Maria (Ina ni Jesus)
Kahulugan: Ang pinagpalang babae na pinili ng Diyos upang isilang si Jesus. May lima pang mga Maria na binabanggit sa Bibliya. Ang tinutukoy dito ay isang inapo ni David, mula sa tribo ng Juda, at anak na babae ni Heli. Nang una siyang ipakilala sa atin sa Kasulatan, siya’y katipan ni Jose, na nasa tribo din ng Juda at isa na ring inapo ni David.
Ano ang ating matututuhan tungkol kay Maria mula sa ulat ng Bibliya?
(1) Isang aral na maging handang makinig sa sinasabi ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo bagama’t ang maririnig natin ay maaaring bumagabag sa atin o waring imposibleng mangyari.—Luc. 1:26-37.
(2) Tibay-loob na kumilos ayon sa nalalaman ng isa na kalooban ng Diyos, na lubusang tumitiwala sa kaniya. (Tingnan ang Lucas 1:38. Gaya ng ipinakikita sa Deuteronomio 22:23, 24, maaaring magkaroon ng mabigat na parusa ang isang dalagang Judio na nagdadalang-tao.)
(3) Handa ang Diyos na gamitin ang isang tao anoman ang kaniyang katayuan sa buhay.—Ihambing ang Lucas 2:22-24 sa Levitico 12:1-8.
(4) Ginawang pangunahin ang espirituwal na mga kapakanan. (Tingnan ang Lucas 2:41; Gawa 1:14. Sa mga Judio hindi obligadong sumama ang mga asawang babae sa kanilang asawa sa malayong paglalakbay patungong Jerusalem sa panahon ng Paskuwa taun-taon, nguni’t sumama si Maria.)
(5) Pagpapahalaga sa kalinisang moral.—Luc. 1:34.
(6) Kasipagan sa pagtuturo ng Salita ng Diyos sa mga anak. (Ito’y makikita sa ginawa ni Jesus nang siya’y 12 taon pa lamang. Tingnan ang Lucas 2:42, 46-49.)
Si Maria ba’y talagang birhen nang isilang si Jesus?
Iniuulat ng Lucas 1:26-31 (JB) na “isang birhen” na ang pangala’y Maria ang dinalhan ng anghel Gabriel ng balitang: “Maglilihi ka at manganganak ng isang anak na lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang Jesus.” Saka, ang Luc 1 talata 34 ay nagsasabi, “Sinabi ni Maria sa anghel, ‘Nguni’t paanong mangyayari ito, yamang ako’y birhen [“wala akong kilalang lalake: ibig sabihin, bilang asawa,” NAB talababa; “wala akong sinipingang lalake,” NW]?’ ” Idinadagdag ng Mateo 1:22-25 (JB): “At nangyari ang lahat ng ito upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: Ang birhen ay maglilihi at manganganak ng isang lalake at tatawagin siyang Emmanuel, na nangangahulugang ‘sumasa-atin ang Diyos’. Nang gumising si Jose ay ginawa niya ang ayon sa ipinag-utos sa kaniya ng anghel ng Panginoon: dinala niya ang kaniyang asawa sa tahanan niya at, bagama’t hindi niya ito sinipingan, siya’y nanganak ng isang lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Jesus.”
Makatuwiran ba ito? Tiyak na hindi imposible para sa Maylikha, na nagdisenyo ng sangkap sa panganganak ng tao, na makahimalang bigyang buhay ang binhi sa sinapupunan ni Maria. Sa kamanghamanghang paraan, inilipat ni Jehova ang puwersa ng buhay at ang personalidad ng kaniyang panganay na Anak mula sa langit tungo sa bahay-bata ni Maria. Pinangalagaan ng mismong kumikilos na puwersa ng Diyos, ang kaniyang banal na espiritu, ang paglaki ng bata sa sinapupunan ni Maria anupa’t ang isinilang ay isang sakdal na tao.—Luc. 1:35; Juan 17:5.
Si Maria ba’y laging isang birhen?
Mat. 13:53-56, JB: “Nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito ay umalis siya sa pook na iyon; at, pagdating sa kaniyang sariling bayan, ay kaniyang tinuruan ang mga tao sa kanilang sinagoga anupa’t sila’y nangagtaka, at nangagsabi, ‘Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong kapangyarihan? Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? Hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid [Griyego, a·del·phoiʹ] ay sina Santiago at Jose at Simon at Judas? At ang kaniyang mga kapatid na babae [Griyego, a·del·phaiʹ], hindi baga silang lahat ay nangasa atin?’ ” (Batay sa tekstong ito, sasabihin ba ninyo na si Jesus ang tanging anak ni Maria o na siya’y nagkaroon ng ibang mga anak na lalake at babae?)
Inaamin ng New Catholic Encyclopedia (1967, Tomo IX, p. 337) tungkol sa Griyegong mga salitang a·del·phoiʹ at a·del·phaiʹ, na ginagamit sa Mateo 13:55, 56, na ang mga ito ay “tumutukoy sa magkapatid na lalake at babae sa mga lugar na nagsasalita ng Griyego noong kapanahunan ng Ebanghelista at ganito ang pagkaunawa ng mga mambabasang Griyego. Noong dakong huli ng ika-4 na siglo (mga 380) idiniin ni Helvidius ang bagay na ito sa isang kasulatang hindi na makita ngayon upang ipakitang si Maria ay may ibang anak bukod kay Jesus nang sa gayo’y gawin siyang uliran para sa mga inang may malalaking pamilya. Si St. Jerome, udyok ng tradisyonal na paniniwala ng Iglesiya sa laging pagkabirhen ni Maria, ay may isinulat na tract laban kay Helvidius (A.D. 383) na doon siya kumatha ng isang paliwanag . . . na hanggang ngayo’y tinatanggap ng mga iskolar na Katoliko.”
Mar. 3:31-35, JB: “At dumating nga ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid at, palibhasang nakatayo sa labas, ay nagsugo sila sa kaniya, na siya’y tinatawag. At nakaupo ang isang karamihan sa palibot niya sa panahong inabot sa kaniya ang mensahe, ‘Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na hinahanap ka’. Sumagot siya, ‘Sino ang aking ina at aking mga kapatid?’ At paglingap niya sa mga nakaupo sa palibot niya, ay sinabi niya, ‘Narito, ang aking ina at aking mga kapatid. Ang sinomang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ang taong iyon ang aking kapatid na lalake, at kapatid na babae, at ina.’ ” (Dito may malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga kapatid ni Jesus sa laman at ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, ang mga alagad niya. Walang nagsasabi na ang pagtukoy sa ina ni Jesus ay may ibang kahulugan. Kung gayon, makatuwiran bang sabihin na ang tinutukoy ay hindi kaniyang tunay na mga kapatid kundi marahil ay mga pinsan lamang? Kapag ang tinukoy ay hindi kapatid kundi kamag-anak lamang, ibang salitang Griyego [syg·ge·nonʹ] ang ginagamit, tulad ng sa Lucas 21:16.)
Si Maria ba ang Ina ng Diyos?
Hindi sinabi ng anghel na nagbalita sa kaniya hinggil sa dumarating na makahimalang pagsilang na ang anak niya ay magiging Diyos. Sinabi niya: “Maglilihi ka at manganganak ng isang anak na lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang Jesus. Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataastaasan. . . . Ang bata ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos.”—Luc. 1:31-35, JB; idinagdag namin ang mga pahilis.
Heb. 2:14, 17, JB: “Yamang ang lahat ng mga anak ay may bahagi sa laman at dugo, siya [si Jesus] nama’y nakibahagi rin sa mga ito . . . Kaya’t nararapat siyang maging lubusang katulad ng kaniyang mga kapatid sa bagay na ito.” (Subali’t siya ba’y magiging “lubusang katulad ng kaniyang mga kapatid” kung siya’y naging isang Diyos-tao?)
Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Talagang ina ng Diyos si Maria kung totoo ang dalawang kondisyon: na siya’y talagang ina ni Jesus at na si Jesus ay talagang Diyos.” (1967, Tomo X, p. 21) Sinasabi ng Bibliya na si Maria ang ina ni Jesus, nguni’t si Jesus ba ang Diyos? Noong ika-apat na siglo, matagal pagkatapos isulat ang buong Bibliya, binuo ng Iglesiya ang kaniyang turo ng Trinidad. (New Catholic Encyclopedia, 1967, Tomo XIV, p. 295; tingnan ang pahina 412, sa ilalim ng paksang “Trinidad.”) Noong panahong iyon sa Nicene Creed si Jesus ay itinuring ng Iglesiya bilang “mismong Diyos.” Pagkatapos nito, sa Konseho ng Efeso noong 431 C.E., si Maria ay ipinahayag ng Iglesiya bilang The·o·toʹkos, na nangangahulugang “Nagluwal sa Diyos” o “Ina ng Diyos.” Gayunman, ang pangungusap na iyon ni ang ideya nito ay hindi masusumpungan sa teksto ng alinmang salin ng Bibliya. (Tingnan ang mga pahina 200-205, sa ilalim ng “Jesu-Kristo.”)
Si Maria ba’y ipinaglihi sa kalinis-linisang paraan, malaya sa orihinal na kasalanan nang siya’y ipaglihi ng kaniyang ina?
Tinatanggap ng New Catholic Encyclopedia (1967, Tomo VII, p. 378-381) tungkol sa pinagmulan ng paniniwalang ito: “ . . . ang Kalinis-linisang Paglilihi ay hindi tiyakang itinuturo sa Kasulatan . . . Si Maria ay itinuring ng unang mga Ama ng Iglesiya bilang banal nguni’t hindi lubusang walang kasalanan. . . . Imposibleng magtakda ng petsa kung kailan ang paniniwala ay tinanggap bilang doktrina, nguni’t pagsapit ng ika-8 o ika-9 na siglo waring ito’y tinanggap na ng karamihan. . . . [Noong 1854 ang doktrinang ito ay nilinaw ni Papa Pius IX] ‘na naniniwala na ang Pinagpalang Birheng Maria ay iningatan mula sa lahat ng bahid ng orihinal na kasalanan sa unang saglit ng kaniyang Paglilihi.’ ” Ang paniniwalang ito ay pinagtibay ng Vatican II (1962-1965).—The Documents of Vatican II (Nueba York, 1966), pinatnugutan ni W. M. Abbott, S.J., p. 88.
Sinasabi ng Bibliya mismo: “Kung gayon, ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan dahil sa isang tao [si Adan], at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, at sa gayo’y lumaganap ang kamatayan sa buong sangkatauhan sapagka’t ang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12, JB; idinagdag namin ang mga pahilis.) Kasama ba rito si Maria? Iniuulat ng Bibliya na ayon sa kahilingan ng Batas Mosaiko, 40 araw pagkaraang ipanganak si Jesus naghandog si Maria sa templo sa Jerusalem ng isang handog dahil sa kasalanan upang siya’y linisin mula sa karumihan. Siya rin ay nagmana ng kasalanan at di-kasakdalan mula kay Adan.—Luc. 2:22-24; Lev. 12:1-8.
Si Maria ba’y umakyat sa langit na taglay ang kaniyang katawang laman?
Bilang komento sa kapahayagang ginawa ni Papa Pius XII noong 1950 na nagpatibay sa doktrinang ito bilang opisyal na bahagi ng turong Katoliko, ang New Catholic Encyclopedia (1967, Tomo I, p. 972) ay nagsasabi: “Walang tiyakang pagbanggit sa Maluwalhating Pag-akyat sa Bibliya, nguni’t idinidiin ng Papa sa proklamasyon na ang Kasulatan ang siyang tunay na saligan ng katotohanang ito.”
Sinasabi ng Bibliya mismo: “Ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos: at ang kasiraan ay hindi makapagmamana ng walang kasiraan.” (1 Cor. 15:50, JB) Sinabi ni Jesus na “ang Diyos ay espiritu.” Noong binuhay-muli si Jesus siya’y naging espiritu muli, isang “nagbibigay-buhay na espiritu.” Ang mga anghel ay mga espiritu. (Juan 4:24; 1 Cor. 15:45; Heb. 1:13, 14, JB) Nasaan kung gayon ang maka-Kasulatang saligan upang sabihin na may makapagkakamit ng makalangit na buhay sa isang katawan na nangangailangan ng pisikal na kapaligiran ng lupa upang ito’y panatilihing buháy? (Tingnan ang mga pahina 273-276 sa ilalim ng “Pagkabuhay-Muli.”)
Wasto bang ipatungkol ang mga panalangin kay Maria bilang tagapamagitan?
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Dapat kayong manalangin ng ganito: ‘Ama Namin sa langit . . . ’ ” Sinabi rin niya: “Ako ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Walang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko. . . . Kung kayo’y hihingi ng anoman sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin.”—Mat. 6:9; Juan 14:6, 14, JB; idinagdag namin ang mga pahilis.
Ang mga panalangin ba sa Ama sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay tatanggapin na may gayon ding unawa at habag kagaya ng kung ang mga ito’y ipatungkol sa isa na nagkaroon ng karanasan bilang babae? Tungkol sa Ama, sinasabi sa atin ng Bibliya: “Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayong naaawa si Yahweh sa mga natatakot sa kaniya; nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.” Siya’y “isang Diyos na mapagmahal at mahabagin, banayad sa pagkagalit, sagana sa kabaitan at katapatan.” (Awit 103:13, 14; Exo. 34:6, JB) At tungkol kay Kristo ay nasusulat: “Tayo’y walang isang mataas na saserdote na hindi marunong mahabag sa ating mga kahinaan; kundi isa na tinukso sa lahat ng paraan gaya rin naman natin, bagama’t wala siyang kasalanan. Kaya lumapit tayong may pananalig sa luklukan ng biyaya, upang tumanggap ng awa sa kaniya at makasumpong ng biyaya kapag nangangailangan ng tulong.”—Heb. 4:15, 16, JB.
Ang pag-uukol ba ng pagsamba sa mga imahen ni Maria ay kasuwato ng Kristiyanismo ng Bibliya?
Ang paggawa nito ay hinimok ng Vatican II (1962-1965). “Ang kabanalbanalang Synod na ito . . . ay nagpapayo sa lahat ng mga anak ng Iglesiya na ang kulto, lalo na ang sa liturhiya, ng Pinagpalang Birhen, ay buong-lugod na pagyamanin. Nag-uutos ito na ang mga gawain at kaugalian ng debosyon sa kaniya ay pagyamanin gaya ng inirerekumenda sa nagdaang mga siglo ng awtoridad ng Iglesiya, at na yaong mga utos na ipinanaog noong unang panahon tungkol sa pag-uukol ng pagsamba sa mga imahen ni Kristo, ng Mapagpalang Birhen, at ng mga santo, ay dapat na buong-ingat na tuparin.”—The Documents of Vatican II, p. 94, 95.
Para sa sagot ng Bibliya, tingnan ang “Mga Imahen,” mga pahina 178-183.
Si Maria ba’y binigyan ng pantanging karangalan sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo?
Siya’y hindi man lamang binanggit sa kinasihang mga sulat ni apostol Pedro. Si apostol Pablo ay hindi gumamit ng kaniyang pangalan sa kaniyang kinasihang mga sulat kundi tumukoy lamang sa kaniya bilang “isang babae.”—Gal. 4:4.
Anong halimbawa ang ibinigay mismo ni Jesus sa pagtukoy sa kaniyang ina?
Juan 2:3, 4, JB: “Nang magkulang ang alak [sa isang kasalan sa Cana], sapagka’t ang alak na nakalaan sa kasalan ay naubos, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, ‘Wala silang alak’. Sinabi ni Jesus, ‘Babae, bakit mo ako binabagabag [“ano ang kaugnayan nito sa akin at sa iyo,” Dy]? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.’ ” (Nang si Jesus ay bata pa ay napasakop siya sa kaniyang ina at sa kaniyang ama-amahan. Nguni’t ngayong maygulang na siya ay kaniyang may kabaitan subali’t may katatagang tinanggihan ang utos ni Maria. Buong kapakumbabaang tinanggap ni Maria ang pagtutuwid.)
Luc. 11:27, 28, JB: “At nangyari, na samantalang siya’y [si Jesus] nagsasalita, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi, ‘Maligaya ang bahay-batang sa iyo’y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan! ’ Nguni’t siya’y sumagot, ‘Lalong maliligaya ang nangakikinig ng salita ng Diyos at ito’y ginaganap! ’ ” (Magandang pagkakataon sana ito upang bigyan ng pantanging karangalan ang kaniyang ina kung ito’y angkop. Nguni’t hindi niya ito ginawa.)
Ano ang makasaysayang mga pinagmulan ng pag-uukol sa pagsamba kay Maria?
Sinasabi ng paring Katoliko na si Andrew Greeley: “Si Maria ang isa sa pinaka-makapangyarihang relihiyosong simbolo sa kasaysayan ng Kanluraning daigdig . . . Iniuugnay ng simbolo ni Maria ang Kristiyanismo sa sinaunang mga relihiyon ng mga inang diyosa.”—The Making of the Popes 1978 (E.U.A., 1979), p. 227.
Kapunapuna ang dako kung saan pinagtibay ang turo na si Maria ang Ina ng Diyos. “Ang Konseho ng Efeso ay nagtipon-tipon sa basilica ng Theotokos noong 431. Doon, higit kaysa sa ibang dako, sa isang lunsod na kilala dahil sa kaniyang debosyon kay Artemis, o Diana sa mga Romano, na doon sinasabing nahulog mula sa langit ang kaniyang imahen, sa lilim ng dakilang templo na nakaalay sa Magna Mater mula noong 330 B.C. na, ayon sa tradisyon, ay kinaroroonan ng pansamantalang tirahan ni Maria, ang titulong ‘Nagluwal sa Diyos’ ay hindi maaaring di tanggapin.”—The Cult of the Mother-Goddess (Nueba York, 1959), E. O. James, p. 207.
Kung May Magsasabi—
‘Naniniwala ba kayo kay Birheng Maria?’
Maaari kayong sumagot: ‘Maliwanag na sinasabi ng Banal na Kasulatan na ang ina ni Jesu-Kristo ay isang birhen, at pinaniniwalaan namin ito. Ang Diyos ang kaniyang Ama. Ang batang isinilang ay tunay na Anak ng Diyos, tulad ng sinabi ng anghel kay Maria. (Luc. 1:35)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Nguni’t naisip ba ninyo kung bakit mahalaga na si Jesus ay isilang sa gayong paraan? . . . Walang ibang paraan upang maglaan ng isang pantubos na makapagpapalaya sa atin mula sa kasalanan at kamatayan.—1 Tim. 2:5, 6; at marahil ang Juan 3:16.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Opo, naniniwala kami. Ang lahat ng sinasabi ng Banal na Kasulatan tungkol sa kaniya ay aming pinaniniwalaan, at tiyakang sinasabi nito na siya’y isang birhen nang isilang niya si Jesus. Nagustuhan ko rin ang ibang sinasabi nito hinggil kay Maria pati na rin ang mga aral na mapupulot natin mula sa kaniya. (Gamitin ang materyal sa pahina 232.)’
‘Hindi kayo naniniwala kay Birheng Maria’
Maaari kayong sumagot: ‘Alam ko na may mga taong ayaw maniwala na ang Anak ng Diyos ay ipinanganak ng isang birhen. Nguni’t talagang pinaniniwalaan namin ito. (Buksan ang isa sa mga aklat natin sa isang pahinang tumatalakay sa bagay na ito at ipakita sa maybahay.)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Nguni’t mayroon pa bang kailangan upang magtamo ng kaligtasan? . . . Pansinin ang sinabi ni Jesus sa panalangin sa kaniyang Ama. (Juan 17:3)’