Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pinawi ni Jesus ang Dalamhati ng Isang Biyuda
PAGKATAPOS pagalingin ang utusan ng opisyal ng hukbo, si Jesus ay umalis patungong Nain, isang lunsod na mahigit 20 milya (32 km) sa timog-kanluran ng Capernaum. Ang kaniyang mga alagad at isang malaking pulutong ang sumama sa kaniya. Marahil ay maggagabi na nang dumating sila sa labas ng bayan ng Nain, kung saan nakasalubong nila ang isang prosesyon ng libing. Ang bangkay ng isang binata ay binubuhat palabas ng lunsod upang ilibing.
Ang kalagayan ng ina ay totoong kalunus-lunos, yamang siya ay isang biyuda at ito ang kaniyang kaisa-isang anak. Nang mamatay ang kaniyang asawa, siya ay naaliw ng bagay na may naiwan sa kaniya na isang anak na lalaki. Ang kaniyang mga pag-asa, hangarin, at mga ambisyon ay pawang nakasentro sa kinabukasan ng kaniyang anak. Subalit ngayon ay wala nang aaliw sa kaniya. Gayon na lamang katindi ang kaniyang dalamhati habang ang mga taong-bayan ay sumasama sa kaniya sa dakong paglilibingan.
Nang makita ni Jesus ang babae, ang kaniyang puso ay naantig ng kaniyang labis na kalungkutan. Kaya buong kabaitan, gayunma’y may katatagan na nagbibigay ng pagtitiwala, sinabi niya sa babae: “Huwag kang tumangis.” Ang kaniyang pamamaraan at pagkilos ay nakatawag-pansin sa karamihan. Kaya nang siya ay lumapit at hinipo ang kabaong ng patay, ang mga nagdadala ay tumigil. Ang lahat marahil ay nagtataka kung ano ang gagawin niya.
Totoo na nakita niyaong mga kasama ni Jesus na makahimalang pinagaling niya ang maraming tao sa kanilang mga karamdaman. Subalit maliwanag na hindi pa nila nakita siya na nagbangon ng sinuman mula sa mga patay. Magagawa kaya niya ang gayong bagay? Pinatutungkol sa bangkay, si Jesus ay nagsabi: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka!” At ang binata ay naupo! Siya ay nagsimulang magsalita, at siya’y ibinigay sa kaniyang ina.
Nang makita ng mga tao na ang binata ay talagang buháy, sila’y nagsabi: “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta.” Ang iba ay nagsabi: “Ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa kaniyang bayan.” Karakarakang ang balita tungkol sa kahanga-hangang gawang ito ay kumalat sa buong Judea at sa buong palibot ng lupain.
Si Juan Bautista ay nasa bilangguan pa. Subalit ibinalita ng kaniyang mga alagad sa kaniya ang tungkol sa lahat ng mga bagay na nakita nilang ginagawa ni Jesus. Ano ang tugon ni Juan? At ano ang tugon ng marami pang iba sa mga lugar na kung saan isinagawa ni Jesus ang kaniyang mga himala? Sasagutin iyan ng aming susunod na labas. Lucas 7:11-18.
◆ Ano ang nangyayari habang palapit si Jesus sa Nain?
◆ Paano naapektuhan si Jesus ng kaniyang nakita, at ano ang ginawa niya?
◆ Paano tumugon ang mga tao sa himala ni Jesus?