KABANATA 86
Ang Pagbabalik ng Nawalang Anak
ILUSTRASYON TUNGKOL SA NAWALANG ANAK
Ibinigay ni Jesus ang mga ilustrasyon tungkol sa nawalang tupa at nawalang baryang drakma marahil noong nasa Perea siya, silangan ng Ilog Jordan. Itinuturo ng mga ilustrasyong ito na dapat tayong maging masaya kapag nagsisi ang isang nagkasala at nanumbalik sa Diyos. Pinipintasan ng mga Pariseo at eskriba si Jesus dahil tinatanggap niya ang gayong mga tao. Pero may matututuhan ba ang mga kritikong ito sa dalawang ilustrasyon ni Jesus? Naintindihan ba nila kung ano ang nadarama ng ating Ama sa langit sa mga nagsisising makasalanan? Nagbigay ngayon si Jesus ng isa pang ilustrasyon na nagdiriin sa importanteng aral na iyan.
Sa ilustrasyon, may isang ama na may dalawang anak na lalaki, at ang nakababatang anak ang pangunahing tauhan. Ang mga Pariseo at eskriba, gayundin ang iba pang nakikinig kay Jesus, ay may matututuhang aral sa nakababatang anak. Pero may makukuha ring aral sa sasabihin ni Jesus tungkol sa saloobin ng ama at ng nakatatandang kapatid. Kaya pag-isipan ang tatlong tauhang ito habang inilalahad ni Jesus ang ilustrasyon:
“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki,” ang simula ni Jesus. “Sinabi ng nakababatang anak sa kaniyang ama, ‘Ama, ibigay mo na sa akin ang parte ko sa mana.’ Kaya hinati niya ang kaniyang mga pag-aari sa dalawa niyang anak.” (Lucas 15:11, 12) Pansinin na hinihingi ng nakababatang anak ang mana hindi dahil patay na ang ama. Buháy pa ang ama. Pero gusto nang makuha ngayon ng anak ang mana para maging malaya na siya at magawa ang gusto niya. Ano ba ang gusto niyang gawin?
“Pagkalipas ng ilang araw,” ang paliwanag ni Jesus, “tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng pag-aari niya, pumunta sa isang malayong lupain, at nilustay ang mga pag-aari niya sa masamang pamumuhay.” (Lucas 15:13) Imbes na manatili sa bahay kapiling ng mapagmahal na ama na naglalaan sa kaniyang mga anak, umalis ang anak na ito papunta sa ibang lugar. Doon niya nilustay ang mana niya at nagpakasasa sa imoral na pamumuhay. Pagkatapos ay naghirap siya, gaya ng sumunod na sinabi ni Jesus:
“Nang maubos na niya ang lahat ng pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupaing iyon, at wala na siyang makain. Namasukan pa nga siya sa isang tagaroon at pinapunta siya sa mga bukid nito para mag-alaga ng mga baboy. At gusto na niyang kumain ng pagkain ng baboy, pero wala man lang nagbibigay sa kaniya ng anumang makakain.”—Lucas 15:14-16.
Ang baboy ay kabilang sa maruruming hayop ayon sa Kautusan ng Diyos, pero naging tagapag-alaga ng baboy ang anak na ito. Sa gutom niya, gusto na niyang kainin ang pagkain na karaniwang ibinibigay sa mga hayop, sa mga baboy na inaalagaan niya. Dahil hiráp na hiráp at desperado na, natauhan siya. Ano ang ginawa niya? Sinabi niya sa sarili: “Maraming pagkain ang mga trabahador ng aking ama, samantalang namamatay ako rito sa gutom! Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko: ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo na lang akong trabahador mo.’” Kaya naglakbay siya pabalik sa kaniyang ama.—Lucas 15:17-20.
Ano kaya ang magiging reaksiyon ng ama? Magagalit kaya siya at susumbatan ang anak? Tatanggapin pa kaya ng ama ang anak? Kung ikaw iyon, ano ang magiging reaksiyon mo? Paano kung anak mo iyon?
NATAGPUAN ANG NAWALANG ANAK
Inilarawan ni Jesus ang nadama ng ama at ang ginawa nito: “Malayo pa [ang anak], natanaw na siya ng kaniyang ama at naawa ito sa kaniya; tumakbo ito, niyakap siya at hinalikan.” (Lucas 15:20) Kahit na nabalitaan ng ama ang masamang pamumuhay ng anak, tinanggap pa rin niya ito. Makikita kaya ng mga lider na Judio, na nag-aangking kilala nila at sinasamba si Jehova, kung ano ang damdamin ng ating makalangit na Ama sa mga nagsisising makasalanan? Makikita kaya nila na ganoon din ang damdamin ni Jesus?
Malamang na nababakas ng maunawaing ama sa malungkot at hiyang-hiyang hitsura ng kaniyang anak na nagsisisi ito. Pero dahil sinalubong ng mapagmahal na ama ang kaniyang anak, naging mas madali para sa anak na aminin ang pagkakamali nito. Nagpatuloy si Jesus: “Sinabi ng anak sa ama, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.’”—Lucas 15:21.
Inutusan ng ama ang kaniyang mga alipin: “Dali! Maglabas kayo ng mahabang damit, ang pinakamaganda, at isuot ninyo iyon sa kaniya. Suotan din ninyo siya ng singsing at sandalyas. At kumuha kayo ng pinatabang guya, patayin ninyo iyon, at kumain tayo at magdiwang, dahil ang anak kong ito ay patay na pero muling nabuhay; siya ay nawala at natagpuan.” Pagkatapos, “nagsimula silang magsaya.”—Lucas 15:22-24.
Samantala, nasa bukid ang nakatatandang anak. Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniya: “Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, nakarinig siya ng musika at sayawan. Kaya tinawag niya ang isa sa mga lingkod at itinanong kung ano ang nangyayari. Sinabi nito sa kaniya, ‘Dumating ang kapatid mo, at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil ligtas na nakabalik sa kaniya ang kapatid mo.’ Pero nagalit siya at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kaniyang ama at pinakiusapan. Sinabi niya sa kaniyang ama, ‘Napakaraming taon na akong nagtatrabaho sa iyo, at sinunod ko ang lahat ng utos mo, pero kahit kailan ay hindi mo ako binigyan ng batang kambing para pagsaluhan namin ng mga kaibigan ko. Pero pagdating na pagdating ng anak mong ito na lumustay ng kayamanan mo sa mga babaeng bayaran, pinatay mo ang pinatabang guya para sa kaniya.’”—Lucas 15:25-30.
Sino-sino, gaya ng nakatatandang anak, ang bumatikos kay Jesus dahil kinaawaan niya at binigyan ng atensiyon ang ordinaryong mga tao at mga makasalanan? Ang mga eskriba at Pariseo. Dahil sa pagbatikos nila kung kaya ibinigay ni Jesus ang ilustrasyong ito. Kaya ang aral na ito ay dapat seryosohin ng sinumang bumabatikos sa pagpapakita ng Diyos ng awa.
Tinapos ni Jesus ang ilustrasyon sa paglalahad sa pakiusap ng ama sa nakatatandang anak: “Anak, lagi na kitang kasama, at lahat ng sa akin ay sa iyo. Pero dapat tayong magdiwang at magsaya, dahil ang kapatid mo ay patay na pero nabuhay; siya ay nawala at natagpuan.”—Lucas 15:31, 32.
Hindi na sinabi ni Jesus kung ano ang ginawa ng nakatatandang anak nang maglaon. Pero pagkamatay ni Jesus at nang buhayin siyang muli, “isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.” (Gawa 6:7) Baka ang ilan sa mga ito ay naroon mismo nang ilahad ni Jesus ang mapuwersang ilustrasyon tungkol sa nawalang anak. Oo, kahit ang mga tulad nila ay posibleng matauhan, magsisi, at manumbalik sa Diyos.
Maisasapuso ngayon ng mga alagad ni Jesus ang mahahalagang aral sa napakagandang ilustrasyong ito, at dapat naman. Ang unang aral ay kung bakit isang matalinong hakbang na manatili sa loob ng bayan ng Diyos, sa pangangalaga ng ating Ama na mahal na mahal tayo at naglalaan ng pangangailangan natin, imbes na lumayo at magpakasasa sa “isang malayong lupain.”
Ang isa pang aral ay kung sinuman sa atin ang magkasala at mapalayo sa Diyos, dapat na mapagpakumbaba tayong manumbalik sa ating Ama para muli niya tayong lingapin.
May aral ding makikita sa pagkakaiba ng reaksiyon ng ama, na naging mapagpatawad at muling tinanggap ang anak, at ng nakatatandang kapatid na sumamâ ang loob at ayaw tanggapin ang kapatid. Maliwanag, gugustuhin ng mga lingkod ng Diyos na patawarin at tanggaping muli ang sinumang naligaw ng landas na tunay na nagsisisi at nanunumbalik sa ‘bahay ng Ama.’ Magsaya tayo sa ating kapatid na “patay na pero nabuhay; . . . nawala at natagpuan.”