Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Ilustrasyon na mga Mina
SI Jesus ay marahil nasa tahanan pa ni Zakeo, na kung saan tumigil siya nang siya’y papunta sa Jerusalem. May paniwala ang kaniyang mga alagad na pagka sila’y naroon na sa Jerusalem, kaniyang sasabihin na siya nga ang Mesiyas at itatayo roon ang kaniyang Kaharian. Upang ituwid ang ganitong kaisipan at ipakita na ang Kaharian ay matatagalan pa ang pagdating, si Jesus ay nagbigay ng isang ilustrasyon o paghahalimbawa.
“Isang mahal na tao,” sabi niya, “ang naparoon sa isang malayong lupain upang tumanggap ng kapangyarihan sa Kaharian ukol sa kaniyang sarili at magbalik.” Si Jesus ang “mahal na tao,” at ang langit ang “malayong lupain.” Pagdating niya roon, siya’y pagkakalooban ng kaniyang Ama ng kapangyarihan sa Kaharian.
Gayunman, bago lumisan, ang sampung alipin ay tinawag ng mahal na tao at kaniyang pinagbibigyan ang bawat isa sa kanila ng isang pilak na mina at ang sabi: “Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako’y dumating.” Ang sampung alipin sa unang-unang katuparan ay kumakatawan sa mga unang alagad ni Jesus. Sa isang pinalawak na katuparan, sila’y lumalarawan sa lahat ng mga nakahanay na maging mga tagapagmanang kasama niya sa makalangit na Kaharian.
Ang pilak na mga mina ay mga salaping may halaga, bawat mina ay mga tatlong buwang kita ng isang manggagawa sa bukid. Subalit ano ba ang kinakatawan ng mga mina? At sa anong uri ng pangangalakal dapat gamitin iyon ng mga alipin?
Ang mga mina ay kumakatawan sa mga ari-arian na magagamit ng inianak-sa-espiritung mga alagad sa paggawa ng higit pang mga alagad na magiging mga tagapagmana ng makalangit na Kaharian hanggang sa dumating si Jesus bilang hari sa ipinangakong Kaharian. Pagkatapos na buhaying-muli at pakita siya sa kaniyang mga alagad, kaniyang ibinigay sa kanila ang makasagisag na mina para sa paggawa ng higit pang mga alagad at sa gayo’y maragdagan ang mga nasa uring Kaharian-ng-langit.
“Subalit,” ang pagpapatuloy ni Jesus, “ang kaniyang mga mamamayan ay napopoot [sa mahal na tao] at kanilang ipinahabol siya sa isang grupo ng mga embahador, upang sabihin, ‘Ayaw kami na ang taong ito ay maghari sa amin.’” Ang mga mamamayan ay mga Israelita, o mga Judio, hindi kasali ang kaniyang mga alagad. Pagkatapos na lumisan si Jesus patungo sa langit, ang mga Judiong ito sa kanilang pag-uusig sa kaniyang mga alagad ay nagpakilala na hindi nila ibig na siya’y maging hari nila. Sa ganitong paraan sila’y kumikilos na tulad ng mga mamamayan na nagsugo ng lupon ng mga embahador.
Papaano ginagamit ng sampung alipin ang kanilang mga mina? Ganito ang paliwanag ni Jesus: “At nangyari na nang siya’y magbalik pagkatapos matanggap ang kapangyarihan sa Kaharian, kaniyang ipinatawag sa harapan niya ang mga aliping ito na pinagbigyan niya ng salaping pilak, upang alamin kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal. At dumating sa harapan niya ang una, na ang sabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay nagtubo ng sampung mina.’ At sinabi sa kaniya, ‘Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin! Sapagkat sa napakaliit ay nagtapat ka, mamahala ka sa sampung lunsod.’ At dumating ang ikalawa, na ang sabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay nagtubo ng limang mina.’ Kaniyang sinabi sa isa pang ito, ‘Mamahala ka naman sa limang lunsod.’”
Ang alipin na may sampung mina ay lumalarawan sa isang uri o grupo ng mga alagad mula noong Pentecostes 33 C.E. hanggang ngayon at kasali rito ang mga apostol. Yaong binigyan ng limang mina ay kumakatawan sa isang grupo sa kaparehong panahon na, ayon sa kanilang mga pagkakataon at mga kakayahan, nagpapalago sa mga ari-arian sa lupa ng kanilang hari. Ang mga grupo ay kapuwa masigasig na nangangaral ng mabuting balita, at ang ibinunga, maraming mga taong may matuwid na puso ang nagiging mga Kristiyano. Siyam sa mga alipin ang naging matagumpay sa pangangalakal at napalago ang kanilang mga pag-aari.
“Ngunit,” ang pagpapatuloy ni Jesus, “dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina, na aking itinago sa isang panyo. Dahil sa ako’y natatakot sa iyo sapagkat ikaw ay isang taong mabagsik; kinukuha mo ang hindi mo inilagay at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’ Sinabi niya sa kaniya, ‘Sa sariling bibig mo kita hinahatulan, ikaw na balakyot na alipin. Alam mo na ako’y taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagay at gumagapas ng hindi ko inihasik, di ba? Kung gayon, bakit hindi mo inilagay sa bangko ang aking salaping pilak? Kung magkagayon, sa aking pagbabalik ay nakuha ko sana iyon na may tubo pa.’ Pagkatapos ay sinabi niya sa mga nangakatayo roon, ‘Alisin ninyo sa kaniya ang mina at ibigay ninyo sa may sampung mina.’”
Ang pagkawala ng simbolikong mina ay nangangahulugan ng pagkawala ng dako sa makalangit na Kaharian para sa masamang alipin. Oo, kaniyang iniwawala ang pribilehiyo ng paghahari, wika nga, sa sampung lunsod o limang lunsod. Pansinin, din naman, na ang alipin ay hindi pinagsasabihan na siya’y masama dahil sa anumang kasamaan na kaniyang ginagawa kundi, bagkus, dahil sa di-paggawa para mapalago ang kayamanan ng kaharian ng kaniyang panginoon.
Nang ang mina ng masamang alipin ay ibigay sa unang alipin, ganito ang pagtutol na bumangon: “Panginoon, siya’y may sampung mina!” Subalit, sumagot si Jesus: “Bawat sinumang mayroon, higit pa ang ibibigay sa kaniya; datapuwat ang sinumang wala, pati ang nasa kaniya ay aalisin pa sa kaniya. At, itong aking mga kaaway na ayaw na ako’y maghari sa kanila dalhin ninyo rito at patayin ninyo sila sa harapan ko.” Lucas 19:11-27; Mateo 28:19, 20.
◆ Ano ang dahilan ng pagbibigay ni Jesus ng ilustrasyon tungkol sa mga mina?
◆ Sino ang mahal na tao, at ano ang lupain na kaniyang pinaparoonan?
◆ Sino ang mga mamamayan, at papaano nila ipinakikita ang kanilang pagkapoot?
◆ Sino ang mga alipin, at ano ang kinakatawan ng mga mina?
◆ Bakit ang isang alipin ay tinawag na masama, at ano ang ibig sabihin ng pagkawala ng kaniyang mina?