Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nang tagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na “magpahiram nang walang patubo, na hindi umaasa ng anumang kapalit,” ibig ba niyang sabihin na hindi na dapat singilin pati ang puhunan?
Mas mauunawaan ang mga salita ni Jesus sa Lucas 6:35 kung isasaisip ang Kautusang Mosaiko. Iniutos doon ng Diyos sa mga Israelita na magpahiram nang walang patubo sa kapuwa nila Israelita na nagigipit sa pera at nangangailangan ng tulong. (Exodo 22:25; Levitico 25:35-37; Mateo 5:42) Ang mga pautang na ito ay hindi pangnegosyo, o pangkalakal. Sa halip, ang gayong mga pautang nang walang patubo ay para makaraos sa karukhaan o kasawian. Tutal, sobrang kawalan naman ng pag-ibig na pagkakitaan pa ang biglang paghihirap sa kabuhayan ng kapuwa. Magkagayunman, dapat namang maibalik sa taong nagpautang ang kaniyang puhunan, at kumukuha pa nga siya kung minsan ng panagot (sangla sa pautang).—Deuteronomio 15:7, 8.
Samantalang ikinakapit ni Jesus ang Kautusan, pinalawak pa niya ang saklaw nito, anupat sinasabing hindi dapat umasa “ng anumang kapalit” ang nagbibigay ng tulong. Tulad ng mga Israelita, ang mga Kristiyano kung minsan ay dumaranas ng biglang paghihirap sa kabuhayan o iba pang pangyayari kung kaya sila ay naghihikahos, nagdaralita pa nga. Kung hihingi ng pinansiyal na tulong ang isang Kristiyanong kapatid na nasa gayong kagipitan, hindi ba’t isang kabaitan na tulungan siya? Sa katunayan, pakikilusin ng tunay na pag-ibig ang isang kapuwa Kristiyano na naising tulungan ang isang kapatid na kinapos sa pinansiyal dahil sa mga bagay na hindi niya makontrol. (Kawikaan 3:27) Baka makapagbigay ang isa ng kaloob sa gayong nangangailangang kapatid, bagaman mas maliit ang halaga nito kaysa sa maipauutang.—Awit 37:21.
Noong unang siglo C.E., inatasan sina apostol Pablo at Bernabe na dalhin ang mga donasyon ng mga Kristiyano sa Asia Minor para sa mga kapatid sa Judea dahil sa taggutom. (Gawa 11:28-30) Sa katulad na paraan sa ngayon, kapag may sumapit na kasakunaan, kadalasang nagpapadala ng mga kaloob ang mga Kristiyano sa kanilang nangangailangang mga kapatid. Sa paggawa nito, nagbibigay rin sila ng mainam na patotoo sa iba. (Mateo 5:16) Sabihin pa, dapat isaalang-alang ang saloobin at kalagayan ng nanghihingi ng tulong. Bakit niya kailangan ng tulong? Kapansin-pansin ang mga salita ni Pablo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.”—2 Tesalonica 3:10.
Kung ang kapatid na umuutang ay hindi naman nagigipit subalit nangangailangan lamang ng pansamantalang tulong upang makabangon matapos ang biglang paghihirap sa pinansiyal, angkop naman na pahiramin siya nang walang patubo. Sa gayong mga kalagayan, hindi salungat sa mga salita ni Jesus sa Lucas 6:35 ang pagpapautang na umaasang mababayaran ang buong halaga. Dapat isulat ang kasunduan, at dapat puspusang magsikap ang umutang upang mabayaran ang hiniram ayon sa pinagkasunduan. Oo, dapat maudyukan ng Kristiyanong pag-ibig ang nangutang upang bayaran ang kaniyang hiniram kung paanong naudyukan din nito na magpahiram ang nagpautang.
Kailangan ding suriin ng nagbabalak magpautang (o magbigay ng kaloob) ang kalagayan ng sarili niyang pamilya. Halimbawa, mailalagay ba niya sa alanganin ang kaniyang kakayahang maglaan para sa pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya niya, na siyang dapat unahin ayon sa Kasulatan? (2 Corinto 8:12; 1 Timoteo 5:8) Gayunman, naghahanap ng mga pagkakataon ang mga Kristiyano para magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa, anupat nagpapahayag ng ganiyang pag-ibig sa praktikal na mga paraang kasuwato ng mga simulain ng Bibliya.—Santiago 1:27; 1 Juan 3:18; 4:7-11.