Aklat ng Bibliya Bilang 43—Juan
Manunulat: Si Apostol Juan
Saan Isinulat: Sa Efeso o malapit dito
Natapos Isulat: c. 98 C.E.
Panahong Saklaw: Pagkatapos ng paunang salita, 29–33 C.E.
1. Ano ang ipinakikita ng mga Kasulatan tungkol sa matalik na pakikisama ni Juan kay Jesus?
MAHIGIT na 30 taon nang umiiral ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas at napahalagahan ng unang-siglong mga Kristiyano na ang mga ito’y isinulat ng mga taong may banal na espiritu. Sa pagtatapos ng unang dantaon at sa pagdalang ng bilang niyaong mga nakasama ni Jesus, malamang na bumangon ang tanong na, Mayroon pa bang dapat malaman? Mayroon bang sinoman na, mula sa sariling alaala, ay makapagdaragdag ng mahahalagang detalye ng ministeryo ni Jesus? Oo, mayroon. Ang matanda nang si Juan ay pinagpala ng pantanging pakikipagsamahan kay Jesus. Malamang na isa siya sa unang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo na ipinakilala sa Kordero ng Diyos at isa sa unang apat na inanyayahan ng Panginoon sa buong-panahong ministeryo. (Juan 1:35-39; Mar. 1:16-20) Matalik ang pagsasama nila ni Jesus sa ministeryo at siya ang alagad na “minahal ni Jesus” at na nakahilig sa dibdib ni Jesus sa huling Paskuwa. (Juan 13:23; Mat. 17:1; Mar. 5:37; 14:33) Naroon siya sa makadurog-pusong tagpo ng pagpapako, nang ipagkatiwala sa kaniya ni Jesus ang pangangalaga sa Kaniyang makalupang ina, at nauna siya kay Pedro nang tumakbo silang paparoon sa puntod upang siyasatin ang ulat na si Jesus ay bumangon.—Juan 19:26, 27; 20:2-4.
2. Papaano nasangkapan at napalakas si Juan upang isulat ang kaniyang Ebanghelyo, at sa anong layunin?
2 Pinagulang ng halos 70 taon ng paglilingkod at pinasigla ng mga pangitain at pagbubulay habang nakapiit sa malungkot na pulo ng Patmos, nasasangkapan si Juan sa pagsulat ng mga bagay na matagal na niyang pinagyayaman sa puso. Pinukaw ng banal na espiritu ang kaniyang isipan upang alalahanin at isulat ang maraming mahalaga at nagbibigay-buhay na turo upang bawat bumabasa ay ‘sumampalataya na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at sa pananampalatayang ito ay magkamit sila ng buhay sa pangalan ni Jesus.’—20:31.
3, 4. Ano ang panlabas at panloob na ebidensiya ng (a) pagiging-kanonikal ng Ebanghelyo, at ng (b) pagkasulat ni Juan?
3 Kinilala ng mga Kristiyano sa pasimula ng ikalawang siglo na si Juan ang sumulat ng aklat at para sa kanila ito ay isang di-mapag-aalinlanganang bahagi ng kanon ng kinasihang Kasulatan. Ang pagka-manunulat ni Juan ay pinatutunayan nina Clement ng Aleksandriya, Irenaeus, Tertullian, at Origen, na pawang mula sa katapusan ng ikalawa at pasimula ng ikatlong siglo. Bukod dito, ang aklat ay may saganang panloob na ebidensiya sa pagsulat ni Juan. Maliwanag na ang manunulat ay isang Judio at pamilyar sa mga kaugalian at lupain ng mga Judio. (2:6; 4:5; 5:2; 10:22, 23) Pinatutunayan ng matalik na ulat na hindi lamang siya apostol kundi isa sa tatlo—sina Pedro, Santiago, at Juan—na kasama ni Jesus sa pantanging mga okasyon. (Mat. 17:1; Mar. 5:37; 14:33) Sa tatlo, puwera na si Santiago (anak ni Zebedeo) pagkat pinatay siya ni Herodes Agripa I noong 44 C.E., matagal pa bago isulat ang Juan. (Gawa 12:2) Ipinuwera rin si Pedro pagkat sa Juan 21:20-24 binabanggit siya na kasama ng manunulat.
4 Sa huling mga talatang ito, tinutukoy ang manunulat bilang ang alagad na “minahal ni Jesus,” at sa aklat, ito at ang iba pang kahawig na pananalita ay malimit gamitin, bagaman ang pangalan ni apostol Juan ay hindi kailanman binabanggit. Dito’y sinisipi si Jesus na nagsasabi tungkol sa kaniya: “Kung kalooban ko na siya’y manatili hanggang sa aking pagparito, ay ano nga sa inyo?” (Juan 21:20, 22) Iminumungkahi nito na ang alagad na tinutukoy ay mabubuhay nang mas matagal kaysa kay Pedro at iba pang apostol. Lahat nito ay kumakapit kay apostol Juan. Kapansin-pansin na matapos tanggapin ang pangitain ng Apocalipsis tungkol sa pagparito ni Jesus, tinapos ni Juan ang kamangha-manghang hulang yaon sa mga salitang: “Siya nawa! Pumarito ka, Panginoong Jesus.”—Apoc. 22:20.
5. Ayon sa paniwala, kailan isinulat ni Juan ang kaniyang Ebanghelyo?
5 Bagaman ang mga isinulat mismo ni Juan ay walang tiyak na sinasabi, karaniwan nang tinatanggap na si Juan ang sumulat ng kaniyang Ebanghelyo pagkagaling sa pulo ng Patmos. (Apoc. 1:9) Marami sa mga ipinatapon ni Domitian ay pinalaya ng humaliling emperador ng Roma na si Nerva, 96-98 C.E. Nang matapos niya ang Ebanghelyo noong mga 98 C.E., sinasabi na si Juan ay namatay nang payapa sa Efeso noong ikatlong taon ni Emperador Trajan, 100 C.E.
6. Anong ebidensiya ang nagpapahiwatig na ang Ebanghelyo ni Juan ay isinulat sa labas ng Palestina, sa Efeso o malapit dito?
6 Tungkol sa Efeso o karatig nito bilang dako ng pagsulat, ang mga salita ni Irenaeus ay sinisipi ng mananalaysay na si Eusebius (c. 260-342 C.E.): “Si Juan, alagad ng Panginoon na humilig sa kaniyang dibdib, ang kumatha ng ebanghelyo nang nakatira siya sa Efeso sa Asya.”a Patotoo na ang aklat ay isinulat sa labas ng Palestina ay ang mga pagtukoy nito sa mga kaaway ni Jesus sa pangkalahatang termino na “mga Judio,” sa halip na “mga Fariseo,” “mga punong saserdote,” at iba pa. (Juan 1:19; 12:9) Gayundin, ang Dagat ng Galilea ay tinawag sa pangalang Romano, Dagat ng Tiberias. (6:1; 21:1) Alang-alang sa mga di-Judio, ipinaliliwanag ni Juan ang mga kapistahang Judio. (6:4; 7:2; 11:55) Ang pulong pinagtapunan sa kaniya, Patmos, ay malapit sa Efeso, at ang pagiging-pamilyar niya sa Efeso at sa ibang kongregasyon sa Asya Minor, ay ipinahihiwatig ng Apocalipsis kabanata 2 at 3.
7. Gaano kahalaga ang Papyrus Rylands 457?
7 Patotoo ng pagiging-tunay ng Ebanghelyo ni Juan ay ang mahalagang mga manuskritong natuklasan sa ika-20 siglo. Isa ay ang bahaging natuklasan sa Ehipto, kilala ngayon bilang Papyrus Rylands 457 (P52), na naglalaman ng Juan 18:31-33, 37, 38 at nasa John Rylands Library, sa Manchester, Inglatera.b Ang patotoo nito sa pagsulat ni Juan sa katapusan ng unang siglo ay binanggit ng yumaong Sir Frederic Kenyon sa aklat niyang The Bible and Modern Scholarship, 1949, pahina 21: “Bagaman maliit, sapat nang patotoo ito na umiiral ang isang manuskrito ng Ebanghelyo noong A.D. 130-150, malamang na sa lalawigan ng Ehipto kung saan ito nasumpungan. Kung maglalaan ng sapat na panahon upang maipamahagi ito mula sa dakong pinagmulan, ang petsa ng pagkasulat ay bumabalik nang napakalapit sa tradisyonal na petsa sa huling dekada ng unang siglo, kaya walang dahilan na mag-alinlangan sa kawastuan ng tradisyon.”
8. (a) Ano ang kapansin-pansin sa pambungad ng Ebanghelyo ni Juan? (b) Ano ang patotoo na ang haba ng ministeryo ni Jesus ay tatlo at kalahating taon?
8 Kahanga-hanga ang Ebanghelyo dahil sa pambungad nito, na nagsasabing ang Salita, na “sa pasimula ay kasama ng Diyos,” ang ginamit sa pagpapairal ng lahat ng bagay. (1:2) Matapos ipabatid ang mahalagang ugnayan ng Ama at ng Anak, sinisimulan ni Juan ang paglalarawan sa mga gawa at diskurso ni Jesus, lalo na mula sa pangmalas ng matalik na pag-ibig na bumibigkis sa lahat ng bagay sa pagkakaisa sa dakilang kaayusan ng Diyos. Ang ulat ng buhay ni Jesus sa lupa ay sumasaklaw sa 29-33 C.E., at bumabanggit ng apat na Paskuwa na dinaluhan ni Jesus sa panahon ng kaniyang ministeryo, bilang isa sa maraming hanay ng patotoo na ang ministeryo niya ay tatlo at kalahating taon ang haba. Tatlo sa mga ito ay binabanggit bilang mga Paskuwa. (2:13; 6:4; 12:1; 13:1) Ang isa ay tinutukoy bilang “kapistahan ng mga Judio,” subalit ayon sa konteksto ito ay hindi matagal pagkatapos sabihin ni Jesus na may “apat na buwan pa bago ang pag-aani,” upang ipahiwatig na ito ang kapistahan ng Paskuwa, na naganap malapit sa pasimula ng pag-aani.—4:35; 5:1.c
9. Ano ang nagpapakita na ang Ebanghelyo ni Juan ay isang kapupunan, ngunit ibinibigay ba nito ang bawat detalye ng ministeryo ni Jesus?
9 Sa kalakhan, ang mabuting balita “ayon kay Juan” ay isang kapupunan; 92 porsiyento ay bagong impormasyon na wala sa tatlong Ebanghelyo. Sa kabila nito, nagtapos si Juan sa mga salitang: “Napakarami pang ginawa si Jesus na kung isusulat na lahat, inaakala ko na kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasiya ang mga balumbon na susulatin.”—21:25.
NILALAMAN NG JUAN
10. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa “Salita”?
10 Paunang salita: Pagpapakilala sa “Salita” (1:1-18). Sa kaakit-akit na kapayakan, sinasabi ni Juan na sa pasimula “ang Salita ay kasama ng Diyos,” na ang buhay ay dumating sa pamamagitan niya, na siya’y naging “ilaw sa mga tao,” at na si Juan (na Tagapagbautismo) ay nagpatotoo tungkol sa kaniya. (1:1, 4) Ang ilaw ay nasa sanlibutan, ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Ang mga tumanggap sa kaniya ay naging mga anak ng Diyos, na ipinanganak mula sa Diyos. Kung papaano ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, “ang di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—1:17.
11. Papaano ipinakilala ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus, at ano ang pagtanggap kay Jesus ng mga alagad ni Juan?
11 Paghaharap ng “Kordero ng Diyos” sa mga tao (1:19-51). Inamin ni Juan na Tagapagbautismo na hindi siya ang Kristo kundi ang kasunod niya, na ang sandalyas ay hindi siya karapat-dapat magtali. Kinabukasan, si Jesus ay ipinakilala niya bilang “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (1:27, 29) Ipinakilala niya kay Jesus ang dalawa niyang alagad, at isa rito, si Andres, ay nagdala kay Jesus ng kapatid niyang si Pedro. Si Jesus ay tinanggap din nina Felipe at Nataniel bilang ‘Anak ng Diyos, Hari ng Israel.’—1:49.
12. (a) Ano ang unang himala ni Jesus? (b) Ano ang ginawa niya sa Jerusalem sa unang Paskuwa ng kaniyang ministeryo?
12 Pinatunayan ng mga himala ni Jesus na siya “ang Banal ng Diyos” (2:1–6:71). Ginawa ni Jesus ang unang himala sa kasalan sa Cana ng Galilea, nang ang tubig ay gawing pinakamainam na alak. Ito ang “pasimula ng kaniyang mga tanda, . . . at sinampalatayanan siya ng mga alagad.” (2:11) Umahon si Jesus sa Jerusalem para sa Paskuwa. Nang makita ang mga nagtitinda at nagpapalit ng salapi sa templo, kumuha siya ng latigo at pinalayas sila anupat nakilala ng mga alagad ang katuparan ng hula: “Mapupuspos ako ng sigasig sa iyong bahay.” (Juan 2:17; Awit 69:9) Inihula niya na mawawasak ang templo ng kaniyang katawan at babangon pagkaraan ng tatlong araw.
13. (a) Ano ang ipinakita ni Jesus na kailangan sa pagkakamit ng buhay? (b) Papaano tinukoy ni Juan na Tagapagbautismo ang sarili kaugnay ni Jesus?
13 Dumating sa gabi ang nahihintakutang si Nicodemo. Inamin niya na si Jesus ay mula sa Diyos, at sinabi ni Jesus na upang makapasok sa Kaharian ng Diyos, ang isa ay dapat ipanganak ng tubig at ng espiritu. Upang mabuhay dapat sumampalataya na ang Anak ng tao ay mula sa langit. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ang ilaw na dumating sa sanlibutan ay salungat sa kadiliman, “ngunit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw,” sabi ni Jesus. Nabalitaan ni Juan na Tagapagbautismo ang gawain ni Jesus sa Judea at sinabi na bagaman hindi siya ang Kristo, ang “kaibigan ng kasintahang lalaki . . . ay nagagalak sa tinig ng kasintahang lalaki.” (3:21, 29) Dapat dumakila si Jesus, at si Juan ay mabababâ.
14. Ano ang ipinaliwanag ni Jesus sa Samaritana sa Sicar, at ano ang resulta ng pangangaral niya roon?
14 Nagpunta uli si Jesus sa Galilea. Sa daan, maalikabok at “pagód sa paglalakbay,” namahinga siya sa balon ni Jacob sa Sicar habang bumibili ng pagkain ang mga alagad. (4:6) Tanghali na noon, ikaanim na oras. Nakiinom si Jesus sa isang umiigib na babaeng Samaritana. Bagaman pagód, kinausap niya ito tungkol sa “tubig” na talagang nakapapatid-uhaw, naghahatid ng walang-hanggang buhay sa sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” Nagbalik ang mga alagad at hinimok siyang kumain, ngunit aniya: “Ang pagkain ko’y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ito.” Dalawang araw siyang namalagi roon, kaya maraming Samaritano ang sumampalataya na “ito nga ang tagapagligtas ng sanlibutan.” (4:24, 34, 42) Pagdating sa Cana, pinagaling ni Jesus ang anak ng isang mahal na tao bagaman hindi siya lumapit sa higaan nito.
15. Anong mga paratang ang iniharap kay Jesus sa Jerusalem, ngunit papaano niya sinagot ang mga tagapuna?
15 Umahon uli si Jesus sa Jerusalem para sa kapistahan ng mga Judio. Nagpagaling siya sa araw ng Sabbath, na umakay sa matinding pagpuna. Sumagot siya: “Ang aking ama ay gumagawa hanggang ngayon, at ako ay gumagawa.” (5:17) Sinabi ng mga pinunong Judio na ang paglabag sa Sabbath ay dinagdagan pa ni Jesus ng pamumusong, ang pag-aangking kapantay ng Diyos. Sinabi ni Jesus na siya ay walang magagawa sa ganang sarili kundi umaasa lamang sa Ama. Binigkas niya ang kagila-gilalas na pangako na “lahat ng nasa alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas” sa pagkabuhay-na-muli. Ngunit sinabi niya sa mga di-sumasampalataya: “Papaano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng pagluwalhati ng isa’t-isa sa halip na hanapin ang kaluwalhatian na nagmumula sa tanging Diyos?”—5:28, 29, 44.
16. (a) Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa pagkain at buhay? (b) Papaano idiniin ni Pedro ang paninindigan ng mga apostol?
16 Makahimalang pinakain ang 5,000 lalaki ng limang tinapay at dalawang maliit na isda, kaya binalak nilang agawin siya at gawing hari, ngunit tumakas si Jesus sa bundok. Nang maglaon, pinagwikaan niya sila sa paghahanap “ng pagkaing napapanis.” Sa halip, dapat silang magpagal ukol sa “pagkaing tumatagal sa buhay na walang-hanggan.” Ipinakita niya na ang pananampalataya sa kaniya ay pakikibahagi sa tinapay ng buhay, at sinabi pa: “Malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo ay wala kayong buhay sa inyong sarili.” Marami ang natisod at iniwan siya. Tinanong ni Jesus ang 12: “Nais din ba ninyong umalis?” at sumagot si Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salita ng buhay na walang-hanggan; sumampalataya kami at alam namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” (6:27, 53, 67-69) Sa pagkaalam na siya’y ipagkakanulo ni Judas, sinabi ni Jesus na isa sa kanila ay diyablo.
17. Ano ang naging epekto ng pagtuturo ni Jesus sa templo noong Kapistahan ng mga Tolda?
17 “Ang ilaw” ay salungat sa kadiliman (7:1–12:50). Si Jesus ay lihim na nagtungo sa Jerusalem sa Kapistahan ng mga Kubol upang magturo sa templo. Nagtalo ang mga tao kung siya nga ang Kristo. Sinabi ni Jesus: “Hindi ako naparito sa ganang sarili, ngunit ang nagsugo sa akin ay tunay, . . . Siya ang nagsugo sa akin.” Sa isa pang okasyon ay sinabi niya: “Kung ang sinoman ay nauuhaw, pumarito siya sa akin at uminom.” Ang mga kawal na inutusang dumakip kay Jesus ay bumalik na walang-dala at nag-ulat sa mga saserdote: “Wala pang tao na nagsalita nang gayon.” Galít-na-galít, sinabi ng mga Fariseo na walang sinomang pinunò ang sumampalataya, ni magkakaroon man ng propeta mula sa Galilea.—7:28, 29, 37, 46.
18. Papaano sumalansang ang mga Judio kay Jesus, at papaano siya tumugon?
18 Sa isa pang diskurso, sinabi ni Jesus: “Ako ang ilaw ng sanlibutan.” Sa mga paratang na siya’y bulaang saksi, anak-sa-ligaw, Samaritano at inaalihan ng demonyo, mariin siyang sumagot: “Kung niluluwalhati ko ang sarili, ang kaluwalhatian ko’y walang kabuluhan. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin.” Nang ipahayag niyang, “Bago umiral si Abraham, ay ako muna,” tinangka uli ng mga Judio na siya’y patayin. (8:12, 54, 58) Bigung-bigo, tinanong nila ang isang bulag na pinagaling ni Jesus, saka nila ito pinalayas.
19. (a) Papaano inilarawan ni Jesus ang kaugnayan niya sa Ama at ang pag-aalaga niya sa mga tupa? (b) Papaano niya sinagot ang mga Judio nang pagbantaan nila siya?
19 Nakipag-usap uli si Jesus sa mga Judio tungkol sa mabuting pastol na tumatawag sa mga tupa sa pangalan at naghahandog ng kaluluwa alang-alang sa mga ito ‘upang sila’y magkaroon ng saganang buhay.’ Sinabi niya: “Ako’y may ibang tupa na hindi sa kulungang ito; sila rin ay kailangang dalhin ko, sila’y makikinig sa aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, isang pastol.” (10:10, 16) Sinabi niyang walang makakaagaw sa mga tupa sa kamay ng Ama, at na siya at ang Ama ay iisa. Muli ay sinikap nilang batuhin siya upang mamatay. Bilang tugon sa paratang na pamumusong, ipinaalaala niya na sa Mga Awit, ang mga makapangyarihan sa lupa ay tinatawag na “mga diyos,” ngunit tinukoy lamang niya ang sarili bilang Anak ng Diyos. (Awit 82:6) Hinimok niya silang sumampalataya kahit man lamang sa kaniyang mga gawa.—Juan 10:34.
20. (a) Anong namumukod-tanging himala ang sumunod na ginawa ni Jesus? (b) Sa ano ito umakay?
20 Ibinalita mula sa Betania na nagkasakit si Lazaro, kapatid nina Maria at Marta. Pagdating ni Jesus, patay na si Lazaro at apat na araw nang nakalibing. Naghimala si Jesus at binuhay-na-muli si Lazaro, kaya marami ang sumampalataya. Dahil dito’y biglang nagpulong ang Sanhedrin, at ang mataas na saserdote, si Caifas, ay napilitang humula na si Jesus ay mamamatay alang-alang sa bansa. Nang magsabwatan ang mga punong saserdote at Fariseo upang patayin siya, hindi na muna nagpakita si Jesus sa madla.
21. (a) Papaano tumugon ang bayan at ang mga Fariseo sa pagpasok ni Jesus sa Jerusalem? (b) Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus kaugnay ng kaniyang kamatayan at ng layunin nito, at ano ang hinimok niyang gawin ng mga nakikinig?
21 Anim na araw bago mag-Paskuwa, dumaan uli si Jesus sa Betania patungo sa Jerusalem, at inanyayahan siya ng sambahayan ni Lazaro. Isang araw pagkaraan ng Sabbath, Nisan 9, pumasok siya sa Jerusalem sakay ng asno kasabay ng pagbubunyi ng napakaraming tao; nag-usap ang mga Fariseo: “Wala na kayong magagawa. Masdan ninyo! Sumunod na sa kaniya ang buong daigdig.” Sa talinghaga ng butil ng trigo, ipinagtapat ni Jesus na dapat siyang ihasik sa kamatayan upang makapamunga ng buhay na walang-hanggan. Tinawagan niya ang Ama na luwalhatiin ang Kaniyang pangalan, at isang tinig ang narinig mula sa langit: “Niluwalhati ko na ito at muli kong luluwalhatiin.” Ang mga nakikinig ay hinimok ni Jesus na umiwas sa kadiliman at lumakad sa liwanag upang maging “mga anak ng ilaw.” Dahil sa banta ng mga puwersa ng kadiliman, mariin siyang nagsumamo sa madla na sumampalataya sa kaniya ‘bilang ilaw na naparito sa sanlibutan.’—12:19, 28, 36, 46.
22. Anong huwaran ang inilaan ni Jesus sa hapunan ng Paskuwa, at anong bagong utos ang ibinigay niya?
22 Pahimakas na payo ni Jesus sa tapat na mga apostol (13:1–16:33). Habang kasalo ng 12 sa hapunan ng Paskuwa, tumayo si Jesus, naghubad ng panlabas na kasuotan, kumuha ng tuwalya at palanggana at hinugasan ang paa ng mga alagad. Tumutol si Pedro, ngunit sinabi ni Jesus na dapat ding hugasan ang paa niya. Sinabi niyang tularan nila ang halimbawang ito ng kapakumbabaan, pagkat “ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon.” Binanggit ang tagapagkanulo at saka pinalabas si Judas. Ang iba ay kinausap niya nang taimtim. “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t-isa; kung papaanong inibig ko kayo, ay mag-ibigan din kayo sa isa’t-isa. Dito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.”—13:16, 34, 35.
23. Bilang kaaliwan, anong pag-asa at tulong ang tinatalakay ni Jesus?
23 Nagbitiw si Jesus ng mga salita ng kaaliwan sa mapanganib na panahong ito. Dapat silang sumampalataya sa Diyos at sa kaniya. Sa bahay ng Ama ay maraming tahanan, at babalik siya upang kaunin sila. “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” sabi ni Jesus. “Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Inaliw niya sila sa pagsasabing kung sila’y sasampalataya, gagawa sila ng higit kaysa nagawa niya at ibibigay niya ang anomang hingin nila sa pangalan niya, bilang pagluwalhati sa Ama. Nangako siya ng isang katulong, “ang espiritu ng katotohanan” na magtuturo ng lahat ng bagay at magpapaalaala sa lahat ng sinabi niya. Dapat silang magalak na siya’y paroroon sa Ama pagkat, ani Jesus, “ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.”—14:6, 17, 28.
24. Papaano tinalakay ni Jesus ang kaugnayan ng mga apostol sa kaniya at sa Ama, taglay ang anong mga pagpapala para sa kanila?
24 Sinabi ni Jesus na siya ang tunay na puno ng ubas at ang Ama ang magsasaka. Hinimok niya sila na manatiling kaisa niya: “Sa ganito’y naluluwalhati ang aking Ama, na kayo’y maging mabunga at patunayan na kayo’y aking mga alagad.” (15:8) Papaano malulubos ang kagalakan nila? Sa pag-ibig sa isa’t-isa kung papaanong inibig niya sila. Tinawag niya sila na mga kaibigan. Napakahalagang ugnayan! Kapopootan sila at uusigin ng sanlibutan gaya ng pagkapoot sa kaniya, subalit isusugo ni Jesus ang katulong na magpatotoo tungkol sa kaniya at aakay sa mga alagad sa katotohanan. Ang dalamhati nila ay magbibigay-daan sa kagalakan sa muling pagkikita, at walang makapag-aalis ng kagalakang ito. Nakakaaliw ang mga salita niya: “Ang Ama rin ay umiibig sa inyo, sapagkat ako’y inyong inibig at sumampalataya kayo na ako ay kinatawan ng Ama.” Oo, sila’y mangangalat, ngunit, gaya ng sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko ito sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay magkakaroon kayo ng kapighatian, subali’t lakasan ninyo ang inyong loob! Nadaig ko ang sanlibutan.”—16:27, 33.
25. (a) Ano ang kinilala ni Jesus sa panalangin niya sa Ama? (b) Ano ang hiniling niya para sa sarili, sa mga alagad, at sa mga sasampalataya sa pamamagitan ng kanilang salita?
25 Panalangin ni Jesus alang-alang sa mga alagad (17:1-26). Sa panalangin ay kinilala ni Jesus sa Ama: “Ito ang buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang iisang tunay na Diyos, at sa iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Yamang natapos niya ang takdang gawain sa lupa, hiniling ni Jesus na siya’y luwalhatiin sa piling ng Ama sa kaluwalhatiang taglay niya bago naging gayon ang sanlibutan. Ipinahayag niya sa mga alagad ang pangalan ng Ama at hiniling sa Ama na ingatan sila ‘alang-alang sa Kaniyang pangalan.’ Hiniling niya na huwag silang alisin sa sanlibutan kundi ingatan sila mula sa masama at pakabanalin sila sa Kaniyang salita ng katotohanan. Pinalawak ni Jesus ang panalangin niya upang saklawin ang lahat pa ng sasampalataya sa salita ng kaniyang mga alagad, “upang silang lahat ay maging isa, gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako ay kaisa mo, na sila’y maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako ay isinugo mo.” Hiniling niya na bahaginan din sila ng makalangit na kaluwalhatian, sapagkat ipinahayag niya sa kanila ang pangalan ng Ama, upang ang pag-ibig Niya ay manahan sa kanila.—17:3, 11, 21.
26. Ano ang sinasabi ng ulat tungkol sa pagdakip at paglilitis kay Jesus?
26 Si Kristo ay nilitis at ipinako (18:1–19:42). Nagpunta sina Jesus sa isang hardin sa kabila ng Libis ng Kidron. Dumating si Judas at isang pangkat ng mga sundalo at ipinagkanulo si Jesus, na sumuko nang maamo. Ipinagtanggol siya ni Pedro sa pamamagitan ng tabak ngunit siya’y sinaway: “Ang saro na ibinigay sa akin ng Ama, hindi ko ba dapat inuman?” (18:11) Si Jesus ay dinalang-gapos kay Anas, biyenan ni Caifas na mataas na saserdote. Sumunod agad sina Juan at Pedro, at nakapasok sila sa looban ng mataas na saserdote, kung saan tatlong beses na ikinaila ni Pedro si Kristo. Si Anas ang unang nagtanong kay Jesus at pagkatapos ay si Caifas. Saka dinala si Jesus sa harap ng Romanong gobernador na si Pilato, samantalang ipinagsisigawan ng mga Judio ang hatol na kamatayan.
27. (a) Anong mga tanong tungkol sa paghahari at kapangyarihan ang ibinangon ni Pilato, at papaano nagkomento si Jesus? (b) Ano ang naging paninindigan ng mga Judio sa paghahari?
27 Sa tanong ni Pilato na, “Ikaw ba’y hari?” ay sumagot si Jesus: “Ikaw ang nagsabi na ako ay hari. Dahil dito ay isinilang ako, at dahil dito ay naparito ako sa sanlibutan, upang magbigay-patotoo sa katotohanan.” (18:37) Sa kawalan ng ebidensiya, siya’y palalayain na sana ni Pilato pagkat ugali nila ang magpalaya ng bilanggo kapag Paskuwa, ngunit pinili ng mga Judio ang tulisang si Barabas. Ipinahagupit ni Pilato si Jesus at sinikap uli na palayain siya, ngunit sumigaw ang mga Judio: “Ipako siya! Ipako siya! . . . siya’y nagpapanggap na anak ng Diyos.” Nang sabihin ni Pilato kay Jesus na may kapangyarihan siyang magpapako, sumagot si Jesus: “Hindi ka magkakaroon ng anomang kapangyarihan laban sa akin kung hindi ito ibinigay sa iyo mula sa itaas.” Sumigaw uli ang mga Judio: “Ilabas siya! Ilabas siya! Ipako siya! . . . Wala kaming hari kundi si Cesar.” Kaya ipinapako siya ni Pilato.—19:6, 7, 11, 15.
28. Ano ang naganap sa Golgotha, at anong mga hula ang natupad doon?
28 Dinala si Jesus “sa tinatawag na Dako ng Bungo, na sa Hebreo ay Golgotha,” at ipinako sa pagitan ng dalawang iba pa. Ikinabit ni Pilato sa ulunan niya ang pamagat na “Jesus na Nazareno na Hari ng mga Judio,” na nakasulat sa Hebreo, Latin, at Griyego, upang makita at maunawaan ng lahat. (19:17, 19) Inihabilin ni Jesus kay Juan ang kaniyang ina at matapos painumin ng suka, ay nagsabi: “Naganap na!” Tumungó siya at nalagutan ng hininga. (19:30) Gaya ng inihula, nagpalabunutan ang mga berdugo para sa kaniyang damit, hindi binali ang kaniyang mga paa, at sinibat nila ang kaniyang tagiliran. (Juan 19:24, 32-37; Awit 22:18; 34:20; 22:17; Zac. 12:10) Pagkatapos, ang bangkay ay inihanda nina Jose ng Arimatea at Nicodemo upang ilibing sa isang kalapit na alaalang libingan.
29. (a) Anong mga pagpapakita sa mga alagad ang ginawa ng binuhay-muling si Jesus? (b) Anong mga punto ang idiniin ni Jesus sa huli niyang pakikipag-usap kay Pedro?
29 Mga pagpapakita ng binuhay-muling Kristo (20:1–21:25). Nagtatapos sa maligayang pagkabuhay-na-muli ang hanay ng ebidensiya ni Juan tungkol sa Kristo. Nakita ni Maria Magdalena na bakante ang nitso, at pumaroon si Pedro at isa pang alagad (si Juan) ngunit mga kayong lino lamang ang nadatnan nila. Si Maria, na naiwan sa tabi ng puntod, ay nakipag-usap sa dalawang anghel at ang sa akala niya’y hardinero. Nang sabihin nito, “Maria!” agad niyang nakilala si Jesus. Nagpakita rin si Jesus sa mga alagad sa loob ng may-kandadong silid, at sinabing tatanggap sila ng banal na espiritu. Si Tomas, na wala roon, ay ayaw maniwala ngunit pagkaraan ng walong araw muling nagpakita si Jesus, kaya napabulalas si Tomas: “Panginoon ko at Diyos ko!” (20:16, 28) Pagkaraan pa ng ilang araw muling tinagpo ni Jesus ang mga alagad sa Dagat ng Tiberias; dahil sa himala ay nakahuli sila ng maraming isda at nakipag-agahan siya. Tatlong beses niyang tinanong si Pedro kung iniibig siya nito. Nang ipaggiitan ni Pedro na oo, idiniin ni Jesus: “Pakanin mo ang aking mga kordero,” “Pastulan mo ang aking mumunting tupa,” “Alagaan mo ang aking mumunting tupa.” Saka inihula niya kung papaano mamamatay si Pedro sa paraang luluwalhati sa Diyos. Nagtanong si Pedro tungkol kay Juan, at sinabi ni Jesus: “Kung kalooban ko na siya’y manatili hanggang sa ako’y pumarito, ay ano sa iyo?”—21:15-17, 22.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
30. Papaano binigyan ni Juan ng pantanging pagdiriin ang katangian ng pag-ibig?
30 Mapuwersa sa pagiging-tuwiran at kapani-paniwala sa matalik, masiglang paglalarawan sa Salita na naging Kristo, ang mabuting balita “ayon kay Juan” ay isang malapitang pangmalas sa pagsasalita at gawain ng pinahirang Anak ng Diyos. Bagaman payak ang estilo at bokabularyo ni Juan, kaya nasabi na siya’y “walang pinag-aralan at mangmang,” matindi ang puwersa ng pagsasalita niya. (Gawa 4:13) Sukdulan ang paglalarawan ng kaniyang Ebanghelyo sa matalik na pagmamahalan ng Ama at ng Anak, at sa pinagpala, maibiging ugnayan ng pagiging-kaisa nila. Mas madalas gamitin ni Juan ang mga salitang “pag-ibig” at “inibig” kaysa ibang Ebanghelyo kahit pagsamahin pa ang tatlo.
31. Anong ugnayan ang idiniriin sa buong Ebanghelyo ni Juan, at papaano ito sumasapit sa sukdulan?
31 Noong pasimula napaka-maluwalhati ang ugnayan ng Salita at ng Diyos na Ama! Sa kalooban ng Diyos “ang salita ay naging tao at nanirahan sa gitna natin, at nakita natin ang kaluwalhatian niya, kaluwalhatian na gaya ng sa bugtong ng Ama; at siya’y puspos ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan.” (Juan 1:14) At sa buong aklat ni Juan, idiniriin ni Jesus na ang ugnayang ito ay ang pagpapasakop bilang walang-pasubaling pagsunod sa kalooban ng Ama. (4:34; 5:19, 30; 7:16; 10:29, 30; 11:41, 42; 12:27, 49, 50; 14:10) Ang kapahayagang ito ng matalik na ugnayan ay sumasapit sa sukdulan sa nagpapakilos na panalanging nakaulat sa Juan kabanata 17, kung saan iniuulat ni Jesus sa Ama na natapos niya ang Kaniyang gawain sa lupa at isinusog pa: “Ama, luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago naging gayon ang sanlibutan.”—17:5.
32. Papaano ipinakita ni Jesus ang kaugnayan niya sa mga alagad at na siya ang tanging kasangkapang gagamitin upang paratingin sa tao ang pagpapala ng buhay?
32 Kumusta ang ugnayan ni Jesus at ng mga alagad? Itinatampok lagi ang papel ni Jesus bilang tanging kasangkapan ng Diyos sa pagpapala sa kanila at sa buong sangkatauhan. (14:13, 14; 15:16; 16:23, 24) Tinutukoy siya na “Kordero ng Diyos,” “tinapay ng buhay,” “ilaw ng sanlibutan,” “mabuting pastol,” “ang pagkabuhay-na-muli at ang buhay,” “ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” at “ang tunay na punong ubas.” (1:29; 6:35; 8:12; 10:11; 11:25; 14:6; 15:1) Sa talinghaga ng “tunay na punong ubas” ipinaaalam ni Jesus ang kamangha-manghang pagkakaisa hindi lamang sa pagitan niya at ng tunay na mga alagad kundi sa pagitan din niya at ng Ama. Sa pagiging-mabunga, luluwalhatiin nila ang kaniyang Ama. “Kung papaanong ako’y inibig ng Ama at kayo’y inibig ko, magsipanatili kayo sa aking pag-ibig,” payo ni Jesus.—15:9.
33. Anong layunin ng ministeryo ni Jesus ang ipinahayag niya sa panalangin?
33 Pagkatapos ay marubdob siyang nanalangin kay Jehova na nawa lahat ng mga iniibig na ito, at ang ‘mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kanilang salita,’ ay maging kaisa niya at ng Ama, at mapaging-banal ng salita ng katotohanan! Oo, ang pinaka-layunin ng ministeryo ni Jesus ay kamangha-manghang ipinapahayag sa huling mga pananalita ng panalangin niya sa Ama: “Ipinahayag ko sa kanila ang iyong pangalan at ipapahayag pa, upang ang pag-ibig na inibig mo sa akin ay mapasa-kanila at ako ay kaisa nila.”—17:20, 26.
34. Anong kapaki-pakinabang na payo ang ibinigay ni Jesus sa pananaig sa sanlibutan?
34 Bagaman maiiwan sa sanlibutan ang mga alagad, hindi sila iiwan na walang katulong, “ang espiritu ng katotohanan.” Isa pa, nagbigay siya ng napapanahong payo sa kaugnayan nila sa sanlibutan at ipinakita kung papaano sila mananaig bilang “mga anak ng ilaw.” (14:16, 17; 3:19-21; 12:36) “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo nga’y tunay na mga alagad ko,” sabi ni Jesus, “at inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” Sa kabaligtaran, sinabi niya sa mga anak ng kadiliman: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ibig ninyong gawin ang mga nais ng inyong ama. . . . Hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya.” Kaya lagi tayong manindigan sa katotohanan, oo, “sambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan,” at palakasin ang sarili sa mga salita ni Jesus: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Nadaig ko ang sanlibutan.”—8:31, 32, 44; 4:23; 16:33.
35. (a) Anong patotoo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa Kaharian ng Diyos? (b) Bakit dapat ikagalak at ipagpasalamat ang Ebanghelyo ni Juan?
35 Lahat ng ito ay kaugnay rin ng Kaharian ng Diyos. Nagpatotoo si Jesus nang siya’y nililitis: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutan. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutan, disi’y nakipagbaka ang aking mga alipin upang ako’y huwag maipagkaloob sa mga Judio. Ngunit ang kaharian ko ay hindi mula rito.” At bilang sagot sa tanong ni Pilato, sinabi niya: “Ikaw ang nagsasabi na ako ay hari. Dahil dito ay isinilang ako, at dahil dito ay naparito ako sa sanlibutan, upang magbigay-patotoo sa katotohanan. Bawat pumapanig sa katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (18:36, 37) Maligaya ang nakikinig at “ipinanganak na muli” upang “pumasok sa kaharian ng Diyos” kaisa ng Hari. Maligaya ang “ibang tupa” na nakikinig sa Pastol at Hari at nagkakamit ng buhay. Dapat ipagpasalamat ang Ebanghelyo ni Juan na isinulat “upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at sa pananampalatayang ito ay magkamit kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.”—3:3, 5; 10:16; 20:31.
[Mga talababa]
a The Ecclesiastical History, Eusebius, V, VIII, 4.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 323.
c Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 57-8.