Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Lucas
ANG Ebanghelyo ni Mateo ay isinulat pangunahin na para sa mga mambabasang Judio, at ang Ebanghelyo ni Marcos, para sa mga di-Judio. Ang Ebanghelyo ni Lucas naman ay isinulat para sa mga tao ng lahat ng bansa. Ang aklat ng Lucas ay isang detalyadong ulat ng buhay at ministeryo ni Jesus na isinulat noong mga 56-58 C.E.
Palibhasa’y mapagmalasakit at mahusay na doktor, tinalunton ni Lucas “ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan” at saklaw nito ang 35 taon—mula 3 B.C.E. hanggang 33 C.E. (Luc. 1:3) Halos 60 porsiyento ng ulat sa Ebanghelyo ni Lucas ay wala sa ulat ng iba pang Ebanghelyo.
UNANG BAHAGI NG MINISTERYO NI JESUS
Pagkatapos magbigay ng mga detalye tungkol sa pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo at ni Jesus, sinasabi sa atin ng aklat ng Lucas na nagsimula si Juan sa kaniyang ministeryo noong ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, noong unang bahagi ng 29 C.E. (Luc. 3:1, 2) Si Jesus ay binautismuhan ni Juan noong huling bahagi ng taóng iyon. (Luc. 3:21, 22) Noong 30 C.E., ‘bumalik si Jesus sa Galilea at nagsimulang magturo sa kanilang mga sinagoga.’—Luc. 4:14, 15.
Pinasimulan ni Jesus ang kaniyang unang paglilibot sa Galilea para mangaral. Sinabi niya sa mga tao: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Luc. 4:43) Isinama niya ang mangingisdang si Simon at iba pa. Sinabi niya: “Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.” (Luc. 5:1-11; Mat. 4:18, 19) Kasama ni Jesus ang 12 apostol sa kaniyang ikalawang paglilibot sa Galilea para mangaral. (Luc. 8:1) Sa kaniyang ikatlong paglilibot, isinugo niya ang 12 “upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling.”—Luc. 9:1, 2.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:35—Ginamit ba ang selulang itlog ni Maria para magdalang-tao siya? Para masabing ang anak ni Maria ay talagang inapo ng kaniyang mga ninunong sina Abraham, Juda, at David, gaya ng pangako ng Diyos, kailangan ang kaniyang selulang itlog para magdalang-tao siya. (Gen. 22:15, 18; 49:10; 2 Sam. 7:8, 16) Pero ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para ilipat ang sakdal na buhay ng Anak ng Diyos sa bahay-bata ni Maria. (Mat. 1:18) Lumilitaw na inalis nito ang anumang di-kasakdalang taglay ng selulang itlog ni Maria at mula sa paglilihi ay iningatan ang binhi para huwag mahaluan ng anumang depekto.
1:62—Naging pipi at bingi ba si Zacarias? Hindi. Pagsasalita lamang niya ang naapektuhan. Tinanong si Zacarias ng iba “sa pamamagitan ng mga senyas” kung ano ang gusto niyang ipangalan sa kaniyang anak pero hindi dahil sa bingi siya. Malamang na narinig niya ang sinabi ng kaniyang asawa tungkol sa ipapangalan sa kanilang anak. Marahil, tinanong si Zacarias ng iba tungkol dito sa pamamagitan ng senyas. Yamang pagsasalita lamang niya ang kailangang isauli, masasabing hindi naapektuhan ang pandinig ni Zacarias.—Luc. 1:13, 18-20, 60-64.
2:1, 2—Paano nakatulong ang pagbanggit sa “unang pagpaparehistro” para matukoy kung kailan ipinanganak si Jesus? Noong panahon ni Cesar Augusto, nagkaroon ng dalawang pagpaparehistro—ang una ay noong 2 B.C.E. bilang katuparan ng Daniel 11:20 at ang ikalawa ay noong 6 o 7 C.E. (Gawa 5:37) Si Quirinio ang gobernador sa Sirya noong panahon ng dalawang pagpaparehistrong ito, na nagpapakitang dalawang beses niyang hinawakan ang posisyong iyon. Nangangahulugang ipinanganak si Jesus noong 2 B.C.E. batay sa binanggit ni Lucas na unang pagpaparehistro.
2:35—Ano ang ibig sabihin ng patatagusin ang “isang mahabang tabak” sa kaluluwa ni Maria? Tumutukoy ito sa paghihirap na mararanasan ni Maria kapag nakita niyang tinatanggihan si Jesus ng karamihan bilang Mesiyas at sa pighating madarama niya dahil sa napakasakit na pagkamatay ni Jesus.—Juan 19:25.
9:27, 28—Bakit sinabi ni Lucas na naganap ang pagbabagong-anyo “walong araw” matapos ipangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang ilan sa kanila ay “hindi nga makatitikim ng kamatayan” hanggang sa makita nila siyang dumarating sa kaniyang Kaharian, samantalang sinabi nina Mateo at Marcos na iyon ay “pagkaraan ng anim na araw”? (Mat. 17:1; Mar. 9:2) Waring isinama ni Lucas ang dalawa pang araw—ang araw na nangako si Jesus at ang araw na naganap ang pagbabagong-anyo.
9:49, 50—Bakit hindi pinigilan ni Jesus ang isang taong nagpapalayas ng mga demonyo, gayong hindi naman niya ito kasama? Hindi pinigilan ni Jesus ang lalaki dahil hindi pa naman naitatatag noon ang kongregasyong Kristiyano. Kaya hindi kahilingang sumama kay Jesus ang taong iyon para manampalataya sa pangalan ni Jesus at makapagpalayas ng mga demonyo.—Mar. 9:38-40.
Mga Aral Para sa Atin:
1:32, 33; 2:19, 51. Iningatan ni Maria sa kaniyang puso ang mga pangyayari at mga pananalita na tumupad sa mga hula. Iniingatan din ba natin sa ating puso ang inihula ni Jesus tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” at tinitingnan kung paano ito natutupad sa ngayon?—Mat. 24:3.
2:37. Itinuturo sa atin ng halimbawa ni Ana na dapat tayong sumamba kay Jehova nang may katatagan, ‘magmatiyaga sa pananalangin,’ at huwag magpabaya sa “ating pagtitipon” sa mga Kristiyanong pagpupulong.—Roma 12:12; Heb. 10:24, 25.
2:41-50. Inuna ni Jose sa kaniyang buhay ang espirituwal na mga bagay at inasikaso niya ang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Sa ganitong paraan, nagpakita siya ng magandang halimbawa para sa mga ulo ng pamilya.
4:4. Hindi natin dapat palampasin ang isang araw nang hindi isinasaalang-alang ang Salita ng Diyos.
6:40. Ang isang guro ng Salita ng Diyos ay dapat magpakita ng magandang halimbawa sa kaniyang mga estudyante. Dapat niyang isagawa ang kaniyang ipinangangaral.
8:15. Para ‘mapanatili ang salita at magbunga nang may pagbabata,’ dapat nating unawain, pahalagahan, at isapuso ang Salita ng Diyos. Kailangan nating manalangin at magbulay-bulay kapag nagbabasa ng Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya.
HULING BAHAGI NG MINISTERYO NI JESUS
Patiunang nagsugo si Jesus ng 70 iba pa upang mangaral sa mga lunsod at mga lugar sa Judea. (Luc. 10:1) Naglakbay siya “sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na nagtuturo.”—Luc. 13:22.
Limang araw bago ang Paskuwa ng 33 C.E., pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng isang asno. Panahon na para tuparin ang sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay ibangon.”—Luc. 9:22, 44.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
10:18—Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang 70 alagad: “Namamasdan ko na si Satanas na nahulog na tulad ng kidlat mula sa langit”? Hindi ibig sabihin ni Jesus na pinalayas na noon si Satanas mula sa langit. Nangyari lamang iyon noong 1914, di-nagtagal matapos iluklok si Kristo bilang Hari sa langit. (Apoc. 12:1-10) Lumilitaw na sinabi ni Jesus ang isang pangyayaring magaganap pa lamang na para bang naganap na, upang maidiin niyang tiyak na mangyayari iyon.
14:26—Sa anong diwa ‘kapopootan’ ng mga tagasunod ni Kristo ang kanilang mga kamag-anak? Sa Bibliya, ang ‘pagkapoot’ ay maaaring mangahulugan ng pagmamahal sa isang tao o bagay pero hindi kasintindi ng pagmamahal sa iba. (Gen. 29:30, 31) ‘Kapopootan’ ng mga Kristiyano ang kanilang mga kamag-anak, sa diwa na mas malaki ang pag-ibig nila kay Jesus kaysa sa kanila.—Mat. 10:37.
17:34-37—Sino ang “mga agila,” at ano “ang bangkay” kung saan natitipon ang mga agila? Ang mga “kukunin” o ililigtas ay inihalintulad sa mga agilang matatalas ang mata. “Ang bangkay” kung saan sila natitipon ay ang tunay na Kristo sa kaniyang di-nakikitang pagkanaririto at ang espirituwal na pagkaing inilalaan sa kanila ni Jehova.—Mat. 24:28.
22:44—Bakit dumanas ng matinding paghihirap si Jesus? May ilang dahilan. Nababahala si Jesus sa kung ano ang magiging epekto sa Diyos na Jehova at sa Kaniyang pangalan ng pagkamatay niya bilang kriminal. Isa pa, alam na alam ni Jesus na ang kaniyang buhay na walang hanggan at ang kinabukasan ng buong sangkatauhan ay nakasalalay sa kaniyang pananatiling tapat.
23:44—Dahil ba sa isang eklipseng solar kung kaya dumilim nang tatlong oras? Hindi. Nagkakaroon lamang ng eklipseng solar kapag bagong buwan at hindi kapag kabilugan ng buwan, gaya noong panahon ng Paskuwa. Ang pagdilim noong araw ng kamatayan ni Jesus ay isang himala mula sa Diyos.
Mga Aral Para sa Atin:
11:1-4. Kung ihahambing ang mga tagubiling ito sa modelong panalanging ibinigay sa Sermon sa Bundok mga 18 buwan ang kaagahan, makikita ang ilang pagkakaiba sa mga pananalita. Maliwanag na hindi dapat basta paulit-ulit ang mga salitang ginagamit natin sa panalangin.—Mat. 6:9-13.
11:5, 13. Bagaman handa si Jehova na sagutin ang ating mga panalangin, dapat pa rin tayong magmatiyaga sa pananalangin.—1 Juan 5:14.
11:27, 28. Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa tapat na paggawa ng kalooban ng Diyos at hindi sa ugnayang pampamilya o pagiging mayaman.
11:41. Ang ating mga kaloob ng awa ay dapat na udyok ng pag-ibig at bukal sa puso.
12:47, 48. Mas malaki ang kasalanan ng isang may mas mabigat na pananagutan pero hindi ito ginampanan, kaysa sa isang hindi nakaaalam o hindi lubusang nakauunawa ng kaniyang tungkulin.
14:28, 29. Isang katalinuhan na mamuhay ayon sa kaya ng badyet.
22:36-38. Hindi pinagdala ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng sandata para proteksiyunan o ipagtanggol ang kanilang sarili. Gayunman, yamang may hawak silang sandata noong gabing ipagkanulo siya, naturuan sila ni Jesus ng isang mahalagang aral: “Ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”—Mat. 26:52.
[Larawan sa pahina 31]
Nagpakita si Jose ng magandang halimbawa bilang ulo ng pamilya
[Larawan sa pahina 32]
Isinulat ni Lucas ang pinakadetalyadong ulat ng buhay at ministeryo ni Jesus