Ang Tanda—Nakikita Mo Na Ba Ito?
“DOON sa kailaliman ng karagatan, isang mahaba, bilog ang pinakangusong submarino ay nakapanatag, di-natitigatig ng dambuhalang mga alon na nangingibabaw sa maunos na karagatan. Sa may kubyerta ng submarino ay may bumukas at isang rocket na mahigit na 9 na metro ang haba at 1.4 na metro ang kapal ang inaryahan tungo sa ibabaw. Ang rocket ay inaryahang pataas sa tulong ng kompresadong hangin, subalit pagdating sa ibabaw ng karagatan, ang makina nito ay nagliyab at ang rocket at sumabog buhat sa tubig kasabay ng malakas na ugong.”
Ang paglalarawang iyan tungkol sa isang ballistic missile na inilunsad sa isang submarino, buhat sa aklat na Rockets, Missiles and Spacecraft, na isinulat ni Martin Keen, ay nagbibigay ng kahulugan sa isang sinaunang hula tungkol sa isang panahon ng kabagabagan ng daigdig dahilan sa “ugong ng dagat.” (Lucas 21:25) Gaano bang kalubha ang panganib buhat sa mga submarinong pinaglulunsaran ng ballistic missile?
Sang-ayon sa aklat na Jane’s Fighting Ships 1986-87, ang Britaniya, Tsina, Pransiya, Unyong Sobyet, at ang Estados Unidos ay may 131 ballistic missile na mga submarino na nasa aktibong serbisyo. Walang siyudad ang hindi mararating ng mga ito, at ang mga warhead ay karaniwan nang bumabagsak hindi lumalampas sa layong isang milya ng target nito. Ang iba ay may dalang sapat na dami ng mga warhead “upang pawiin ang anumang bansa na hindi lalampas sa layong 8,000 kilometro,” sang-ayon sa The Guinness Book of Records. Lalong masama, ang sabi ng iba ay na ang mga warhead sa kahit na isa lamang submarinong ballistic missile ay maaaring makalikha ng isang taglamig na nuklear na magsasapanganib ng lahat ng buhay sa lupa! Ang pagsupil sa malalayong submarino ay isa ring problema. Pinangangamba na ang isang padalus-dalos na pagkilos sa isang submarino ay maaaring maging pasimula ng isang nakamamatay na digmaang nuklear.
Marami ang nag-iisip na ang ganiyang kakila-kilabot na mga pangyayari ay may kaugnayan sa makahulang tanda na ibinigay ni Jesus. Maaari nga kaya na ang ating salinlahi ay dumaranas ng katuparan ng tandang iyon? Ang mga pangyayari ang sumasagot ng oo. At ito’y nangangahulugan na ang pagkaligtas sa banta ng digmaang nuklear ay malapit na. (Lucas 21:28, 32) Dahil sa ganiyang magandang pag-asa, aming inaanyayahan ka na isaalang-alang ang ebidensiya na katuparan ng tanda. Ang ilan sa litaw na mga bahagi ng tanda ay sumunod na ibinibigay rito kasama na ang kanilang modernong katuparan.
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian.” (Lucas 21:10)
Sapol noong 1914 mahigit na 100,000,000 katao ang namatay sa mga digmaan. Ang Digmaang Pandaigdig I ay nagsimula noong 1914 at kinasangkutan ng 28 mga bansa, hindi kasali ang maraming mga kolonyang Europeo noong kaarawang iyon. Kakaunting mga bansa ang nanatiling neutral. Pumuti ng mahigit na 13,000,000 buhay at mahigit na 21,000,000 ang nasugatang mga sundalo. At dumating ang Digmaang Pandaigdig II, na lalong higit na malaki ang ginawang pinsala. At sapol noon? Sa artikulo na “Mga Digmaan ng Daigdig,” ang pahayagang sa Timog Aprika na The Star ay sumipi sa Sunday Times ng London na nagsasabi: “Sangkapat na bahagi ng mga bansa ng daigdig ay kasalukuyang kasangkot sa digmaan.”
“At magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11)
Sa kanilang aklat na Terra Non Firma, ang mga propesor sa Stanford University na sina Gere at Shah ay nagtala ng mga detalye ng 164 “mahahalagang lindol ng daigdig” na naganap sa mahigit na tatlong libong taon noong nakalipas. Sa kabuuan nito, 89 ang naganap sapol noong 1914, na pumuti ng tinatayang 1,047,944 na buhay. Kasali sa talaang ito ang malalakas na lindol lamang, at sapol nang ilathala ang Terra Non Firma noong 1984, nakapipinsalang mga lindol ang naganap sa Chile, Unyong Sobyet, at Mexico, na ang resulta’y libu-libo pa ang nangamatay.
“Magkakaroon ng . . . mga salot.” (Lucas 21:11)
Noong 1918 isang nakamamatay na salot ang dumapo sa sangkatauhan. Tinatawag na trangkaso Espanyola, iyon ay lumaganap sa lahat ng panig ng tinatahanang lupa maliban sa isla ng St. Helena at pumatay ng mas maraming tao kaysa mga nangamatay noong apat na taon ng digmaan. Ang siyensiya ng medisina ay nakagawa ng malaking pagsulong sapol noon, subalit ito’y isang kabalighuan. Ganito ang paliwanag ng The Lancet: “Ang pananatili ng seksuwal na napapasaling mga sakit (STD) bilang ang pinakakaraniwang grupo ng malaganap na impeksiyon ay isang kabalighuan ng modernong medisina. . . . Ang pagsupil sa seksuwal na napapasaling mga sakit ay waring noong una halos magagawa na namin subalit naging mailap ang tagumpay noong nakalipas na mga taon.”
Mayroong mga iba pang salot na hindi rin nasusupil pa ng modernong medisina, tulad baga ng kanser at coronary artery na sakit sa puso. Itong huli, sang-ayon sa S[outh] A[frica] Family Practice, “ay isang bagong pangyayari. . . . Ito ay bunga ng lipunan pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig.” Sa Britaniya, ang sakit sa puso at alta presyon” ang pangunahing sanhi ng kamatayan,” sang-ayon sa aklat na Cardiovascular Update—Insight Into Heart Disease. Ito’y nagsususog na “kakaunti-kaunting progreso ang nagagawa tungkol sa pagsupil sa mga ito.”
Sa umuunlad na mga bansa, angaw-angaw ang may sakit na malaria, sleeping sickness, bilharzia, at iba pang mga karamdaman. Isa sa pinakamalupit na berdugo sa daigdig ay ang pagkukursó. Ganito ang paliwanag ng magasing Medicine International: “Tinataya na 500 milyong pagkakasakit ng pagkukurso [bawat] taon ang malamang na mangyari sa mga sanggol at maliliit na bata sa Asia, Aprika at Latin Amerika, at nasa pagitan ng 5 at 18 milyon ang nangamamatay.”
“Magkakaroon ng . . . mga kakapusan sa pagkain.” (Lucas 21:11)
Ang kakapusan sa pagkain ang karaniwang kasama ng digmaan. Hindi isang kataliwasan dito ang Digmaang Pandaigdig I. Kakila-kilabot na mga taggutom ang kasunod nito. At sapol noon? Ganito ang ulat ng isang natatanging pahayagan na The Challenge of Internationalism—Forty Years of the United Nations (1945-1985): “Samantalang mayroong humigit-kumulang 1,650 milyong mga taong kapos sa pagkain noong 1950 noon namang 1983 ay mayroong 2,250 milyon; sa ibang pananalita, ito’y dumami ng 600 milyon o 36 porsiyento ang kahigitan.” Isang mananalantang taggutom ang kasunod ng kamakailang tagtuyot sa Aprika. “Sa isang taon,” ang sabi ng magasing Newsweek, “mayroong 1 milyon na magsasakang Etiope at 500,000 mga batang Sudanese ang nangamatay.” Libu-libo buhat sa iba pang mga bansa ang nangamatay rin.
“Magkakaroon ng mga bagay na kakila-kilabot at ng mga dakilang tanda mula sa langit. At, magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa ay manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon dahil sa ugong ng dagat at ng mga daluyong, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:11, 25, 26)
Ang Digmaang Pandaigdig I ay nagpasok ng kakila-kilabot na mga bagong armas. Mula sa langit, mga eruplano at bombardero ang nagpaulan ng mga bomba at mga bala. Lalo pang higit na kakila-kilabot ang mga pamuksang pinaulan sa walang laban na mga sibilyan noong Digmaang Pandaigdig II, kasali na yaong dalawang bomba atomika.
Ang dagat ay naging eksena rin naman ng mga bagong kakilabutan. Nang magpasimula ang Digmaang Pandaigdig I, ang mga submarino ay itinuturing na walang gaanong halaga, subalit nang matatapos na ang Digmaang Pandaigdig II, ang mga ito ay nakapagpalubog ng mahigit na sampung libo mga sasakyang-dagat. “Ang pagpapalubog sa mga barkong pangkalakal, kasali na ang [pampasahero] na mga bapor, nang walang anumang abiso ay waring siyang bahagi ng bago at kakila-kilabot ang pagkausong ‘lubus-lubusang digmaan,’” ang sabi ni Norman Friedman sa kaniyang aklat na Submarine Design and Development.
Sa ngayon itinuturing ng marami na ang mga submarinong may taglay na ballistic missile ang siyang mga pangunahing barkong de-giyera. Kakila-kilabot na mga armas ang dala rin ng mga submarinong cruise missile, mga aircraft carrier, at iba pang mga barko de-giyera. Sang-ayon sa aklat na Jane’s Fighting Ships 1986-87, mayroon na ngayong 929 na submarino, 30 aircraft carrier, 84 na cruiser, 367 destroyer, 675 frigate, 276 na corvette, 2,024 na mabibilis na mga sasakyang pang-atake, at libu-libong mga iba pang mga sasakyang militar na nasa aktibong serbisyo ng 52 bansa. Karagdagan pa ang walang bilang na maliliit subalit nakamamatay na mga mina. Kailanman ay hindi nagkaroon ng ganiyan kapanganib na “ugong” ng dagat na likha ng tao.
Ang tao ay nakarating na rin sa rehiyon ng “araw at buwan at mga bituin.” Mga ballistic missile ang gumuguhit sa himpapawid bago lumampas sa kanilang target. Mga sasakyang pang-espasyo ang nakalusot na sa sistema solar at sa kabila pa nito. Ang mga bansa ay totoong nakadepende sa gawang-taong mga satelayt na umiikot sa mundo. Ang mga satelayt na ginagamit sa nabigasyon at yaong meteorolohikal ay nagpapangyari na maitudla ang estratihikong mga missile nang hustung-husto sa target. Malawak ding ginagamit ang komunikasyon at ang mga satelayt sa paniniktik. Ang mga “satelayt,” sabi ni Michael Sheehan sa kaniyang aklat na The Arms Race, “ay naging mistulang mata, tainga at tinig ng mga hukbong sandatahan ng mga superpower.”
Ang halimbawa kamakailan ay ang panghimpapawid na pag-atake sa Libya. Ganito ang ulat ng Aviation Week & Space Technology: “Ang E.U. . . . na mga kuha ng larawan ng mga satelayt ay ginamit sa paghahanda ng pag-atake at pagtaya ng mga resulta pagkatapos ng pag-atake. Ang Defense Meteorological Satelite Program ay nagbigay ng impormasyon sa lagay ng panahon para sa pag-atake at pang-espasyong mga sasakyan para sa komunikasyong militar ang kasangkot sa pagmamando at pagkontrol.” Dahilan sa mahalagang papel na ginagampanan ng satelayt ng militar, kapuwa ang mga superpower ay may mga armas na antisatelayt. Ang pagkakaroon ng mga base ng armas sa espasyo ang hayagang intensiyon ng isang superpower sa isang programang popular na tinatawag na Star Wars. Kung ang mga superpower ay aktuwal na lalahok o hindi sa digmaan sa espasyo, ang panahon lamang ang makapagsasabi.
Samantala, gaya ng inihula, “nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Ang krimen, terorismo, pagbagsak ng ekonomiya, kemikal na polusyon at radyasyon na pagkalason buhat sa mga plantang nuklear ay pawang sanhi ng “takot” kasali na rin ang patuloy na nagbabantang digmaang nuklear. Ang magasin ng Britaniya na New Statesmen ay nag-uulat na “mahigit na kalahati” ng mga tin-edyer sa bansang iyan ang “naniniwalang ang digmaang nuklear ay magaganap sa panahon na kanilang ikinabubuhay, at 70 porsiyento ang naniniwala na ito’y hindi maiiwasan balang araw.”
[Kahon sa pahina 7]
Ang Tanda—Ano ba ang Kahulugan Nito?
Angaw-angaw, pagkatapos suriin ang tanda sa liwanag ng kasaysayan ng ika-20 siglo, ay nakumbinse ng katuparan nito. (Tingnan din ang Mateo, kabanata 24 at Marcos, kabanata 13.) Ang salinlahi ng 1914 ay tunay na pinaka-palatandaan. Ito ang isang kasangkot sa ikalawang katuparan ng mga salita ni Jesus: “Ang salinlahing ito sa anumang paraan ay hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.” (Lucas 21:32) Sa “lahat ng bagay” ay kasali ang pagkaligtas buhat sa nakagugulumihanang mga suliranin ng sangkatauhan.
Si Jesus ay nagbigay ng katiyakan sa kaniyang mga tagasunod: “Pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo nga kayo nang matuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan. . . .Pagkakita ninyo sa mga bagay na ito na nangyayari, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” Ang Kaharian ng Diyos, isang nakatataas sa taong pandaigdig na pamahalaan, ang babago sa lupang ito upang maging isang pangglobong paraiso. Kung gayon, kung paanong ang tanda ay tiyak na natupad ganoon din na ang kaligtasan ay darating.—Lucas 21:28, 31; Awit 72:1-8.
Marahil ay hindi mo pa naisasaalang-alang ang makahulang tanda. Hinihimok ka namin na magpatuloy na suriin ang Salita ng Diyos. Sa paggawa nito ay mauunawaan mo nang higit ang tungkol sa mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa gayon ay malalaman mo kung ano ang hinihiling ng Diyos na Jehova sa mga taong kaniyang ‘ililigtas’ tungo sa dumarating na makalupang Paraiso.—Awit 37:10, 11; Zefanias 2:2, 3; Apocalipsis 21:3-5.
[Picture Credit Lines sa pahina 5]
Courtesy of German Railroads Information Office, New York
Eric Schwab/WHO
[Picture Credit Lines sa pahina 6]
Jerry Frank/United Nations
U.S. Air Force photo