Ang Pagkakilala ng Kristiyano sa Nakatataas na mga Autoridad
“Ang bawat kaluluwa ay pasakop sa nakatataas na mga autoridad, sapagkat walang autoridad na hindi dahil sa Diyos; ang umiiral na mga autoridad ay inilagay ng Diyos sa kani-kanilang kinauukulang dako.”—ROMA 13:1.
1, 2. (a) Bakit si Pablo ay isang bilanggo sa Roma? (b) Anong mga tanong ang ibinangon ng pag-apila ni Pablo kay Cesar?
SI APOSTOL Pablo ang sumulat ng mga salita sa itaas sa mga Romano humigit-kumulang 56 C.E. Mga ilang taon pagkatapos, siya’y naroon sa Roma bilang isang bilanggo. Bakit? Siya’y pinagdumugan ng mga mang-uumog sa Jerusalem at iniligtas ng mga sundalong Romano. Nang siya’y dalhin sa Cesarea, siya ay napaharap sa mga walang-katotohanang akusasyon, ngunit buong-husay na ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili sa harap ni Felix, ang gobernador Romano. Si Felix, sa pag-asang tatanggap ng suhol, ang pumigil sa kaniya sa bilangguan nang may dalawang taon. Sa wakas, sa susunod na gobernador, si Festo, hiniling ni Pablo na ang kaniyang kaso ay pakinggan ni Cesar.—Gawa 21:27-32; 24:1–25:12.
2 Ito ay kaniyang karapatan bilang isang mamamayang Romano. Ngunit iyon ba ay kasuwato ng pag-apila ni Pablo sa autoridad na iyan ng imperyo gayong tinukoy ni Jesus na si Satanas ang tunay na “pinunò ng sanlibutan” at ang itinawag ni Pablo mismo kay Satanas ay “ang Diyos ng sistemang ito ng mga bagay”? (Juan 14:30; 2 Corinto 4:4) O ang autoridad Romano ba ay nasa isang ‘kinauukulang dako’ kung kaya’t angkop naman para kay Pablo na umasa sa maykapangyarihang iyan na bigyan ng proteksiyon ang kaniyang mga karapatan? Ang totoo nga, ang nauna bang mga salita ng apostol na, “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinunò bago sa mga tao,” ay nagpapahintulot sa Kristiyano na sundin ang mga pinunong tao kailanma’t hindi kasangkot doon ang pagsuway sa Diyos?—Gawa 5:29.
3. Ano ang inihahayag ni Pablo na maygulang na pagkakilala, at papaano kasangkot ang budhi?
3 Para sa mga sagot sa mga tanong na ito ay tinutulungan tayo ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, na kung saan ay inihahayag niya ang isang maygulang na pagkakilala sa pamamahala ng tao. Sa Roma 13:1-7, nililiwanag ni Pablo ang bahagi na kailangang gampanan ng budhing Kristiyano sa timbang na pangmalas sa lubos na pagtalima sa Kataas-taasang Autoridad, ang Diyos na Jehova, at sa kaukulang pagtalima sa “nakatataas na mga autoridad.”
Pagkilala Kung Sino ang Nakatataas na mga Autoridad
4. Anong pagbabago ng pagkakilala ang ginawa noong 1962, na nagbangon ng anong mga tanong?
4 Sa loob ng ilang mga taon, hanggang noong 1962, ang mga Saksi ni Jehova ay may paniwala na ang nakatataas na mga autoridad ay ang Diyos na Jehova at si Kristo Jesus. Subalit, kasuwato ng Kawikaan 4:18, lalong tumindi ang liwanag, at ang pagkakilalang ito ay iniwasto, na maaaring magbangon ng mga tanong sa isip ng ilan. Tayo ba ngayon ay tama sa pagsasabing ang mga autoridad na ito ay ang mga hari, mga pangulo, mga punong ministro, mga alkalde, mga mahistrado, at mga iba pa na may hawak ng sekular, pulitikal na kapangyarihan sa sanlibutan at tayo’y obligado sa kanila na magpasakop sa isang paraang may pasubali?
5. Sa papaano tumutulong sa atin ang konteksto ng Roma 13:1 upang makilala natin kung sino ang nakatataas na mga autoridad, at papaano ang iba’t ibang salin ng Bibliya ay sumusuhay sa pagkakilalang ito?
5 Si Irenaeus, isang manunulat noong ikalawang siglo C.E., ay nagsabi na sang-ayon sa ilan noong kaniyang kaarawan, ang tinutukoy ni Pablo sa Roma 13:1 ay “tungkol sa mga anghel na may kapangyarihan [o] di-nakikitang mga pinunò.” Gayunman, ang pagkakilala ni Irenaeus mismo sa nakatataas na mga autoridad ay “aktuwal na mga taong maykapangyarihan.” Ang konteksto ng mga salita ni Pablo ay nagpapakitang si Irenaeus ay tama. Sa katapusang mga talata ng Roma kabanata 12, ipinaliliwanag ni Pablo kung papaano dapat gumawi ang mga Kristiyano sa harap ng “lahat ng tao,” na tinatrato maging ang ‘mga kaaway’ nang may pag-ibig at konsiderasyon. (Roma 12:17-21) Maliwanag, ang pananalitang “lahat ng tao” ay kumakapit sa mga tao sa labas ng kongregasyong Kristiyano. Kaya “ang nakatataas na mga autoridad,” na pagkatapos ay patuloy na tinatalakay ni Pablo, ay tiyak na nasa labas din ng kongregasyong Kristiyano. Kasuwato nito, pansinin kung papaano isinasalin ng iba’t ibang salin ang unang bahagi ng Roma 13:1: “Bawa’t isa ay kailangang sumunod sa mga autoridad ng estado” (Today’s English Version); “bawa’t isa ay kailangang ipasakop ang kaniyang sarili sa namamahalang mga autoridad” (New International Version); bawat isa ay nararapat sumunod sa mga maykapangyarihang sibil.”—Phillips’ New Testament in Modern English.
6. Papaano ipinakikita ng mga salita ni Pablo tungkol sa pagbabayad ng buwis at pataw na ang nakatataas na mga autoridad ay sekular na mga autoridad?
6 Si Pablo ay nagpapatuloy ng pagsasabi na ang mga autoridad na ito ay humihingi ng mga buwis at pataw. (Roma 13:6, 7) Ang kongregasyong Kristiyano ay hindi humihingi ng mga buwis o pataw; hindi rin naman humihingi si Jehova o si Jesus o sinumang iba pang “di-nakikitang mga pinunò.” (2 Corinto 9:7) Ang mga buwis ay binabayaran lamang sa sekular na mga autoridad. Kasuwato nito, ang mga salitang Griego para sa “buwis” at “pataw” na ginamit ni Pablo sa Roma 13:7 ay espesipikong tumutukoy sa salapi na ibinabayad sa Estado.a
7, 8. (a) Papaanong ang iba’t ibang talata sa Bibliya ay nagkakaisang nagpapakita na tayo ay dapat pasakop sa makapulitikang mga autoridad ng sanlibutang ito? (b) Kailan lamang hindi susunod ang mga Kristiyano sa utos ng “autoridad”?
7 Isa pa, ang payo ni Pablo na pasakop sa nakatataas na mga autoridad ay kasuwato ng utos ni Jesus na ibigay kay “Cesar ang mga bagay na kay Cesar,” na kung saan si “Cesar” ay kumakatawan sa sekular na autoridad. (Mateo 22:21) Ito’y naaayon din sa mga salita ni Pablo nang malaunan kay Tito: “Patuloy na paalalahanan mo sila na pasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga maykapangyarihan na mga pinunò, na humanda sa bawat gawang mabuti.” (Tito 3:1) Sa gayon, pagka ang mga Kristiyano ay inuutusan ng mga pamahalaan na makibahagi sa mga gawain sa pamayanan, wasto namang sumunod sila habang ang mga gawaing iyon ay hindi isang kumukompromisong panghalili sa paglilingkod na labag sa Kasulatan o dili kaya’y lumalabag sa mga simulain ng Kasulatan tulad halimbawa ng makikita sa Isaias 2:4.
8 Pinatotohanan din ni Pedro na tayo’y dapat pasakop sa sekular na mga autoridad ng sanlibutang ito nang kaniyang sabihin: “Alang-alang sa Panginoon pasakop kayo sa bawat likha ng tao: maging sa hari na nakatataas o sa mga gobernador na sinugo niya upang magparusa sa mga nagsisigawa ng masama ngunit upang pumuri sa mga nagsisigawa ng mabuti.” (1 Pedro 2:13, 14) Kasuwato nito, ang mga Kristiyano ay makikinig din sa payo ni Pablo kay Timoteo: “Una sa lahat ipinakikiusap ko nga na magsumamo, manalangin, mamagitan, magpasalamat, alang-alang sa lahat ng uri ng tao, alang-alang sa mga hari at sa lahat ng mga nasa matataas na tungkulin; upang kayo’y mangabuhay na tahimik at payapa.”b—1 Timoteo 2:1, 2.
9. Bakit hindi nakababawas sa karangalan ni Jehova ang pagtukoy sa mga autoridad na tao bilang “nakatataas”?
9 Sa pagkakapit sa sekular na mga autoridad ng tawag na “nakatataas,” tayo ba sa papaano man ay nakababawas sa karangalan na nauukol kay Jehova? Hindi, sapagkat si Jehova ay higit pa kaysa nakatataas lamang. Siya “ang Soberanong Panginoon,” “ang Kataas-taasang Isa.” (Awit 73:28; Daniel 7:18, 22, 25, 27; Apocalipsis 4:11; 6:10) Sa anumang paraan ang nararapat na pagpapasakop sa mga taong autoridad ay hindi nakababawas ng anuman sa ating pagsamba sa Kataas-taasang Autoridad, ang Soberanong Panginoon na si Jehova. Kung gayon, gaano ba kalawak ang taglay na kapangyarihan ng mga autoridad na ito upang maging nakatataas? Doon lamang sa may kinalaman sa mga ibang tao at sa kanilang sariling larangan ng aktibidad. Sila’y may pananagutan na mamahala at magbigay ng proteksiyon sa mga pamayanan ng tao, at ukol dito sila’y gumagawa ng mga alituntunin na may kinalaman sa mga kapakanang pambayan.
“Inilagay ng Diyos sa Kani-kanilang Kinauukulang Dako”
10. (a) Tungkol sa sariling autoridad ni Jehova, ano ang pinatutunayan ng pangungusap ni Pablo tungkol sa ‘paglalagay’ sa nakatataas na mga autoridad? (b) Ano ang pinayagan ni Jehova tungkol sa ‘paglalagay’ sa mga ibang pinuno, at sa gayo’y papaano nasusubok ang kaniyang mga lingkod?
10 Ang pagiging kataas-taasan ng Diyos na Jehova kahit na sa sekular na mga autoridad ay makikita sa bagay na ang mga autoridad na ito ay “inilagay ng Diyos sa kani-kanilang kinauukulang dako.” Gayunman, ang pangungusap na ito ay nagbabangon ng isang tanong. Mga ilang taon pagkatapos isulat ni Pablo ang mga salitang ito, ang Romanong emperador na si Nero ay nagbangon ng isang kampanya ng buktot na pag-uusig laban sa mga Kristiyano. Ang Diyos ba ang personal na naglagay kay Nero sa kaniyang posisyon? Malayung-malayo! Hindi ang Diyos ang pumipili ng bawat indibiduwal na pinunò at inilalagay sa kaniyang posisyon ‘sa biyaya ng Diyos.’ Bagkus, kung minsan si Satanas ang nagmamaneobra upang ang malulupit na mga tao ay mapalagay sa puwesto bilang mga pinunò, at pinapayagan naman ito ni Jehova, kasama na ang mga pagsubok na maaaring papangyarihin ng gayong mga pinunò sa kaniyang tapat na mga lingkod.—Ihambing ang Job 2:2-10.
11, 12. Sa anong mga kaso napaulat na personal na minaneobra ni Jehova ang sekular na mga autoridad upang mapalagay o maalis sa puwesto?
11 Gayunman, si Jehova ay personal na namagitan sa kaso ng mga ilang pinunò o mga pamahalaan upang magsilbi sa kaniyang dakilang layunin. Halimbawa, noong panahon ni Abraham ang mga Cananeo ay pinayagan na manatili sa lupain ng Canaan. Subalit, nang bandang huli ay binunot sila roon ni Jehova at ang lupain ay ibinigay sa mga supling ni Abraham. Nang naglalakbay sa ilang ang mga Israelita, sila’y hindi pinayagan ni Jehova na sakupin ang Ammon, Moab, at Bundok Seir. Ngunit kaniyang iniutos na kanilang lipulin ang mga kaharian ni Sihon at ni Og.—Genesis 15:18-21; 24:37; Exodo 34:11; Deuteronomio 2:4, 5, 9, 19, 24; 3:1, 2.
12 Pagkatapos na manirahan na sa Canaan ang Israel, si Jehova ay nagpatuloy na magkaroon ng tuwirang interes sa mga autoridad na may epekto sa kaniyang bayan. Kung minsan, pagka nagkasala ang Israel, sila’y pinapayagan ni Jehova na mapasailalim ng isang autoridad na pagano. Pagka sila’y nagsisi, kaniyang inaalis sa lupain ang autoridad na iyon. (Hukom 2:11-23) Sa wakas, kaniyang pinayagan na ang Juda, kasama ang marami pang mga ibang bansa, ay sumailalim ng kapangyarihan ng Babilonya. (Isaias 14:28–19:17; 23:1-12; 39:5-7) Pagkatapos na ang Israel ay maging bihag sa Babilonya, inihula ni Jehova ang pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihan ng daigdig na magkakaroon ng epekto sa kaniyang bayan mula noong panahon ng Babilonya hanggang sa ating sariling kaarawan.—Daniel, kabanata 2, 7, 8, at Dan 11.
13. (a) Sang-ayon sa awit ni Moises, bakit itinakda ni Jehova ang hangganan ng mga bayan? (b) Bakit nang malaunan ay isinauli ng Diyos ang Israel sa sariling lupain nito?
13 Si Moises ay umawit tungkol kay Jehova: “Nang ang mga bansa ay bigyan ng Kataas-taasan ng isang mana, nang kaniyang paghiwa-hiwalayin sa isa’t isa ang mga anak ni Adan, kaniyang inilagay ang hangganan ng mga bayan ayon sa bilang ng mga anak ni Israel. Sapagkat ang bahagi ni Jehova ay ang kaniyang bayan; si Jacob ang bahaging mana niya.” (Deuteronomio 32:8, 9; ihambing ang Gawa 17:26.) Oo, upang maisakatuparan ang kaniyang mga layunin, itinakda roon ng Diyos kung aling mga autoridad ang dapat manatili at alin naman ang dapat na lipulin. Sa ganitong paraan, kaniyang binigyan ang mga supling ni Abraham ng isang lupain na mamanahin at nang maglaon ay kaniyang ibinalik sila sa lupaing iyan, upang sa wakas ang ipinangakong Binhi ay doon lumitaw, gaya ng inihula.—Daniel 9:25, 26; Mikas 5:2.
14. Sa kalakhang bahagi, sa anong diwa inilalagay ni Jehova sa kani-kanilang kinauukulang dako ang mga autoridad na tao?
14 Gayunman, sa karamihan ng kaso, si Jehova ang naglalagay sa mga pinunò sa kani-kanilang kinauukulang dako sa diwa na kaniyang pinapayagan ang mga tao na malagay sa mga puwestong may autoridad kaugnay ng isa’t isa ngunit laging mababa sa kaniyang sarili. Kaya naman, nang si Jesus ay naroon sa harap ni Poncio Pilato, sinabi niya sa pinunong iyan: “Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan [autoridad] laban sa akin maliban na iyon ay ibigay sa iyo mula sa itaas.” (Juan 19:11) Hindi ibig sabihin na ang Diyos ang personal na naglagay sa puwesto kay Pilato, kundi na ang kaniyang kapangyarihang palayain o ipapatay si Jesus ay dahil lamang sa kapahintulutan ng Diyos.
“Ang Diyos ng Sistemang Ito ng mga Bagay”
15. Papaano naghahawak si Satanas ng kapamahalaan sa sanlibutang ito?
15 Subalit, kumusta naman ang pangungusap ng Bibliya na si Satanas ang diyos, o pinunò, ng sanlibutang ito? (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4) Oo, ano naman ang tungkol sa ipinangalandakan ni Satanas kay Jesus nang kaniyang ipakita kay Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at sabihin: “Lahat ng kapamahalaan [autoridad] na ito . . . ay naibigay na sa akin, at ibibigay ko kung kanino ko ibig.” (Lucas 4:6) Hindi kinontra ni Jesus ang pangangalandakan ni Satanas. At ang mga salita ni Satanas ay kasuwato ng isinulat ni Pablo noong bandang huli sa mga taga-Efeso: “Ang ating pakikipagbaka ay hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga autoridad, laban sa pansanlibutang mga tagapamahala ng kadilimang ito, laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.” (Efeso 6:12) Isa pa, sa aklat ng Apocalipsis si Satanas ay inilalarawan na isang dakilang dragon na nagbibigay sa makahayop na sagisag ng makapulitikang sistema ng sanlibutan ng “kaniyang kapangyarihan at kaniyang trono at dakilang kapamahalaan.”—Apocalipsis 13:2.
16. (a) Papaano makikita na ang kapangyarihan ni Satanas ay limitado? (b) Bakit pinapayagan ni Jehova na si Satanas ay magkaroon ng kapangyarihan sa sangkatauhan?
16 Ngunit, pansinin ang pagkasabi ni Satanas kay Jesus, “Lahat ng kapamahalaan [autoridad] na ito . . . ay naibigay na sa akin,” ay nagpapakita na siya man ay naghahawak ng kapamahalaan dahil lamang sa siya’y pinapayagan. Bakit pumapayag ang Diyos? Ang karera ni Satanas bilang ang pinunò ng sanlibutan ay nagsimula noon pa sa Eden nang hayagang inakusahan niya ang Diyos ng pagsisinungaling at di-makatarungang gumagamit ng Kaniyang soberanya. (Genesis 3:1-6) Si Adan at si Eva ay sumunod kay Satanas at sumuway sa Diyos na Jehova. Sa puntong iyan si Jehova ay may ganap na katarungan na patayin si Satanas at ang kaniyang dalawang bagong mga tagasunod. (Genesis 2:16, 17) Ngunit ang mga salita ni Satanas ay tunay na isang personal na hamon kay Jehova. Kaya ang Diyos sa kaniyang karunungan ay pumayag na si Satanas ay mabuhay nang sandali, at pinayagan si Adan at si Eva na magparami ng mga anak bago sila namatay. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay nagbigay ng panahon at pagkakataon para pabulaanan ang hamon ni Satanas.—Genesis 3:15-19.
17, 18. (a) Bakit masasabi natin na si Satanas ang diyos ng sanlibutang ito? (b) Sa papaanong “walang autoridad” sa sanlibutang ito “na hindi dahil sa Diyos”?
17 Ang mga pangyayari buhat noong Eden ay nagpatunay na tahasang mga kasinungalingan ang mga paratang ni Satanas. Ang mga inapo ni Adan ay hindi nakasumpong ng kaligayahan sa ilalim ng pamamahala ni Satanas o sa ilalim man ng pamamahala ng tao. (Eclesiastes 8:9) Sa kabilang panig, ang pakikitungo ng Diyos sa kaniyang sariling bayan ay nagpakita ng kahigitan ng makalangit na pamamahala. (Isaias 33:22) Ngunit yamang karamihan ng mga supling ni Adan ay hindi tumatanggap sa soberanya ni Jehova, sa alam man nila o hindi ay naglilingkod sila kay Satanas bilang kanilang diyos.—Awit 14:1; 1 Juan 5:19.
18 Hindi na magtatagal, ang mga suliranin na ibinangon sa Eden ay malulutas na. Ang Kaharian ng Diyos ang lubusang mamamanihala sa pamumuhay ng sangkatauhan, at si Satanas ay ikukulong sa kalaliman. (Isaias 11:1-5; Apocalipsis 20:1-6) Samantala, isang uri ng kaayusan, o pamamalakad, ang kailangan sa gitna ng sangkatauhan upang magkaroon ng isang maayos na pamumuhay. Si Jehova ay “isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33) Kaya naman, kaniyang pinayagang umiral ang mga sistema ng autoridad sa mga komunidad na natatag sa labas ng Eden, at kaniyang pinayagang ang mga tao’y maghawak ng autoridad sa kaayusang ito. Sa ganitong paraan, “walang autoridad na hindi dahil sa Diyos.”
Makatarungang mga Autoridad
19. Bawat pinunong tao ba ay tuwirang nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas?
19 Magbuhat na noon sa Eden, si Satanas ay nagkaroon ng malawak na kalayaan sa gitna ng sangkatauhan, at kaniyang ginamit ang kalayaang ito na magmaneobra ng mga pangyayari sa lupa, kasuwato ng kaniyang pangangalandakan kay Jesus. (Job 1:7; Mateo 4:1-10) Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan na bawat pinunò sa sanlibutang ito ay tuwirang sumasailalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang ilan—katulad ni Nero noong unang siglo at ni Adolf Hitler sa siglo nating ito—ay nagpakita ng isang tunay na maka-Satanas na espiritu. Ngunit ang iba ay hindi naman. Si Sergio Paulo, ang proconsul ng Cyprus (Chipre), ay “isang lalaking matalino” na “nagmithing makapakinig ng salita ng Diyos.” (Gawa 13:7) Si Galyo, ang proconsul ng Acaya, ay tumangging padala sa panggigipit ng mga Judiong umaakusa kay Pablo. (Gawa 18:12-17) Marami pang ibang mga pinunò ang humawak ng kanilang kapangyarihan sa isang marangal na paraan na naaayon sa kanilang budhi.—Ihambing ang Roma 2:15.
20, 21. Anong mga pangyayari sa ika-20 siglo ang nagpapakita na ang mga pinunong tao ay hindi kalooban ni Satanas ang ginagawa sa tuwina?
20 Sa aklat ng Apocalipsis ay nahuhula na sa panahon ng “araw ng Panginoon,” nagsimula noong 1914, mamaneobrahin din ni Jehova ang mga taong maykapangyarihan upang biguin ang mga layunin ni Satanas. Sa Apocalipsis ay inilalarawan ang daluyong ng pag-uusig, na pinababaha ni Satanas laban sa pinahirang mga Kristiyano, na sasakmalin ng “lupa.” (Apocalipsis 1:10; 12:16) Mga elemento sa loob ng “lupa,” ang lipunan ng tao na umiiral ngayon sa lupa, ang magsasanggalang sa bayan ni Jehova buhat sa pag-uusig ni Satanas.
21 Aktuwal bang nangyari ito? Oo. Halimbawa, noong mga dekada ng 1930 at 1940 ang mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos ay napasailalim ng malaking panggigipit, dumanas ng mga pang-uumog at ng malimit na mga pag-aresto na walang katarungan. Sila’y tumanggap ng kaluwagan nang ang Korte Suprema ng E.U. ay maggawad ng kung ilang mga desisyon na kumikilala sa pagkalegal ng kanilang gawain. Sa mga ibang lugar man, ang mga maykapangyarihan ay tumulong sa bayan ng Diyos. Mga 40 taon na ngayon ang nakalipas sa Irlandia, mga mang-uumog na Romano Katoliko ang umatake sa dalawang Saksi sa siyudad ng Cork. Isang pulis sa lugar na iyon ang tumulong sa mga Saksi, at isang hukuman ng batas ang gumawa ng pagdisiplina sa mga umatake. Noon lamang nakaraang taon sa Fiji, isang pulong ng matataas na punò ang duminig sa isang panukalang-batas na ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Isang punò ang nagsalita nang buong-giting alang-alang sa mga Saksi, at ang panukalang-batas ay dagling nadaig.
22. Anong mga tanong ang tatalakayin sa susunod?
22 Hindi, ang sekular na mga autoridad ay hindi laging nagsisilbi sa mga layunin ni Satanas. Ang mga Kristiyano ay maaaring pasakop sa nakatataas na autoridad nang hindi naman napasasakop kay Satanas mismo. Oo, sila’y pasasakop sa mga autoridad na ito habang ipinahihintulot ng Diyos na umiral ang mga autoridad. Subalit, ano ba ang ibig sabihin ng gayong pagpapasakop? At ano naman ang maaaring maasahan ng mga Kristiyano buhat sa gayong nakatataas na mga autoridad? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa mga araling artikulo na nagsisimula sa pahina 18 at 23 ng magasing ito.
[Mga talababa]
a Tingnan, halimbawa, ang pagkagamit ng salitang “buwis” (phoʹros) sa Lucas 20:22. Tingnan din ang pagkagamit ng salitang Griego na teʹlos, na dito’y isinaling “pataw,” sa Mateo 17:25, na kung saan ito’y isinaling “mga taripa.”
b Ang pangngalang Griego na isinaling “matataas na tungkulin,” hy·pe·ro·kheʹ, ay may kaugnayan sa pandiwa na hy·pe·reʹkho. Ang salitang “nakatataas” sa “nakatataas na mga autoridad” ay kinuha sa pandiwa ring ito sa Griego, anupa’t nararagdagan ang ebidensiya na ang nakatataas na mga autoridad ay ang sekular na mga autoridad. Ang pagkasalin ng Roma 13:1 sa The New English Bible, na “Bawat tao ay kailangang magpasakop sa kataas-taasang mga autoridad,” ay hindi tama. Ang mga tao na “nasa matataas na tungkulin” ay hindi siyang pinakamatataas, bagaman sila’y maaaring maging nakatataas sa mga ibang tao.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sino ba ang nakatataas na mga autoridad?
◻ Papaano natin masasabi na “walang autoridad na hindi dahil sa Diyos”?
◻ Bakit pinapayagan ni Jehova na ang sanlibutan ay mapasailalim ng autoridad ni Satanas?
◻ Sa papaano inilalagay ng Diyos “sa kani-kanilang kinauukulang dako” ang mga autoridad na tao?
[Larawan sa pahina 13]
Pagkatapos ng panununog sa Roma, si Nero ay nagpakita ng isang tunay na maka-Satanas na espiritu
[Larawan sa pahina 15]
Si Sergio Paulo, ang proconsul ng Cyprus, ay nagmithing makapakinig ng salita ng Diyos