Saan Ka ba Nagtatayo—Sa Buhanginan o sa Bato?
NASISIYAHAN ka ba sa pagbabasa ng Bibliya? Naglalaan ka rin ba ng panahon para regular na makipag-aral ng Bibliya sa isang Saksi ni Jehova? Kung oo, walang-alinlangan na nakatulong sa iyo ang nakuha mong kaalaman para higit na maunawaan kung bakit punung-puno ng problema ang daigdig na ito. (Apocalipsis 12:9, 12) Bukod pa riyan, maraming teksto sa Bibliya ang nakaaaliw sa iyo sa mga panahong nakararanas ka ng mga problema at nagbibigay sa iyo ng pag-asa sa hinaharap.—Awit 145:14; 147:3; 2 Pedro 3:13.
Ang pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Bibliya ay isang napakahalagang hakbang para sa mga nagnanais maging tagasunod ni Kristo. Pero ito lamang ba ang dapat gawin? Hindi. Para manatiling isang tunay na Kristiyano—lalo na kapag nasusubok ang pananampalataya ng isa—may kailangan pang gawin ang isang estudyante ng Bibliya. Ano iyon? Para malaman ang sagot, isaalang-alang natin sandali ang Sermon sa Bundok na ipinahayag ni Jesus sa bundok ng Galilea.—Mateo 5:1, 2.
Ilustrasyon Tungkol sa Dalawang Bahay
Pamilyar ka ba sa nilalaman ng Sermon sa Bundok? Mababasa mo ang tanyag na pahayag na ito sa Ebanghelyo nina Mateo at Lucas. (Mateo 5:1–7:29; Lucas 6:20-49) Kailangan mo lamang ng 20 minuto para mabasa ang buong sermon. Gayunman, naglalaman ito ng mahigit 20 pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan at mahigit 50 tayutay (figure of speech). Ang isa sa mga tayutay—tungkol sa pagtatayo ng dalawang bahay—ay namumukod-tangi dahil ginamit ito ni Jesus bilang konklusyon sa kaniyang pahayag. Kung nauunawaan mo ang kahulugan ng ilustrasyong iyon, matutulungan ka nitong manatiling matatag bilang tagasunod ni Kristo anumang pagsubok sa pananampalataya ang mapaharap sa iyo.
Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na dumirinig sa mga pananalita kong ito at nagsasagawa ng mga iyon ay itutulad sa isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak. At ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon, ngunit hindi ito gumuho, sapagkat ito ay itinatag sa ibabaw ng batong-limpak. Karagdagan pa, ang bawat isa na nakaririnig sa mga pananalita kong ito at hindi nagsasagawa ng mga iyon ay itutulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. At ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon at ito ay gumuho, at ang pagbagsak nito ay matindi.”—Mateo 7:24-27.
Isang Tao ang ‘Naghukay at Pinalalim Ito’
Anong mahalagang katotohanan ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad gamit ang ilustrasyong ito tungkol sa dalawang tagapagtayo? Para malaman iyon, suriin nating mabuti ang mga sinabi ni Jesus. Ano ang napansin mo sa dalawang bahay? Parehong binagyo ang mga ito. Maaaring pareho ang hitsura ng mga bahay. Maaari ding itinayo ito sa iisang lugar—baka magkatabi pa nga. Gayunman, itinayo ang isa sa buhanginan, at ang isa naman ay sa ibabaw ng bato. Paano nangyari iyan? Dahil tulad ng binanggit sa Ebanghelyo ni Lucas, ang taong maingat ay “humukay at pinalalim” ito upang maabot ang batong bahagi ng lupa. (Lucas 6:48) Bilang resulta, nanatiling matatag ang bahay ng taong maingat.
Anong punto ang gustong idiin ni Jesus? Inilahad ni Jesus ang ilustrasyon para idiin, hindi ang hitsura o ang lokasyon ng bahay ni ang tindi ng bagyo, kundi ang ginawa ng mga tagapagtayo. Naghukay nang malalim ang isa, samantalang ang isa ay hindi. Paano mo matutularan ang taong maingat na naghukay nang malalim? Binanggit ni Jesus sa maikli ang punto ng ilustrasyon: “Bakit nga ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na sinasabi ko? Ang bawat isa na lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at nagsasagawa ng mga iyon, ipakikita ko sa inyo kung sino ang tulad niya: Siya ay tulad ng isang tao . . . na humukay at pinalalim at naglatag ng pundasyon sa ibabaw ng batong-limpak.”—Lucas 6:46-48.
Totoo, ang basta pakikinig lamang sa mga turo ng Bibliya o pagbabasa ng Bibliya sa tahanan ay tulad ng pagtatayo ng bahay sa buhanginan—hindi kailangang maghukay. Pero para makapamuhay ayon sa mga turo ni Kristo, kailangan ng malaking pagsisikap at determinasyon. Kailangang maghukay nang malalim hanggang sa maabot ang batong bahagi ng lupa.
Kaya nga, ang paninindigan mong matatag bilang tagasunod ni Kristo ay nakadepende kung ikinakapit mo ang iyong naririnig o hindi. Kapag ikinakapit mo sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay ang mga natututuhan mo sa pag-aaral ng Bibliya, tulad ka ng isang taong maingat na naghukay nang malalim. Samakatuwid, bawat estudyante ng Bibliya ay dapat na huminto sandali at tanungin ang kaniyang sarili: ‘Ako ba ay isang tagapakinig, o tagatupad? Binabasa ko lamang ba ang Bibliya at pinag-aaralan ito, o sinusunod ko ang mga utos ng Bibliya kapag gumagawa ako ng mga pagpapasiya?’
Mga Pakinabang ng ‘Paghuhukay Nang Malalim’
Isaalang-alang ang halimbawa ni José. Mula pagkabata, tinuruan siya ng kaniyang mga magulang na igalang ang mga pamantayang moral ng Bibliya, pero hindi niya personal na pinag-aralan ang Salita ng Diyos. “Nang magsarili na ako,” ang sabi ni José, “sinikap kong maging mabuting tao, pero napabarkada ako sa masasamang kasama. Nagsimula akong gumamit ng droga, makipagtalik sa mga babae, at palagi akong nakikipag-away.”
Nang maglaon, ipinasiya ni José na magbagong-buhay at taimtim niyang pinag-aralan ang Bibliya. “Talagang naganyak akong magbago nang mabasa ko at maunawaan ang Sermon sa Bundok na inilahad ni Jesus,” ang sabi ni José. “Pero nangailangan ng panahon para mabago ko ang aking personalidad at paraan ng pamumuhay. Noong una, natatakot ako sa iisipin sa akin ng mga ‘kaibigan’ ko, pero napagtagumpayan ko ang takot na iyon. Huminto ako sa pagsisinungaling at sa paggamit ng malalaswang pananalita, at nagsimula akong dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Natutuhan ko, gaya ng ipinangako ni Jesus, na ang pamumuhay nang simple at ang pagkakapit sa mga payo ng Bibliya ay talagang nagdudulot ng namamalaging kaligayahan.”—Mateo 5:3-12.
Ano ang mga pakinabang kapag naghuhukay ka nang malalim para makapagtayo sa bato—samakatuwid nga, kapag masikap mong ikinakapit ang nababasa mo sa Salita ng Diyos? Sinabi ni Jesus: “Nang dumating ang baha, ang ilog ay humampas sa bahay na iyon, ngunit hindi sapat ang lakas upang yanigin ito, dahil mahusay ang pagkakatayo nito.” (Lucas 6:48) Tunay nga, kung nagtatayo ka nang mahusay sa pamamagitan ng pagkakapit ng iyong natututuhan, ang iyong pananampalataya ay hindi masisira ng tulad-bagyong mga pagsubok ni mayayanig man ito. Talagang nakaaaliw ngang isipin ito!
Binanggit ng alagad na si Santiago, kapatid sa ina ni Jesus, ang isa pang pagpapala para sa mga estudyante ng Bibliya na hindi lamang tagapakinig kundi tagatupad din ng nasusulat na Salita ng Diyos. Isinulat ni Santiago: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang . . . Siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay hindi isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”—Santiago 1:22-25.
Tiyak na ang mga nagkakapit sa payo ng Bibliya ay tunay na maligaya. Ang gayong kaligayahan naman ang tutulong sa mga tagasunod ni Kristo para tumayong matatag laban sa tulad-bagyong mga problema na sumusubok sa kanilang pananampalataya at sa pagiging wagas ng kanilang debosyon sa Diyos.
Ano ang Gagawin Mo?
Nang ilahad ni Jesus ang Sermon sa Bundok, idiniin niya na sa paglilingkod sa Diyos na Jehova, kailangan nating pumili. Halimbawa, itinuro ni Jesus na ang isang tao ay nagtataglay ng alinman sa simpleng mata o balakyot na mata, na nagpapaalipin siya sa Diyos o sa kayamanan, na naglalakad siya sa makipot na daan o sa malapad na daan. (Mateo 6:22-24; 7:13, 14) Pagkatapos, sa konklusyon ni Jesus tungkol sa ilustrasyon ng dalawang tagapagtayo, nagbigay siya sa kaniyang mga tagasunod ng isa pang pagpipilian: Kumilos gaya ng isang taong maingat o gaya ng isang taong mangmang.
Kapag patuloy mong ikinakapit nang buong puso ang iyong natututuhan mula sa pag-aaral ng Bibliya, kumikilos ka nang maingat. Oo, ang paghuhukay nang malalim para makapagtayo sa ibabaw ng bato ay magdudulot ng pagpapala sa iyo ngayon at sa hinaharap.—Kawikaan 10:25.
[Mga larawan sa pahina 30]
Ang ating pagiging matatag ay nakadepende kung ikinakapit natin ang ating natututuhan