Alam Mo Ba?
Sino ang ama ni Jose?
Si Jose, na karpintero sa Nazaret, ang ama-amahan ni Jesus. Ngunit sino ang ama ni Jose? Tungkol sa talaangkanan ni Jesus, binabanggit ng Ebanghelyo ni Mateo ang isang Jacob, samantalang binabanggit naman sa Ebanghelyo ni Lucas na si Jose ay “anak ni Heli.” Bakit tila magkaiba?—Lucas 3:23; Mateo 1:16.
Mababasa sa ulat ni Mateo: “Naging anak ni Jacob si Jose.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay maliwanag na nagpapakita na si Jacob ang likas na ama ni Jose. Dito, tinutunton ni Mateo ang likas na talaangkanan ni Jose, ang makaharing linya ni David, na sa pamamagitan nito ang legal na karapatan sa trono ay ipapasa sa anak-anakan ni Jose na si Jesus.
Sinasabi naman sa ulat ni Lucas: “[Si] Jose, na anak ni Heli.” Ang salitang “anak ni,” ay maaaring mangahulugang “manugang na lalaki ni.” Katulad ito ng ulat sa Lucas 3:27, kung saan si Sealtiel, na ang tunay na ama ay si Jeconias, ay sinasabing “anak ni Neri.” (1 Cronica 3:17; Mateo 1:12) Malamang na napangasawa ni Sealtiel ang anak na babae ni Neri, kaya si Sealtiel ay naging manugang na lalaki ni Neri. Sa gayon ding diwa naging “anak” ni Heli si Jose, dahil napangasawa niya ang anak ni Heli na si Maria. Dito, tinutunton naman ni Lucas ang likas na angkan ni Jesus “ayon sa laman,” sa pamamagitan ng kaniyang tunay na inang si Maria. (Roma 1:3) Kaya ibinibigay ng Bibliya ang dalawang magkaiba at mahalagang talaangkanan ni Jesus.
Anong mga tela at pantina ang ginagamit noong panahon ng Bibliya?
Ang balahibo ng tupa ay malawakang ginagamit sa paggawa ng tela sa sinaunang Gitnang Silangan gaya rin ng balahibo ng kambing at kamelyo. Ang pinakakaraniwang tela ay lana, at madalas banggitin sa Bibliya ang tungkol sa mga tupa, paggupit ng balahibo, at damit na lana. (1 Samuel 25:2; 2 Hari 3:4; Job 31:20) Ang halamang lino, na ginagawang telang lino, ay itinatanim sa Ehipto at Israel. (Genesis 41:42; Josue 2:6) Ang mga Israelita noong panahon ng Bibliya ay maaaring hindi nagtatanim ng bulak, pero binabanggit ng Kasulatan na ginagamit sa Persia ang telang gawa sa bulak. (Esther 1:6) Napakamahal naman ng seda, na marahil ay mabibili lang sa mga naglalakbay na mangangalakal na galing sa Malayong Silangan.—Apocalipsis 18:11, 12.
“Iba-iba ang likas na kulay ng lana, mula sa puting-puti hanggang sa matingkad na brown,” ang sabi ng aklat na Jesus and His World. Bukod diyan, ang lana ay karaniwan nang tinitina. Ang mamahaling tinang purpura ay galing sa isang mulusko, at ginamit din ang iba’t ibang halaman, ugat, dahon, at insekto para gumawa ng tina na pula, dilaw, asul, at itim.