Matuto Mula sa Pamilya ni Jesus sa Lupa
ANO ang nalalaman mo tungkol sa pamilya ni Jesus, yaong mga nakasama niya hanggang sa kaniyang bautismo, sa unang 30 taon ng kaniyang buhay sa lupa? Ano ang sinasabi sa atin ng mga ulat ng Ebanghelyo? Ano ang matututuhan natin sa pagsusuri sa kaniyang pamilya? Makikinabang ka sa mga kasagutan.
Si Jesus ba ay ipinanganak sa isang pamilyang may-kaya sa buhay? Si Jose na kaniyang ama-amahan ay isang karpintero. Nangangailangan iyan ng puspusang paggawa, na karaniwang nangangahulugan ng pagputol ng mga punungkahoy para may magamit na tabla. Nang magtungo ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem mga 40 araw pagkasilang niya, iniharap nila ang isang haing handog na itinakda ng Kautusan. Naghandog ba sila ng isang barakong tupa kasama ng isang batu-bato o isang kalapati, gaya ng itinakda ng Kautusan? Hindi. Lumilitaw na hindi nila kaya ang gayong mga handog. Gayunman, may kaayusan ang Kautusan para sa mahihirap. Kasuwato niyan, sina Jose at Maria ay naghandog ng “isang pares ng batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” Ipinakikita ng napili nilang di-gaanong mahal na mga hayop na mahirap lamang ang kanilang pamilya.—Lucas 2:22-24; Levitico 12:6, 8.
Makikita mo na si Jesu-Kristo, ang Tagapamahala ng buong sangkatauhan sa hinaharap, ay isinilang sa mga maralita, kasama ng mga kailangang magpagal upang magkaroon ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay. Lumaki siyang isang karpintero, gaya ng kaniyang ama-amahan. (Mateo 13:55; Marcos 6:3) “Bagaman [si Jesus] ay mayaman” bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang sa langit, sinasabi ng Bibliya na “nagpakadukha” siya alang-alang sa atin. Nagpakababa siya bilang isang tao at lumaki sa isang pamilya ng pangkaraniwang tao. (2 Corinto 8:9; Filipos 2:5-9; Hebreo 2:9) Hindi ipinanganak si Jesus sa isang nakaririwasang pamilya, at maaaring nakatulong ito sa pagiging palagay ng ilang tao sa kaniya. Hindi sila nagambala ng kaniyang katayuan o posisyon. Pinahalagahan nila siya dahil sa kaniyang mga turo, sa kaniyang kaakit-akit na mga katangian, at sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa. (Mateo 7:28, 29; 9:19-33; 11:28, 29) Mauunawaan natin ang karunungan ng Diyos na Jehova sa pagpapahintulot na si Jesus ay ipanganak sa isang pangkaraniwang pamilya.
Ngayon, isaalang-alang natin ang mga kapamilya ni Jesus at tingnan kung ano ang matututuhan natin mula sa kanila.
Si Jose—Isang Taong Matuwid
Nang matuklasan ni Jose na nagdadalang-tao na ang kaniyang nobya “bago sila nagsama,” malamang na nahirapan siyang mamili sa pagitan ng pag-ibig niya kay Maria at ng pagkamuhi niya sa maaaring isipin bilang imoralidad. Waring isang sagabal sa kaniyang karapatan bilang magiging asawa ni Maria ang buong situwasyon. Noong panahon niya, ang isang babaing ipinakipagtipan na ay itinuturing na parang asawa na ng lalaki. Pagkatapos mag-isip-isip, ipinasiya ni Jose na diborsiyuhin si Maria nang palihim upang hindi siya batuhin bilang isang mangangalunya.—Mateo 1:18; Deuteronomio 22:23, 24.
Pagkatapos, isang anghel ang nagpakita kay Jose sa isang panaginip at nagsabi: “Huwag kang matakot na iuwi si Maria na iyong asawa, sapagkat yaong pinangyaring maipaglihi niya ay sa pamamagitan ng banal na espiritu. Siya ay magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nang marinig ang tagubiling iyan mula sa Diyos, kumilos si Jose alinsunod dito at iniuwi si Maria.—Mateo 1:20-24.
Dahil sa pasiyang ito, ang matuwid at tapat na taong iyon ay nagkaroon ng bahagi sa katuparan ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Narito! Ang dalaga mismo ay magdadalang-tao nga, at magsisilang siya ng isang anak na lalaki, at tatawagin nga niyang Emmanuel ang pangalan nito.” (Isaias 7:14) Si Jose ay tiyak na isang espirituwal na lalaki na nagpahalaga sa pribilehiyo na maging ama-amahan ng Mesiyas, sa kabila ng katotohanang ang panganay na anak ni Maria ay hindi niya magiging sariling anak.
Hindi nakipagtalik si Jose kay Maria hanggang sa maisilang nito ang kaniyang anak. (Mateo 1:25) Para sa mag-asawang bagong-kasal, maaaring naging isang hamon ang hindi magtalik, subalit maliwanag na ayaw nila ng anumang maling pagkaunawa sa kung sino ang Ama ng sanggol. Anong inam na halimbawa ng pagpipigil sa sarili! Inuna muna ni Jose ang espirituwal na mga simulain kaysa sa kaniyang likas na mga pagnanasa.
Sa apat na pagkakataon, tumanggap si Jose ng tagubilin mula sa anghel tungkol sa pagpapalaki ng kaniyang anak-anakan. Tatlo sa mga ito ay may kinalaman sa kung saan palalakihin ang bata. Mahalaga sa kaligtasan ng bata ang kagyat na pagsunod. Sa lahat ng mga pagkakataon, kumilos kaagad si Jose, anupat dinala ang bata sa Ehipto muna at pagkatapos ay pabalik sa Israel. Iningatan nito ang batang si Jesus mula sa pagmasaker ni Herodes sa mga sanggol na lalaki. Bukod dito, ang pagsunod ni Jose ay nagpahintulot na matupad ang mga hula may kinalaman sa Mesiyas.—Mateo 2:13-23.
Tinuruan ni Jose si Jesus ng isang trabaho upang masuportahan niya ang kaniyang sarili. Kaya naman, nakilala si Jesus hindi lamang bilang “ang anak ng karpintero” kundi bilang “ang karpintero.” (Mateo 13:55; Marcos 6:3) Isinulat ni apostol Pablo na si Jesus ay “sinubok sa lahat ng bagay tulad natin.” Natural lamang na kasali rito ang pagpapagal upang suportahan ang pamilya.—Hebreo 4:15.
Sa wakas, makikita natin ang debosyon ni Jose sa tunay na pagsamba sa huling ulat kung saan siya lumilitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Dinala ni Jose ang kaniyang pamilya sa Jerusalem para sa Paskuwa. Mga lalaki lamang ang hinihiling na dumalo, subalit naging kaugalian na ni Jose na dalhin ang kaniyang pamilya sa Jerusalem “taun-taon.” Gumawa siya ng malalaking sakripisyo, sapagkat kailangan nilang lumakad nang mga 100 kilometro mula sa Nazaret hanggang sa Jerusalem. Gayunman, sa pagkakataong iyon na iniulat ng Kasulatan, napahiwalay si Jesus sa grupo. Nasumpungan siya sa templo na nakikinig at nagtatanong sa mga guro ng Kautusan. Bagaman 12 taóng gulang lamang, nagpamalas si Jesus ng dakilang karunungan at kaalaman sa Salita ng Diyos. Mula sa insidenteng ito, nakikita natin na si Jesus ay tiyak na tinuruang mabuti ng kaniyang mga magulang, anupat pinalaki upang maging isang batang palaisip sa espirituwal na mga bagay. (Lucas 2:41-50) Maliwanag na namatay si Jose mga ilang panahon pagkatapos nito, yamang hindi na siya binabanggit sa mga ulat ng Kasulatan sa dakong huli.
Oo, si Jose ay isang matuwid na taong nangalaga nang mainam sa kaniyang pamilya, kapuwa sa espirituwal at sa pisikal na paraan. Tulad ni Jose, inuuna mo ba ang espirituwal na kapakanan sa iyong buhay kapag nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos para sa atin sa ngayon? (1 Timoteo 2:4, 5) Kusang-loob mo bang sinusunod ang sinasabi ng Diyos gaya ng nakasaad sa Salita ng Diyos, sa gayo’y ipinakikita ang pagpapasakop na gaya ng kay Jose? Tinuturuan mo ba ang iyong mga anak upang matuto silang makipag-usap sa iba tungkol sa espirituwal na mga bagay?
Si Maria—Isang Di-makasariling Lingkod ng Diyos
Si Maria, ang ina ni Jesus, ay isang ekselenteng lingkod ng Diyos. Nang ipahayag ng anghel na si Gabriel na siya ay magkakaanak, nagulat siya. Palibhasa’y isang birhen, hindi pa siya ‘nakikipagtalik sa lalaki.’ Nang malaman niya na magsisilang siya sa pamamagitan ng banal na espiritu, mapagpakumbaba niyang tinanggap ang mensahe, na sinasabi: “Narito! Ang aliping babae ni Jehova! Maganap nawa ito sa akin ayon sa iyong kapahayagan.” (Lucas 1:30-38) Gayon na lamang ang pagpapahalaga niya sa espirituwal na pribilehiyo anupat handa niyang batahin ang anumang hirap na maaaring idulot ng kaniyang pasiya.
Tunay, binago ng pagtanggap niya ng atas ang kaniyang buong buhay bilang isang babae. Nang magtungo siya sa Jerusalem para sa kaniyang pagpapadalisay, sinabi sa kaniya ng isang mapagpitagang matandang lalaki na nagngangalang Simeon: “Isang mahabang tabak ang patatagusin sa iyo mismong kaluluwa.” (Lucas 2:25-35) Maliwanag, tinutukoy niya kung ano ang madarama ni Maria kapag nakita niyang si Jesus ay itinakwil ng marami at sa wakas ay ipinako sa isang pahirapang tulos.
Habang lumalaki si Jesus, iningatan ni Maria sa isipan ang nangyayari sa buhay nito, anupat “bumubuo ng mga palagay sa kaniyang puso.” (Lucas 2:19, 51) Tulad ni Jose, isa siyang espirituwal na tao at iningatan niya sa isipan ang mga pangyayari at mga pananalita na tumupad sa mga hula. Tiyak na nanatili sa isipan niya ang sinabi sa kaniya ng anghel na si Gabriel: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Oo, isinapuso niya ang pribilehiyo na maging ina ng Mesiyas sa lupa.
Muling nakita ang espirituwalidad ni Maria nang makipagkita siya kay Elisabet, na kamag-anak niya na makahimala ring nagdadalang-tao. Pagkakita sa kaniya, pinuri ni Maria si Jehova at isiniwalat ang kaniyang pag-ibig sa Salita ng Diyos. Tinukoy niya ang panalangin ni Hana na nakatala sa 1 Samuel kabanata 2 at inilakip ang mga kaisipan mula sa iba pang mga aklat sa Hebreong Kasulatan. Ipinakikita ng gayong kaalaman sa Kasulatan na kuwalipikado siyang maging isang ina na deboto at may takot sa Diyos. Makikipagtulungan siya kay Jose sa espirituwal na pagpapalaki sa kaniyang anak.—Genesis 30:13; 1 Samuel 2:1-10; Malakias 3:12; Lucas 1:46-55.
May matibay na pananampalataya si Maria sa kaniyang anak bilang ang Mesiyas, at hindi iyan naglaho kahit pagkamatay ni Jesus. Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, kabilang siya sa tapat na mga alagad na nagtipon upang manalangin na kasama ng mga apostol. (Gawa 1:13, 14) Pinanatili niya ang kaniyang katapatan, sa kabila ng bagay na kailangan niyang batahin ang matinding paghihirap na makita ang kaniyang minamahal na anak na namamatay sa isang pahirapang tulos.
Paano ka makikinabang sa pagkaalam ng tungkol sa buhay ni Maria? Tinatanggap mo ba ang pribilehiyo na maglingkod sa Diyos anuman ang sakripisyong nasasangkot dito? Nababahala ka ba sa pagiging seryoso ng pribilehiyong ito sa ngayon? Isinasaisip mo ba ang inihula ni Jesus at inihahambing iyon sa nangyayari sa ngayon, anupat ‘bumubuo ng palagay sa iyong puso’? (Mateo, kabanata 24 at 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21) Tinutularan mo ba si Maria sa pagiging bihasa sa Salita ng Diyos, anupat palaging ginagamit ito sa iyong pakikipag-usap? Pananatilihin mo ba ang iyong pananampalataya kay Jesus sa kabila ng pagpapahirap sa isipan na maaaring danasin mo dahil sa pagiging tagasunod niya?
Mga Kapatid ni Jesus—Posible ang Pagbabago
Waring hindi nanampalataya kay Jesus ang kaniyang mga kapatid hanggang pagkamatay niya. Malamang na ito ang dahilan kung bakit wala sila nang mamatay siya sa pahirapang tulos anupat ipinagkatiwala niya ang kaniyang ina kay apostol Juan. Ipinakita ng mga kapamilya ni Jesus na hindi nila siya pinahahalagahan, anupat sinabi pa nga nila noong minsan na si Jesus ay “nasisiraan . . . ng kaniyang isip.” (Marcos 3:21) Yamang si Jesus ay may mga kapamilya na di-mananampalataya, makatitiyak yaong mga may di-sumasampalatayang kasambahay na nauunawaan ni Jesus ang kanilang nadarama kapag nililibak sila ng mga kamag-anak dahil sa kanilang pananampalataya.
Gayunman, pagkatapos ng pagkabuhay-muli ni Jesus, maliwanag na nanampalataya sa kaniya ang mga kapatid niya. Kasama sila sa grupo na nagtipon sa Jerusalem bago ang Pentecostes ng 33 C.E. at taimtim na nanalanging kasama ng mga apostol. (Gawa 1:14) Maliwanag, ang pagkabuhay-muli ng kanilang kapatid sa ina ang nagpakilos sa kanila na magbago, hanggang sa punto na maging mga alagad niya. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa mga kamag-anak na hindi natin kapananampalataya.
Si Santiago, na kapatid ni Jesus sa ina at na sa kaniya’y personal na nagpakita si Jesus, ay iniuulat sa Kasulatan bilang may namumukod-tanging papel sa kongregasyong Kristiyano. Sumulat siya sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano ng isang liham na kinasihan ng Diyos, anupat pinapayuhan silang ingatan ang kanilang pananampalataya. (Gawa 15:6-29; 1 Corinto 15:7; Galacia 1:18, 19; 2:9; Santiago 1:1) Si Judas, ang isa pang kapatid ni Jesus sa ina, ay sumulat ng isang kinasihang liham upang patibaying-loob ang mga kapananampalataya na puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya. (Judas 1) Kapansin-pansin na hindi ginamit ni Santiago o ni Judas ang kanilang kaugnayan kay Jesus bilang kapatid sa ina sa kanilang liham upang kumbinsihin ang kanilang kapuwa mga Kristiyano. Anong inam na aral ng kahinhinan ang matutuhan natin mula sa kanila!
Kaya, ano ang ilang bagay na matututuhan natin mula sa pamilya ni Jesus? Oo, mga aral tungkol sa debosyon na maipamamalas sa ganitong mga paraan: (1) May-katapatang magpasakop sa ipinahayag na kalooban ng Diyos at harapin ang lahat ng mga pagsubok na dulot nito. (2) Unahin muna ang espirituwal na mga simulain, kahit na mangahulugan iyan ng paggawa ng mga sakripisyo. (3) Sanayin ang mga anak na kasuwato ng Kasulatan. (4) Huwag mawalan ng pag-asa sa mga kapamilya na hindi mo kapananampalataya. (5) Huwag ipagmalaki ang anumang kaugnayan mo sa ilang prominente sa kongregasyong Kristiyano. Oo, ang pagkilala sa pamilya ni Jesus sa lupa ay lalong nagpapalapit sa atin sa kaniya at nagpapalago ng ating pagpapahalaga sa pagpili ni Jehova ng isang karaniwang pamilya upang palakihin si Jesus sa panahon ng kaniyang pagkabata.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Kinuha ni Jose si Maria bilang kaniyang asawa at nagkaroon ng bahagi sa katuparan ng mga hula tungkol sa Mesiyas
[Mga larawan sa pahina 6]
Tinuruan nina Jose at Maria ang kanilang mga anak ng espirituwal na mga simulain at ng kahalagahan ng trabaho
[Mga larawan sa pahina 7]
Bagaman pinalaki sa isang espirituwal na sambahayan, hindi nanampalataya kay Jesus ang kaniyang mga kapatid hanggang noong pagkamatay niya
[Mga larawan sa pahina 8]
Pinatibay-loob ng mga kapatid ni Jesus sa ina na sina Santiago at Judas ang kanilang kapuwa mga Kristiyano