Ang Huling Araw ng Buhay ni Jesus Bilang Tao
Bandang hapon noon ng Biyernes, Nisan 14, 33 C.E. Ililibing ng isang grupo ng mga lalaki at babae ang isang mahal na kaibigan. Ang isa sa mga lalaki, si Nicodemo, ay nagdala ng mga espesya upang ihanda ang bangkay para sa paglilibing. Isang lalaki naman na nagngangalang Jose ang naglaan ng malinis na lino para balutin ang sugatan at lamog na katawan.
ANO ba ang nangyayari? Sino ang mga taong ito? At sino ang inililibing nila? May epekto ba ito sa iyo? Upang masagot ang mga tanong na ito, balikan natin ang pasimula ng makasaysayang araw na iyon.
Huwebes ng Gabi, Nisan 14
Unti-unting matatanaw sa Jerusalem ang maliwanag na buwan na noo’y nasa kabilugan. Nagpapahinga na ang mataong lunsod matapos ang isang magawaing maghapon. Sa gabing ito, ang simoy ng hangin ay may halong masarap na amoy ng iniihaw na kordero. Oo, libu-libong tao ang naghahanda para sa isang espesyal na okasyon—ang taunang pagdiriwang ng Paskuwa.
Sa isang malaking silid para sa mga panauhin, matatagpuan natin si Jesu-Kristo at ang kaniyang 12 apostol sa isang inihandang mesa. Makinig! Nagsasalita si Jesus. “Masidhing ninasa ko na kainin ang paskuwang ito kasama ninyo bago ako magdusa,” ang sabi niya. (Lucas 22:15) Batid ni Jesus na desidido ang kaniyang relihiyosong mga kaaway na ipapatay siya. Pero bago mangyari iyan, may isang mahalagang bagay na magaganap sa gabing ito.
Matapos maipagdiwang ang Paskuwa, ipinahayag ni Jesus: “Ang isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.” (Mateo 26:21) Nabagabag ang mga apostol. Sino kaya iyon? Matapos ang ilang pagtatalo, sinabi ni Jesus kay Judas Iscariote: “Kung ano ang iyong ginagawa ay gawin mo nang lalong madali.” (Juan 13:27) Bagaman hindi ito natatanto ng iba, si Judas ay isang traydor. Umalis siya upang gampanan ang kaniyang ubod-samang papel sa pakana laban kay Jesus.
Isang Natatanging Pagdiriwang
Pinasimulan ngayon ni Jesus ang isang lubusang naiibang pagdiriwang—isa na magpapagunita ng kaniyang kamatayan. Matapos kunin ang tinapay, nanalangin si Jesus ng pasasalamat para rito at pinagputul-putol ito. “Kumuha kayo, kainin ninyo,” ang utos niya. “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo.” Nang bawat isa sa kanila ay nakakain na ng tinapay, kinuha niya ang isang kopa ng pulang alak at bumigkas ng pagpapala para rito. “Uminom kayo mula rito, kayong lahat,” ang sabi sa kanila ni Jesus, na nagpapaliwanag: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.” Itinagubilin niya sa naiwang 11 tapat na mga apostol: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”—Mateo 26:26-28; Lucas 22:19, 20; 1 Corinto 11:24, 25.
Nang gabing iyon, may-kabaitang inihanda ni Jesus ang kaniyang matapat na mga apostol para sa mga mangyayari at pinatunayan niya ang kaniyang matinding pag-ibig sa kanila. “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito,” paliwanag niya, “na isuko ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko.” (Juan 15:13-15) Oo, pinatunayan ng 11 apostol na sila’y tunay na mga kaibigan sa pamamagitan ng pananatili kay Jesus sa panahon ng kaniyang mga pagsubok.
Nang malalim na ang gabi—marahil lampas na ng hatinggabi—bumigkas si Jesus ng di-malilimot na panalangin, pagkatapos ay umawit sila ng mga awit ng papuri kay Jehova. Pagkatapos, sa liwanag ng kabilugan ng buwan, lumabas sila sa lunsod at tumawid sa Libis ng Kidron.—Juan 17:1–18:1.
Sa Hardin ng Getsemani
Pagkaraan ng ilang sandali, dumating si Jesus at ang mga apostol sa hardin ng Getsemani. Iniwan ni Jesus ang walo sa mga apostol sa may pasukan ng hardin, at isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa banda pa roon sa lugar ng mga puno ng olibo. “Ang aking kaluluwa ay lubhang napipighati, maging hanggang sa kamatayan,” ang sabi niya sa tatlo. “Manatili kayo rito at manatiling mapagbantay.”—Marcos 14:33, 34.
Naghintay ang tatlong apostol samantalang pumasok si Jesus sa kaloob-looban ng hardin upang manalangin. Habang masidhing nananangis at lumuluha, nagsumamo siya: “Ama, kung nais mo, alisin mo ang kopang ito sa akin.” Napakalaking pananagutan ang nasa mga balikat ni Jesus. Gayon na lamang ang pagkabalisa niya habang iniisip ang sasabihin ng mga kaaway ni Jehova kapag ang Kaniyang bugtong na Anak ay ibinayubay na para bang ito’y isang kriminal! Lalo pang nakapipighati kay Jesus ang isiping dudustain ang kaniyang minamahal na Ama sa langit kapag nabigo siya sa napakasakit na pagsubok na ito. Nanalangin si Jesus nang lalong marubdob at gayon na lamang katindi ang kaniyang pagdadalamhati anupat ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.—Lucas 22:42, 44.
Katatapos lamang manalangin ni Jesus sa ikatlong pagkakataon. Dumarating ngayon ang mga lalaking may hawak na mga sulo at lampara. Ang nauuna sa kanila ay walang iba kundi si Judas Iscariote, na dumeretso kay Jesus. “Magandang araw, Rabbi!” ang sabi niya at hinalikan si Jesus nang napakagiliw. “Judas,” ang sagot ni Jesus, “ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng tao sa pamamagitan ng isang halik?”—Mateo 26:49; Lucas 22:47, 48; Juan 18:3.
Walang anu-ano, natanto ng mga apostol kung ano ang nangyayari. Aarestuhin na ang kanilang Panginoon at mahal na kaibigan! Kaya sinunggaban ni Pedro ang isang tabak at tinagpas ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote. “Hayaan ninyong umabot hanggang dito,” ang agad na isinigaw ni Jesus. Lumapit siya, pinagaling ang alipin at inutusan si Pedro: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Lucas 22:50, 51; Mateo 26:52) Sinunggaban ng mga opisyal at mga sundalo si Jesus at iginapos siya. Dahil sa sila’y sinaklot ng takot at pagkalito, iniwan ng mga apostol si Jesus at sila’y tumakas sa gabi.—Mateo 26:56; Juan 18:12.
Biyernes ng Umaga, Nisan 14
Madaling-araw na ng Biyernes. Dinala muna si Jesus sa tahanan ng dating Mataas na Saserdoteng si Anas, na may malaki pa ring impluwensiya at kapangyarihan. Pinagtatanong siya ni Anas at saka siya ipinadala sa tahanan ng Mataas na Saserdoteng si Caifas kung saan nagtipon ang Sanedrin.
Sinikap ngayon ng mga relihiyosong lider na humanap ng mga saksi upang kumatha ng isang kaso laban kay Jesus. Gayunman, kahit ang mga bulaang saksi ay hindi magkakasuwato sa kanilang testimonyo. Sa lahat ng ito, si Jesus ay hindi umimik. Para baguhin ang kaniyang taktika, ipinag-utos ni Caifas: “Sa pamamagitan ng Diyos na buháy ay inilalagay kita sa ilalim ng panunumpa na sabihin sa amin kung ikaw ang Kristo na Anak ng Diyos!” Ito ay isang katotohanan na hindi maipagkakaila, kaya buong-tapang na sumagot si Jesus: “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanang kamay ng kapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap sa langit.”—Mateo 26:63; Marcos 14:60-62.
“Siya ay namusong!” ang sigaw ni Caifas. “Ano pang pangangailangan mayroon tayo ukol sa mga saksi?” Si Jesus ngayon ay pinagsasampal at dinuraan ng ilan. Ang iba naman ay nanuntok at nanlait sa kaniya. (Mateo 26:65-68; Marcos 14:63-65) Pagkatapos na pagkatapos magbukang-liwayway noong Biyernes, muling nagtipon ang Sanedrin, malamang upang magtinging legal ang ginawang ilegal na paglilitis noong gabi. Muli, may-lakas-ng-loob na ipinahiwatig ni Jesus na siya ang Kristo, ang Anak ng Diyos.—Lucas 22:66-71.
Sumunod, si Jesus ay kinaladkad ng mga punong saserdote at nakatatandang mga lalaki upang litisin ni Poncio Pilato, ang Romanong gobernador ng Judea. Pinaratangan nila si Jesus ng pagpapasama sa bansa, pagbabawal sa pagbabayad ng buwis kay Cesar, at ‘pagsasabing siya mismo ang Kristong hari.’ (Lucas 23:2; ihambing ang Marcos 12:17.) Matapos pagtatanungin si Jesus, inihayag ni Pilato: “Wala akong masumpungang krimen sa taong ito.” (Lucas 23:4) Nang malaman ni Pilato na si Jesus ay isang taga-Galilea, ipinadala niya ito kay Herodes Antipas, ang tagapamahala ng Galilea, na nasa Jerusalem noon para sa Paskuwa. Hindi hangad ni Herodes na pairalin ang katarungan. Nais lamang niyang makitang gumawa si Jesus ng isang himala. Yamang hindi pinagbigyan ni Jesus ang hangarin nito at bagkus ay nanahimik, si Jesus ay pinagkatuwaan ni Herodes at ng kaniyang mga sundalo at saka ipinabalik kay Pilato.
“Anong masamang bagay ang ginawa ng taong ito?” ang muling tanong ni Pilato. “Wala akong nasumpungang anuman na karapat-dapat sa kamatayan sa kaniya; kaya nga lalapatan ko siya ng parusa at palalayain siya.” (Lucas 23:22) Kaya ipinag-utos niyang haplitin si Jesus ng latigong katad na buong-kirot na lumatay sa likod ni Jesus. Pagkatapos, ipinutong ng mga kawal sa ulo niya ang isang koronang tinik. Kanilang nilibak siya at hinampas siya ng makapal na tambo, anupat lalong bumaon ang koronang tinik sa kaniyang anit. Sa lahat ng di-mailarawang kirot at pang-aabusong ito, napanatili ni Jesus ang natatanging dignidad at lakas.
Si Pilato naman—marahil umaasang pupukaw ng pagkahabag ang bugbog-saradong kalagayan ni Jesus—ay muling nagharap sa kaniya sa pulutong. “Tingnan ninyo!” bulalas ni Pilato, “Inilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong masumpungang pagkakamali sa kaniya.” Ngunit sumigaw ang mga punong saserdote: “Ipako siya! Ipako siya!” (Juan 19:4-6) Nang lalong magpumilit ang mga tao, sumuko si Pilato at ibinigay si Jesus upang ipako.
Isang Napakasakit na Kamatayan
Ngayon ay malapit na ang katanghaliang-tapat. Dinala si Jesus sa labas ng Jerusalem sa lugar na tinatawag na Golgota. Malalaking pako ang ibinaon sa mga kamay at paa ni Jesus sa isang pahirapang tulos. Hindi mailarawan ng mga salita ang matinding paghihirap habang ang bigat ng kaniyang katawan ay pumunit sa mga sugat dahil sa pagkakapako nang itayo ang pahirapang tulos. Isang pulutong ang nagkatipon upang masdan ang pagpako kay Jesus at sa dalawang kriminal. Marami ang nanlait kay Jesus. “Ang iba ay iniligtas niya,” ang paglibak ng mga punong saserdote at ng iba pa, “ang kaniyang sarili ay hindi niya mailigtas!” Kahit ang mga sundalo at ang dalawang nakapakong kriminal ay tumuya kay Jesus.—Mateo 27:41-44.
Biglang-bigla, nang katanghaliang-tapat, pagkaraan ng sandaling panahon mula nang ibayubay sa tulos si Jesus, nakatatakot na kadiliman na galing sa Diyos ang bumalot sa lupain sa loob ng tatlong oras.a Ito marahil ang nag-udyok sa isang manggagawa ng masama para pagwikaan ang isa pa. Pagkatapos, bumaling siya kay Jesus at nakiusap: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Kahanga-hangang pananampalataya sa harap ng napipintong kamatayan! “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon,” ang tugon naman ni Jesus, “Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:39-43.
Nang mga alas tres ng hapon, nadama ni Jesus na malapit na siyang mamatay. “Ako ay nauuhaw,” sabi niya. Pagkatapos ay sumigaw siya: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Nadarama ni Jesus na waring iniurong ng kaniyang Ama ang proteksiyon sa kaniya upang hayaang masubok nang lubusan ang kaniyang integridad, at binigkas niya ang mga salita ni David. May nagdampi sa labi ni Jesus ng isang esponghang ibinabad sa maasim na alak. Pagkatikim sa alak, habol-hiningang sinabi ni Jesus: “Naganap na!” Pagkatapos ay sumigaw siya, “Ama, sa iyong mga kamay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,” napayuko siya, at pumanaw.—Juan 19:28-30; Mateo 27:46; Lucas 23:46; Awit 22:1.
Yamang dapit-hapon na noon, gumawa kaagad ng mga kaayusan upang mailibing si Jesus bago magsimula ang Sabbath (Nisan 15) sa paglubog ng araw. Si Jose ng Arimatea, isang kilalang miyembro ng Sanedrin na palihim na naging alagad ni Jesus, ay humingi ng permiso upang mailibing siya. Si Nicodemo naman, isa ring miyembro ng Sanedrin na palihim na nagpahayag ng pananampalataya kay Jesus, ay nag-abuloy ng tatlumpu’t tatlong kilo ng mira at aloe. Maingat nilang inilatag ang katawan ni Jesus sa isang bagong alaalang libingan sa di-kalayuan.
Búhay na Naman!
Madilim pa noong Linggo ng umaga nang pumunta sa libingan ni Jesus si Maria Magdalena at ang iba pang kababaihan. Pero narito! Naalis na ang bato sa harap ng libingan. Aba, wala nang laman ang libingan! Nagtatakbo si Maria Magdalena upang sabihin ito kina Pedro at Juan. (Juan 20:1, 2) Kaaalis pa lamang niya nang magpakita sa mga babae ang isang anghel. Sabi niya: “Huwag kayong matakot.” Sinabi pa niya: “Humayo kayong madali at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad na siya ay ibinangon mula sa mga patay.”—Mateo 28:2-7.
Habang nagmamadali sila, ang mismong nakasalubong nila ay si Jesus! “Humayo kayo, iulat ninyo sa aking mga kapatid,” sabi niya sa kanila. (Mateo 28:8-10) Pagkaraan, si Maria Magdalena ay nasa libingan at umiiyak nang magpakita sa kaniya si Jesus. Nag-umapaw siya sa kagalakan at humangos upang sabihin sa iba pang mga alagad ang kamangha-manghang balita. (Juan 20:11-18) Sa katunayan, limang ulit sa di-malilimot na araw ng Linggong iyon na ang binuhay-muling si Jesus ay nagpakita sa iba’t ibang alagad, anupat walang-alinlangang siya nga’y binuhay muli!
Kung Paano Ka Naapektuhan
Paano ka maaapektuhan ngayon sa pagsisimula ng ika-21 siglo ng mga pangyayaring naganap 1,966 taon na ang nakalipas? Ganito ang paliwanag ng isang nakasaksi sa mga pangyayaring iyon: “Sa ganito ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa ating kalagayan, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi na siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.”—1 Juan 4:9, 10.
Sa anong paraan isang “pampalubag-loob na hain” ang kamatayan ni Kristo? Ito ay pampalubag-loob sapagkat binubuksan nito ang daan tungo sa isang kaayaayang kaugnayan sa Diyos. Ang unang tao, si Adan, ay naghimagsik sa Diyos at dahil dito ay naipamana niya sa kaniyang mga supling ang kasalanan at kamatayan. Sa kabilang banda naman, ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay bilang pantubos upang bayaran ang halaga ng kasalanan at kamatayan ng sangkatauhan, sa gayo’y naglalaan ng saligan para magpaabot ang Diyos ng awa at pabor. (1 Timoteo 2:5, 6) Sa pamamagitan ng pananampalataya sa hain ni Jesus na tumutubos ng kasalanan, maaari kang mapalaya mula sa hatol na minana mo mula sa makasalanang si Adan. (Roma 5:12; 6:23) Ito naman ang nagbubukas ng kamangha-manghang pagkakataon na magkaroon ng personal na kaugnayan sa iyong maibiging Ama sa langit, ang Diyos na Jehova. Sa maikli, ang nakahihigit na hain ni Jesus ay maaaring mangahulugan ng walang-katapusang buhay para sa iyo.—Juan 3:16; 17:3.
Ito at ang iba pang kaugnay na mga bagay ay tatalakayin sa Huwebes ng gabi, Abril 1, sa sampu-sampung libong dako sa buong daigdig na pagtitipunan ng milyun-milyong tao upang alalahanin ang kamatayan ni Jesu-Kristo. Inaanyayahan kang dumalo. Malugod na sasabihin sa iyo ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar kung saan at kung kailan ka maaaring dumalo. Ang pagkanaroroon mo ay tiyak na magpapalalim ng iyong pagpapahalaga sa ginawa ng ating maibiging Diyos at ng kaniyang sinisintang Anak noong huling araw ng buhay ni Jesus bilang tao.
[Talababa]
a Ang kadiliman ay hindi maaaring sanhi ng isang eklipse ng araw sapagkat kabilugan ng buwan nang mamatay si Jesus. Ang mga eklipse ng araw ay tumatagal lamang ng ilang minuto at nagaganap kapag ang buwan ay nasa pagitan ng lupa at ng araw sa panahon ng bagong buwan.
[Chart/Mga larawan sa pahina 7]
PAGKAMATAY AT PAGKABUHAY-MULI NI JESUS
NISAN 33 C.E. MGA PANGYAYARI PINAKADAKILANG
TAOb
14 Huwebes Pagdiriwang ng Paskuwa; 113, par. 2
ng gabi hinugasan ni Jesus ang hanggang
mga paa ng mga apostol; 117, par. 1
umalis si Judas upang
ipagkanulo si Jesus;
pinasinayaan ni Kristo
ang Memoryal ng kaniyang
kamatayan (gaganapin sa
taóng ito sa Huwebes,
Abril 1, pagkalubog ng
araw); masidhing payo
upang ihanda ang mga
apostol sa kaniyang
paglisan
Hating gabi Pagkatapos ng panalangin 117
hanggang at mga awit ng papuri, hanggang
sa bago nagpunta si Jesus at ang 120
magbukang- mga apostol sa hardin ng
liwayway Getsemani; nanalangin si
Jesus taglay ang matinding
pakiusap at pagluha;
dumating si Judas Iscariote
kasama ng isang malaking
grupo at ipinagkanulo si
Jesus; tumakas ang mga
apostol habang iginagapos
si Jesus at dinala kay Anas;
si Jesus ay dinala sa Mataas
na Saserdoteng si Caifas
upang humarap sa Sanedrin;
hinatulan ng kamatayan;
nilait at sinaktan; tatlong
beses na ipinagkaila ni
Pedro si Jesus
Biyernes Sa pagbubukang-liwayway, 121
ng umaga muling humarap si Jesus sa hanggang
Sanedrin; dinala kay Pilato; 124
ipinadala kay Herodes;
ibinalik kay Pilato; si
Jesus ay hinagupit, ininsulto,
at binugbog; palibhasa’y
ginigipit ibinigay siya ni
Pilato upang ibayubay;
dinala sa Golgota upang
patayin sa mga huling
oras ng umaga
Katanghalian Ibinayubay nang malapit na 125, 126
hanggang ang katanghalian; kadiliman
bandang mula tanghali hanggang mga
hapon alas tres, nang namatay si
Jesus; malakas na lindol;
nahati ang kurtina sa templo
Bandang Inilibing ang bangkay ni 127,
hapon Jesus sa isang libingan sa par. 1-7
hardin bago ang Sabbath
15 Biyernes Nagsimula ang Sabbath
ng gabi
Sabado Pinahintulutan ni Pilato 127,
na pabantayan ang libingan par 8, 9
ni Jesus
16 Linggo Maagang-maaga nang 127,
matuklasang walang laman par. 10
ang libingan ni hanggang
Jesus; nagpakita ang 129,
binuhay-muling si Jesus par. 10
(1) sa isang grupo ng
alagad na mga babae,
kasali na sina Salome,
Juana, at Maria na ina ni
Santiago; (2) kay Maria
Magdalena; (3) kay Cleopas
at sa kaniyang kasama;
(4) kay Simon Pedro; (5) sa
isang pagtitipon ng mga
apostol at iba pang mga alagad
[Talababa]
b Nakatala rito ang mga bilang ng mga kabanata sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Para sa isang tsart na naglalaman ng detalyadong mga reperensiya sa Kasulatan tungkol sa pangkatapusang ministeryo ni Jesus, tingnan “Ang Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” pahina 290. Ang mga aklat na ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.