Lucas—Isang Minamahal na Kamanggagawa
ANG taon ay 65 C.E. Nasa Roma si Lucas. Alam niyang delikadong magpakilala siya na kaibigan ni apostol Pablo, na nililitis noon dahil sa pananampalataya nito. Waring kamatayan ang magiging sentensiya ni Pablo. Pero sa kritikal na panahong iyon, si Lucas—at tanging si Lucas lamang—ang kasama ng apostol.—2 Timoteo 4:6, 11.
Kilala ng mga mambabasa ng Bibliya si Lucas dahil sa Ebanghelyong isinulat niya na nagtataglay ng kaniyang pangalan. Naglakbay si Lucas sa malalayong lugar kasama ni Pablo. Tinawag siya ng apostol bilang “minamahal na manggagamot” at isang “kamanggagawa.” (Colosas 4:14; Filemon 24) Walang gaanong ibinigay na impormasyon ang Kasulatan hinggil kay Lucas, at tatlong beses lamang nito binanggit ang kaniyang pangalan. Subalit kapag nabasa mo ang iba pang nakuhang impormasyon hinggil kay Lucas, malamang na pahahalagahan mo rin ang tapat na Kristiyanong ito gaya ng ginawa ni Pablo.
Manunulat at Misyonero
Yamang si Lucas ang sumulat ng Ebanghelyo ni Lucas, at dahil kapuwa ipinatungkol kay Teofilo ang ebanghelyong ito at ang Mga Gawa ng mga Apostol, masasabi natin na si Lucas ang sumulat ng dalawang kinasihang aklat na ito. (Lucas 1:3; Gawa 1:1) Hindi inaangkin ni Lucas na aktuwal niyang nasaksihan ang ministeryo ni Jesu-Kristo. Sa halip, sinabi ni Lucas na nakakuha siya ng impormasyon mula sa mga saksi at ‘tinalunton ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.’ (Lucas 1:1-3) Kaya malamang na si Lucas ay naging tagasunod ni Kristo mga ilang panahon pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E.
Ipinapalagay ng ilan na si Lucas ay nagmula sa Antioquia sa Sirya. Ganito ang naging konklusyon nila dahil detalyadong inilalahad sa Gawa ang mga pangyayaring naganap sa Antioquia at espesipikong sinasabi ng aklat na ito na ang isa sa pitong “lalaking may patotoo” ay “isang proselita mula sa Antioquia,” samantalang hindi binanggit ang lunsod na pinanggalingan ng iba pang anim na lalaki. Sabihin pa, hindi tayo nakatitiyak na ang partikular na pagbanggit na ito sa Antioquia ay nagpapahiwatig na tagaroon si Lucas.—Gawa 6:3-6.
Bagaman hindi binanggit ang pangalan ni Lucas sa Gawa, may ilang teksto na gumagamit ng mga panghalip gaya ng “kami,” “namin,” at “amin,” na nagpapahiwatig na kasama siya sa ilang pangyayaring inilahad sa aklat na ito. Nang taluntunin ni Lucas ang rutang binagtas ni Pablo at ng mga kasamahan nito sa Asia Minor, sinabi niya: “Nilampasan nila ang Misia at bumaba sa Troas.” Sa Troas nakakita si Pablo ng pangitain hinggil sa isang lalaking taga-Macedonia na namanhik sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” Nagpatuloy si Lucas: “Pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming makaparoon sa Macedonia.” (Gawa 16:8-10) Ang pagpapalit ng panghalip mula sa “nila” tungo sa ‘namin’ ay nagpapahiwatig na sumama si Lucas sa grupo ni Pablo sa Troas. Pagkatapos ay inilarawan ni Lucas ang gawaing pangangaral sa Filipos at ginamit ang panghalip na “kami,” na nagpapahiwatig na nakibahagi siya sa pangangaral na iyon. Sumulat siya: “Nang araw ng sabbath ay pumaroon kami sa labas ng pintuang-daan sa tabi ng isang ilog, kung saan iniisip naming may dakong panalanginan; at umupo kami at nagsimulang makipag-usap sa mga babaing nagkatipon.” Bilang resulta, tinanggap ni Lydia at ng kaniyang buong sambahayan ang mabuting balita at sila ay nabautismuhan.—Gawa 16:11-15.
Sinalansang sina Pablo sa Filipos, kung saan pinagaling ng apostol ang isang alilang babae na nanghuhula sa ilalim ng impluwensiya ng “isang demonyo ng panghuhula.” Nang makita ng mga panginoon ng babae na nawalan na sila ng pagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas. Pagkatapos, pinagbubugbog at ibinilanggo ng mga tao ang dalawang ito. Lumilitaw na hindi naaresto si Lucas, yamang ipinahiwatig niya sa kaniyang paglalahad na hindi niya naranasan ang pagmamaltratong ginawa sa kaniyang mga kasamahan. Nang palayain sina Pablo at Silas, “pinatibay-loob nila ang mga [kapatid] at lumisan.” Nang maglaon, ipinahiwatig ni Lucas na kasama siya ni Pablo nang bumalik ito sa Filipos. (Gawa 16:16-40; 20:5, 6) Marahil ay nanatili si Lucas sa Filipos para pangasiwaan ang gawain doon.
Pagkuha ng Impormasyon
Paano nakakuha si Lucas ng impormasyon para sa kaniyang Ebanghelyo at sa aklat ng Gawa? Ang mga seksiyon ng Gawa kung saan gumamit si Lucas ng mga panghalip na gaya ng kami at namin ay nagpapahiwatig na sinamahan niya si Pablo mula sa Filipos patungo sa Jerusalem. Dito muling inaresto ang apostol. Sa paglalakbay na ito, nanuluyan ang grupo ni Pablo sa bahay ni Felipe, ang ebanghelisador sa Cesarea. (Gawa 20:6; 21:1-17) Malamang na nakuha ni Lucas ang impormasyon hinggil sa pasimula ng gawaing pagmimisyonero sa Samaria mula kay Felipe, na siyang nangunguna noon sa gawaing pangangaral sa lugar na iyon. (Gawa 8:4-25) Pero saan pa nakakuha si Lucas ng impormasyon?
Ang dalawang taon na ginugol ni Pablo sa bilangguan sa Cesarea ang malamang na nagbigay kay Lucas ng pagkakataon na makapagsaliksik para sa kaniyang Ebanghelyo. Malapit doon ang Jerusalem, kung saan maaari niyang makita ang talaan ng talaangkanan ni Jesus. Maraming iniulat si Lucas hinggil sa buhay at ministeryo ni Jesus na mababasa lamang sa kaniyang Ebanghelyo. Sa katunayan, ayon sa isang iskolar, mga 82 detalye hinggil kay Jesus ang makikita lamang sa Ebanghelyo ni Lucas.
Posibleng nalaman ni Lucas ang mga detalye hinggil sa kapanganakan ni Juan mula kay Elisabet, ang ina ni Juan na Tagapagbautismo. Ang mga pangyayari hinggil sa kapanganakan at pagkabata ni Jesus ay malamang na nalaman niya sa ina ni Jesus, si Maria. (Lucas 1:5–2:52) Marahil ay ikinuwento nina Pedro, Santiago, o Juan kay Lucas ang makahimalang paghuli nila ng maraming isda. (Lucas 5:4-10) Sa Ebanghelyo ni Lucas lamang natin mababasa ang ilan sa mga talinghaga ni Jesus, gaya ng madamaying Samaritano, ang makipot na pinto, ang nawalang baryang drakma, ang alibughang anak, at ang taong mayaman at si Lazaro.—Lucas 10:29-37; 13:23, 24; 15:8-32; 16:19-31.
May masidhing interes si Lucas sa mga tao. Iniulat niya ang handog ni Maria sa pagdadalisay, ang pagkabuhay-muli ng anak ng babaing balo, at ang pagpahid ng isang babae ng langis sa paa ni Jesus. Si Lucas ang bumanggit hinggil sa mga babaing naglingkod kay Kristo at siya lamang ang nagsabing pinatuloy nina Marta at Maria si Jesus. Inilahad ng Ebanghelyo ni Lucas ang pagpapagaling sa babaing hukot na hukot at sa taong minamanas gayundin sa sampung ketongin. Inilahad ni Lucas ang tungkol kay Zaqueo, isang maliit na lalaki na umakyat sa puno upang makita si Jesus, at iniulat din niya ang pagsisisi ng isa sa manggagawa ng kasamaan na nakabayubay kasama ni Kristo.—Lucas 2:24; 7:11-17, 36-50; 8:2, 3; 10:38-42; 13:10-17; 14:1-6; 17:11-19; 19:1-10; 23:39-43.
Kapansin-pansin na binanggit sa Ebanghelyo ni Lucas ang paggamot sa sugat na ginawa ng madamaying Samaritano sa ilustrasyon ni Jesus. Palibhasa’y isang manggagamot, iniulat ni Lucas ang paglalarawan ni Jesus sa paraan ng paggagamot, pati na ang paggamit ng alak bilang antiseptiko, langis para guminhawa ang nasugatan, at ang pagtatali o pagbebenda sa sugat.—Lucas 10:30-37.
Nag-asikaso kay Pablo sa Bilangguan
Nagmamalasakit si Lucas kay apostol Pablo. Nang ipiniit si Pablo sa Cesarea, iniutos ng Romanong prokurador na si Felix na ‘huwag pagbawalan ang sinuman sa mga kasamahan ni Pablo sa pag-aasikaso sa kaniya.’ (Gawa 24:23) Malamang na si Lucas ang isa sa mga kasamahang iyon ni Pablo. Yamang madalas na magkasakit ang apostol, marahil ang pag-aalaga sa kaniya ang isa sa mga ginawa ng “minamahal na manggagamot.”—Colosas 4:14; Galacia 4:13.
Nang umapela si Pablo kay Cesar, ipinadala siya ng Romanong prokurador na si Festo sa Roma. Hindi iniwan ni Lucas si Pablo. Sinamahan niya ito sa mahabang paglalakbay patungo sa Italya at isinulat ang isang detalyadong salaysay hinggil sa naranasan nila nang mawasak ang kanilang barko. (Gawa 24:27; 25:9-12; 27:1, 9-44) Habang nakabilanggo sa tinitirhan niya sa Roma, sumulat si Pablo ng ilang kinasihang liham at binanggit niya si Lucas sa dalawa sa mga ito. (Gawa 28:30; Colosas 4:14; Filemon 24) Malamang na sa dalawang taon namang ito isinulat ni Lucas ang aklat ng Gawa.
Tiyak na ang tinutuluyan ni Pablo sa Roma ay naging isang abalang lugar para sa espirituwal na mga gawain. Marahil ay mula roon, nakipag-ugnayan si Lucas sa iba pang mga kamanggagawa ni Pablo gaya nina Tiquico, Aristarco, Marcos, Justo, Epafras, at Onesimo.—Colosas 4:7-14.
Noong ikalawang pagkabilanggo ni Pablo, batid niya na malapit na siyang mamatay. Palibhasa’y tapat at malakas ang loob, hindi iniwan ni Lucas si Pablo, bagaman gayon ang ginawa ng iba. Posibleng nanganib ang mismong kalayaan ni Lucas sa paggawa niya nito. Marahil ay naglingkod din siya bilang sekretaryo ni Pablo at posible na siya ang sumulat ng mga salita ni Pablo: “Si Lucas lamang ang kasama ko.” Ayon sa tradisyon, di-nagtagal pagkatapos nito, pinugutan ng ulo si Pablo.—2 Timoteo 4:6-8, 11, 16.
Si Lucas ay mapagsakripisyo at mapagpakumbaba. Hindi niya ipinagyabang ang kaniyang propesyon o nagsikap na maging tanyag. Oo, puwede niya sanang itaguyod ang kaniyang pagiging manggagamot, pero ang itinaguyod niya ay ang mga kapakanan ng Kaharian. Gaya ni Lucas, handa nawa tayong magsakripisyo para ihayag ang mabuting balita at mapagpakumbabang maglingkod sa ikaluluwalhati ni Jehova.—Lucas 12:31.
[Kahon sa pahina 19]
SINO SI TEOFILO?
Ipinatungkol ni Lucas ang kaniyang Ebanghelyo at Mga Gawa ng mga Apostol kay Teofilo. Sa Ebanghelyo ni Lucas, ang lalaking ito ay tinawag na “kagalang-galang na Teofilo.” (Lucas 1:3) Ang paggamit ng salitang “kagalang-galang” ay nagpapahiwatig na ang kinakausap o sinusulatan ay isang prominente at mayamang indibiduwal o isang mataas na opisyal ng pamahalaan ng Roma. Sa orihinal na Griego, gumamit si apostol Pablo ng katulad na salita nang kausapin niya si Festo, ang Romanong prokurador ng Judea.—Gawa 26:25.
Lumilitaw na narinig ni Teofilo ang mensahe hinggil kay Jesus at naging interesado siya rito. Umasa si Lucas na ang kaniyang Ebanghelyo ay tutulong kay Teofilo na ‘malaman nang lubos ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa kaniya nang bibigan.’—Lucas 1:4.
Ayon sa isang iskolar ng Griegong mga akda na si Richard Lenski, malamang na si Teofilo ay hindi pa isang mananampalataya nang tawagin siya ni Lucas na “kagalang-galang,” dahil “sa lahat ng literatura ng Kristiyano, . . . walang Kristiyano ang ginagamitan ng gayong titulong pandangal.” Nang isulat ni Lucas ang aklat ng Gawa, hindi niya ginamit ang titulong “kagalang-galang” kundi sa halip ay sinabi na lamang niya: “O Teofilo.” (Gawa 1:1) Ganito ang naging konklusyon ni Lenski: “Nang isulat ni Lucas ang Ebanghelyo para kay Teofilo, ang prominenteng taong ito ay hindi pa Kristiyano pero interesadung-interesado siya sa Kristiyanismo; subalit nang ipadala ni Lucas sa kaniya ang [aklat ng] Gawa, nakumberte na si Teofilo.”