KASUKLAM-SUKLAM NA BAGAY, GAYUNDIN ANG KARIMA-RIMARIM NA BAGAY
Ang mga pangngalang Hebreo na sheʹqets (karima-rimarim na bagay) at shiq·qutsʹ (kasuklam-suklam na bagay) ay nagmula sa salitang-ugat na sha·qatsʹ, na ginagamit sa diwang “marimarim” (Lev 11:11, 13) at, kapag nasa anyong causative, “gawing karima-rimarim.” (Lev 11:43; 20:25) Ang mga terminong Hebreong ito ay tumutukoy sa bagay na kasuklam-suklam mula sa punto de vista ng tunay na pagsamba kay Jehova. Sa maraming salin, ang mga ito ay karaniwan nang isinasalin sa mga salitang gaya ng “masuklam,” “kasuklam-suklam,” o “kasuklam-suklam na bagay.” (Dan 11:31; 12:11) Ginamit naman ng mga manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo at Marcos ang Griegong bdeʹlyg·ma bilang salin ng Hebreong shiq·qutsʹ (sa anyong pangmaramihan, shiq·qu·tsimʹ). (Dan 9:27; Mat 24:15; Mar 13:14) Ang terminong Griegong ito ay pangunahin nang nagpapahiwatig ng bagay na sanhi ng pagkasuklam.—Tingnan ang KARIMA-RIMARIM NA BAGAY.
Ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang pagkain ng partikular na mga hayop, anupat ipinahayag ang mga iyon bilang “maruming” kainin (at ihain). Samakatuwid, para sa mga layuning ito, ang gayong uri ng hayop ay dapat ituring na “karima-rimarim na bagay” at ang sinumang tao na kakain nito (o gagamit nito para sa paghahain) ay magiging “karima-rimarim,” yamang sa paggawa niya ng gayon ay hinahamak niya ang mga utos ng Diyos. (Lev 7:21; 11:10-13, 20-23, 41, 42; 20:25; Isa 66:17) Gayunman, ang ipinagbawal na mga hayop ay hindi dapat ituring na karima-rimarim sa lahat ng paraan, gaya ng ipinakikita ng ibang mga teksto. Halimbawa, bagaman ang asno ay “maruming” kainin o ihain, karaniwan itong ginagamit ng mga Israelita bilang transportasyon at para sa pagdadala ng kargada (Exo 23:4, 5; Mat 21:2-5); nagkaroon ng mga kawan ng kamelyo si Haring David, at ginamit ang balahibo ng kamelyo bilang pananamit (1Cr 27:30, 31; Mat 3:4); at ang agila ay ginamit bilang angkop na metapora at simili upang sumagisag sa proteksiyon at pangangalaga ng Diyos sa Israel noong panahon ng Pag-alis. (Exo 19:4; Deu 32:9-12) Nang alisin na ang tipang Kautusan, ang utos na ituring ang gayong mga hayop bilang “karima-rimarim” na pagkain ay nagwakas.—Gaw 10:9-15; 1Ti 4:1-5; tingnan ang HAYOP, MGA.
Bagaman ang Hebreong sheʹqets ay pantanging ginagamit may kaugnayan sa “maruruming” hayop, ang salitang shiq·qutsʹ naman ay pangunahin nang ginagamit may kinalaman sa mga idolo at mga idolatrosong gawain. Noong panahon ng Pag-alis, tinagubilinan ni Jehova ang mga Israelita na itapon ang “mga kasuklam-suklam na bagay” at ang “mga karumal-dumal na idolo ng Ehipto,” ngunit hindi ito sinunod ng ibang mga indibiduwal, sa gayo’y nilapastangan nila ang pangalan ng Diyos. (Eze 20:6-9) Noong patungo na sila sa Lupang Pangako, dumaan ang Israel sa gitna ng mga bansang pagano at nakita nila ‘ang mga kasuklam-suklam na bagay at mga karumal-dumal na idolo ng mga iyon, kahoy at bato, pilak at ginto.’ Ipinag-utos sa kanila na “lubos na marimarim” sa gayong relihiyosong mga imahen bilang “bagay na nakatalaga sa pagkapuksa,” anupat hindi nila dapat ipasok ang mga iyon sa kanilang mga tirahan. (Deu 29:16-18; 7:26) Mismong ang huwad na mga diyos at mga diyosa ng mga bansang iyon, kabilang na si Milcom, o Molec, gayundin sina Kemos at Astoret, ay mga “kasuklam-suklam na bagay.” (1Ha 11:5, 7; 2Ha 23:13) Nang magsagawa ng gayong idolatriya ang Israel, ito rin ay naging kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos, at dahil sa pagpaparungis sa templo nang dakong huli sa pamamagitan ng mga bagay na idolatroso, napoot ang Diyos sa bansang ito, na humantong sa pagkatiwangwang nito. (Jer 32:34, 35; Eze 7:20-22; Os 9:10) Sa pamamagitan ng ‘paglilingkod sa kahoy at bato,’ nasangkot sila sa “imoral na pakikipagtalik,” o espirituwal na pakikiapid, sa gayo’y naputol ang kanilang pakikipagtalastasan sa Diyos.—Eze 20:30-32; ihambing ang Jer 13:27.
Tanging sa pamamagitan ng puspusan at may-tapang na pagkilos ng ilang hari upang maalis sa lupain ang idolatriya kung kaya nakaranas ng pagpapala ang bansang iyon sa pana-panahon. (2Ha 23:24; 2Cr 15:8-15) Nilinaw ng Diyos na ang tanging paraan upang masauli ang mga Israelita mula sa kanilang dumarating na pagkabihag at mabalik sa kanilang dating katayuan bilang kaniyang bayan ay ang lubusang paglilinis ng kanilang sarili mula sa gayong mga gawain. (Eze 11:17-21) Sa isang katulad na hula, ang mga pagtukoy kay David bilang ang hari ng nilinis na bayang iyon at ang kanilang “isang pastol” at “pinuno hanggang sa panahong walang takda” ay maliwanag na tumutukoy sa isang mas malaking katuparan sa bansa ng espirituwal na Israel, ang kongregasyong Kristiyano, sa ilalim ng pinahirang Tagapagmana ng trono ni David, si Kristo Jesus.—Eze 37:21-25; ihambing ang Luc 1:32; Ju 10:16.
Sa Nahum 3:6, patiunang sinabi ng hula laban sa kabisera ng Asirya, ang Nineve, na ang kaniyang pulitikal at internasyonal na mga pagpapatutot ay magwawakas at na si Jehova ay ‘maghahagis ng mga kasuklam-suklam na bagay [sa Heb., shiq·qu·tsimʹ]’ sa kaniya. Maliwanag na ang gayong mga kasuklam-suklam na bagay ay tumutukoy, hindi sa mga bagay na idolatroso, kundi sa mga bagay na karaniwan nang marumi o nakapandidiri, gaya ng dumi, sa gayo’y ginagawang kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ang ganid na lunsod na iyon. (Na 3:4-7) Ang mga bagay na may bahid ng dugo at kasuklam-suklam na aalisin mula sa mga ngipin ng Filisteo (Zac 9:6, 7) ay malamang na nauugnay sa paganong kaugalian na kainin ang inihaing mga hayop kasama ang dugo.—Ihambing ang Eze 33:25.
Bagaman ang mga Judio, partikular na ang kanilang relihiyosong mga lider noong naririto si Jesus sa lupa, ay maliwanag na ubod-ingat na umiwas sa anumang bagay na may kaugnayan sa literal na mga idolo, nagkasala pa rin sila ng kasuklam-suklam na mga gawain gaya ng pagsamba sa sarili, pagsuway, pagpapaimbabaw, kasakiman, at pagbubulaan, at sinabi ni Jesus na, tulad ng kanilang mga ninuno, ginawa nilang “yungib ng mga magnanakaw” ang templo. (Mat 23:1-15, 23-28; Luc 16:14, 15; ihambing ang Mat 21:13 at Jer 7:11, 30.) Ang ganitong masamang kalagayan at saloobin ng puso ay humantong sa kanilang napakatinding paghihimagsik nang itakwil nila ang mismong Anak ng Diyos, at ipinakita ni Jesus na dahil dito’y tiyak na sasapit sa kanila ang kapuksaan.—Mat 21:33-41; Luc 19:41-44.
‘Mga Kasuklam-suklam na Bagay na Humahantong sa Pagkatiwangwang.’ Ang hula ni Daniel ay patiunang bumanggit ng “mga kasuklam-suklam na bagay” na nauugnay sa pagkatiwangwang. (Dan 9:27) Ang pangmalas ng nakararami hinggil dito ay kaayon ng sinaunang tradisyong Judio na nagsasabing ang pananalitang ito ay tumutukoy sa paglapastangan sa templo ni Jehova sa Jerusalem ng Siryanong si Haring Antiochus IV (Epiphanes) noong taóng 168 B.C.E. Sa pagtatangkang pawiin ang pagsamba kay Jehova, nagtayo si Antiochus ng isang altar sa ibabaw ng malaking altar ni Jehova at naghain siya roon ng isang baboy para kay Zeus (Jupiter) ng Olympia. Isang pananalitang kagaya niyaong kay Daniel (na nag-uugnay sa mga kasuklam-suklam na bagay at sa pagkatiwangwang) ang lumilitaw sa Apokripal na aklat ng 1 Macabeo (1:54) at ikinakapit sa pangyayaring iyon.
Gayunman, ito’y interpretasyon lamang ng mga Judio at hindi kinasihang pagsisiwalat. Ipinakita ni Kristo Jesus na mali ang ganitong pangmalas nang babalaan niya ang kaniyang mga alagad: “Kaya nga, kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal, (gumamit ng kaunawaan ang mambabasa,) kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.” (Mat 24:15, 16) Ipinakikita ng mga salitang ito na “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang” ay hindi pa dumarating noon kundi darating pa lamang.
Ang paglapastangan ng mga pagano sa altar ng templo sa pangunguna ni Antiochus, bagaman talagang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos, ay hindi humantong sa pagkatiwangwang ng Jerusalem, ng templo, o ng bansang Judio. Ngunit 33 taon pagkamatay ni Jesus, “nakita [ng mga Kristiyano] ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal.” (Mat 24:15) Noong 66 C.E., pinalibutan ng paganong mga hukbong Romano ang “banal na lunsod” na Jerusalem, na noo’y sentro ng paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma. Samakatuwid, malapit nang maging “sanhi ng pagkatiwangwang” ang kasuklam-suklam na bagay kung kaya iyon na ang huling hudyat upang ang mga Kristiyanong may kaunawaan ay “tumakas patungo sa mga bundok.” (Mat 4:5; 27:53; 24:15, 16; Luc 19:43, 44; 21:20-22) Pagkatapos na sila’y makatakas, naganap ang pagtitiwangwang ng lunsod at ng bansa, anupat winasak ang Jerusalem noong taóng 70 C.E., at ang huling moog ng mga Judio, ang Masada, ay bumagsak sa mga kamay ng mga Romano noong 73 C.E.—Ihambing ang Dan 9:25-27.
Iba pang mga hula hinggil sa isang kasuklam-suklam na bagay. Gayunman, dapat pansinin na iniuugnay ng Daniel 11:31-35 at 12:9, 11 sa “panahon ng kawakasan” ang isang “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang.” Makatuwirang isipin na ang paglitaw ng mas huling katuparang ito ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang” sa panahon ng kawakasan ay kahawig niyaong umiral noong unang siglo C.E., bagaman hindi ito limitado lamang sa lupain ng Israel.
Nang matiwangwang ang Jerusalem noong 70 C.E., naglaho na ang “dakong banal,” ang Jerusalem, ang “banal na lunsod.” (Mat 27:53) Gayunman, ang Kasulatan ay may binabanggit na isang “makalangit na Jerusalem,” ang Mesiyanikong Kaharian, na sa lupa ay kinakatawanan ng mga pinahirang Kristiyano. (Heb 12:22) Mayroon ding mga iba pa na may-kabulaanang nag-aangking kumakatawan sa Kahariang iyon, at ipinakikita ng Apocalipsis kabanata 17 na ang huwad na pagsambang itinataguyod ng mga ito ay ititiwangwang, o wawasakin, ng “sampung sungay” (mga hari) ng isang makasagisag na “mabangis na hayop.”
Mga Kasuklam-suklam na Bagay ng Babilonyang Dakila. Sa makahulang pangitain ng Apocalipsis 17 ay inilalarawan ang makasagisag na babaing imoral, ang Babilonyang Dakila. Siya ay tinatawag na “ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.” May hawak siyang isang ginintuang kopa na ‘punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid sa mga hari sa lupa.’ Bagaman nanunuyo siya sa makalupang mga kaharian upang matamo ang pabor ng mga ito, anupat nakaupo siya sa ibabaw ng isang makasagisag na mabangis na hayop na binubuo ng gayong mga kaharian, darating ang panahon na ang “hayop” na ito ay tatangging isakay siya, babaling sa kaniya at lubusan siyang ititiwangwang.—Tingnan ang BABILONYANG DAKILA.
Sa Apocalipsis 21:9, 10, 27, ipinakikitang imposible para sa mga taong patuloy na gumagawa ng “kasuklam-suklam na bagay” ang makapasok sa “Bagong Jerusalem,” ang malinis na uring “kasintahang babae” ng Kordero.