KABANATA 12
Nagpabautismo si Jesus
MATEO 3:13-17 MARCOS 1:9-11 LUCAS 3:21, 22 JUAN 1:32-34
BINAUTISMUHAN SI JESUS AT PINAHIRAN
SINABI NI JEHOVA NA ANAK NIYA SI JESUS
Mga anim na buwan mula nang magsimulang mangaral si Juan Bautista, si Jesus, na mga 30 anyos na ngayon, ay pumunta sa kaniya sa Ilog Jordan. Bakit? Hindi lang para bisitahin si Juan o kumustahin ang gawain nito. Pumunta si Jesus para magpabautismo kay Juan.
Siyempre, tumanggi si Juan: “Ako ang dapat magpabautismo sa iyo. Bakit ka nagpapabautismo sa akin?” (Mateo 3:14) Alam ni Juan na si Jesus ang natatanging Anak ng Diyos. Tandaan na noong nasa sinapupunan pa lang ni Elisabet si Juan, napalukso na ito sa tuwa nang dumalaw si Maria, na nagdadalang-tao na noon kay Jesus. Tiyak na ikinuwento ito ng nanay ni Juan sa kaniya nang maglaon. At malamang na nalaman din niya ang tungkol sa paghahayag ng anghel sa kapanganakan ni Jesus at ang tungkol sa pagpapakita ng mga anghel sa mga pastol noong gabing isilang si Jesus.
Alam ni Juan na ang bautismong isinasagawa niya ay para sa mga nagsisisi sa kanilang kasalanan. Pero walang kasalanan si Jesus. Kahit tumanggi si Juan, ipinilit pa rin ni Jesus: “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon para magawa natin ang lahat ng iniutos ng Diyos.”—Mateo 3:15.
Bakit kailangang magpabautismo si Jesus? Hindi ito bilang sagisag ng pagsisisi sa kasalanan. Nagpabautismo siya para ipakitang handa na siyang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. (Hebreo 10:5-7) Dati, isang karpintero si Jesus. Pero ngayon, panahon na para simulan niya ang ministeryo na iniutos ng kaniyang Ama na gawin niya dito sa lupa. May inaasahan kaya si Juan na di-pangkaraniwang mangyayari kapag binautismuhan niya si Jesus?
Iniulat ni Juan nang maglaon: “Sinabi mismo ng Diyos na nagsugo sa akin para magbautismo sa tubig: ‘Kapag nakita mo ang espiritu na bumaba sa sinuman at nanatili ito sa kaniya, siya ang nagbabautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu.’” (Juan 1:33) Oo, inaasahan ni Juan na bababa ang espiritu ng Diyos sa isa na babautismuhan niya. Kaya nang umahon si Jesus sa tubig, malamang na hindi nagulat si Juan nang makita niya “ang espiritu ng Diyos na parang kalapating bumababa kay Jesus.”—Mateo 3:16.
Pero hindi lang iyan ang nangyari pagkabautismo kay Jesus. “Ang langit ay nabuksan” sa kaniya. Ano ang ibig sabihin nito? Malamang na noong bautismuhan si Jesus, bumalik ang alaala ng buhay niya sa langit bago siya naging tao. Kaya naaalaala na ngayon ni Jesus ang buhay niya bilang espiritung anak ni Jehova, pati na ang mga katotohanang itinuro ng Diyos sa kaniya noong nasa langit siya.
Bukod diyan, noong bautismuhan si Jesus, may tinig mula sa langit na nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” (Mateo 3:17) Kaninong tinig iyon? Imposibleng kay Jesus, dahil nasa tabi lang siya ni Juan. Tinig iyon ng Diyos. Maliwanag, si Jesus ay Anak ng Diyos; hindi siya ang Diyos.
Kapansin-pansin na si Jesus ay isang taong anak ng Diyos, gaya ng unang taong si Adan. Matapos ilarawan ng alagad na si Lucas ang bautismo ni Jesus, isinulat niya: “Nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang gawain, siya ay mga 30 taóng gulang. At gaya nga ng sinasabi ng mga tao, siya ay anak ni Jose, na anak ni Heli, . . . na anak ni David, . . . na anak ni Abraham, . . . na anak ni Noe, . . . na anak ni Adan, na anak ng Diyos.”—Lucas 3:23-38.
Kung paanong si Adan ay isang taong “anak ng Diyos,” gayundin si Jesus. Nang bautismuhan si Jesus, naunawaan niyang siya ay Anak ng Diyos na magiging espiritu sa langit. Kaya naman si Jesus ay nasa posisyong magturo sa mga tao ng katotohanan mula sa Diyos at akayin sila sa daan tungo sa buhay. Sinimulan nang tahakin ni Jesus ang landasing hahantong sa paghahandog ng kaniyang buhay alang-alang sa makasalanang mga tao.