Alam Mo Ba?
Tumakas ba ang mga Kristiyano mula sa Judea bago wasakin ang Jerusalem noong 70 C.E.?
“Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis.” (Lucas 21:20, 21) Ang tagubiling iyan ay ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad may kinalaman sa pagkawasak na sasapitin ng Jerusalem. May ebidensiya ba na pinakinggan ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang babala?
Mga ilang dekada pagkamatay ni Jesus, isang hukbong Romano, sa pangunguna ni Cestio Gallo, ang pumasok sa Palestina para patigilin ang isang rebelyon. Pinatotohanan ito ng Judiong istoryador na si Josephus, na nabuhay noong panahong iyon. Pinalibutan ng mga sundalong Romano ang Jerusalem at kukubkubin na sana ito. Pero biglang iniutos ni Gallo na umatras sila. Ayon sa istoryador ng simbahan na si Eusebius, sinamantala ng mga Kristiyano sa Judea ang pagkakataong ito para tumakas patungong Pela, isang lunsod sa bulubunduking rehiyon ng Decapolis.
Pagkaraan ng ilang taon, noong 70 C.E., isang hukbong Romano naman sa pangunguna ni Heneral Tito ang bumalik at kumubkob sa Jerusalem. Sa pagkakataong ito, tuluyan nang winasak ng mga sundalo ang lunsod. Daan-daang libo ang hindi na nakalabas sa Jerusalem at namatay.
Sino ang “mga anak ng mga propeta”?
Sa mga ulat ng Bibliya tungkol kina propeta Samuel, Elias, at Eliseo, may mga lalaking tinatawag na “mga anak ng mga propeta.” Halimbawa, nang hirangin ni Eliseo si Jehu bilang hari ng Israel, “isa sa mga anak ng mga propeta” ang isinugo niya para pahiran si Jehu.—2 Hari 9:1-4.
Naniniwala ang mga iskolar na ang terminong ito ay tumutukoy sa isang samahan o asosasyon, sa halip na sa literal na mga anak ng mga propeta. Ayon sa Journal of Biblical Literature, ang mga miyembro ng mga grupong ito ay malamang na mga indibiduwal na “nagtalaga ng kanilang sarili sa paglilingkod kay Yahweh [Jehova] sa ilalim ng isang propeta na . . . kanilang espirituwal na ama.” (2 Hari 2:12) Sa katunayan, sa ulat tungkol sa pagpapahid kay Jehu, ang sugo ni Eliseo ay tinukoy bilang “tagapaglingkod ng propeta.”—2 Hari 9:4.
Waring simple lang ang buhay ng “mga anak ng mga propeta.” Noong panahon ni Eliseo, isa sa gayong mga grupo ang sinasabing nagtayo ng kanilang tahanan at gumamit ng isang hiram na palakol. (2 Hari 6:1-5) Ang ilang miyembro ng mga grupong iyan ay may asawa, at ipinakikita iyon ng ulat tungkol sa isang balo ng “mga anak ng mga propeta.” (2 Hari 4:1) Pinahalagahan ng tapat na mga Israelita ang mga anak ng mga propeta. Sa isang ulat, pinaglaanan nila ang mga iyon ng pagkain.—2 Hari 4:38, 42.