Manatiling Gising sa “Panahon ng Kawakasan”
“Manatiling nakabantay, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang takdang panahon.”—MARCOS 13:33.
1. Papaano tayo dapat maapektuhan samantalang natutupad ang kapana-panabik na mga pangyayari sa “panahon ng kawakasan”?
HABANG nagaganap ang nakapananabik na mga pangyayari sa “panahon ng kawakasan” na ito, papaano dapat maapektuhan ang mga Kristiyano? (Daniel 12:4) Sila’y hindi pinababayaan sa pag-aalinlangan. Sinalita ni Jesu-Kristo ang hula na may kabuuang tanda na natutupad sa ika-20 siglong ito. Kaniyang inihula ang maraming bahagi nito na nasasaksihan sa panahong ito buhat noong 1914 bilang pambihira. Palibhasa’y may kaalaman sa hula ni Daniel tungkol sa “panahon ng kawakasan,” ang kaniyang dakilang hula ay pinasundan ni Jesus ng payo sa kaniyang mga alagad na “manatiling gising.”—Lucas 21:36.
2. Bakit lubhang kailangan na tayo’y manatiling gising sa espirituwal?
2 Bakit dapat manatiling gising? Sapagkat ito ang pinakamapanganib na panahon sa kasaysayan ng tao. Kung ang mga Kristiyano ay padadala sa espirituwal na pag-aantok sa panahong ito ang gayon ay maaaring humantong sa kapahamakan. Kung tayo’y magiging kampante o papayagan natin na malugmok ang ating mga puso dahilan sa mga kabalisahan sa buhay, tayo’y manganganib. Sa Lucas 21:34, 35, si Jesu-Kristo ay nagbabala sa atin: “Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at sa pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo. Sapagkat gayon darating sa lahat na nananahan sa buong lupa.”
3, 4. (a) Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya na ang araw ng Diyos ay darating na bigla sa mga tao na “gaya ng silo”? (b) Yamang hindi ang Diyos ang naglalagay ng silo, bakit ang araw na iyon ay biglang darating sa karamihan ng tao?
3 May mabuting dahilan nga kung bakit sinabi ni Jesus na ang araw ni Jehova ay ‘darating na bigla sa atin na gaya ng silo.’ Ang silo ay kadalasan may nakakabit na bitag, at ito’y ginagamit sa panghuhuli ng mga ibon at mga hayop. Ang silo ay may pinaka-gato, at pagka may nakatapak dito ay umiigkas ang gato. Kung magkagayon ay gumagana ang silo, at ang biktima ay nahuhuli. Lahat na ito ay nangyayari na biglang-bigla. Sa katulad na paraan, sinabi ni Jesus na ang mga di-aktibo sa espirituwal ay magtataka at mararatnang walang malay sa “araw ng poot ng Diyos.”—Kawikaan 11:4.
4 Ang Diyos na Jehova ba ang naglalagay ng silo para sa mga tao? Hindi, hindi siya nag-aabang upang hulihing bigla ang mga tao upang puksain sila. Subalit ang araw na iyon ay biglang darating sa karamihan ng tao sapagkat hindi nila inuuna sa kanilang buhay ang Kaharian ng Diyos. Sila’y lumalakad ng kanilang sariling lakad sa mga kapakanan sa buhay, ipinagwawalang-bahala ang kahulugan ng mga pangyayari sa paligid nila. Subalit, ito’y hindi bumabago sa talaorasan ng Diyos. Taglay niya ang kaniyang sariling itinakdang panahon para sa pakikipagtuos ng mga bagay-bagay. At, palibhasa’y maawain, ang sangkatauhan ay hindi niya pinababayaang walang-alam sa kaniyang dumarating na paghuhukom.—Marcos 13:10.
5, 6. (a) Dahilan sa dumarating na paghuhukom, ano ang maibiging paglalaan ng Maylikha ukol sa mga taong nilalang, subalit ano ang pangkalahatang resulta? (b) Ano ang tatalakayin upang matulungan tayong manatiling gising?
5 Ang patiunang babalang ito ay isang maibiging paglalaan ng dakilang Maylikha, na interesado sa kapakanan ng mga taong nilalang dito sa kaniyang simbolikong tuntungan ng paa. (Isaias 66:1) Kaniyang minamahal ang mga naninirahan sa dakong tinutukoy na pahingahan ng kaniyang mga paa. Kaya sa pamamagitan ng kaniyang makalupang mga embahador at mga kinatawan, kaniyang binababalaan sila tungkol sa mga pangyayaring nasa unahan nila. (2 Corinto 5:20) Gayunman, sa kabila ng lahat ng ibinigay na babala, ang mga pangyayaring ito ay darating sa sangkatauhan nang di-inaasahan na para bang ang sangkatauhan ay nakatuntong sa isang silo. Bakit? Sapagkat karamihan ng mga tao ay natutulog sa espirituwal. (1 Tesalonica 5:6) Kung ihahambing, iilan lamang ang nakikinig sa babala at makaliligtas tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Mateo 7:13, 14.
6 Kung gayon, papaano tayo makapananatiling gising sa panahong ito ng kawakasan upang mapabilang sa mga taong maliligtas? Si Jehova ang nagbibigay ng kinakailangang tulong. Bigyang-pansin natin ang pitong bagay na maaari nating gawin.
Labanan ang Pang-abala
7. Anong babala tungkol sa pang-abala ang ibinigay ni Jesus?
7 Una, ang pang-abala ay kailangang labanan natin. Sa Mateo 24:42,44, sinabi ni Jesus: “Patuloy na magbantay kayo, kung gayon, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Kaya nga kayo man ay manatiling handa, sapagkat ang Anak ng tao ay paririto sa oras na hindi ninyo sukat akalain.” Ang pananalita na ginamit dito ni Jesus ay nagpapakita na sa maselang na panahong ito, magkakaroon ng maraming pang-abala, at ang pagkaabala ay hahantong sa pagkapuksa. Noong kaarawan ni Noe ang mga tao ay abalang-abala sa maraming bagay. Kaya naman, ang abalang mga tao ay “hindi nagbigay-pansin” sa mga nangyayari, at sila’y tinangay na lahat ng Baha. Kaya naman, si Jesus ay nagbabala: “Magiging ganiyan ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
8, 9. (a) Papaano ang pangkaraniwang mga bagay sa buhay ay magsisilbing pang-abala sa atin? (b) Anong mga babala ang ibinigay sa atin ni Pablo at ni Jesus?
8 Isaisip din naman na sa kaniyang babala sa Lucas 21:34, 35, ang tinatalakay ni Jesus ay ang karaniwang mga bagay sa buhay, tulad halimbawa ng pagkain, pag-inom, at mga kabalisahan sa pagkita ng ikabubuhay. Ito’y mga bagay na karaniwan sa lahat ng tao, kasali na ang mga alagad ng Panginoong Jesus. (Ihambing ang Marcos 6:31.) Ang mga bagay na ito ay maaaring wala namang masama sa ganang sarili, ngunit kung papayagan, ito’y makaaabala sa atin, kukunin ang malaking bahagi ng panahon natin, at sa gayo’y hihilahin tayo sa mapanganib na pag-aantok sa espirituwal.
9 Kung gayon, huwag nating kaligtaan ang pinakamahalagang bagay—ang pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip na mapalulong sa karaniwang mga bagay ng buhay, gamitin natin ang mga ito sa limitadong paraan na kailangan upang tumustos sa atin. (Filipos 3:8) Ang mga ito’y hindi dapat magsilbing pang-abala hanggang sa tuluyang makalimutan na natin ang mga kapakanang pang-Kaharian. Gaya ng sinasabi ng Roma 14:17, “ang kaharian ng Diyos ay hindi nangangahulugan ng pagkain at pag-inom, kundi nangangahulugan ng katuwiran at kapayapaan at kagalakan kalakip ang banal na espiritu.” Alalahanin ang sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba ang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Isa pa, sa Lucas 9:62, sinabi ni Jesus: “Walang taong humawak ng araro at tumingin sa mga bagay sa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
10. Ano ang panganib kung ang ating mga mata ay hindi nakatinging deretso at nakapako sa hantungang tunguhin?
10 Minsang tayo’y nagsimulang mag-araro, wika nga, ay kailangan na patuloy na gumawa ayon sa isang deretsong linya. Ang isang mag-aararo na lumingon ay hindi makapagtutudling nang deretso. Siya’y naaabala at madaling maililihis o mapahihinto dahil sa ilang sagabal. Huwag nating tularan ang asawa ni Lot, na lumingon at hindi na nakabalik na ligtas. Kailangang tumingin tayo nang deretso na nakapako ang mga mata sa hantungang tunguhin. Upang magawa iyan kailangang labanan natin ang pang-abala.—Genesis 19:17, 26; Lucas 17:32.
Manalangin Nang Buong Kataimtiman
11. Ano ang idiniin ni Jesus pagkatapos paalalahanan tayo laban sa panganib ng pagkaabala?
11 Gayunman, marami pa ang magagawa natin upang makapanatiling gising. Ang isang mahalagang pangalawang bagay ay: Manalangin nang buong kataimtiman. Pagkatapos na paalalahanan tayo laban sa pagkaabala sa pangkaraniwang mga bagay ng buhay, ganito ang ibinigay ni Jesus na payo: “Kaya nga, manatili kayong gising, sa tuwina dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”—Lucas 21:36.
12. Anong uri ng panalangin ang kinakailangan, at ano ang resulta?
12 Sa gayon, tayo’y kailangang palaging manalangin tungkol sa panganib ng ating kalagayan at sa pangangailangan natin na maging alerto. Kaya tayo’y manalangin sa Diyos nang may kataimtiman at pagsusumamo. Sinasabi ni Pablo sa Roma 12:12: “Magmatiyaga ng pananalangin.” At sa Efeso 6:18, ating mababasa: “Sa pamamagitan ng lahat ng anyo ng panalangin at pagsusumamo . . . , magsipanalangin kayo sa bawat pagkakataon sa espiritu. At sa layuning iyan manatiling gising.” Ito’y hindi lamang isang kaso na pananalangin na para bang iyon ay isang bagay na nagkataon lamang at walang gaanong halaga. Ang ating mismong buhay ay nasa panganib. Samakatuwid tayo ay kailangang manalangin nang buong kataimtiman upang tulungan tayo ng Diyos. (Ihambing ang Hebreo 5:7.) Sa ganiyang paraan tayo’y magpapatuloy na nasa panig ni Jehova. Wala nang lalong kapaki-pakinabang sa pagtulong sa atin upang magampanan natin ito kundi ang tayo’y ‘manalangin sa lahat ng panahon.’ Kung gayon ay pananatilihin tayo ni Jehova sa isang kalagayan na mapagbantay at gising. Anong pagkahala-halaga, kung gayon ang laging manalangin!
Kumapit Nang Mahigpit sa Organisasyon ng Diyos at sa Gawain Nito
13. Anong pagsasamahan ang kinakailangan upang tayo’y manatiling gising?
13 Nais nating maiwasan ang lahat ng mga bagay na ito na sasapit sa sanlibutan. Nais nating tumayo sa harap ng Anak ng tao, taglay ang kaniyang pagsang-ayon. Sa naising ito ay may ikatlong bagay na magagawa tayo: Kumapit nang mahigpit upang huwag mapahiwalay sa organisasyong teokratiko ni Jehova. Tayo’y kailangang makisama nang walang-pasubali sa organisasyong iyan at makibahagi sa mga gawain nito. Sa ganito ay ating walang-pagkabisalang maipakikilala ang ating sarili bilang mga Kristiyano na mapagbantay.
14, 15. (a) Ang pakikibahagi sa anong gawain ang tutulong sa atin upang manatiling gising? (b) Sino ang nagpapasiya na ang pangangaral ay tapos na, at ano ang dapat nating isipin tungkol dito? (c) Pagkatapos ng malaking kapighatian, ano ang mauunawaan natin pagka tayo’y lumingon sa naisagawang pangangaral ng Kaharian?
14 May malapit na kaugnayan ang ikaapat na bagay na makatutulong sa atin na manatiling gising. Tayo ay kailangang kabilang sa mga nagbibigay ng babala sa mga tao ng darating na wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Ang lubos na katapusan ng matandang sistemang ito ng mga bagay ay hindi magaganap hangga’t hindi naipangangaral “ang mabuting balitang ito ng kaharian” sa lawak na nilayon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Mateo 24:14) Hindi ang mga Saksi ni Jehova ang magpapasiya kung kailan matatapos ang pangangaral. Si Jehova ang may karapatan na gumawa niyan. (Marcos 13:32, 33) Subalit, tayo ay disidido na gumawang puspusan hangga’t maaari at habang kailangang ipangaral ang pinakamagaling na gobyerno na makakamtan ng tao kailanman, ang Kaharian ng Diyos. Ang “malaking kapighatian” ay magsisimula samantalang tayo’y gumagawa pa ng gawaing ito. (Mateo 24:21) Sa buong panahon sa hinaharap, ang mga taong makaliligtas ay makalilingon at buong-pusong mapatutunayan nila na si Jesu-Kristo ay hindi isang bulaang propeta. (Apocalipsis 19:11) Ang pangangaral ay tapos na sa panahong iyon sa lawak na higit kaysa inaasahan ng mga taong nakikibahagi rito.
15 Kaya, sa napakahalagang panahon na matatapos na ang gawaing ito sa sariling kasiyahan ng Diyos, lalong maraming mga tao ang malamang na makikibahagi rito kaysa alinmang nakalipas na panahon. Anong laki ng ating pasasalamat at tayo’y nagkaroon ng bahagi sa dakilang gawaing ito! Sa atin ay tinitiyak ni apostol Pedro na si Jehova ay “hindi nagnanais na sinuman ay mapuksa kundi nais niya na lahat ay magsisi.” (2 Pedro 3:9) Kaya naman, ang aktibong puwersa ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay kumikilos ngayon nang lalong puspusan kaysa kailampaman, at ang mga Saksi ni Jehova ay nagnanais na magpatuloy sa udyok-espiritung gawaing ito. Kaya kumapit nang mahigpit sa organisasyon ni Jehova, at maging abala sa pangmadlang ministeryo nito. Ito’y magiging isang tulong sa iyong pananatiling gising.
Gumawa ng Pagsusuri-sa-Sarili
16. Bakit tayo dapat magsuri sa sarili sa ating kasalukuyang espirituwal na kalagayan?
16 May ikalimang bagay na magagawa tayo upang manatiling gising. Bilang mga indibiduwal, tayo’y dapat gumawa ng pagsusuri-sa-sarili ng ating kasalukuyang kalagayan. Ito’y angkop ngayon higit kailanman kaysa nakaraan. Kailangang patunayan natin kung kaninong panig tayo nakatayo nang walang pagkatinag. Sa Galacia 6:4, sinabi ni Pablo: “Siyasatin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa.” Gumawa ng pagsusuri-sa-sarili na kasuwato ng mga salita ni Pablo sa 1 Tesalonica 5:6-8: “Huwag nga tayong makatulog na gaya ng iba, kundi tayo’y manatiling gising at laging handa sapagkat ang nangatutulog ay nasanay na matulog sa gabi, at ang nangaglalasing ay karaniwan nang lasing sa gabi. Ngunit para sa atin na mga anak ng araw, tayo’y manatiling laging handa at nakasuot ng baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig at ang maging turbante natin ay ang pag-asa ng kaligtasan.”
17. Sa pagsusuri-sa-sarili, ano ang mga dapat itanong sa ating sarili?
17 Kumusta naman tayo? Pagka sinuri natin ang ating sarili sa liwanag ng Kasulatan, nakikita ba natin na tayo’y nananatiling gising, na ang taglay na turbante ay ang pag-asa ng kaligtasan? Tayo ba ay mga taong gumawa ng positibong paghihiwalay ng ating sarili sa matandang sistema ng mga bagay at hindi na natin sinasang-ayunan ang mga ideya nito? Talaga bang may espiritu tayo ng bagong sanlibutan ng Diyos? Tayo ba’y lubusang alerto tungkol sa kung saan patungo ang sistemang ito? Kung gayon, tayo’y hindi aabutan ng araw ni Jehova na para bang tayo’y mga magnanakaw.—1 Tesalonica 5:4.
18. Ano pang mga katanungan ang marahil ay kailangang itanong natin sa ating sarili, at ano ang resulta?
18 Subalit, ano kung sa ating pagsusuri-sa-sarili ay nahayag na tayo’y nagsisikap na magkaroon ng isang maganda, maalwan, komportable, at maginhawang paraan ng pamumuhay? Ano kung ating natuklasan na ang ating espirituwal na mga mata ay namimigat sa antok at tulog? Tayo ba ay mistulang nananaginip, naghahabol ng kung anu-anong makasanlibutang mga bagay na di-kapani-paniwala? Kung gayon, tayo’y gumising na!—1 Corinto 15:34.
Bulay-bulayin ang Natupad na mga Hula
19. Ano ang ilan sa mga hula na nakita natin ang katuparan?
19 Narito na tayo ngayon sa ikaanim na bagay na tutulong sa atin na manatiling gising: Bulay-bulayin ang maraming hula na natupad sa panahong ito ng kawakasan. Nakalampas na tayo sa ika-77 taon magbuhat nang ang itinakdang mga panahon sa mga bansa ay matapos noong 1914. Sa ating paglingon sa mahigit na pitumpu’t limang taon ng isang siglo, nakikita natin kung papaano ang sunud-sunod na mga hula ay natupad—ang pagsasauli ng tunay na pagsamba; ang pagkapalaya ng pinahirang nalabi, pati na ang kanilang mga kasamahan, tungo sa isang espirituwal na paraiso; ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa; ang paglitaw ng malaking pulutong. (Isaias 2:2, 3; kabanata 35; Zacarias 8:23; Mateo 24:14; Apocalipsis 7:9) Niluluwalhati na ngayon ang dakilang pangalan at pansansinukob na soberanya ni Jehova, at ang munti ay naging isanlibo at ang maliit ay naging isang matibay na bansa, anupa’t pinabibilis ito ni Jehova sa itinakdang panahon. (Isaias 60:22; Ezekiel 38:23) At ang mga pangitain ni apostol Juan sa Apocalipsis ay malapit na ngayon sa kasukdulan.
20. Ano ang matibay na paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, at sila’y napatunayang ano?
20 Samakatuwid, higit kailanman, matibay ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova na tama ang kanilang pagkaunawa ng kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig magbuhat noong 1914. Sa gayong matibay na paniniwala, sila’y napatunayang mga instrumento na ginagamit ng Kataas-taasang Diyos. Sila ang mga may pananagutan na ihatid ang banal na pabalita sa napakahalagang panahong ito. (Roma 10:15, 18) Oo, ang mga salita ni Jehova sa panahon ng kawakasan ay natupad. (Isaias 55:11) Ito, sa kabilang dako, ang dapat magpasigla sa atin na magpatuloy hanggang sa ating makita ang pangkatapusang katuparan ng lahat ng ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
Ang Kaligtasan ay Mas Malapit Na Kaysa Noong Tayo’y Nagsimulang Sumampalataya
21. Ano ang ikapitong tulong upang tayo’y makapanatiling gising sa espirituwal?
21 Bilang huli, ang ikapitong tulong upang tayo’y makapanatiling gising: Sa tuwina’y isaisip na ang ating kaligtasan ay mas malapit na kaysa noong una na tayo’y nagsimulang sumampalataya. Lalong mahalaga, ang pagbabangong-puri ng pansansinukob na soberanya ni Jehova at ang pagbanal sa kaniyang pangalan ay mas lalong malapit na. Kaya ang pangangailangan na manatiling gising ay lalong kailangang-kailangan ngayon. Si apostol Pablo ay sumulat: “Nakikilala ninyo ang kapanahunan, na ngayo’y oras nang gumising kayo sa pagkatulog, sapagkat ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo’y maging mga mananampalataya. Ang gabi ay totoong malalim; ang araw ay malapit na.”—Roma 13:11, 12.
22. Yamang malapit na ang ating kaligtasan, papaano tayo dapat maapektuhan nito?
22 Ngayong ang ating kaligtasan ay totoong mas malapit na, tayo’y kailangang manatiling gising! Huwag nating hayaang ang anumang personal o makasanlibutang mga kapakanan ay makahigit pa sa ating pagpapahalaga sa ginagawa ni Jehova sa kaniyang bayan sa panahong ito ng kawakasan. (Daniel 12:3) Kailangang tayo’y magpakita ng higit na pagtitiyaga kaysa kailampaman kung kaya hindi tayo nahihiwalay sa daan na buong-linaw na itinakda para sa atin ng Salita ng Diyos. (Mateo 13:22) Ang katibayan ay malinaw na nagpapakita na ang sanlibutang ito’y nasa kaniyang mga huling araw. Hindi na magtatagal at ito ay papawiin na magpakailanman upang magbigay-daan sa isang bagong sanlibutan ng katuwiran.—2 Pedro 3:13.
23. Sa papaanong paraan tutulungan tayo ni Jehova, at anong pagpapala ang magiging resulta nito?
23 Kung gayon, sa lahat ng paraan ay manatili tayong laging gising. Higit kailanman, maging listo tayo kung tungkol sa kinaroroonan natin sa agos ng panahon. Alalahanin, si Jehova ay hindi kailanman matutulog sa bagay na ito. Bagkus, sa tuwina’y tutulungan niya tayo sa pananatiling gising sa panahong ito ng kawakasan. Ang gabi ay totoong malalim na. Ang araw ay palapit nang palapit. Kaya kayo’y maging laging gising! Hindi na magtatagal at mararanasan natin ang pinakamaganda sa lahat ng mga araw, samantalang tinutupad ng Mesianikong Kaharian ang layunin ni Jehova kung tungkol sa lupa!—Apocalipsis 21:4, 5.
Ano ang mga Sagot Ninyo?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang banggitin na ang araw ng poot ng Diyos ay darating sa mga tao na “gaya ng silo”?
◻ Bakit kailangang labanan natin ang pang-abala, at papaano natin magagawa iyon?
◻ Anong uri ng panalangin ang kailangan upang tayo’y manatiling gising?
◻ Anong uri ng mga kasama ang mahalaga?
◻ Bakit dapat magsuri sa sarili sa ating espirituwal na kalagayan?
◻ Anong bahagi ang ginagampanan ng hula kung tungkol sa ating pananatiling gising?