Ayon kay Marcos
13 Habang palabas siya sa templo, sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya: “Guro, tingnan mo! Napakalalaking bato at napakagagandang gusali!”+ 2 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”+
3 Habang nakaupo siya sa Bundok ng mga Olibo kung saan abot-tanaw ang templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres: 4 “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda na malapit nang magwakas ang lahat ng ito?”+ 5 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Mag-ingat kayo para hindi kayo mailigaw ng sinuman.+ 6 Marami ang gagamit sa pangalan ko at magsasabi, ‘Ako siya,’ at marami silang maililigaw. 7 Isa pa, kapag nakarinig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan, huwag kayong matakot; kailangang mangyari ang mga ito, pero hindi pa ito ang wakas.+
8 “Dahil maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian;+ lilindol sa iba’t ibang lugar; magkakaroon din ng taggutom.+ Ang mga ito ay pasimula ng matinding paghihirap.+
9 “Maging handa kayo. Dadalhin nila kayo sa mga hukuman,+ at hahagupitin kayo sa mga sinagoga+ at patatayuin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila.+ 10 Gayundin, kailangan munang ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa.+ 11 At kapag inaresto nila kayo para litisin, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo; kundi anuman ang ibigay sa inyo sa oras na iyon, iyon ang sabihin ninyo, dahil hindi kayo ang magsasalita, kundi ang banal na espiritu.+ 12 Bukod diyan, ipapapatay ng kapatid ang kapatid niya, at ng ama ang anak niya, at lalabanan ng mga anak ang mga magulang nila at ipapapatay ang mga ito.+ 13 At kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko.+ Pero ang makapagtitiis+ hanggang sa wakas+ ay maliligtas.+
14 “Gayunman, kapag nakita ninyong ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang+ ay nakatayo kung saan hindi dapat (kailangan itong unawain ng mambabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan.+ 15 Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba o pumasok sa bahay niya para kumuha ng anuman;+ 16 at ang nasa bukid ay huwag nang bumalik sa mga bagay na naiwan niya para kunin ang balabal niya. 17 Kaawa-awa ang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon!+ 18 Patuloy na ipanalanging hindi ito matapat sa taglamig; 19 dahil ang mga araw na iyon ay magiging mga araw ng kapighatian+ na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng paglalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari pang muli.+ 20 Sa katunayan, kung hindi paiikliin ni Jehova ang mga araw, walang taong maliligtas. Pero dahil sa mga pinili niya ay paiikliin niya ang mga araw.+
21 “At kung may magsabi sa inyo, ‘Nandito ang Kristo!’ o, ‘Nandoon siya!’ huwag ninyong paniwalaan iyon.+ 22 Dahil may mga magpapanggap na Kristo at magkukunwaring mga propeta+ na gagawa ng mga himala at kababalaghan para iligaw, kung posible, ang mga pinili. 23 Kaya mag-ingat kayo.+ Sinabi ko na sa inyo ang lahat ng mangyayari.
24 “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magliliwanag,+ 25 at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan na nasa langit ay mayayanig. 26 At makikita nila ang Anak ng tao+ na dumarating na nasa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.+ 27 At isusugo niya ang kaniyang mga anghel at titipunin ang mga pinili niya mula sa apat na direksiyon, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.+
28 “Ngayon ay matuto kayo sa ilustrasyon tungkol sa puno ng igos: Sa sandaling tubuan ito ng malalambot na sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw.+ 29 Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga ito, makakatiyak kayong malapit na siya at nasa pintuan na.+ 30 Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito.+ 31 Ang langit at lupa ay maglalaho,+ pero ang mga salita ko ay hindi maglalaho.+
32 “Tungkol sa araw o oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama.+ 33 Manatili kayong mapagmasid, manatili kayong gisíng,+ dahil hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.+ 34 Gaya ito ng isang taong maglalakbay sa ibang lupain na bago umalis ng bahay ay nagbigay ng awtoridad sa mga alipin niya,+ na inaatasan ng trabaho ang bawat isa sa kanila, at nag-utos sa bantay sa pinto na patuloy na magbantay.+ 35 Kaya patuloy kayong magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay,+ kung sa gabi o sa hatinggabi o bago magbukang-liwayway o sa umaga.+ 36 Sa gayon, kapag bigla siyang dumating, hindi niya kayo madatnang natutulog.+ 37 Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Patuloy kayong magbantay.”+