JUDEA
[mula sa Heb., Ni (Kay) Juda].
Hindi tiyak kung saan ang eksaktong mga hangganan ng pook na ito ng Palestina. Waring ang Judea ay sumaklaw ng isang lugar na humigit-kumulang 80 km (50 mi) mula sa silangan hanggang sa kanluran at mga 50 km (30 mi) mula sa hilaga hanggang sa timog. Ang Samaria ay nasa dakong hilaga at ang Idumea naman ay nasa dakong timog. Ang Dagat na Patay at ang Libis ng Jordan ang naging silanganing hangganan. Gayunman, nang ilakip sa Judea ang teritoryong Idumeano, waring ang timugang hangganan ay umabot mula sa ibaba ng Gaza sa kanluran hanggang sa Masada sa silangan.
Sa Mateo 19:1, ang pag-alis ni Jesus sa Galilea at pagparoon niya sa “mga hanggahan ng Judea sa kabila ng Jordan” ay maaaring nangangahulugan na lumisan si Jesus mula sa Galilea, tumawid sa Jordan, at pumunta sa timog para pumasok sa Judea sa pamamagitan ng pagdaan sa Perea.
Si Herodes na Dakila ang “hari ng Judea” noong panahong ipanganak si Juan na Tagapagbautismo at si Jesus. (Luc 1:5) Mas maaga rito, si Herodes ay ginawang hari ng Judea ng senadong Romano. Nang maglaon ay dinagdagan ang kaniyang mga pinamumunuan at noong mamatay siya ay kalakip sa mga ito ang Judea, Galilea, Samaria, Idumea, Perea, at iba pang mga pook. Minana ng anak ni Herodes na Dakila na si Arquelao ang pamamahala sa Judea, Samaria, at Idumea. (Ihambing ang Mat 2:22, 23.) Ngunit kasunod ng pagpapalayas sa kaniya, ang Judea ay napasailalim ng administrasyon ng mga Romanong gobernador na ang opisyal na tirahan ay sa Cesarea. Maliban sa maikling paghahari ni Herodes Agripa I bilang hari sa Palestina (Gaw 12:1), mga gobernador ang nangasiwa sa mga gawain sa Judea hanggang sa paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E.
Sa pagtatapos ng unang siglo B.C.E., bilang katuparan ng hula, ang ipinangakong Mesiyas, si Jesus, ay ipinanganak sa Betlehem sa Judea. (Mat 2:3-6; Luc 2:10, 11) Pagkatapos dumalaw ang ilang astrologong taga-Silangan, ang ama-amahan ni Jesus na si Jose, palibhasa’y binabalaan ng isang anghel sa panaginip may kinalaman sa layon ni Herodes na Dakila na patayin ang bata, ay tumakas kasama ang kaniyang pamilya patungong Ehipto. Pagkamatay ni Herodes, si Jose ay hindi bumalik sa Judea kundi namayan sa Nazaret sa Galilea. Ito ay dahil ang anak ni Herodes na si Arquelao ang namamahala noon sa Judea at dahil din sa babalang mula sa Diyos na ibinigay kay Jose sa isang panaginip.—Mat 2:7-23.
Noong tagsibol ng 29 C.E., nang pasimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang gawain bilang paghahanda sa pagdating ng Mesiyas, ang Judea ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng Romanong si Gobernador Poncio Pilato. Marami, kabilang na ang mga Judeano, ang nakarinig sa pangangaral ni Juan sa Ilang ng Judea at nabautismuhan bilang sagisag ng pagsisisi. (Mat 3:1-6; Luc 3:1-16) Nang panahong pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo pagkaraan ng wala pang walong buwan, ang mga tumatahan sa Judea ay binigyan ng higit pang pagkakataon na manumbalik kay Jehova taglay ang isang sakdal na puso. May panahon na mas marami pang tao ang binabautismuhan ng mga alagad ni Jesus kaysa kay Juan na Tagapagbautismo. (Ju 3:22; 4:1-3) Pagkaalis ni Jesus patungong Galilea, malalaking pulutong mula sa Jerusalem at Judea ang sumunod sa kaniya at sa gayon ay nakinabang sa kaniyang ministeryo roon. (Mat 4:25; Mar 3:7; Luc 6:17) Tulad ng mga taga-Galilea, walang alinlangang napukaw ang unang interes ng marami sa mga Judeanong ito dahil sa nakita nilang ginagawa ni Jesus sa Jerusalem noong kapistahan (Paskuwa, 30 C.E.). (Ju 4:45) Ang balita tungkol sa mga himala ni Jesus sa Galilea, gaya ng pagbuhay-muli sa kaisa-isang anak na lalaki ng isang balo sa Nain, ay lumaganap din sa buong Judea.—Luc 7:11-17.
Gayunman, bumangon ang matinding pagsalansang laban kay Jesus mula sa mga lider ng relihiyon ng Judea. Waring mas malaki ang impluwensiya ng mga ito sa mga Judeano kaysa sa mga taga-Galilea. Pasimula noong panahon ng Paskuwa ng 31 C.E. ay hindi na naging ligtas si Jesus sa Judea. (Ju 5:1, 16-18; 7:1) Magkagayunman, dinaluhan niya ang mga kapistahan sa Jerusalem at ginamit niya ang pagkakataon upang mangaral. (Ju 7:10-13, 25, 26, 32; 10:22-39) Malamang na mula sa Judea isinugo ni Jesus ang 70, pagkatapos ng Kapistahan ng mga Kubol noong 32 C.E. (Luc 10:1-24) Nang maglaon, sa kabila ng naunang mga pagtatangka na batuhin siya, ipinasiya ni Jesus na pumaroon sa Judea nang malaman niyang namatay ang kaniyang kaibigang si Lazaro. Ang sumunod na pagbuhay-muli ni Jesus kay Lazaro sa Betania ay ginamit ng mga lider ng relihiyon bilang karagdagang dahilan upang sikaping patayin siya. Ang ilan sa kanila ay nagsabi: “Kung pababayaan natin siya nang ganito, silang lahat ay mananampalataya sa kaniya, at darating ang mga Romano at kukunin kapuwa ang ating dako at ang ating bansa.”—Ju 11:5-8, 45-53.
Bagaman pangunahing tinatalakay ng mga sinoptikong Ebanghelyo ang ministeryo ni Jesus sa Galilea (malamang ay dahil sa mas mabuting pagtugon doon), hindi pinabayaan ni Jesus ang Judea. Kung pinabayaan niya ito ay hindi sana nasabi ng kaniyang mga kaaway sa harap ni Pilato: “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea, nagsimula pa sa Galilea hanggang dito.”—Luc 23:5.
Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Kristo Jesus, ang Jerusalem at Judea ay patuloy na tumanggap ng lubusang patotoo. (Gaw 1:8) Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., walang alinlangang kabilang ang mga Judeano sa 3,000 na tumugon sa pangangaral ni Pedro at nabautismuhan. Pagkatapos nito, ang kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem ay patuloy na lumago. (Gaw 2) Ngunit ito ay may kaakibat na mga pagsalansang. (Gaw 4:5-7, 15-17; 5:17, 18, 40; 6:8-12) Pagkatapos ng pagbato sa Kristiyanong si Esteban, gayon na lamang katindi ang pag-uusig na dumating anupat “ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa lahat ng mga pook ng Judea at Samaria.” (Gaw 8:1) Ngunit, sa halip na maging hadlang, ang pangangalat na ito ay nagbunga ng paglaganap ng mensaheng Kristiyano, at lumilitaw na may nabuong mga bagong kongregasyon sa Judea at sa iba pang mga lugar. (Gaw 8:4; Gal 1:22) Kasunod ng pagkakumberte ng mang-uusig na si Saul ng Tarso, “ang kongregasyon sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay; at habang lumalakad ito sa pagkatakot kay Jehova at sa kaaliwan mula sa banal na espiritu ay patuloy itong dumarami.” (Gaw 9:31) Ang dating mang-uusig, ang apostol na si Pablo mismo, ay nangaral sa Jerusalem at Judea. (Gaw 26:20) Sa pamamagitan ng gawain ni Pablo at ng iba pa ay nakapagtatag ng mga bagong kongregasyon ng mga Kristiyano, at ang mga apostol at matatandang lalaki ng kongregasyon sa Jerusalem ang nagsilbing lupong tagapamahala para sa lahat ng mga ito.—Gaw 15:1-33; Ro 15:30-32.
Lumilitaw na marami sa mga Judiong Kristiyano na naninirahan sa Judea ay dukha. Kaya nga malamang na lubhang nakapagpatibay-loob sa kanila ang makinabang sila mula sa kusang-loob na tulong na inorganisa para sa kanila ng kanilang mga kapatid na Kristiyano sa ibang bahagi ng lupa. (Gaw 11:28-30; Ro 15:25-27; 1Co 16:1-3; 2Co 9:5, 7) Habang nagpapatuloy sila sa kanilang tapat na paglilingkod, ang mga Judiong Kristiyano sa Judea ay dumanas ng matinding pag-uusig mula sa kanilang di-sumasampalatayang mga kababayan. (1Te 2:14) Sa wakas, noong 66 C.E., nang ang mga hukbong Romano sa ilalim ni Cestio Gallo ay umatras mula sa Jerusalem, ang mga Kristiyanong ito, bilang pagsunod sa makahulang mga salita ni Jesus, ay tumakas mula sa Jerusalem at Judea patungo sa mga bundok, sa gayon ay nakaligtas sila sa kahila-hilakbot na pagkawasak na sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E.—Mat 24:15, 16; Mar 13:14; Luc 21:20, 21.