KABANATA 131
Isang Haring Walang Kasalanan ang Ipinako sa Tulos
MATEO 27:33-44 MARCOS 15:22-32 LUCAS 23:32-43 JUAN 19:17-24
IPINAKO SI JESUS SA PAHIRAPANG TULOS
ININSULTO SI JESUS DAHIL SA PASKIL SA ULUNAN NIYA
NANGAKO SI JESUS NG BUHAY NA WALANG HANGGAN SA LUPA
Dinala si Jesus sa isang lugar na di-kalayuan sa lunsod kung saan siya at ang dalawang magnanakaw ay papatayin. Ang lugar ay tinatawag na Golgota, o Bungo, na tanaw kahit “mula sa malayo.”—Marcos 15:40.
Hinubad ang damit ng tatlong sentensiyadong lalaki. Pagkatapos, binigyan sila ng alak na may mira at apdo. Lumilitaw na mga babaeng taga-Jerusalem ang naghanda nito, at hindi ipinagbawal ng mga Romano ang pampamanhid na ito para sa mga papatayin. Pero nang malasahan ito ni Jesus, hindi niya ito ininom. Bakit? Ayaw niyang magroge siya at mawalan ng kontrol sa sarili sa pinakamatinding pagsubok na ito; gusto niyang may malay siya at nasa katinuan ng pag-iisip at makapanatiling tapat hanggang kamatayan.
Iniunat si Jesus sa tulos. (Marcos 15:25) Pinakuan ng mga sundalo ang mga kamay at paa niya hanggang sa bumaon ang mga pako sa kaniyang kalamnan. Napakasakit nito. Habang itinatayo ang tulos, lalong tumitindi ang sakit habang nababatak ang mga sugat sa bigat ng katawan niya. Pero hindi nagalit si Jesus sa mga sundalo. Nanalangin siya: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.”—Lucas 23:34.
Karaniwan nang ipinapaskil ng mga Romano sa ulunan ng kriminal ang ginawa nitong krimen. Sa pagkakataong ito, ganito ang ipinaskil ni Pilato: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.” Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego kaya mababasa ito ng karamihan. Makikita sa ginawang ito ni Pilato ang pagkamuhi niya sa mga Judiong nagpapatay kay Jesus. Umalma ang mga punong saserdote: “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi isulat mo na sinabi niya, ‘Ako ay Hari ng mga Judio.’” Pero ayaw nang maging sunod-sunuran ni Pilato sa kanila, kaya sumagot siya: “Kapag naisulat ko na, naisulat ko na.”—Juan 19:19-22.
Ipinagkalat ng galít na mga saserdote ang gawa-gawang testimonya na iniharap sa Sanedrin. Kaya hindi kataka-takang umiiling ang mga dumaraan at iniinsulto si Jesus, na sinasabi: “O, ano? Hindi ba ibabagsak mo ang templo at itatayo ito sa tatlong araw? Iligtas mo ang sarili mo! Bumaba ka riyan sa pahirapang tulos!” Sinasabi rin ng mga punong saserdote at eskriba sa isa’t isa: “Kung makikita lang natin ngayon na bumaba sa pahirapang tulos ang Kristo na Hari ng Israel, maniniwala na tayo.” (Marcos 15:29-32) Ininsulto rin siya ng mga magnanakaw na nasa tabi niya, kahit na siya lang sa kanilang tatlo ang totoong walang kasalanan.
Ginawang katatawanan din si Jesus ng apat na sundalong Romano. Maaaring umiinom sila ng maasim na alak, at para insultuhin si Jesus, inaalok nila siya ng alak, na para bang maaabot niya ito. Tinutuya siya ng mga Romano dahil sa paskil na nasa ulunan niya, at sinabi: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang sarili mo.” (Lucas 23:36, 37) Isip-isipin iyan! Ang taong ito na napatunayang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay ay walang-awang minamaltrato at iniinsulto. Pero naging determinado siyang tiisin ito, nang hindi hinahamak ang mga Judiong nanonood, ang mga sundalong Romano na nanunuya sa kaniya, o ang dalawang kriminal na nakapakong kasama niya.
Kinuha ng apat na sundalo ang balabal ni Jesus at hinati ito sa apat. Nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang bawat parte. Pero magandang klase ang damit ni Jesus, “wala itong dugtungan at hinabi mula sa itaas hanggang sa ibaba.” Sinabi ng mga sundalo: “Huwag natin itong punitin, kundi magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa paggawa nito, natupad ang hula na nagsasabi: “Pinaghati-hatian nila ang kasuotan ko, at pinagpalabunutan nila ang damit ko.”—Juan 19:23, 24; Awit 22:18.
Di-nagtagal, napag-isip-isip ng isa sa mga kriminal na totoong hari si Jesus. Sinaway nito ang isa pang kriminal at sinabi: “Wala ka na ba talagang takot sa Diyos? Hinatulan ka ring mamatay tulad niya. Nararapat lang na magdusa tayo dahil sa mga ginawa natin, pero ang taong ito ay walang ginawang masama.” Pagkatapos, nagmakaawa siya kay Jesus: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.”—Lucas 23:40-42.
Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita,” hindi sa Kaharian, kundi “sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Iba ito sa pangako niya sa mga apostol, na mauupo sa trono kasama niya sa Kaharian. (Mateo 19:28; Lucas 22:29, 30) Pero alam marahil ng kriminal na ito ang tungkol sa Paraisong lupa, na siyang nilayon ni Jehova na tirhan nina Adan at Eva, pati ng kanilang mga supling. Ngayon, mamamatay nang may pag-asa ang magnanakaw na ito.