Paraiso—Guniguni Ba Lamang?
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Hawaii
MAALIWALAS at bughaw na mga langit, mainit at mabuhanging mga dalampasigan, gumugulong na mga alon—iyan ba ang ideya mo ng isang paraiso? Mga puno ng palma na marahang umuugoy sa mainit na simoy ng tropikal na hangin, ang luntiang mga bundok na pagkatataas, ang dagundong ng mga talón na bumabagsak sa malamig at liblib na mga lawa, ang makulay na bahaghari, ang kagila-gilalas na mga paglubog ng araw—ang mga tanawin ng paraiso ay kadalasang binubuo ng mga bagay na ito.
Mangyari pa, ang isang tropikal na isla ay maaaring hindi siyang ideya ng lahat sa paraiso. Isang dalaga na lumipat sa isang isla sa Pasipiko ay nagsabi: “Pinananabikan ko ang malamig, maginaw na mga araw kung taglagas kapag ang mga punungkahoy ay parang nagliliyab dahilan sa mga dahon nito kung taglagas. Pinananabikan ko rin ang tahimik na mga gabi kung taglamig kapag ang lahat ay natatakpan ng isang blangket ng sariwang niyebe.”
Bagaman ang mga pangitain ng paraiso ay iba-iba, may ilang mga bagay na nanaisin ng sinuman. Ang isa ay na sana’y kasama mo ang iyong mga mahal sa buhay. Ang isa pa ay tamasahin ang kapayapaan at katiwasayan, oo, mawala sana ang mga problema sa ating kasalukuyang buhay.
Subalit makatotohanan ba na maniwala na maaaring masumpungan ang isang paraiso ngayon? Ang paglipat ba sa isang dako kung saan maaaring tamasahin ng isa ang kagandahan ng kalikasan ang siyang kasagutan?
“Paraiso sa Pasipiko”
Bagaman maraming magandang tanawin sa paligid ng daigdig ang hinahangaan ng mga bisita na malaparaiso, ang Hawaii ang laging paborito sa listahan ng mga tao. Sa ngayon ang Hawaii ay dinadalaw ng mahigit na apat na milyong mga turista sa isang taon at nakamit nito ang magandang pangalan na “Paraiso sa Pasipiko.”
Karamihan sa mga bisita ay namamangha sa kung ano ang nakikita nila rito—ang makapigil-hiningang magagandang bundok, mga dalisdis, at mga talón; ang malakristal-linaw, bughaw na mga tubig sa karagatan at maputing mga buhangin sa dalampasigan; ang napakaraming mga bulaklak at mga punungkahoy na nagbubunga; ang kainaman na klima; at ang palakaibigang mga tao roon.
Bawat isla sa Hawaii ay mayroong kaniyang natatanging atraksiyon. Halimbawa, sa Kauai, ang “Garden Isle,” ang bisita ay maaaring mamangha sa “Grand Canyon ng Pasipiko,” na kilala bilang Waimea Canyon. Nasa Oahu naman ang bantog-sa-daigdig na Waikiki Beach at Diamond Head. Ang nakatatakot gayunma’y magandang Haleakala Crater, isang paboritong dako kung saan pinagmamasdan ang pagsikat ng araw ay nasa Maui. Ang isla ng Hawaii, o ang Big Island, ang kinaroroonan ng dalawa sa pinakamalaking aktibong mga bulkan sa daigdig—ang Kilauea at Mauna Loa—ay nagtatanghal ng maapoy na mga pagsabog nito sa pana-panahon. Masusumpungan mo rin dito ang eksotikong mga dalampasigan na itim ang buhangin. Saan ka man tumingin, kahanga-hanga at magagandang bagay ang iyong makikita.
Subalit sandali lang! Bago ka umalis sa iyong lugar at ilipat ang iyong pamilya at mga pag-aari rito, isaalang-alang mo: Ang Hawaii nga ba ang lahat ng inaasahan mo sa isang paraiso? Ipagpalagay nang taglay nito ang likas na kagandahan at kagila-gilalas na tanawin, gayunman ang Hawaii nga ba ay maituturing mo na isang paraiso?
Isang Tunay na Paraiso?
“Marahil noong una,” sabi ng isang ikalawang-salinlahing katutubo na Haponés ang angkan. “Gayunman, sa ngayon taglay namin ang gayunding mga problema na taglay ng iba pa—mga buhul-buhol na trapiko, pagsisiksikan, polusyon, at krimen.” Bilang isang ulo ng pamilya at ama ng tatlong mga anak, sabi niya: “Ginagawang mahirap ng mga suliranin ng kawalan ng trabaho at ng mataas na halaga ng pamumuhay na paglaanan mo ang iyong pamilya. Ang mga pagnanakaw at panloloob ay nakadaragdag pa sa iyong mga pagkabahala.”
“Oo, kung ihahambing sa maraming mga lugar na napuntahan ko na,” sabi ng isang negosyanteng Hawayano-Intsik na naglakbay na sa buong Oryente, Estados Unidos, at sa Pasipiko. “Gayumpaman, ang karamihan sa mas simple, malaya-sa-kaguluhan, hindi masalimuot na buhay ng dating Hawaii ay wala na.” Nagugunita, sabi pa niya: “Bilang isang bata, madalas akong dumalaw sa aming mga kapitbahay. Ang lahat ay ibinabahagi sa iba kung ano ang mayroon siya, at walang nagkakandado ng kaniyang pinto. Subalit hindi na ganiyan ngayon. Ang mga tao ngayon ay takot na takot.” Pagkatapos, dumadako sa isang paksa na bihirang pag-usapan, sabi niya: “Isa sa tunay na lason ng makabagong Hawaii ay ang umuunlad na pagsasaka ng droga. Marahil dahilan ito sa klima at gayundin sa mga problema ng makabagong lipunan na nagtataguyod sa pagnanasa na tumakas sa katotohanan.”
Ipinakikita ng mga komentong gaya nito kung ano ang nangyayari sa Hawaii at sa iba pang “malaparaiso” na mga lugar sa buong daigdig. Ang mga tao, sa kanilang kasabikan na tamasahin ang buhay sa isang ‘ulirang lugar,’ ay nagkalipumpunan sa magagandang islang ito. Ang resulta ay hindi lamang isang walang-katulad na pagdami at paglawak sa populasyon at ekonomiya ng Hawaii—pati na ang bahagi nito ng mga suliraning panlipunan—kundi gayundin ang mapangwasak na epekto nito sa likas na kapaligiran.
Sa katunayan, sinisira ng polusyon ng likas na mga kayamanan, gayundin ng iba pang mga suliraning pangkapaligiran, ang bawat sulok ng lupa. Ang krimen, pag-abuso sa droga, at siksikang mga tirahan ay sumasalot sa mga lunsod sa buong daigdig. Ang sakit, pagtanda, at kamatayan ay nararanasan ng lahat ng tao.
Maliwanag, ang isang tunay na paraiso ay higit pa kaysa basta isang magandang dako na paninirahan. Ang mga tao at ang paraan ng kanilang pamumuhay ang siyang gumagawa sa isang magandang dako na isang paraiso. Maaaring nakatira ka sa isa sa pinakamagandang lugar sa daigdig, subalit kung ang krimen, kawalan ng trabaho, mataas na mga presyo ng bilihin, at iba pang gayong mga suliranin ay umiiral, hindi ka namumuhay sa isang tunay na paraiso.
Nangangahulugan ba ito na ang pamumuhay sa isang tunay na paraiso ay isa lamang pangarap, isang guniguni? Magkakaroon pa ba ng isang makalupang paraiso—isang pangglobong paraiso?
Saligan para sa Pag-asa
Sa katunayan, ang pag-asa ng maraming tao sa isang pangglobong paraiso ay napakalakas. Para sa kanila, ang mga salitang binigkas ni Jesu-Kristo, mga ilang siglo na ang nakalipas, ay kaakit-akit pa rin na gaya nang una niya itong banggitin: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”—Lucas 23:43.
Ito ba sa kanilang bahagi ay isa lamang kapana-panabik na pag-iisip, o pag-asa kung ang mga bagay-bagay ay hindi mabuti? Ano ba ang Paraiso na ipinangako ni Jesus? At paano ito matutupad?
Ginawa ni Jesus ang pangakong iyan sa isang tila ba nagsisising kriminal na hinatulang mamatay sa isang pahirapang tulos. Mula sa isang nagsisising puso, ang kriminal ay nagsabi: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Bilang sagot, sinabi sa kaniya ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”—Lucas 23:40-43.
Napansin mo ba sa pag-uusap na ito kung ano ang susi sa Paraiso? Hindi sinabi ni Jesus sa manggagawa ng masama na mayroon siyang kaluluwang hindi namamatay na hihiwalay at magtutungo sa isang paraiso sa ibang daigdig nang araw na iyon. Si Jesus mismo ay kailangang maghintay at buhaying-muli ng Diyos pagkaraan ng tatlong araw. Bagkus, si Jesus ay tumuturo sa isang paraiso sa hinaharap na itatatag sa lupa kapag siya ay dumating na sa kapangyarihan ng Kaharian. Oo, ang susi sa Paraiso ay ang Kaharian ng Diyos, yaong itinuro ni Jesus na idalangin ng kaniyang mga tagasunod: “Dumating nawa ang iyong kaharian.”—Mateo 6:10.
Subalit paano pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos ang isang pangglobong paraiso? Makatotohanan bang maniwala na magtatagumpay ito kung saan ang lahat ng iba pang mga kaharian, gayundin ang lahat ng uri ng mga pamahalaan, ay nabigo?
Ang Kaharian ng Diyos ang Sasagip
Maliwanag na ibinabalangkas ng Bibliya ang mga hakbang na gagawin ng Kaharian ng Diyos upang isauli ang Paraiso sa lupa. Tumatanaw sa panahong iyon, ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay nagsasabi sa atin kung ano muna ang dapat mangyari, na sinasabi: “Nagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong poot, at ang takdang panahon . . . upang ipahamak mo ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:17, 18.
Kung mamasdan ng Diyos na Jehova kung paano dinumhan ng mga bansa ang hangin, tubig, at lupa ng kanilang mapag-imbot na pagsamantala sa mga kayamanan ng lupa at ang kanilang madugo at mapangwasak na pagdidigma, may sapat na dahilan siya na mapoot at kumilos upang ihinto ang kanilang hindi matalinong landasin. Iyan ang dahilan kung bakit kaniyang “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa” bago maging huli ang lahat. Sa panahong iyon ipahihintulot ng likas na kapangyarihan ng lupa na gumaling na baligtarin ang pinsalang nagawa at ibalik ang lupa sa malaparaisong kalagayan.
Pakikitunguhan din ng Kaharian ang krimen at mga kriminal na nag-aalis sa isa ng katiwasayan at kaligayahan na napakahalaga sa Paraiso. “Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay mahihiwalay,” sulat ng salmista, “ngunit yaong umaasa kay Jehova ay magmamana ng lupain.” Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang lahat ay magiging isang kaibigan at isang tunay na kapitbahay. Hindi na kakailanganin pa ang mga kandado, mga sistema sa seguridad, at mga pulis. “Tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan,” ang pangako ng Bibliya.—Awit 37:9, 11.
Ang pagtanda, sakit, at kamatayan—yaong malaking mga hadlang sa kagalakan—ay magiging lipas na bagay din. “Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit,’” sabi sa atin ng propeta Isaias. “At hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4.
Kumusta naman ang pangunahing pangangailangan ng tao na pagkain, tirahan, at kapaki-pakinabang na trabaho? Sa ngayon, angaw-angaw ang dumaranas ng kakapusan ng pagkain at gutom. Ang malaking bahagi ng mga tao ay nakatira sa mahirap na mga kalagayan at walang kapag-a-pag-asang makapagtrabaho o maipasok sa trabaho. Upang maging totoo ang isang pangglobong paraiso, ang mga suliraning ito ay dapat na mawala. Matutugunan kaya ng Kaharian ang atas na ito? Pakinggan ang kahanga-hangang paglalarawan ng kung magiging ano ang buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian:
“Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang kaarawan ng aking bayan; at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kaniyang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan; sapagkat sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova.”—Isaias 65:21-23.
Hindi ba ganiyan ang inilalarawan mo sa iyong sarili na magiging kalagayan sa Paraiso? Ang mga ito at marami pang ibang kahanga-hangang mga bagay na nasusulat sa Bibliya ay hindi mga guniguni o panaginip lamang! Sa pagsasabi ng gayong mga pagpapala ng Kaharian, malimit na idinaragdag ng Bibliya ang ekspresyon o kasabihan na “isasagawa ito ng sikap ni Jehova ng mga hukbo.” (Isaias 9:7; 37:32) Tinitiyak nito sa atin na ang Diyos na Jehova, na may kakayahan at kapangyarihan na ‘sapatan ang nasà ng bawat bagay na may buhay,’ ay handa rin at kusang gagawin ang gayon. (Awit 145:16) Oo, sa pamamagitan ng kalooban ni Jehova, ang pag-asa para sa isang pangglobong paraiso ay malapit nang matupad.
Pagsisikap na Abutin ang Paraiso
Baka mahirap para sa iyo na maniwala sa kahanga-hangang pag-asa sa isang paraisong lupa sa hinaharap. Baka akalain mo pa nga na mahirap magkatotoo ito. Subalit ang ating likas na pagnanasà para sa kapayapaan at kaligayahan ay nagsasabi sa atin na makatotohanang umasa sa Paraiso. Ipinakita sa atin ng ating Maylikha, na naglagay sa atin ng pagnanasà sa mga bagay na ito, kung paano ang pag-asang iyon ay maaari at matutupad.
Ang mga pangyayari sa daigdig at ang natupad na mga hula sa Bibliya ay nagpapakita na ang panahon para isauli ng Diyos ang Paraiso sa buong lupa ay malapit na. Kaya, sa halip na basta pagguniguni tungkol sa pamumuhay sa paraiso o paggugol ng iyong panahon at kayamanan sa walang-saysay na paghahangad na mabuhay sa isang paraiso sa pamamagitan ng iyong sariling paraan, maglaan ka ng panahon at pagsisikap na alamin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa bagay na ito.
Isinisiwalat ni Jesu-Kristo ang saligan sa pagtatamasa ng buhay sa isang tunay na paraiso nang kaniyang sabihin: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pagtatamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos at pamumuhay ayon dito ang tanging paraan upang matupad ang pag-asa ng isa sa Paraiso. Nagsisikap ka bang abutin ito?
[Mga larawan sa pahina 19]
Isang paraisong isla na sinisira o pinapapangit ng mapangwasak na epekto sa kapaligiran nito
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Hawaiian Visitors Bureau photos