PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Lucas 1:37—“Sapagkat Walang Anumang Bagay na Hindi Kayang Gawin ng Diyos”
“Dahil walang sinabi ang Diyos na hindi niya kayang gawin.”—Lucas 1:37, talababa sa Bagong Sanlibutang Salin.
“Sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”—Lucas 1:37, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Lucas 1:37
Kayang gawin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ang imposible para sa mga tao. Walang makakapigil sa kaniya na gawin ang mga sinabi o ipinangako niya.
Dahil laging nagkakatotoo ang mga sinasabi ng Diyos na Jehova,a ang Lucas 1:37 sa orihinal na tekstong Griego ay puwede ring isalin na “Hindi mabibigo ang mga pangako ng Diyos” o “Para sa Diyos, walang imposible.” Kapareho ito ng saligang katotohanan na walang sinabi o ipinangako ang Diyos na hindi matutupad, dahil walang imposible sa kaniya.—Isaias 55:10, 11.
Makikita rin sa ibang teksto sa Bibliya ang katulad na mga pananalita tungkol sa mga pangako ng Diyos. Halimbawa, gamit ang anghel, inihula ni Jehova na magdadalang-tao ang asawa ni Abraham na si Sara kahit baog at matanda na ito. Sinabi pa ng Diyos: “May imposible ba kay Jehova?” (Genesis 18:13, 14) Pagkatapos pag-isipan ni Job ang mga nilalang ng Diyos, sinabi niya: “Lahat ng naiisip mong gawin ay hindi imposible para sa iyo.” (Job 42:2) At nang mag-alala ang mga tagasunod ni Jesus kung magagawa kaya nila ang mga pamantayan ng Diyos para maligtas, ipinaalala ni Jesus sa kanila na “sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay.”—Mateo 19:25, 26.b
Konteksto ng Lucas 1:37
Ang anghel na si Gabriel ang nagsasalita sa Lucas 1:37. Sinabi niya ito sa birheng Judio na si Maria. Kakasabi lang noon ni Gabriel kay Maria na ipapanganak niya ang “Anak ng Kataas-taasan,” at na ‘papangalanan itong Jesus.’ Ito ang magiging Hari ng Kaharian ng Diyos, na mamamahala magpakailanman.—Lucas 1:26-33; Apocalipsis 11:15.
Tinanong ni Maria kung paano ito mangyayari kasi ‘wala pa siyang asawa’ at hindi pa nakipagtalik sa isang lalaki. (Lucas 1:34, 35) Sinabi ni Gabriel na gagamitin ng Diyos ang banal na espiritu, o aktibong puwersa Niya. Isang espiritung nilalang pa noon si Jesus sa langit. Kaya ginamit ni Jehova ang banal na espiritu para ilagay ang buhay ng Anak niya sa sinapupunan ni Maria. (Juan 1:14; Filipos 2:5-7) Dahil doon, makahimala siyang nagdalang-tao. Para patibayin ang pananampalataya ni Maria sa kakayahan ng Diyos, sinabi ng anghel sa kaniya na isang anak na lalaki ang ipinagbubuntis ng kamag-anak niyang si Elisabet “kahit matanda na siya.” Baog si Elisabet kaya wala silang anak ng asawa niyang si Zacarias. (Lucas 1:36) Si Juan Bautista ang naging anak nila, at inihula rin ni Jehova ang mga gagawin niya.—Lucas 1:10-16; 3:1-6.
Nang sabihin ni Gabriel ang mga salita sa Lucas 1:37, posibleng iniisip niya sina Maria at Elisabet. Tinitiyak ng mga salitang ito sa mga lingkod ni Jehova ngayon na lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. Kasama na rito ang pangako niyang aalisin ang lahat ng gobyerno ng tao at papalitan ng Kaharian ng Diyos, na pamamahalaan ng Anak niyang si Jesu-Kristo.—Daniel 2:44; 7:13, 14.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Lucas.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
b Makikita ang iba pang katulad na pananalita sa Bilang 23:19; Josue 21:45; 1 Hari 8:56; Job 37:5; Awit 135:6; Jeremias 32:17; Daniel 4:35.