Aklat ng Bibliya Bilang 42—Lucas
Manunulat: Si Lucas
Saan Isinulat: Sa Cesarea
Natapos Isulat: c. 56-58 C.E.
Panahong Saklaw: 3 B.C.E.–33 C.E.
1. Anong uri ng Ebanghelyo ang isinulat ni Lucas?
ANG Ebanghelyo ni Lucas ay likha ng isang taong may matalas na isip at mahabaging puso, at ang mahusay na tambalang ito, sa patnubay ng espiritu ng Diyos, ay nakalikha ng isang ulat na wasto at lipos ng pag-ibig at damdamin. Sinasabi ng pambungad, “Aking minagaling, matapos siyasatin ang lahat ng bagay nang may kawastuan mula noong una, na isulat ito sa iyo nang sunud-sunod.” Ang pag-aangking ito ay pinatutunayan ng kaniyang detalyado, maingat na paghaharap.—Luc. 1:3.
2, 3. Anong panlabas at panloob na ebidensiya ang nagpapakita na ang Ebanghelyo ay isinulat ng manggagamot na si Lucas?
2 Bagaman hindi nginanganlan sa buong ulat, sang-ayon ang sinaunang mga autoridad na si Lucas ang manunulat. Sa Muratorian Fragment (c. 170 C.E.) ang Ebanghelyo ay iniuukol kay Lucas at tinanggap ng ikalawang-siglong mga manunulat na sina Irenaeus at Clement ng Aleksandriya. Ang panloob na ebidensiya ay nagpapatotoo rin kay Lucas. Tinukoy siya ni Pablo sa Colosas 4:14 na “si Lucas ang minamahal na manggagamot,” at ang ulat ay kakikitaan ng talino na dapat asahan sa isang taong edukado, gaya ng doktor. Ang mga piling pananalita at malawak na bokabularyo, mas malawak kaysa tatlong ibang manunulat ng Ebanghelyo na pinagsama, ay tumulong upang ang mahalagang paksa ay mabuo nang maingat at malawak. Ang ulat tungkol sa alibughang anak ay itinuturing na pinaka-magandang maikling kuwento na naisulat kailanman.
3 Gumamit si Lucas ng mahigit na 300 terminong medikal na binigyan niya ng kahulugan sa paraan na hindi ginamit (kung ginamit man) ng ibang manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego.a Halimbawa, tungkol sa ketong, gumamit si Lucas ng terminong hindi ginamit ng iba. Sa kanila ang ketong ay ketong, ngunit para sa manggagamot, iba’t-iba ang antas ng ketong, gaya nang banggitin niya ang “isang lalaking punô ng ketong.” Si Lazaro, aniya, ay “punô ng nagnanaknak na sugat.” Walang ibang manunulat ng Ebanghelyo ang nagsabi na ang biyenan ni Pedro ay “inaapoy ng lagnat.” (5:12; 16:20; 4:38) Bagaman binanggit ng tatlo ang pagputol ni Pedro sa tainga ng alipin ng mataas na saserdote, si Lucas lamang ang nagsabi na ito ay pinagaling ni Jesus. (22:51) Doktor lamang ang magsasabi na ang isang babae ay “labing-walong taon nang may espiritu ng karamdaman kaya siya’y hukot-na-hukot at hindi makaunat.” At sino kundi si “Lucas ang minamahal na manggagamot” ang mag-uulat sa pang-unang lunas na ibinigay ng Samaritano sa isang tao nang “talian ang mga sugat nito, at buhusan ng langis at alak”?—13:11; 10:34.
4. Kailan malamang na isinulat ang Lucas, at anong mga kalagayan ang umaalalay rito?
4 Kailan isinulat ni Lucas ang Ebanghelyo? Ayon sa Gawa 1:1 ang “unang ulat,” ang Ebanghelyo, ay natapos na ng manunulat ng Mga Gawa (na si Lucas din). Malamang na natapos ang Mga Gawa noong mga 61 C.E. nang si Lucas ay nasa Roma kasama ni Pablo, na naghihintay ng kaniyang pag-apela kay Cesar. Kaya ang Ebanghelyo ay malamang na isinulat sa Cesarea noong 56-58 C.E., pagbalik nina Lucas at Pablo mula Filipos matapos ang ikatlong paglalakbay misyonero ni Pablo at samantalang dalawang taon siyang nakabilanggo sa Cesarea bago magpunta sa Roma upang umapela. Yamang nasa Palestina si Lucas, angkop ang dakong yaon upang ‘masiyasat ang lahat ng bagay nang may kawastuan mula noong una’ tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus. Kaya ang ulat ni Lucas ay waring nauna sa Ebanghelyo ni Marcos.
5. Mula saan ‘siniyasat [ni Lucas] nang may-kawastuan’ ang mga kaganapan sa buhay ni Jesus?
5 Totoo, hindi saksi si Lucas sa lahat ng kaganapang iniulat niya sa Ebanghelyo, yamang hindi siya kabilang sa 12 at malamang na sumampalataya lamang siya pagkamatay ni Jesus. Ngunit matalik siyang kasama ni Pablo sa pagmimisyonero. (2 Tim. 4:11; Filem. 24) Kaya, mababakas ang impluwensiya ni Pablo sa pagsulat ni Lucas, gaya ng makikita kung paghahambingin ang kanilang mga ulat sa Hapunan ng Panginoon, sa Lucas 22:19, 20 at 1 Corinto 11:23-25. Bilang dagdag na reperensiya, maaaring sinangguni ni Lucas ang Ebanghelyo ni Mateo. Sa ‘pagsisiyasat nang may kawastuan,’ personal niyang makakapanayam ang mga nakasaksi sa buhay ni Jesus, gaya ng mga alagad na nabubuhay pa, pati na ang ina ni Jesus, si Maria. Tiyak na wala siyang kaliligtaan anumang mahalagang detalye.
6. Anong bahagi ng Ebanghelyo ang natatangi kay Lucas, at ukol kanino siya sumulat? Bakit ganito ang sagot ninyo?
6 Sa pagsusuri ng apat na Ebanghelyo maliwanag na hindi basta inuulit ng mga manunulat ang salaysay ng iba, ni sumulat sila upang maglaan lamang ng mga saksi sa pinakamahalagang ulat ng Bibliya. Ang ulat ni Lucas ay may pansariling katangian. Sa kabuuan 59 porsiyento ng Ebanghelyo ay tanging kaniya. Hindi kukulangin sa anim na espesipikong himala ang iniuulat niya at mahigit na doble nito ang mga talinghaga na hindi binabanggit sa ibang Ebanghelyo, kaya ikatlong bahagi ng Ebanghelyo ay salaysay at ang dalawang-katlo ay binigkas na salita; kaniya ang pinakamahabang Ebanghelyo. Si Mateo ay sumulat para sa mga Judio, si Marcos para sa mga di- Judio, lalo na ang mga Romano. Iniuukol ni Lucas ang Ebanghelyo sa “kagalang-galang na Teofilo” at sa pamamagitan niya ay sa iba pa, kapuwa Judio at di-Judio. (Luc. 1:3, 4) Upang makaakit sa lahat, tinatalunton niya ang talaangkanan ni Jesus pabalik kay “Adan, ang anak ng Diyos,” hindi lamang kay Abraham, gaya ni Mateo na sumulat tanging para sa mga Judio. Nag-ukol siya ng partikular na pansin sa makahulang mga salita ni Simeon na si Jesus ang gagamitin sa “pag-aalis ng lambong sa mga bansa,” at sinasabi niya na “lahat ay makakakita sa paraan ng pagliligtas ng Diyos.”—3:38; 2:29-32; 3:6.
7. Ano ang mariing patotoo sa pagiging-tunay ng Ebanghelyo ni Lucas?
7 Sa buong aklat, naging mahusay na tagasalaysay si Lucas, at ang mga salaysay ay maayos at wasto. Ang kawastuan at katapatan ay matibay na patotoo sa pagiging-tunay ng aklat ni Lucas. Nagkomento ang isang manananggol: “Samantalang ang mga romansa, alamat at huwad na patotoo ay nagsalaysay ng mga pangyayari sa isang malayong lugar o di-tiyak na panahon, labag sa saligang tuntunin ng mahusay na pangangatuwiran na natutuhan nating mga manananggol, alalaong baga na ‘ang deklarasyon ay dapat bumanggit sa panahon at dako,’ ang mga salaysay ng Bibliya ay buong-kawastuang bumabanggit ng petsa at dakong pinangyarihan.”b Bilang patotoo sinisipi niya ang Lucas 3:1, 2: “Noong ika-labinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, nang si Poncio Pilato ay gobernador ng Judea, at si Herodes ang tetrarka sa Galilea, ngunit si Felipe na kapatid niya ay tetrarka sa lalawigan ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ay tetrarka sa Abilenya, noong sina Anas at Caifas ang mga punong saserdote, ay dumating ang kapahayagan ng Diyos kay Juan na anak ni Zacarias, sa ilang.” Wala ritong di-katiyakan sa panahon o lugar, kundi bumabanggit si Lucas ng di-kukulangin sa pitong opisyal upang tiyakin ang panahon ng pasimula ng ministeryo ni Juan at ni Jesus.
8. Papaano ipinahihiwatig ni Lucas nang “may-kawastuan” ang panahon ng pagsilang ni Jesus?
8 Naglalaan din si Lucas ng dalawang saligan ng pagtiyak sa panahon ng pagsilang ni Jesus, sa Lucas 2:1, 2: “Nang mga araw na yaon ay lumabas ang utos mula kay Augusto Cesar upang magpatala ang buong sanlibutan; (naganap ito nang si Quirinio ay gobernador ng Sirya).” Umahon sina Jose at Maria sa Betlehem upang magpatala, at doon isinilang si Jesus.c Hindi matututulan ang sinabi ng komentarista: “Isa sa pinakamahigpit na pagsubok ng pagiging- makasaysayan ni Lucas ay ang laging pagsisikap na makamit ang ganap na kawastuan.”d Kapani-paniwala ang pag-aangkin na kaniyang “siniyasat ang lahat ng bagay nang may kawastuan mula noong una.”
9. Anong hula ni Jesus na iniulat ni Lucas ang nagkaroon ng kapansin-pansing katuparan noong 70 C.E.?
9 Ipinakikita rin ni Lucas kung papaano wastong natupad kay Jesu-Kristo ang mga hula ng Kasulatang Hebreo. Sinisipi niya ang kinasihang patotoo ni Jesus. (24:27, 44) Bukod dito, wasto niyang iniuulat ang mga hula ni Jesus sa hinaharap, at marami ang kahanga-hangang natupad sa kaliit-liitang detalye. Halimbawa, ang Jerusalem ay pinaligiran ng matutulis na tulos na pangubkob at nawasak sa kakila-kilabot na sunog noong 70 C.E., gaya ng inihula ni Jesus. (Luc. 19:43, 44; 21:20-24; Mat. 24:2) Pinatutunayan ng sekular na mananalaysay na si Flavius Josephus, isang nakasaksi na kasama ng hukbong Romano, na ang lupain ay pinutulan ng mga puno hanggang sa layong 16 na kilometro upang gawing mga tulos, na ang pader na pangubkob ay 7.2 kilometro ang haba, na maraming babae at bata ang namatay sa gutom, at na mahigit 1,000,000 Judio ang namatay at 97,000 ang dinalang bihag. Sa ngayon, inilalarawan ng Arko ni Tito sa Roma ang tagumpay ng mga Romano at ang mga samsam ng digmaan mula sa templo ng Jerusalem.e Tiyak na ang iba pang kinasihang hula ni Lucas ay matutupad din nang gayon kawasto.
NILALAMAN NG LUCAS
10. Ano ang ipinasiyang gawin ni Lucas?
10 Ang pambungad ni Lucas (1:1-4). Ayon kay Lucas siniyasat niya nang may-kawastuan ang lahat ng bagay mula noong una at isinulat ito nang sunud-sunod upang “[matiyak] ng kagalang-galang na Teofilo . . . ang kawastuan” ng mga bagay.—1:3, 4.
11. Anong maliligayang kaganapan ang isinasalaysay sa unang kabanata ng Lucas?
11 Ang panimulang mga taon ng buhay ni Jesus (1:5–2:52). Isang anghel ang nagpakita sa matandang saserdoteng si Zacarias taglay ang masayang balita na magkakaanak siya ng lalaki at tatawagin ito na Juan. Hangga’t hindi ito naisisilang, magiging pipi si Zacarias. Gaya ng pangako, nagdalang-tao si Elizabet na asawa niya, bagaman “may katandaan” na rin. Makaraan ang anim na buwan, nagpakita si anghel Gabriel kay Maria at sinabing maglilihi siya sa “kapangyarihan ng Kataas-taasan” at magluluwal ng isang lalaki na tatawaging Jesus. Dinalaw ni Maria si Elizabet at matapos ang maligayang pagbati ay masayang-masayang nagpahayag: “Si Jehova ay dinadakila ng aking kaluluwa, at di-mapigil ang aking espiritu sa kagalakan sa Diyos na aking Tagapagligtas.” Binanggit niya ang banal na pangalan ni Jehova at ang dakilang awa sa mga natatakot sa kaniya. Nang isilang si Juan, nakalag ang dila ni Zacarias upang ipahayag din ang awa ng Diyos at na si Juan ay magiging propeta na tagapaghanda ng daan ni Jehova.—1:7, 35, 46, 47.
12. Ano ang isinasaad tungkol sa pagsilang at kabataan ni Jesus?
12 Sa takdang panahon, isinilang si Jesus sa Betlehem, at isang anghel ang nagpahayag ng “mabuting balita ng kagalakan” sa mga pastol na nagbabantay ng mga kawan sa gabi. Tinuli siya ayon sa Kautusan at nang “iharap [si Jesus] kay Jehova” sa templo, ang matatandang sina Simeon at propetisa Ana ay nagsalita tungkol sa bata. Sa Nazaret, siya’y ‘patuloy na lumalaki at lumalakas, puspos ng karunungan, at ang pagsang-ayon ng Diyos ay sumakaniya.’ (2:10, 22, 40) Sa edad na 12, nang dumalaw sila sa Jerusalem, pinahanga ni Jesus ang mga guro dahil sa kaniyang unawa at mga sagot.
13. Ano ang ipinangaral ni Juan, at ano ang naganap nang binabautismuhan si Jesus at karaka-raka pagkatapos nito?
13 Paghahanda sa ministeryo (3:1–4:13). Sa ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, dumating ang kapahayagan ng Diyos kay Juan na anak ni Zacarias, at nagsimula siyang “mangaral ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan,” upang “makita [ng lahat ng laman] ang paraan ng pagliligtas ng Diyos.” (3:3, 6) Nang mabautismuhan ang lahat sa Jordan, nagpabautismo rin si Jesus, at habang nananalangin, bumaba ang banal na espiritu at sinang-ayunan siya ng kaniyang Ama sa langit. Si Jesu-Kristo ay 30 taon na. (Inilalaan ni Lucas ang kaniyang talaangkanan.) Makaraang bautismuhan, si Jesus ay 40 araw na inakay ng espiritu sa ilang. Doo’y nabigo ang Diyablo na tuksuhin siya kaya ito’y huminto “hanggang sa ibang mas maalwang panahon.”—4:13.
14. Saan niliwanag ni Jesus ang kaniyang atas, ano yaon, at papaano tumugon ang mga nakikinig?
14 Pasimula ng ministeryo ni Jesus, sa paligid ng Galilea (4:14–9:62). Sa sinagoga ng bayan niyang Nazaret, niliwanag ni Jesus ang kaniyang atas nang basahin at ikapit sa sarili ang Isaias 61:1, 2: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasa-akin, sapagkat pinahiran niya ako upang maghayag ng mabuting balita sa mga dukha, isinugo niya ako upang mangaral ng paglaya sa mga bihag at isauli ang paningin ng mga bulag, upang palayain ang mga naaapi, at ipangaral ang kalugud-lugod na taon ni Jehova.” (4:18, 19) Habang siya’y nagsasalita, ang kasiyahan ng mga tao ay napalitan ng galit at sinikap nilang iligpit siya. Kaya lumipat siya sa Capernaum at nagpagaling ng maraming tao. Sumunod ang karamihan at pinigil siya, ngunit sinabi niya: “Dapat kong ipangaral sa ibang lungsod ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat isinugo ako dahil dito.” (4:43) Nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
15. Ilarawan ang pagkatawag kina Pedro, Santiago, at Juan, at gayon din kay Mateo.
15 Sa Galilea, makahimala siyang naglaan ng isda kina Simon (na tinatawag ding Pedro), Santiago, at Juan. Sinabi niya kay Simon: “Mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.” Iniwan nila ang lahat at sumunod sa kaniya. Nagpatuloy si Jesus sa panalangin at pagtuturo, at ‘ang kapangyarihan ni Jehova ay suma-kaniya upang magpagaling.’ (5:10, 17) Tinawag niya si Levi (Mateo), isang kinamumuhiang maniningil ng buwis, at pinarangalan niya si Jesus sa isang malaking piging na dinaluhan din ng “maraming maniningil ng buwis.” (5:29) Umakay ito sa maraming pakikipagharap sa mga Fariseo na galít-na-galít at nagsasabwatan upang saktan siya.
16. (a) Pinili ni Jesus ang 12 apostol pagkatapos ng ano? (b) Anong mga punto ang idiniriin ni Lucas sa kaniyang bersiyon ng Sermon sa Bundok?
16 Matapos manalangin nang magdamag, pinili ni Jesus ang 12 apostol mula sa mga alagad. Sumunod ang maraming pagpapagaling. Ibinigay niya ang sermon na nasa Lucas 6:20-49, isang maikling anyo ng Sermon sa Bundok sa Mateo mga kabanata 5 hanggang 7. Gumawa si Jesus ng paghahambing: “Maligaya kayong mga dukha, pagkat inyo ang kaharian ng Diyos. Ngunit sa aba ninyong mayayaman, pagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.” (6:20, 24) Pinayuhan niya sila na ibigin ang kanilang kaaway, maging maawain at mapagbigay, at magsalita ng kabutihan mula sa mabuting kayamanan ng puso.
17. (a) Anong mga himala ang sumunod na ginawa ni Jesus? (b) Papaano sinagot ni Jesus ang mga sugo ni Juan tungkol sa kung si Jesus nga ang Mesiyas?
17 Sa Capernaum, hiniling ng isang punong kawal na pagalingin ang kaniyang alipin. Sa paniwalang hindi karapat-dapat ang kaniyang bahay, hiniling niya kay Jesus na “sabihin ang salita” mula sa kinaroroonan nito. Gumaling ang alipin at si Jesus ay naudyukang magsabi: “Kahit sa Israel ay hindi ako nakasumpong ng ganitong pananampalataya.” (7:7, 9) Sa unang pagkakataon ay bumuhay si Jesus ng patay, ang nag-iisang anak ng balo sa Nain na “kinahabagan” niya. (7:13) Napabalita si Jesus sa buong Judea, kaya mula sa bilangguan ay ipinatanong ni Juan na Tagapagbautismo, “Ikaw ba yaong Paririto?” Sinabi ni Jesus sa mga sugo: “Sabihin kay Juan ang inyong nakita at narinig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay naglalakad, ang mga ketongin ay nililinis at ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay binubuhay, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabuting balita. Maligaya ang hindi natitisod sa akin.”—7:19, 22, 23.
18. Sa pamamagitan ng anong mga talinghaga, gawa, at payo nagpatuloy ang pangangaral ng Kaharian?
18 Humayo si Jesus “sa bawat lungsod at nayon na nangangaral at nagpapahayag ng mabuting balita ng kaharian ng Diyos,” kasama ng 12. Ibinigay niya ang talinghaga ng maghahasik at sinabi: “Ingatan ninyo kung papaano kayo nakikinig; sinomang mayroon ay bibigyan ng higit, at ang sinomang wala, pati ang inaakala niyang nasa kaniya ay babawiin.” (8:1, 18) Ipinagpatuloy ni Jesus ang mga kababalaghan at himala. Ang 12 ay binigyan din ng kapamahalaan sa mga demonyo at ng kapangyarihang magpagaling at isinugo sila “upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at magpagaling.” Limang libo ang makahimalang pinakain. Si Jesus ay nagbagong-anyo sa bundok at kinaumagahan ay pinagaling ang isang batang inaalihan ng demonyo na hindi napagaling ng mga alagad. Pinag-ingat niya ang mga nais sumunod sa kaniya: “May lungga ang mga sora at may pugad ang mga ibon sa langit, ngunit ang Anak ng tao ay walang mapaghiligan ng kaniyang ulo.” Upang maging marapat ang isang tao sa kaharian ng Diyos, dapat niyang hawakan ang araro at huwag lumingon.—9:2, 58.
19. Papaano inilarawan ni Jesus ang tunay na pag-ibig sa kapuwa?
19 Pangwakas na ministeryo ni Jesus sa Judea (10:1–13:21). Nagsugo si Jesus “sa pag-aani” ng 70 pa, na nagalak sa tagumpay ng kanilang ministeryo. Tinanong si Jesus ng isang mapagmatuwid-sa-sarili: “Sino ang aking kapuwa?” Bilang tugon, sinaysay ni Jesus ang talinghaga ng mabait na Samaritano. Nakahiga sa daan ang isang taong halos mamatay sa pagbugbog ng mga tulisan ngunit pinabayaan ng nagdaraang saserdote at Levita. Isang kinamumuhiang Samaritano ang huminto, ginamot ang mga sugat nito, isinakay sa asno, dinala sa tuluyan at binayaran ang magugugol sa paggaling nito. Oo, ang mabuting kapuwa ay “yaong nagdalang-habag sa kaniya.”—10:2, 29, 37.
20. (a) Anong punto ang idiniin ni Jesus kina Marta at Maria? (b) Anong pagdiriin ang ginawa niya sa panalangin?
20 Sa bahay ni Marta, pinagwikaan siya ni Jesus dahil sa labis na pag-aabala sa gawaing-bahay, at pinapurihan si Maria sa pagpili ng mainam na bahagi, ang pag-upo at pakikinig sa kaniya. Tinuruan niya ang mga alagad ng huwarang panalangin at pagtitiyaga sa panalangin: “Patuloy kayong humingi, at ipagkakaloob sa inyo; patuloy ninyong hanapin, at inyong masusumpungan.” Pagkatapos ay nagpalayas siya ng mga demonyo at sinabing maligaya “ang nakikinig ng salita ng Diyos at tumutupad nito.” Samantalang kumakain, nakipagtalo siya sa mga Fariseo hinggil sa Kautusan at hinatulan sila dahil sa pag-aalis ng “susi ng kaalaman.”—11:9, 28, 52.
21. Ano ang ibinabala ni Jesus tungkol sa kasakiman, at ano ang hinimok niyang gawin ng mga alagad?
21 Kasama uli ng karamihan, si Jesus ay hinimok ng isang tao: “Sabihin mo sa kapatid ko na hatian ako ng mana.” Tinukoy ni Jesus ang ugat ng suliranin: “Magmasid kayo at mag-ingat sa bawat anyo ng kasakiman sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nagmumula sa kaniyang kasaganaan.” Saka ibinigay niya ang talinghaga ng mayamang tao na gumiba ng kaniyang mga kamalig upang magtayo ng mas malalaki ngunit namatay ito nang gabing yaon at naiwan ang kayamanan niya sa iba. Ibinigay ni Jesus ang buod nito: “Gayon ang tao na nagpapayaman sa sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.” Matapos himukin ang mga alagad na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nalulugod ang inyong Ama na sa inyo’y ibigay ang kaharian.” Nagkaroon uli ng pagtatalo nang ang isang babaeng 18 taon nang maysakit ay pagalingin niya sa Sabbath, ngunit napahiya ang mga sumasalansang.—12:13, 15, 21, 32.
22. Sa pamamagitan ng anong matutulis na talinghaga nagturo si Jesus tungkol sa Kaharian?
22 Huling ministeryo ni Jesus, sa paligid ng Perea (13:22–19:27). Gumamit si Jesus ng makukulay na salitang larawan upang idiin ang Kaharian ng Diyos. Ipinakita niya na ang naghahangad ng katanyagan at karangalan ay mapapahiya. Ang naghahanda ng piging ay dapat mag-anyaya sa mga dukha na hindi kayang gumanti; magiging maligaya siya at “gagantihan sa pagkabuhay-na-muli ng mga matuwid.” Sumunod ang talinghaga ng isang naghanda ng malaking hapunan. Isa-isang nagdahilan ang mga inanyayahan: Ang isa’y nakabili ng bukid, ang isa pa’y nakabili ng mga baka, at ang ikatlo ay bagong kasal. Sa galit, ipinasundo ng maybahay “ang mga dukha, lumpo, bulag at pilay,” at sinabing isa man sa unang mga inanyayahan ay hindi “makatitikim” ng kaniyang hapunan. (14:14, 21, 24) Ibinigay niya ang talinghaga ng nawawalang tupa na nasumpungan, “Sinasabi ko sa inyo na magkakaroon din ng kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t-siyam na matuwid na hindi na kailangang magsisi.” (15:7) Ito rin ang idiniin ng talinghaga ng babaeng nagwalis ng bahay sa paghahanap ng isang drachma [putol na pilak].f
23. Ano ang inilalarawan ng ulat ng alibughang anak?
23 Isinalaysay ni Jesus ang tungkol sa alibughang anak na humingi sa ama ng bahagi ng kaniyang mana at saka nilustay ito “sa mahalay na pamumuhay.” Nang maghikahos, natauhan ang anak at naisipang umuwi upang humingi ng tawad sa ama. Ang ama, udyok ng awa, ay “tumakbo at niyakap siya sa leeg at buong-pagmamahal na hinagkan.” Inilaan ang mamahaling kasuotan, naghanda ng malaking piging, at “sila’y nagkatuwaan.” Ngunit tumutol ang kaniyang kuya. May-kabaitan siyang itinuwid ng ama: “Anak, lagi mo akong kasama, at lahat ng nasa akin ay iyo; dapat lamang tayong magsaya at magalak, pagkat itong kapatid mo na dating patay ay muling nabuhay, siya’y nawala at muling nasumpungan.”—15:13, 20, 24, 31, 32.
24. Anong mga katotohanan ang idiniin ni Jesus sa mga talinghaga ng taong mayaman at si Lazaro, at sa Fariseo at maniningil ng buwis?
24 Si Jesus ay tinuya ng maibigin-sa-salaping mga Fariseo nang marinig nila ang talinghaga ng taksil na alipin, ngunit sinabi niya: “Kayo’y nagmamatuwid-sa-sarili sa harapan ng tao, ngunit nababasa ng Diyos ang inyong puso; sapagkat ang dinadakila ng tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.” (16:15) Sa talinghaga ng taong mayaman at si Lazaro, ipinakita niya ang agwat sa pagitan ng mga sinasang-ayunan at ng mga itinatakwil ng Diyos. Nagbabala si Jesus na darating ang maraming sanhi ng pagkatisod, ngunit “sa aba niya na pagmumulan nito!” Bumanggit siya ng mga kahirapan kapag “ang Anak ng tao ay nahayag.” “Alalahanin ang asawa ni Lot,” sabi niya. (17:1, 30, 32) Sa isang talinghaga, tiniyak niya na ang Diyos ay kikilos alang-alang sa mga “dumaraing sa kaniya araw at gabi.” (18:7) At sa isa pang talinghaga ay sinaway niya ang mga nagmamatuwid-sa-sarili: Isang Fariseo na nagdarasal sa templo ay nagpasalamat na siya ay hindi gaya ng iba. Isang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo at hindi makatingin sa langit, ay nanalangin: “O Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.” Papaano ito binigyang-kahulugan ni Jesus? Sinabi niya na mas matuwid ang maniningil ng buwis kaysa Fariseo, “sapagkat ang nagmamataas ng sarili ay mapapahiya, ngunit ang nagpapakumbaba ay matataas.” (18:13, 14) Si Jesus ay inanyayahan sa Jerico ng maniningil ng buwis na si Zaqueo at doo’y isinaysay niya ang talinghaga ng sampung mina upang paghambingin ang resulta ng tapat na paggamit ng bagay na ipinagkatiwala at ng pagtatago nito.
25. Papaano pumasok si Jesus sa huling yugto ng kaniyang ministeryo, at anong makahulang mga babala ang ibinigay niya?
25 Huling pangmadlang ministeryo sa loob at palibot ng Jerusalem (19:28–23:25). Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng asno at ibinubunyi ng mga alagad bilang “Hari na pumaparito sa pangalan ni Jehova,” sinabi sa kaniya ng mga Fariseo na sawayin ang mga alagad. Sumagot si Jesus: “Kung hindi sila iimik, ang mga bato ay sisigaw.” (19:38, 40) Ibinigay niya ang di-malilimutang hula sa pagkawasak ng Jerusalem, na ito’y paliligiran ng tulos, mamimighati, at ibabagsak na kasama ng kaniyang mga anak, at walang bato ang maiiwan sa ibabaw ng kapuwa bato. Nagturo si Jesus sa templo, nagpahayag ng mabuting balita at sumagot sa mga tusong tanong ng mga punong saserdote, eskriba, at Saduceo sa tulong ng mahuhusay na larawan at pangangatuwiran. Ibinigay ni Jesus ang mariing talinghaga ng dakilang tanda ng kawakasan, at inulit na ang Jerusalem ay paliligiran ng mga hukbo. Manlulupaypay sila sa takot sa mga bagay na darating, ngunit dapat silang ‘tumayo at tumingala, sapagkat malapit na ang katubusan.’ Manatili silang gising upang makatakas sa mga bagay na magaganap.—21:28.
26. (a) Anong mga tipan ang ipinakilala ni Jesus, at sa ano niya iniuugnay ang mga ito? (b) Papaano napalakas si Jesus sa ilalim ng pagsubok, at anong pagsaway ang ibinigay niya nang siya’y dakpin?
26 Dumating ang Nisan 14, 33 C.E. Nagdaos si Jesus ng Paskuwa at pinasinayaan “ang bagong tipan” sa tapat na mga apostol at iniugnay ito sa makasagisag na hapunan na iniutos niyang ipagdiwang bilang alaala sa kaniya. Sinabi rin niya: “Nakikipagtipan ako sa inyo, gaya ng pakikipagtipan ng Ama sa akin, ukol sa isang kaharian.” (22:20, 29) Nang gabing yaon, habang nananalangin si Jesus sa Bundok ng Olibo, ‘dumating ang anghel mula sa langit at pinalakas siya. Naghirap ang kaniyang kalooban, kaya nanalangin siya nang lalong taimtim; ang pawis niya’y naging gaya ng mga patak ng dugo.’ Lalong naging maigting nang dumating ang tagapagkanulong si Judas kasama ang mga darakip kay Jesus. Sumigaw ang mga alagad: “Panginoon, tatagain ba namin sila?” Tinagpas ng isa sa kanila ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote, ngunit pinagwikaan sila ni Jesus at pinagaling ang nasugatang tao.—22:43, 44, 49.
27. (a) Saan nabigo si Pedro? (b) Anong mga paratang ang iniharap kay Jesus, at ano ang nangyari nang siya ay litisin at hatulan?
27 Ipinagtulakan si Jesus hanggang sa bahay ng mataas na saserdote upang tanungin, at dahil sa lamig, nakihalo si Pedro sa mga taong nakapaligid sa isang apoy. Tatlong beses siyang pinaratangan ng pagiging alagad ni Jesus at tatlong beses din siyang nagkaila. Tumilaok ang manok. Lumingon ang Panginoon kay Pedro, at nang maalaala ni Pedro na ito ay inihula ni Jesus, lumabas siya at nanangis na mainam. Pagkagaling sa Sanhedrin, iniharap si Jesus kay Pilato at pinaratangan ng paghihimagsik, pagbabawal na magbayad ng buwis, at “pagsasabing siya’y si Kristong hari.” Nang malaman na si Jesus ay taga-Galilea, ipinadala siya ni Pilato kay Herodes na nagkataong nasa Jerusalem. Siya’y ginawang katatawanan ni Herodes at ng mga kawal at saka pinabalik upang litisin sa harap ng hibang na mga mang-uumog. Si ‘Jesus ay ibinigay sa kanila [ni Pilato] upang gawin ang gusto nila.’—23:2, 25.
28. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus sa magnanakaw na sumampalataya sa kaniya? (b) Ano ang iniulat ni Lucas tungkol sa kamatayan, libing, at pagkabuhay-na-muli ni Jesus?
28 Kamatayan, pagkabuhay-na-muli, at pag-akyat ni Jesus (23:26–24:53). Ipinako si Jesus sa pagitan ng dalawang salarin. Tinuya siya ng isa ngunit sumampalataya ang ikalawa at hiniling na siya’y alalahanin ni Jesus sa Kaharian. Nangako si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (23:43) Nagkaroon ng pambihirang kadiliman, nahapak ang tabing sa santwaryo, at sumigaw si Jesus: “Ama, inihahabilin ko ang aking espiritu sa iyong kamay.” Namatay siya, ibinaba ang bangkay at inilibing sa isang puntod na inuka sa bato. Sa unang araw ng sanlinggo, nagpunta sa puntod ang mga babaeng taga-Galilea ngunit hindi nila makita ang bangkay ni Jesus. Gaya ng inihula niya, bumangon siya sa ikatlong araw!—23:46.
29. Sa anong maligayang pangyayari nagwawakas ang Ebanghelyo ni Lucas?
29 Nagpakita siya sa dalawang alagad na patungong Emmaus na hindi nakakilala sa kaniya, at isinalaysay ni Jesus ang paghihirap niya at ipinaliwanag ang Kasulatan. Nakilala agad nila siya, ngunit siya ay nawala. Nagkomento sila: “Hindi baga nag-aalab ang ating mga puso nang tayo’y kinakausap niya sa daan, nang ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Bumalik agad sila sa Jerusalem upang sabihin ito sa ibang alagad. Habang nag-uusap sila ay lumitaw si Jesus. Hindi sila makapaniwala sa matinding kagalakan at pagtataka. ‘Binuksan niya ang isipan nila upang mapag-unawa’ mula sa Kasulatan ang kahulugan ng lahat. Winakasan ni Lucas ang kaniyang Ebanghelyo sa paglalarawan ng pag-akyat ni Jesus sa langit.—24:32, 45.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
30, 31. (a) Papaano pinatitibay ni Lucas ang pagtitiwala na ang Kasulatang Hebreo ay kinasihan ng Diyos? (b) Anong mga salita ni Jesus ang sinisipi ni Lucas upang alalayan ito?
30 Ang mabuting balita “ayon kay Lucas” ay nagpapatibay ng tiwala sa Salita ng Diyos at nagpapalakas ng pananampalataya upang matagalan ang panggigipit ng masamang sanlibutan. Nagbibigay si Lucas ng maraming halimbawa ng wastong katuparan ng Kasulatang Hebreo. Ipinakikita si Jesus na sumisipi sa espesipikong mga termino sa aklat ni Isaias bilang paliwanag sa kaniyang atas, at waring ito ang naging tema ng buong aklat ni Lucas. (Luc. 4:17-19; Isa. 61:1, 2) Isa ito sa maraming pagsipi ni Jesus sa Mga Propeta. Sumipi rin siya sa Kautusan, gaya nang sinasagot ang tatlong tukso ng Diyablo, at mula sa Mga Awit, nang tanungin niya ang mga kaaway, “Papaano nila sasabihin na ang Kristo ay anak ni David?” Si Lucas ay maraming beses pang sumisipi mula sa Kasulatang Hebreo.—Luc. 4:4, 8, 12; 20:41-44; Deut. 8:3; 6:13, 16; Awit 110:1.
31 Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng asno gaya ng hula sa Zacarias 9:9, buong-galak siyang ipinagbunyi ng mga tao at ikinapit sa kaniya ang Awit 118:26. (Luc. 19:35-38) Sa isang dako, dalawang talata lamang ng Lucas ang sumasaklaw sa anim na punto na inihula ng Kasulatang Hebreo tungkol sa hamak na kamatayan ni Jesus at sa kaniyang pagkabuhay-na-muli. (Luc. 18:32, 33; Awit 22:7; Isa. 50:6; 53:5-7; Jonas 1:17) At matapos siyang buhaying-muli, ang halaga ng buong Kasulatang Hebreo ay idiniin ni Jesus sa mga alagad: “Sinabi niya: ‘Ito ang mga salitang binigkas ko sa inyo nang ako’y kasama pa ninyo, upang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises at sa Mga Propeta at Mga Awit.’ Kaya binuksan niya ang kanilang isipan upang mapag-unawa ang kahulugan ng mga Kasulatan.” (Luc. 24:44, 45) Gaya ng mga unang alagad ni Jesu-Kristo, tayo rin ay maliliwanagan at magkakaroon ng matibay na pananampalataya sa pagbibigay-pansin sa mga katuparan ng Kasulatang Hebreo na buong-kawastuang ipinaliwanag ni Lucas at ng ibang manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego.
32. Sa ulat ni Lucas papaano itinatampok ang Kaharian at ang dapat maging saloobin dito?
32 Sa buong aklat patuloy na idiniriin ni Lucas ang Kaharian. Itinatampok niya ang pag-asa ng Kaharian buhat sa pasimula, nang mangako ang anghel kay Maria na ang sanggol na isisilang “ay maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian,” hanggang sa huling mga kabanata, na doo’y sinabi ni Jesus na isasama ang mga apostol sa tipan ukol sa Kaharian. (1:33; 22:28, 29) Ipinakita ni Lucas na nanguna si Jesus sa pangangaral ng Kaharian, nagsugo ng 12 apostol, at nang maglaon ay 70 pa, sa gawaing ito. (4:43; 9:1, 2; 10:1, 8, 9) Idiniin ng matutulis na salita ni Jesus ang taimtim na debosyon na kailangan upang makapasok sa Kaharian: “Hayaang ilibing ng mga patay ang kanilang patay, datapwat yumaon ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos,” at, “Walang sinomang humahawak sa araro at lumilingon sa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”—9:60, 62.
33. Magbigay ng mga halimbawa ng pagdiriin ni Lucas sa panalangin. Anong aral ang makukuha rito?
33 Idiniin ni Lucas ang panalangin. Namumukod-tangi rito ang kaniyang Ebanghelyo. Binabanggit ang mga nananalangin nang si Zacarias ay nasa templo, si Juan na Tagapagbautismo na isinilang bilang tugon sa panalangin, at ng propetisang si Ana na nanalangin araw at gabi. Inilalarawan ang panalangin ni Jesus nang bautismuhan siya, ang magdamag niyang pananalangin bago piliin ang 12, at nang siya’y magbagong-anyo. Pinayuhan ni Jesus ang mga alagad na “laging manalangin at huwag manghimagod,” at inihalimbawa ang mapilit na balo na patuluyang nakiusap sa hukom hanggang bigyan siya nito ng katarungan. Si Lucas lamang ang nagsasabi na ang mga alagad ay nagpaturo na manalangin at na pinalakas ng anghel si Jesus nang nananalangin siya sa Bundok ng Olibo; at si Lucas lamang ang nag-uulat ng huling panalangin ni Jesus: “Ama, inihahabilin ko ang aking espiritu sa iyong kamay.” (1:10, 13; 2:37; 3:21; 6:12; 9:28, 29; 18:1-8; 11:1; 22:39-46; 23:46) Gaya noong sumusulat si Lucas, ang panalangin ay isa ring mahalagang paglalaan sa ngayon upang mapalakas ang lahat ng gumaganap ng banal na kalooban.
34. Anong mga katangian ni Jesus ang idiniriin ni Lucas bilang mahuhusay na huwaran para sa mga Kristiyano?
34 Dahil sa kaniyang bukas na isipan at matatas, makulay na pluma, ginawa ni Lucas na mainit at buháy-na-buháy ang turo ni Jesus. Ang pag-ibig, kabaitan, awa, at habag na ipinakita ni Jesus sa mahihina, api, at hamak ay ibang-iba sa malamig, pormal, makitid, at paimbabaw na relihiyon ng mga eskriba at Fariseo. (4:18; 18:9) Nagbigay si Jesus ng patuloy na pampatibay-loob at tulong sa mga dukha, mga bihag, mga bulag, at mga api, bilang huwaran sa mga nagnanais “sumunod sa kaniyang mga hakbang.”—1 Ped. 2:21.
35. Bakit tayo makapagpapasalamat kay Jehova sa paglalaan niya ng Ebanghelyo ni Lucas?
35 Kung papaanong si Jesus, ang sakdal, mapaghimalang Anak ng Diyos, ay nagpamalas ng maibiging pagmamalasakit sa mga alagad at lahat ng tapat-pusong tao, dapat din nating itaguyod ang pag-ibig sa ating ministeryo, oo, “dahil sa magiliw na habag ng ating Diyos.” (Luc. 1:78) Dahil dito ay tunay na kapaki-pakinabang at nakatutulong ang mabuting balita “ayon kay Lucas.” Lubos nating pasalamatan si Jehova sa kaniyang pagkasi kay Lucas, “ang minamahal na manggagamot,” upang isulat ang isang nagpapatibay, nagpapasigla, at wastong ulat, na umaakay sa kaligtasan sa Kaharian ni Jesu-Kristo, “ang paraan ng pagliligtas ng Diyos.”—Col. 4:14; Luc. 3:6.
[Mga talababa]
a The Medical Language of Luke, 1954, W. K. Hobart, pahina xi-xxviii.
b A Lawyer Examines the Bible, 1943, I. H. Linton, pahina 38.
c Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 766-7.
d Modern Discovery and the Bible, 1955, A. Rendle Short, pahina 211.
e The Jewish War, V, 491-515, 523 (xii, 1-4); VI, 420 (ix, 3); tingnan din ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 751-2.
f Ang drachma ay salaping pilak ng mga Griyego na tumitimbang ng 3.4 gramo.