“Sabihin Mo sa Amin, Kailan Mangyayari ang mga Bagay na Ito?”
“Mga bagong bagay ay ipinahahayag ko. Bago magsimulang mangyari, ay isinasaysay ko muna sa inyo.”—ISAIAS 42:9.
1, 2. (a) Ano ang itinanong ng mga apostol ni Jesus tungkol sa hinaharap? (b) Papaano nagkaroon ng katuparan ang tugon ni Jesus tungkol sa isang kabuuang tanda?
ANG banal na pagtuturo ay nagsisimula at nanggagaling sa Diyos na Jehova, “ang Isang nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula.” (Isaias 46:10) Gaya ng ipinakita ng naunang artikulo, humanap ang mga apostol ng gayong turo mula kay Jesus, anupat itinanong sa kaniya: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakatalagang sumapit na sa katapusan?”—Marcos 13:4.
2 Bilang sagot, isinaysay ni Jesus ang isang kabuuang “tanda” na binubuo ng ebidensiya na magpapatunay na noo’y malapit nang magwakas ang Judiong sistema. Ito’y natupad sa pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E. Subalit ang hula ni Jesus ay magkakaroon ng isang lalong malaking katuparan makalipas ang maraming taon sa hinaharap. Pagka natapos “ang itinakdang panahon ng mga bansa” sa 1914, makikita ang isang lalong malawak na tanda, na nagpapahayag na malapit nang matapos ang kasalukuyang balakyot na sistema sa isang “malaking kapighatian.”a (Lucas 21:24) Milyun-milyong nabubuhay sa ngayon ay makapagpapatotoo na ang tandang ito ay natupad sa mga digmaang pandaigdig at sa iba pang mahalagang mga pangyayari sa ika-20 siglong ito. Ang mga ito rin ay tanda ng malaking katuparan ng hula ni Jesus, ang modernong katuparang ito ay nagsilbing tipo ng mga pangyayari mula 33 hanggang 70 C.E.
3. Sa pagbanggit sa isa pang tanda, anong karagdagang mga pangyayari ang inihula ni Jesus?
3 Pagkatapos banggitin ni Lucas ang itinakdang panahon ng mga bansa, ang magkakatulad na mga pag-uulat sa Mateo, Marcos, at Lucas ay nagsasaysay ng karagdagan pang sunud-sunod na mga pangyayari na doo’y kasali na ang isang tanda bilang karagdagan sa kabuuang ‘tanda ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ (Mateo 24:3) (Sa pahina 15, ang puntong ito sa pag-uulat ay minarkahan sa pamamagitan ng dalawahang linya.) Sinasabi ng Mateo: “Kaagad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga kaarawang iyon ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig. At kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayon ay hahampasin ng lahat ng mga tribo sa lupa ang kanilang sarili sa pananaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. At isusugo niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng mga langit hanggang sa kabilang dulo ng mga ito.”—Mateo 24:29-31.
Kapighatian at mga Tanda sa Langit
4. Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa mga tanda sa langit na binanggit ni Jesus?
4 Kailan iyan matutupad? Lahat ng tatlong pag-uulat ng Ebanghelyo ay bumabanggit ng maaari nating tawaging mga tanda sa langit—araw at buwan ay nagdilim at nahuhulog ang mga bituin. Sinabi ni Jesus na ang mga ito ay kasunod ng “[ang] kapighatian.” Ang nasa isip ba ni Jesus ay ang kapighatian na sumapit sa sukdulan noong 70 C.E., o ang kaniya bang tinutukoy ay ang malaking kapighatian na mangyayari sa hinaharap pa sa ating modernong panahon?—Mateo 24:29; Marcos 13:24.
5. Ano ang dating paniwala tungkol sa kapighatian sa modernong panahon?
5 Magmula nang matapos ang itinakdang panahon ng mga bansa noong 1914, naging lubhang interesado na ang bayan ng Diyos sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:14) Sa loob ng ilang taon, kanilang inakala na ang modernong-panahong malaking kapighatian ay may pasimula na katumbas ng panahon ng Digmaang Pandaigdig I, pagkatapos ay isang pansamantalang pagkahinto, at sa wakas ay isang katapusan, “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Kung ganiyan nga ang mangyayari, ano ang magaganap sa pagitang mga dekada ng “katapusan ng sistema”?—Apocalipsis 16:14; Mateo 13:39; 24:3; 28:20.
6. Ano ang inakala noon na katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa mga tanda sa langit?
6 Buweno, inakala na sa pagitang ito ang kabuuang tanda ay makikita, kasali na ang gawaing pangangaral na ginampanan ng tinipong bayan ng Diyos. Inakala rin na ang inihulang mga tanda sa langit ay maaasahan na makikita sa pagitan pagkatapos ng pagpapasimula noong 1914-18. (Mateo 24:29; Marcos 13:24, 25; Lucas 21:25) Ang pansin ay napatutok sa literal na mga bagay sa mga langit—mga gamit sa kalawakan, rocket, mga cosmic o gamma ray, at mga lunsaran o mga istasyon sa buwan.
7. Anong iniwastong pagkaunawa tungkol sa malaking kapighatian ang ibinigay?
7 Gayunman, muling sinuri ng Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1970, ang hula ni Jesus, lalo na ang dumarating na malaking kapighatian. Ipinakita niyaon na sa liwanag ng nangyari noong unang siglo, ang modernong kapighatian ay hindi maaaring nagsimula noong 1914-18, nagkaroon ng pagitang mga dekada, at nang malaunan ay nagpatuloy. Ang magasing iyan ay nagtapos: “Ang ‘malaking kapighatian’ na hindi na mangyayari pang muli ay sa hinaharap pa, sapagkat iyon ay nangangahulugan ng pagkapuksa ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon (kasali na ang Sangkakristiyanuhan) na sinusundan ng ‘digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat’ sa Armagedon.”
8. Sa tulong ng iniwastong paniwala tungkol sa modernong kapighatian, papaano ipinaliwanag ang Mateo 24:29?
8 Subalit ang Mateo 24:29 ay nagsasabi na ang mga tanda sa langit ay dumarating “kaagad-agad pagkatapos ng [ang] kapighatian.” Papaano mangyayari iyan? Iminungkahi ng Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1975, na dito “[ang] kapighatian” ay yaong sumapit sa sukdulan noong 70 C.E. Subalit sa anong diwa masasabing ang mga tanda sa langit sa panahon natin ay nagaganap “kaagad-agad” pagkatapos ng isang pangyayari noong 70 C.E.? Ikinatuwiran na sa paningin ng Diyos ang mga siglong namamagitan ay magiging maikli. (Roma 16:20; 2 Pedro 3:8) Gayunman, ang isang mas malalim na pagsusuri sa hulang ito, lalo na sa Mateo 24:29-31, ay nakaturo sa isang lubhang naiibang paliwanag. Ipinakikita nito kung papaano sumisikat ang liwanag “nang higit at higit hanggang sa sakdal na araw.” (Kawikaan 4:18, American Standard Version)b Ating isaalang-alang kung bakit ang isang bago, o binagong paliwanag ay angkop.
9. Papaano tumutulong ang Hebreong Kasulatan upang maunawaan ang mga salita ni Jesus tungkol sa mga pangyayari sa langit?
9 Sa apat sa kaniyang mga apostol, ibinigay ni Jesus ang hula tungkol sa ‘pagdidilim ng araw, hindi pagbibigay ng buwan ng kaniyang liwanag, at pagkahulog ng mga bituin.’ Bilang mga Judio, kanilang makikilala ang gayong mga pangungusap buhat sa Hebreong Kasulatan, na kung saan sa Zefanias 1:15, halimbawa, ang panahon ng paghuhukom ng Diyos ay tinawag na “araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng kalumbayan, araw ng mga alapaap at ng pusikit na kadiliman.” May iba’t ibang propetang Hebreo na naglarawan din na nagdidilim ang araw, ang buwan ay hindi sumisikat, at ang mga bituin ay hindi nagbibigay ng liwanag. Masusumpungan mo ang gayong pananalita sa banal na mga mensahe laban sa Babilonya, Edom, Ehipto, at sa hilagang kaharian ng Israel.—Isaias 13:9, 10; 34:4, 5; Jeremias 4:28; Ezekiel 32:2, 6-8; Amos 5:20; 8:2, 9.
10, 11. (a) Ano ang inihula ni Joel tungkol sa mga bagay sa langit? (b) Aling bahagi ng hula ni Joel ang natupad noong 33 C.E., at alin naman ang hindi natupad?
10 Nang kanilang marinig ang sinabi ni Jesus, malamang na naalaala ni Pedro at ng iba pa ang hula ni Joel na nasa Joel 2:28-31 at 3:15: “Ibubuhos ko ang aking espiritu sa bawat uri ng laman, at ang iyong mga anak na lalaki at babae ay tiyak na manghuhula. . . . Ako’y magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa, dugo at apoy at mga haliging usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” “Ang araw at buwan ay tunay na magdidilim, at ang mismong mga bituin ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag.”
11 Gaya ng inilahad sa Gawa 2:1-4 at 14-21, noong Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ng Diyos ang banal na espiritu sa 120 alagad, kapuwa mga lalaki at mga babae. Ipinakilala ni apostol Pedro na ito ang inihula ni Joel. Kumusta naman ang mga salita ni Joel tungkol sa ‘pagdidilim ng araw at pagiging dugo ng buwan at hindi pagbibigay ng mga bituin ng kanilang liwanag’? Walang anumang nagpapahiwatig na ito ay natupad noong 33 C.E. o sa mahigit na 30-taóng yugto ng panahon bago sumapit ang katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay.
12, 13. Papaano natupad ang mga tanda sa langit na inihula ni Joel?
12 Maliwanag na ang huling bahaging iyan ng hula ni Joel ay may lalong higit na kaugnayan sa ‘pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova’—ang pagkapuksa ng Jerusalem. Ang Bantayan ng Mayo 15, 1967, ay nagsabi tungkol sa kapighatian na sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E.: “Tunay na iyon ay isang ‘araw ni Jehova’ kung tungkol sa Jerusalem at sa kaniyang mga anak. At tungkol sa araw na iyon ay maraming ‘dugo at apoy at singaw,’ hindi niliwanagan ng sumisikat na araw ang makapal na kadiliman ng lunsod kung araw, at ang buwan ay nagpapahiwatig ng ibinubong dugo, hindi ang mapayapa, pinilakang silahis ng buwan kung gabi.”c
13 Oo, tulad ng iba pang hula na ating binibigyang-pansin, ang mga tanda sa langit na inihula ni Joel ay matutupad pagka isinagawa na ni Jehova ang paghuhukom. Sa halip na pahabain pa ang panahon ng pag-iral ng Judiong sistema, ang pagdidilim ng araw, buwan, at mga bituin ay naganap nang salakayin ang Jerusalem ng mga puwersang magwawasak. Makatuwiran lamang na maaasahan natin ang isang lalong malaking katuparan ng bahaging iyan ng hula ni Joel pagka nagsimula na ang pagpuksa ng Diyos sa kasalukuyang sistema.
Aling Kapighatian Bago ang mga Tanda sa Langit?
14, 15. Ano ang epekto ng hula ni Joel sa pagkaunawa natin sa Mateo 24:29?
14 Ang katuparan ng hula ni Joel (kasuwato ng iba pang hula na gumagamit ng nahahawig na pananalita) ay tumutulong sa atin na maunawaan ang mga salita sa Mateo 24:29. Maliwanag, ang sinabi ni Jesus tungkol sa ‘pagdidilim ng araw, ang hindi pagbibigay ng buwan ng liwanag, at ang pagkahulog ng mga bituin’ ay hindi tumutukoy sa mga bagay na nagaganap sa loob ng maraming dekada ng katapusan ng kasalukuyang sistema, tulad ng mga rocket sa kalawakan, mga paglulunsad sa buwan, at katulad na mga bagay-bagay. Hindi, ang kaniyang binanggit ay mga bagay na may kaugnayan sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,” ang pagkapuksa na darating pa lamang.
15 Ito’y kaugnay ng ating pagkaunawa sa kung papaano ang mga tanda sa langit ay mangyayari “kaagad-agad pagkatapos ng kapighatian.” Ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang kapighatian na humantong sa sukdulan noong 70 C.E. Bagkus, ang tinutukoy niya ay ang pasimula ng malaking kapighatian na sasapit sa pandaigdig na sistema sa hinaharap, na magiging tugatog ng kaniyang ipinangakong “pagkanaririto.” (Mateo 24:3) Ang kapighatiang iyan ay hinihintay pa natin.
16. Aling kapighatian ang tinutukoy ng Marcos 13:24, at bakit gayon?
16 Kumusta naman ang mga salita sa Marcos 13:24: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyan, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag”? Dito, kapuwa ang “iyon” at “iyan” ay mga anyo ng salitang Griego na e·keiʹnos, isang panghalip na pamatlig na nagpapakita ng isang bagay na malayo pa ang kaganapan. Ang e·keiʹnos ay maaaring gamitin upang ipahiwatig ang isang bagay na naganap nang matagal na (o binanggit na) o isang bagay sa malayong hinaharap. (Mateo 3:1; 7:22; 10:19; 24:38; Marcos 13:11, 17, 32; 14:25; Lucas 10:12; 2 Tesalonica 1:10) Kaya, ang Marcos 13:24 ay tumutukoy sa “kapighatiang iyan,” hindi ang kapighatiang likha ng mga Romano, kundi ang makapangyarihang gawa ni Jehova sa katapusan ng kasalukuyang sistema.
17, 18. Anong liwanag ang ibinibigay ng Apocalipsis tungkol sa kung papaano magaganap ang malaking kapighatian?
17 Ang mga kabanata 17 hanggang 19 ng Apocalipsis ay kasuwato at nagpapatunay sa iniwastong kaunawaang ito sa Mateo 24:29-31, Marcos 13:24-27, at Lucas 21:25-28. Sa anong paraan? Ipinakikita ng Mga Ebanghelyo na ang kapighatiang ito ay hindi magsisimula at matatapos karaka-raka. Pagkatapos na iyon ay magsimula, ang ilan sa masuwaying mga tao ay buháy pa rin upang makita “ang tanda ng Anak ng tao” at maapektuhan—upang managhoy at, gaya ng sinabi sa Lucas 21:26, upang ‘manlupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.’ Ang nananaig na takot na iyan ay dahil nakikita nila “ang tanda” na nagbabadya ng kanilang napipintong pagkapuksa.
18 Ang ulat sa Apocalipsis ay nagpapakita na ang hinaharap na malaking kapighatian ay magsisimula pagka ang sandatahang “mga sungay” ng internasyonal na “mabangis na hayop” ay bumaling na sa “dakilang patutot,” ang Babilonyang Dakila.d (Apocalipsis 17:1, 10-16) Subalit maraming tao ang matitira, sapagkat mga hari, mangangalakal, kapitan ng barko, at iba pa ang tatangis sa wakas ng huwad na relihiyon. Tiyak na marami ang makatatalos na susunod na ang paghatol sa kanila.—Apocalipsis 18:9-19.
Ano ang Darating?
19. Ano ang maaasahan natin pagka nagsisimula na ang malaking kapighatian?
19 Ang mga talata ng Ebanghelyo sa Mateo, Marcos, at Lucas ay nakikiisa sa Apocalipsis mga kabanatang 17-19 sa pagsasabog ng malaking liwanag tungkol sa malapit nang mangyari. Sa takdang panahon ng Diyos, ang malaking kapighatian ay magsisimula sa pamamagitan ng isang pagsalakay laban sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon (Babilonyang Dakila). Ito’y higit na matindi laban sa Sangkakristiyanuhan, na katumbas ng di-tapat na Jerusalem. “Kaagad-agad pagkatapos” ng bahaging ito ng kapighatian, “magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa ay [walang-katulad na] panggigipuspos ng mga bansa.”—Mateo 24:29; Lucas 21:25.
20. Anong mga tanda sa langit ang maaasahan pa natin?
20 Sa anong diwa ‘ang araw ay magdidilim, ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan na nasa mga langit ay mayayanig’? Walang alinlangan, sa unang bahagi ng malaking kapighatian, maraming tanglaw—prominenteng mga klerigo ng relihiyosong sanlibutan—ang sa panahong iyon ay ilalantad at pupuksain na ng “sampung sungay” na binanggit sa Apocalipsis 17:16. Tiyak din na mayayanig pati ang pulitikal na mga kapangyarihan. Maaari kayang magkaroon din ng nakasisindak na mga pangyayari sa literal na mga langit? Malamang na magkaroon, at higit na kagila-gilalas kaysa roon sa inilarawan ni Josephus na naganap nang malapit na ang katapusan ng Judiong sistema. Batid natin na sa lumipas na sinaunang panahon, itinanghal ng Diyos ang kaniyang kapangyarihang magpangyari ng gayong kapaha-pahamak na mga epekto, at magagawa rin niyang muli iyon.—Exodo 10:21-23; Josue 10:12-14; Hukom 5:20; Lucas 23:44, 45.
21. Papaano magaganap ang isang “tanda” sa hinaharap?
21 Sa puntong ito lahat ng tatlong manunulat ng Ebanghelyo ay gumamit ng toʹte (kung magkagayon) upang ipakilala ang susunod na pangyayari. “Kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit.” (Mateo 24:30; Marcos 13:26; Lucas 21:27) Buhat nang Digmaang Pandaigdig I, naunawaan ng tunay na mga alagad ni Jesus ang kabuuang tanda ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto, bagaman hindi ito kinilala ng karamihan ng tao. Subalit ang Mateo 24:30 ay bumabanggit sa isa pang “tanda” na lumilitaw sa hinaharap, yaong sa “Anak ng tao,” at lahat ng bansa ay mapipilitang magbigay-pansin. Pagparito ni Jesus kasama ng mga ulap na tumatakip, ang sumasalansang na mga tao sa buong daigdig ay makakakilala sa “pagparito” (Griego, er·khoʹme·non) na iyan dahil sa isang kahima-himalang pagtatanghal ng kaniyang maharlikang kapangyarihan.—Apocalipsis 1:7.
22. Ano ang magiging epekto ng pagkakita sa “tanda” ng Mateo 24:30?
22 Sa Mateo 24:30 ay ginagamit muli ang toʹte upang ipakilala ang susunod. Kung magkagayon ay hahampasin ng mga bansa ang kanilang sarili at mananaghoy, palibhasa’y nadarama ang kahihinatnan ng kanilang kalagayan, marahil sa pagkakilala na ang kanilang pagkapuksa ay napipinto na. Ibang-iba naman ang mga lingkod ng Diyos, sapagkat maitataas natin ang ating mga ulo, sa pagkaalam na malapit na ang katubusan! (Lucas 21:28) Ipinakikita rin ng Apocalipsis 19:1-6 na ang tunay na mga mananamba sa langit at sa lupa ay nagagalak dahil sa wakas ng dakilang patutot.
23. (a) Anong pagkilos ang gagawin ni Jesus may kaugnayan sa mga pinili? (b) Ano ang masasabi tungkol sa pagdadala sa langit ng nalabi?
23 Ang hula ni Jesus ay nagpapatuloy sa pagsasabi, sa Marcos 13:27: “Kung magkagayon [toʹte] ay isusugo niya ang mga anghel at titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.” Dito si Jesus ay nagtututok ng pansin sa nalabi ng 144,000 “mga pinili” na buháy pa sa lupa. Sa may pasimula ng katapusan ng sistema ng mga bagay, ang pinahirang mga alagad na ito ni Jesus ay dinala sa teokratikong pagkakaisa. Gayunman, ayon sa ginamit na pagkakasunud-sunod, sa Marcos 13:27 at Mateo 24:31 ay may ibang isinasaysay. ‘Taglay ang malakas na tunog ng trumpeta,’ ang nalalabi pang “mga pinili” ay titipunin buhat sa mga dulo ng lupa. Papaano sila titipunin? Walang alinlangan, sila ay ‘tatatakan’ at maliwanag na ipakikilala ni Jehova bilang bahagi ng “mga tinawag at pinili at tapat.” At sa itinakdang panahon ng Diyos, sila ay titipunin sa langit upang maging mga haring-saserdote.e Ito’y magdudulot ng kagalakan sa kanila at sa kanilang tapat na mga kasama, ang “malaking pulutong,” na tatatakan din dahil sa ‘paglabas sa malaking kapighatian’ upang magtamasa ng mga pagpapala sa isang paraisong lupa.—Mateo 24:22; Apocalipsis 7:3, 4, 9-17; 17:14; 20:6; Ezekiel 9:4, 6.
24. Anong pagkakasunud-sunod ang isinisiwalat ng Mateo 24:29-31 kung tungkol sa darating na mga pangyayari?
24 Nang sabihin ng mga apostol, “Sabihin mo sa amin . . . ,” ang tugon ni Jesus ay higit pa kaysa kanilang maiintindihan. Gayunman, sa panahon na kanilang ikinabubuhay ikinagalak nilang makita ang tipikong katuparan ng kaniyang hula. Ang ating pag-aaral ng tugon ni Jesus ay nakatutok sa bahagi ng kaniyang hula na matutupad sa malapit na hinaharap. (Mateo 24:29-31; Marcos 13:24-27; Lucas 21:25-28) Ngayon pa lamang ay nakikita nating palapit nang palapit ang ating katubusan. Maaasahan natin ang pasimula ng malaking kapighatian, kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao, at kung magkagayon ang pagtitipon sa mga pinili ng Diyos. Sa wakas, bilang hinirang ni Jehova na Tagapuksa pagsapit ng Armagedon, ang ating Mandirigmang-Hari, ang iniluklok na si Jesus, ay ‘lulubos sa kaniyang pananaig.’ (Apocalipsis 6:2) Ang araw na iyon ni Jehova, pagka isinagawa niya ang paghihiganti, ay darating bilang isang dakilang pagwawakas ng sistema ng mga bagay na palatandaan ng araw ng Panginoong Jesus mula 1914 pasulong.
25. Papaano tayo makababahagi sa panghinaharap pang katuparan ng Lucas 21:28?
25 Harinawang patuloy na makinabang ka sa pamamagitan ng banal na pagtuturo, upang makatugon sa panghinaharap pang katuparan ng mga salita ni Jesus: “Habang ang mga bagay na ito ay nagpapasimulang maganap, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” (Lucas 21:28) Anong dakilang kinabukasan ang nasa harap ng mga pinili at ng malaking pulutong samantalang humahayo si Jehova upang pabanalin ang kaniyang sagradong pangalan!
[Mga talababa]
a Ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod na magbigay ng patotoo nito, na nagpapakita kung papaanong ang aktuwal na mga pangyayari sa ating kaarawan ay katuparan ng hula sa Bibliya.
b Karagdagang materyal ang nasa mga pahina 296-323 ng God’s Kingdom of a Thousand Years Has Approached, inilathala noong 1973 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., at ng Ang Bantayan ng Marso 15, 1983, pahina 13-9.
c Si Josephus ay sumulat ng mga pangyayari sa pagitan ng unang paglusob ng mga Romano sa Jerusalem (66 C.E.) at ng pagkapuksa nito: “Sa kinagabihan ay nagkaroon ng mapangwasak na bagyo; malakas na unos ang nagngangalit, walang-patid ang pag-ulan, patuloy na kumikidlat, kakila-kilabot ang dagundong ng mga kulog, ang lupa’y yumayanig kasabay ng nakabibinging ugong. Kapahamakan sa lahi ng sangkatauhan ang malinaw na inilarawan ng pagguhong ito ng buong balangkas ng mga bagay-bagay, at walang sinuman na mag-aalinlangan na ang mga palatandaan ay nagbabala ng isang walang-katulad na kapahamakan.”
d Ang tinukoy ni Jesus na “malaking kapighatian” at “isang kapighatian” sa unang katuparan nito ay ang pagkapuksa ng Judiong sistema. Subalit sa mga talata na kumakapit lamang sa ating kaarawan, siya’y gumamit ng tiyakang pantukoy na “ang,” na nagsasabing “[ang] kapighatian.” (Mateo 24:21, 29; Marcos 13:19, 24) Sa Apocalipsis 7:14 ang pananalitang ginagamit sa hinaharap na pangyayaring ito ay “[ang] malaking kapighatian,” sa literal ay “[ang] kapighatiang malaki.”
e Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Agosto 15, 1990.
Natatandaan Mo ba?
◻ Papaano natupad noong unang siglo ang mga bahagi ng Joel 2:28-31 at 3:15?
◻ Aling kapighatian ang tinutukoy sa Mateo 24:29, at bakit ganiyan ang ating sagot?
◻ Anong mga tanda sa langit ang tinutukoy sa Mateo 24:29, at papaano ito maaaring maging kaagad-agad pagkatapos ng kapighatian?
◻ Papaano matutupad sa hinaharap ang Lucas 21:26, 28?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang purok ng templo
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.