KABANATA 21
Pupuksain ng Kaharian ng Diyos ang mga Kaaway Nito
1, 2. (a) Ano ang mga patunay na namamahala na ang ating Hari mula pa noong 1914? (b) Ano ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
TALAGANG nakapagpapatibay ng pananampalataya ang tinalakay nating mga naisakatuparan ng Kaharian ng Diyos sa gitna ng mga kaaway nito. (Awit 110:2) Ang ating Hari ay nag-organisa ng isang hukbo ng kusang-loob na mga mángangarál. Nilinis at dinalisay niya sa moral at espirituwal na paraan ang kaniyang mga tagasunod. At sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng mga kaaway ng Kaharian na pagwatak-watakin tayo, tinatamasa pa rin natin sa ngayon ang pandaigdig na pagkakaisa. Ang lahat ng ito at iba pang naisakatuparan ng Kaharian ay napakalinaw na patunay na namamahala na ang ating Hari sa gitna ng mga kaaway ng Kaharian mula pa noong 1914.
2 Mas kamangha-mangha pa ang gagawin ng Kaharian sa malapit na hinaharap. ‘Darating’ ito para ‘durugin at wakasan’ ang mga kaaway nito. (Mat. 6:10; Dan. 2:44) Pero bago iyan, may ilan pang mahahalagang magaganap. Ano ang mga iyon? Sasagutin iyan ng mga hula sa Bibliya. Talakayin natin ang ilan sa mga hulang iyon para malaman kung ano ang mangyayari.
Pangyayari Bago ang “Biglang Pagkapuksa”
3. Ano ang unang pangyayaring hinihintay natin?
3 Pagdedeklara ng kapayapaan. Sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica, inilarawan niya ang unang pangyayaring hinihintay natin. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:2, 3.) Binanggit niya ang “araw ni Jehova,” na magsisimula sa pagsalakay sa “Babilonyang Dakila.” (Apoc. 17:5) Pero bago magsimula ang araw ni Jehova, ang mga bansa ay magsasabi, “Kapayapaan at katiwasayan!” Maaaring tumukoy ito sa isang deklarasyon o sa isang serye ng mga deklarasyon. Makikisali ba rito ang mga lider ng relihiyon? Dahil bahagi sila ng sanlibutan, malamang na sasali sila sa mga bansa sa pagsasabi ng “May kapayapaan!” (Jer. 6:14; 23:16, 17; Apoc. 17:1, 2) Ang pagdedeklarang ito ng kapayapaan at katiwasayan ay hudyat na malapit nang magsimula ang araw ni Jehova. “Sa anumang paraan ay hindi . . . makatatakas” ang mga kaaway ng Kaharian ng Diyos.
4. Paano tayo nakikinabang ngayong alam na natin ang kahulugan ng hula ni Pablo tungkol sa pagdedeklara ng kapayapaan at katiwasayan?
4 Paano tayo nakikinabang ngayong alam na natin ang kahulugan ng hulang iyan? Sinabi ni Pablo: “Kayo ay wala sa kadiliman, upang ang araw na iyon ay umabot sa inyo gaya ng sa mga magnanakaw.” (1 Tes. 5:3, 4) Di-gaya ng karamihan sa mga tao, nauunawaan natin kung saan hahantong ang kasalukuyang mga pangyayari. Paano eksaktong matutupad ang hula tungkol sa kapayapaan at katiwasayan? Malalaman natin sa tamang panahon. Kung gayon, “manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan.”—1 Tes. 5:6; Zef. 3:8.
Pasimula ng Malaking Kapighatian
5. Ano ang magiging pasimula ng “malaking kapighatian”?
5 Pagsalakay sa relihiyon. Alalahanin na isinulat ni Pablo: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa.” Gaya ng kidlat na agad na sinusundan ng kulog, ang pagsasabi ng “Kapayapaan at katiwasayan!” ay kagyat na susundan ng “biglang pagkapuksa.” Ano ang pupuksain? Una, ang “Babilonyang Dakila”—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na kilala rin bilang “patutot.” (Apoc. 17:5, 6, 15) Ang pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan at sa lahat ng iba pang huwad na relihiyosong organisasyon ang magiging pasimula ng “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; 2 Tes. 2:8) Marami ang mabibigla rito. Bakit? Dahil hanggang sa puntong iyon, iniisip pa rin ng patutot na isa siyang “reyna” na ‘hindi kailanman makakakita ng pagdadalamhati.’ Pero bigla siyang magigising sa katotohanan. Agad siyang pupuksain, na parang “sa isang araw” lang.—Apoc. 18:7, 8.
6. Sino o ano ang sasalakay sa “Babilonyang Dakila”?
6 Sino o ano ang sasalakay sa “Babilonyang Dakila”? Isang “mabangis na hayop” na may “sampung sungay.” Ipinahihiwatig ng aklat ng Apocalipsis na ang mabangis na hayop na ito ay sumasagisag sa United Nations (UN). Ang sampung sungay ay lumalarawan sa lahat ng kasalukuyang politikal na kapangyarihan na sumusuporta sa “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” na ito. (Apoc. 17:3, 5, 11, 12) Gaano katindi ang pagsalakay na iyon? Darambungin ng mga bansang miyembro ng UN ang kayamanan ng patutot, luluray-lurayin siya, at ‘lubusang susunugin.’—Basahin ang Apocalipsis 17:16.a
7. Paano natupad noong unang siglo C.E. ang sinabi ni Jesus sa Mateo 24:21, 22? Paano ito matutupad sa hinaharap?
7 Paiikliin ang mga araw. Isiniwalat ng ating Hari kung ano ang susunod na mangyayari sa malaking kapighatian. Sinabi ni Jesus: “Dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.” (Basahin ang Mateo 24:21, 22.) Unang natupad ang sinabi ni Jesus noong 66 C.E. nang “paikliin” ni Jehova ang pagsalakay ng hukbong Romano sa Jerusalem. (Mar. 13:20) Dahil diyan, nagkaroon ng pagkakataong maligtas ang mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea. Paano naman ito matutupad sa darating na malaking kapighatian? Sa pamamagitan ng ating Hari, “paiikliin” ni Jehova ang pagsalakay ng UN sa mga relihiyon para hindi madamay sa pagkapuksa ang tunay na relihiyon. Kaya maibabagsak ang lahat ng huwad na relihiyosong organisasyon pero mananatiling nakatayo ang nag-iisang tunay na relihiyon. (Awit 96:5) Talakayin naman natin ngayon ang mga pangyayaring magaganap pagkatapos ng bahaging ito ng malaking kapighatian.
Mga Pangyayaring Hahantong sa Armagedon
8, 9. Anong kakaibang mga tanawin ang posibleng tinutukoy ni Jesus? Ano ang magiging reaksiyon ng mga tao sa makikita nila?
8 Ipinahihiwatig ng hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw na may ilan pang mahahalagang pangyayaring magaganap bago sumiklab ang digmaan ng Armagedon. Ang unang dalawang pangyayaring tatalakayin natin ay binabanggit sa mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas.—Basahin ang Mateo 24:29-31; Mar. 13:23-27; Luc. 21:25-28.
9 Kakaibang mga tanawin sa langit. Inihula ni Jesus: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit.” Siguradong hindi na aasa ang mga tao sa mga lider ng relihiyon para magbigay ng liwanag, o patnubay. Pero puwede rin kayang literal na kakila-kilabot na mga tanawin sa langit ang tinutukoy ni Jesus? Posible. (Isa. 13:9-11; Joel 2:1, 30, 31) Ano ang magiging reaksiyon ng mga tao sa makikita nila? Sila ay ‘manggigipuspos’ dahil ‘hindi nila alam ang kanilang gagawin.’ (Luc. 21:25; Zef. 1:17) Oo, ang mga kaaway ng Kaharian ng Diyos—mula ‘hari hanggang alipin’—ay ‘manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating’ at matataranta sila sa paghanap ng mapagtataguan. Pero imposible silang makatakas sa galit ng ating Hari.—Luc. 21:26; 23:30; Apoc. 6:15-17.
10. Anong hatol ang ipahahayag ni Jesus? Ano ang magiging reaksiyon ng mga sumusuporta at sumasalansang sa Kaharian ng Diyos?
10 Kapahayagan ng hatol. Mapipilitan ang lahat ng kaaway ng Kaharian ng Diyos na saksihan ang isang pangyayaring lalo pang magpapahirap sa kanila. Sinabi ni Jesus: “Makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.” (Mar. 13:26) Ang kakila-kilabot na pagtatanghal na ito ng kapangyarihan ay hudyat na dumating na si Jesus para humatol. Sa karugtong na bahagi ng hulang ito tungkol sa mga huling araw, nagbigay si Jesus ng karagdagang detalye tungkol sa gagawing paghatol. Makikita natin ito sa ilustrasyon tungkol sa mga tupa at kambing. (Basahin ang Mateo 25:31-33, 46.) Ang tapat na mga tagasuporta ng Kaharian ng Diyos ay hahatulan bilang “mga tupa” at ‘itataas nila ang kanilang mga ulo,’ dahil alam nilang ang kanilang “katubusan ay nalalapit na.” (Luc. 21:28) Pero ang mga sumasalansang sa Kaharian ay hahatulan bilang “mga kambing” at “dadagukan [nila] ang kanilang sarili sa pamimighati” dahil alam nilang “walang-hanggang pagkalipol” ang naghihintay sa kanila.—Apoc. 1:7; Mat. 24:30.
11. Ano ang dapat nating tandaan habang isinasaalang-alang ang papalapít na mga kaganapan?
11 Pagkatapos hatulan ni Jesus ang “lahat ng mga bansa,” may ilan pang mahahalagang pangyayaring magaganap bago magsimula ang Armagedon. (Mat. 25:32) Tatalakayin natin ang dalawa sa mga ito: ang pagsalakay ni Gog at ang pagtitipon sa mga pinahiran. Habang isinasaalang-alang ang mga ito, tandaan na hindi isinisiwalat ng Salita ng Diyos ang eksaktong panahon ng katuparan nito. Pero lumilitaw na magpapang-abot ang dalawang pangyayaring ito.
12. Ano ang magiging huling pagsalakay ni Satanas sa Kaharian?
12 Huling pagsalakay. Sasalakayin ni Gog ng Magog ang mga pinahirang nalabi at ang kasama nilang ibang mga tupa. (Basahin ang Ezekiel 38:2, 11.) Mula nang palayasin si Satanas sa langit, nakikipagdigma na siya sa mga pinahirang nalabi, pero ang pagsalakay na ito ang magiging huling pakikidigma niya sa nakatatag nang Kaharian. (Apoc. 12:7-9, 17) Nang simulang tipunin ang mga pinahiran sa nilinis na kongregasyong Kristiyano, lalong naging pursigido si Satanas na sirain ang tinatamasa nilang espirituwal na paraiso—pero bigo siya. (Mat. 13:30) Gayunman, kapag bumagsak na ang lahat ng huwad na relihiyosong organisasyon at ang bayan ng Diyos ay nagmimistulang ‘walang pader, halang, at mga pinto,’ iisipin ni Satanas na ito na ang pinakahihintay niyang pagkakataon. Kaya uudyukan niya ang mga gobyerno ng tao para salakayin ang mga tagasuporta ng Kaharian.
13. Paano kikilos si Jehova para ipagsanggalang ang kaniyang bayan?
13 Inilalarawan ni Ezekiel ang mangyayari. Tungkol kay Gog, sinasabi ng hula: “Tiyak na darating ka mula sa iyong dako, mula sa pinakamalalayong bahagi sa hilaga, ikaw at ang maraming bayan na kasama mo, silang lahat na nakasakay sa mga kabayo, isang malaking kongregasyon, isa ngang malaking hukbong militar. At ikaw nga ay aahon laban sa aking [bayan], tulad ng mga ulap na tatakip sa lupain.” (Ezek. 38:15, 16) Ano ang magiging reaksiyon ni Jehova sa waring di-mapipigilang pagsalakay na ito? “Ang aking pagngangalit ay aakyat sa butas ng aking ilong,” ang sabi ni Jehova. “Tatawag ako ng isang tabak.” (Ezek. 38:18, 21; basahin ang Zacarias 2:8.) Kikilos si Jehova para ipagsanggalang ang kaniyang mga lingkod sa lupa. Sisiklab na ang digmaan ng Armagedon.
14, 15. Anong isa pang pangyayari ang magaganap pagkatapos magsimula ang huling pagsalakay ni Satanas?
14 Bago natin talakayin kung paano ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa Armagedon, isaalang-alang muna natin ang isa pang mahalagang pangyayari. Ito ay magaganap sa pagitan ng pagsisimula ng huling pagsalakay ni Satanas at ng pagsisimula ng Armagedon. Gaya ng binanggit sa parapo 11, ito ang pagtitipon sa mga pinahirang nalabi.
15 Pagtitipon sa mga pinahiran. May kinalaman sa mga ulat nina Mateo at Marcos tungkol sa sunod-sunod na mga pangyayari bago ang Armagedon, pareho nilang binanggit ang sinabi ni Jesus tungkol sa “mga pinili”—pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano. (Tingnan ang parapo 7.) Sa pagtukoy sa kaniyang sarili bilang Hari, inihula ni Jesus: “Kung magkagayon ay isusugo niya ang mga anghel at titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.” (Mar. 13:27; Mat. 24:31) Anong pagtitipon ang tinutukoy ni Jesus? Hindi ang pangwakas na pagtatatak sa mga pinahirang nalabi, dahil magaganap iyon bago magsimula ang malaking kapighatian. (Apoc. 7:1-3) Ang tinutukoy ni Jesus ay isang pangyayari na magaganap sa panahon ng malaking kapighatian. Kaya lumilitaw na titipunin sa langit ang mga pinahirang narito pa sa lupa pagkatapos magsimula ang huling pagsalakay ni Satanas sa bayan ng Diyos.
16. Paano makikibahagi sa digmaan ng Armagedon ang binuhay-muling mga pinahiran?
16 Matatapos ba ang pagtitipon sa mga pinahirang nalabi bago maganap ang susunod na pangyayari, ang digmaan ng Armagedon? Lumilitaw na gayon nga. Sa langit, ang 144,000 kasamang tagapamahala ni Kristo ay tatanggap ng awtoridad at makikibahagi sa pagwasiwas ni Jesus sa “tungkod na bakal” para puksain ang lahat ng kaaway ng Kaharian ng Diyos. (Apoc. 2:26, 27) Pagkatapos, ang binuhay-muling mga pinahiran at ang makapangyarihang mga anghel ay hahayong kasunod ni Kristo, ang Mandirigmang-Hari, para makipaglaban sa “malaking hukbong militar” ng mga kaaway na papalapít na sa puntirya nito—ang bayan ni Jehova. (Ezek. 38:15) Kapag nagsalubóng ang dalawang hukbong ito, simula na ng Armagedon!—Apoc. 16:16.
Wakas ng Malaking Kapighatian
17. Ano ang mangyayari sa “mga kambing” sa digmaan ng Armagedon?
17 Paglalapat ng hatol. Ang digmaan ng Armagedon ang magiging wakas ng malaking kapighatian. Sa panahong iyon, may dagdag na atas kay Jesus. Bukod sa pagiging Hukom ng “lahat ng mga bansa,” siya rin ay magiging Tagapuksa ng mga bansa—samakatuwid nga, ng lahat ng tao na hinatulan na niya bilang “mga kambing.” (Mat. 25:32, 33) Gamit ang “isang mahabang tabak na matalas,” ‘sasaktan [ng ating Hari] ang mga bansa.’ Oo, lahat ng tulad-kambing—mula “hari” hanggang “alipin”—“ay magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.”—Apoc. 19:15, 18; Mat. 25:46.
18. (a) Paano mababaligtad ang mga pangyayari para sa “mga tupa”? (b) Paano lulubusin ni Jesus ang kaniyang tagumpay?
18 Talagang mababaligtad ang mga pangyayari para sa “mga tupa”! Sa halip na malupig ng napakalaking hukbo ng “mga kambing” ni Satanas, “isang malaking pulutong” ng “mga tupa” na mukhang walang kalaban-laban ang makaliligtas sa pagsalakay ng mga kaaway at ‘lalabas mula sa malaking kapighatian.’ (Apoc. 7:9, 14) Matapos lupigin at puksain ni Jesus ang lahat ng taong kaaway ng Kaharian ng Diyos, ibubulid niya si Satanas at ang mga demonyo sa kalaliman. Doon, sila ay magmimistulang patay sa loob ng isang libong taon.—Basahin ang Apocalipsis 6:2; 20:1-3.
Kung Paano Tayo Maghahanda
19, 20. Paano natin maikakapit ang sinasabi sa Isaias 26:20 at 30:21?
19 Paano tayo maghahanda sa nakayayanig na mga pangyayari sa hinaharap? Sinabi noon ng Ang Bantayan: “Nakadepende ang kaligtasan sa pagiging masunurin.” Bakit? Makikita ang sagot sa isang babala ni Jehova sa mga Judiong bihag noon sa Babilonya. Inihula ni Jehova na lulupigin ang Babilonya, pero ano ang gagawin ng bayan ng Diyos para makapaghanda? Sinabi ni Jehova: “Yumaon ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga loobang silid, at isara mo ang iyong mga pinto sa likuran mo. Magtago ka nang sandali hanggang sa makaraan ang pagtuligsa.” (Isa. 26:20) Pansinin ang mga pandiwa sa talatang ito: “yumaon,” “pumasok,” “isara,” “magtago”—lahat ay nasa anyong pautos. Kung susunod ang mga Judio sa mga utos na ito, mananatili lang sila sa kanilang bahay, malayo sa nanlulupig na mga kawal sa mga lansangan. Kaya ang kaligtasan nila ay nakadepende sa pagsunod sa mga utos ni Jehova.b
20 Ang aral? Gaya sa mga lingkod ng Diyos noon, ang kaligtasan natin sa magaganap na mga pangyayari ay nakadepende sa pagsunod natin sa mga utos ni Jehova. (Isa. 30:21) Ang mga iyon ay nakararating sa atin sa pamamagitan ng mga kongregasyon. Kaya gusto nating sanayin ang ating sarili na buong-pusong sumunod sa mga tagubiling tinatanggap natin. (1 Juan 5:3) Kung gagawin natin iyan ngayon pa lang, magiging mas madali na sa atin na sumunod sa hinaharap. Sa gayon, matatanggap natin ang proteksiyon ng ating Ama, si Jehova, at ng ating Hari, si Jesus. (Zef. 2:3) Dahil sa proteksiyong iyan, may pagkakataon tayong masaksihan ang lubusang pagpuksa ng Kaharian ng Diyos sa mga kaaway nito. Tiyak na hinding-hindi natin iyon malilimutan!
a Makatuwirang isipin na ang pagpuksa sa “Babilonyang Dakila” ay tumutukoy sa pagpuksa sa mga relihiyosong institusyon, hindi sa pagpuksa sa lahat ng miyembro nito. Kaya karamihan sa mga dating sumusuporta sa Babilonya ay hindi madadamay sa pagpuksang iyon, at malamang na didistansiya agad sila sa relihiyon, gaya ng ipinahihiwatig sa Zacarias 13:4-6.
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I, pahina 282-283.