang isang hinirang na matanda. Subalit para sa lahat ng mga pagpapalang ito ay nariyan ang iisang saligang kahilingan—integridad o katapatan.—1 Timoteo 3:1-10.
18. Paanong ang ating buhay ay dapat makaapekto sa iba na ating pinakikitunguhan?
18 Ang mga kapakinabangan sa buhay na dulot ng pag-aalay at katapatan ay lumalaganap upang maapektuhan ang iba. Bilang resulta ng maingat na pagsunod sa halimbawa ni Kristo, ang isa ay nagiging isang lalong mabuting asawang lalaki o asawang babae, ama o ina. (1 Pedro 2:21; Efeso 5:21-33; 6:4) Ang mga kabataan ay nakapagpapaunlad ng isang mainam na kaugnayan sa kanilang mga magulang, mga guro, at mga hinirang na matatanda sa kongregasyon. (Tito 2:6, 7) Bawat bautismadong Kristiyano ay nagiging isang lalong mabuting kapuwa, amo, o empleado. (Mateo 22:39; Efeso 6:5-9; Tito 2:9, 10) At tulad ni Kristo, bawat Kristiyano ay dapat maging nakapagpapatibay na kasamahan para sa iba, gaya ng sinabi ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 11:29.
19. Ano ang isa pang malaking pakinabang sa hakbangin ng pag-aalay?
19 Ang isang malaking kapakinabangan buhat sa pag-aalay at bautismo ay ang mapayapang kaugnayan sa Maylikha. Ito’y umaakay tungo sa kapayapaan ng isip. Gaya ng ipinayo ni Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
20. (a) Sa ano nakasalig “ang kapayapaan ng Diyos”? (b) Anong pagkakataon ang napapaharap sa taong napababautismo?
20 “Ang kapayapaan ng Diyos” ay nakasalig sa malawak na pagkaunawa sa halimbawa at sakripisyo ni Jesus. Ang kaalamang ito kay Kristo ang umaakay sa marami upang taimtim na magsisi at gumawa ng tunay na pagbabago ng kanilang pamumuhay, o ‘pagbabalik-loob’ buhat sa kasalanan. (Gawa 3:19, 20) Kaya naman, ang nag-alay na mga tao ay nagsasabi, gaya ng sinabi ng salmista: “Sa ganang akin, ako’y lalakad sa aking katapatan. . . . Sa nagkakatipong mga pulutong ay pupurihin ko si Jehova.” (Awit 26:11, 12) Ang taong nagpapabautismo sa tubig bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos ay nakikihanay sa mga taong nag-iingat ng katapatan kay Jehova sa buong daigdig. (1 Pedro 2:17) Siya rin naman ay mahigpit na ‘nakahawak sa tunay na buhay,’ ang buhay na walang hanggan, na ipinangako ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—1 Timoteo 6:19; Tito 1:2.
[Talababa]
a Sa The Watchtower ng Hunyo 1, 1985, pahina 29-31, ay binabalangkas ang tumpak na paraan may kinalaman sa bautismo at inihaharap ang dalawang tanong sa mga kandidato sa bandang katapusan ng pahayag sa bautismo.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paanong ang mga sinaunang Kristiyano na unang naakit sa katotohanan ay tinuruan ni Kristo at ng mga apostol?
◻ Paanong ang kabanalan ay may kaugnayan sa indibiduwal na Kristiyano at sa kongregasyon?
◻ Sa ano dapat mapasalig ang integridad?
◻ Ano ang kasangkot sa pag-alam kung magkano ang magugugol na halaga sa integridad?
◻ Ano ang mga pakinabang sa pananatiling tapat?
[Kahon sa pahina 26]
Mga Pribilehiyo sa Buong-Panahong Ministeryo
Auxiliary Payunir: Isang bautismadong ministro na gumugugol ng sa pinakamababa’y 60 oras sa pangangaral sa loob ng isang buwan.
Regular Payunir: Isang bautismadong ministro na gumugugol ng sa katamtaman ay 90 oras buwan-buwan sa pangangaral.
Espesyal Payunir: Isang bautismadong ministro na gumugugol ng di-kukulangin sa 140 oras buwan-buwan sa ministeryo at tumatanggap ng isang maliit na buwanang alawans para sa mga pangunahing gastusin. Ang mga payunir na ito ay karaniwan nang inaatasang maglingkod sa nakabukod na mga grupo at maliliit na kongregasyon.
Misyonero sa Gilead: Isang bautismadong ministro na sinanay sa Watchtower Bible School of Gilead para sa paglilingkod sa ibang bansa at gumugugol din ng di-kukulangin sa 140 oras buwan-buwan sa ministeryo.
Mga Tagapangasiwa ng Sirkito at Distrito: Naglalakbay na mga matatanda na dumadalaw sa mga kongregasyon at mga sirkito upang patibayin ang mga kapatid sa kanilang ministeryo at mga pulong. Sila’y gumugugol ng maraming oras sa paglilingkod sa larangan.
Paglilingkod sa Bethel: Isinasagawa ng buong-panahong mga ministro sa alinman sa mga tanggapang sangay ng Watch Tower Society at mga palimbagan sa buong daigdig.
[Larawan sa pahina 24]
Bautismo ang nagbubukas ng daan . . .
[Larawan sa pahina 25]
. . . patungo sa isang ministeryo ng pag-iingat ng katapatan