Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sumapit Na ang Huling Paskuwa ni Jesus
SAMANTALANG ang Martes, Nisan 11, ay patapos na, tinatapos ni Jesus ang pagtuturo sa mga apostol sa Bundok ng Olibo. Iyon ay isang magawaing araw, ng mabigat na trabaho! Ngayon, marahil samantalang pabalik sa Betania para doon magpalipas ng gabi, kaniyang sinabihan ang kaniyang mga apostol: “Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang paskuwa, at ibibigay ang Anak ng tao upang mabayubay.”
Noong sumunod na araw, Miyerkules, Nisan 12, maliwanag na si Jesus ay tahimik na namamahinga kasama ng kaniyang mga apostol. Nang araw bago pa noon, kaniyang pinagwikaan sa harap ng madla ang mga pinunong relihiyoso, at kaniyang natatanto na sila’y nagsisikap na patayin siya. Kaya noong Miyerkules hindi siya hayagang nagpakita ng kaniyang sarili yamang hindi niya ibig na ang anuman ay makasagabal sa kaniyang pagdiriwang ng Paskuwa kasama ng kaniyang mga apostol nang sumunod na gabi.
Samantala, ang mga pangulong saserdote at ang matatandang lalaki ng bayan ay nagkatipon sa looban ng mataas na saserdote, si Caifas. Palibhasa’y nasaktan sa pagkaatake sa kanila ni Jesus nang lumipas na araw, sila’y naghanda ng mga plano upang hulihin siya sa pamamagitan ng tusong pakana at siya’y maipapatay. Gayunman ay patuloy na sinabi nila: “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo sa bayan.” Sila’y nangangamba sa mga mamamayan, na tumatangkilik kay Jesus.
Samantalang ang mga pinunong relihiyoso ay nagsasanggunian nang buong kasamaan na patayin si Jesus, isang panauhin ang dumating. Sa laki ng kanilang pagkamangha, ito ay isa sa sariling mga apostol ni Jesus, si Judas Iscariote, na tinamnan ni Satanas ng isang imbing kaisipan na ipagkanulo ang kaniyang Panginoon! Anong laki ng kanilang katuwaan nang itanong ni Judas: “Ano ang inyong ibibigay sa akin pagka ipinagkanulo ko siya sa inyo?” Sila’y masayang pumayag na bayaran siya ng 30 putol ng pilak, ang halaga ng isang alipin alinsunod sa Mosaikong tipang Kautusan. Mula noon, sinikap ni Judas na makakita ng magandang pagkakataon na maipagkanulo si Jesus sa kanila samantalang walang maraming mga tao sa palibot.
Ang Nisan 13 ay nagsisimula sa paglubog ng araw ng Miyerkules. Si Jesus ay dumating galing sa Jerico noong Biyernes, kaya ito ang ikaanim at katapusang gabi na siya’y naroon sa Betania. Kinabukasan, Huwebes, kakailanganin ang pangkatapusang mga paghahanda para sa Paskuwa, na nagsisimula sa paglubog ng araw, nang ang kordero ng Paskuwa ay kailangang patayin at saka ihawin nang buo. Saan nila ipagdiriwang ang kapistahan, at sino ang gagawa ng mga paghahanda?
Hindi nagbigay si Jesus ng gayong mga detalye, marahil upang hadlangan si Judas ng pagsasabi sa mga pangulong saserdote sapagkat baka nga naman kanilang dakpin si Jesus sa panahon ng pagdiriwang ng Paskuwa. Ngunit ngayon, marahil maaga noong hapon ng Huwebes, sinugo ni Jesus si Pedro at Juan buhat sa Betania, na nagsasabi: “Magsihayo kayo at magsipaghanda kayo ng kordero ng paskuwa para sa atin upang tayo’y magsikain.”
“Saan mo ibig na aming ihanda?” ang tanong nila.
“Pagpasok ninyo sa bayan,” ang paliwanag ni Jesus, “isang lalaking may dalang isang bangang tubig ang sasalubong sa inyo. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kaniyang papasukan. At sabihin ninyo sa punò ng sambahayan, ‘Sinasabi sa iyo ng Guro: “Saan naroon ang silid-tuluyan ng bisita na aking makakainan ng paskuwa kasama ng aking mga alagad?” ’ At ipakikita sa iyo ng lalaking iyon ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan. Doon ninyo ihanda.”
Walang pagsala na ang punò ng sambahayan ay isang alagad ni Jesus na marahil umaasang hihilingin ni Jesus sa kaniya na ipagamit ang kaniyang bahay para sa natatanging okasyong ito. Magkagayon man, nang si Pedro at si Juan ay dumating sa Jerusalem, kanilang nadatnan na lahat ng bagay ay kagayang-kagaya ng sinabi ni Jesus. Kaya dalawa sa kanila ang nag-asikaso upang maihanda ang kordero at ginawa ang lahat ng iba pang mga kaayusan upang maasikaso ang pangangailangan ng 13 mga magdiriwang ng Paskuwa, si Jesus at ang kaniyang 12 apostol. Mateo 26:1-5, 14-19; Marcos 14:1, 2, 10-16; Lucas 22:1-13; Exodo 21:32.
◆ Ano ang sa malas ay ginawa ni Jesus noong Miyerkules, at bakit?
◆ Anong pagpupulong ang ginaganap sa tahanan ng mataas na saserdote, at sa anong layunin dinalaw ni Judas ang mga pinunong relihiyoso?
◆ Sino ang sinugo ni Jesus sa Jerusalem noong Huwebes, at ukol sa anong layunin?
◆ Ano ang nasumpungan ng mga sinugong ito na nagpapakitang minsan pa na si Jesus ay may kapangyarihang maghimala?