KABANATA 8
Mga Ministro ng Mabuting Balita
BINIGYAN tayo ni Jehova ng isang perpektong huwaran—ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Ped. 2:21) Kapag ang isang tao ay naging tagasunod ni Jesus, ipangangaral niya ang mabuting balita bilang ministro ng Diyos. Para ipakitang nakagiginhawa ito sa espirituwal, sinabi ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba, at magiginhawahan kayo.” (Mat. 11:28, 29) Hindi nabigo ang mga tumugon sa paanyayang iyon!
2 Bilang Punong Ministro ng Diyos, inanyayahan ni Jesus ang ilan na maging tagasunod niya. (Mat. 9:9; Juan 1:43) Sinanay niya sila sa ministeryo at isinugo para gawin ang ginagawa niya. (Mat. 10:1–11:1; 20:28; Luc. 4:43) Nang maglaon, isinugo niya ang 70 iba pa para maghayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Luc. 10:1, 8-11) Sinabi niya sa kanila: “Ang sinumang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin. At sinumang hindi tumatanggap sa inyo ay hindi rin tumatanggap sa akin. Isa pa, sinumang hindi tumatanggap sa akin ay hindi rin tumatanggap sa nagsugo sa akin.” (Luc. 10:16) Idiniin dito ni Jesus kung gaano kaseryoso ang pananagutan ng mga alagad. Kakatawanin nila si Jesus at ang Kataas-taasang Diyos! Ganiyan din ang magiging pananagutan ng lahat ng tutugon sa paanyaya ni Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” (Luc. 18:22; 2 Cor. 2:17) Sila ay binigyan ng Diyos ng atas na ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian at gumawa ng mga alagad.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
3 Dahil tinanggap natin ang paanyaya ni Jesus na maging tagasunod niya, pinagpala tayo na “makilala” ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. (Juan 17:3) Itinuro sa atin ang mga daan ni Jehova. Sa tulong niya, nabago natin ang ating pag-iisip, naisuot ang bagong personalidad, at naiayon ang ating paggawi sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. (Roma 12:1, 2; Efe. 4:22-24; Col. 3:9, 10) Napakilos tayo ng ating taos-pusong pagpapahalaga na ialay ang ating buhay kay Jehova at sagisagan ito ng bautismo sa tubig. Nang bautismuhan tayo, naging mga ordenadong ministro tayo.
4 Laging tandaan na dapat tayong maglingkod sa Diyos nang may dalisay na puso at nang walang-sala. (Awit 24:3, 4; Isa. 52:11; 2 Cor. 6:14–7:1) Dahil sa pananampalataya kay Jesu-Kristo, nagkaroon tayo ng malinis na konsensiya. (Heb. 10:19-23, 35, 36; Apoc. 7:9, 10, 14) Pinasigla ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos para hindi sila makatisod. Idiniin ni apostol Pedro na mahalagang maging huwaran sa paggawi para makumbinsi sa katotohanan ang mga di-sumasampalataya. (1 Cor. 10:31, 33; 1 Ped. 3:1) Paano mo matutulungan ang isa na maging ministro ng mabuting balita gaya natin?
MGA BAGONG MAMAMAHAYAG
5 Sa pasimula pa lang ng pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang interesado, pasiglahin na siyang sabihin sa iba ang kaniyang natututuhan. Puwede niya itong sabihin sa di-pormal na paraan sa kaniyang mga kamag-anak, kaibigan, katrabaho, at iba pa. Mahalagang hakbang ito sa pagtuturo sa mga baguhan na maging mga tagasunod ni Jesu-Kristo bilang ministro ng mabuting balita. (Mat. 9:9; Luc. 6:40) Habang ang baguhan ay sumusulong sa espirituwal at nasasanay sa di-pormal na pagpapatotoo, tiyak na gugustuhin niyang makibahagi sa ministeryo sa larangan.
PAG-ABOT SA MGA KAHILINGAN
6 Bago anyayahan ang isa na magbahay-bahay sa unang pagkakataon, tiyaking nakaaabót siya sa mga kuwalipikasyon. Ang isang indibidwal na sumasama sa atin sa paglilingkod sa larangan ay makikilala na kabilang sa mga Saksi ni Jehova. Kaya inaasahang namumuhay na siya kaayon ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova at maaari nang maging isang di-bautisadong mamamahayag.
7 Habang nagdaraos ka ng pag-aaral sa isang estudyante at tinatalakay ang mga prinsipyo sa Bibliya, malamang na nakikita mo ang kaniyang kalagayan. Baka naobserbahan mo na isinasabuhay niya ang mga natututuhan niya. Pero may ilang aspekto pa sa buhay niya na kailangang ipakipag-usap ng mga elder sa inyong dalawa.
8 Isasaayos ng koordineytor ng lupon ng matatanda na dalawang elder (ang isa ay miyembro ng komite sa paglilingkod) ang makipag-usap sa inyo tungkol sa mga bagay na ito. Sa mga kongregasyong kakaunti ang elder, puwede itong gampanan ng isang elder at isang kuwalipikadong ministeryal na lingkod. Dapat sikapin ng napiling mga brother na makausap kayo agad. Sa katunayan, kung sa panahon ng pulong ipinaalám sa mga elder ang pagnanais ng estudyante, baka posible na nila kayong kausapin pagkatapos ng pulong. Hindi kailangang napakapormal ng pag-uusap. Bago aprobahan ang isang estudyante na maging di-bautisadong mamamahayag, dapat na naaabot niya ang sumusunod na mga kuwalipikasyon:
(1) Naniniwala siyang ang Bibliya ay Salita ng Diyos.—2 Tim. 3:16.
(2) Alam at pinaniniwalaan niya ang pangunahing mga turo sa Kasulatan para kapag tinanong siya, kaayon ng Bibliya ang sagot niya at hindi batay sa huwad na mga relihiyosong turo o sariling mga ideya.—Mat. 7:21-23; 2 Tim. 2:15.
(3) Sinusunod niya ang utos ng Bibliya na makisama sa bayan ni Jehova sa mga pulong ng kongregasyon kung nasa kalagayan siyang gawin iyon.—Awit 122:1; Heb. 10:24, 25.
(4) Alam niya kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa seksuwal na imoralidad, kasama na rito ang pangangalunya, poligamya, at homoseksuwalidad, at namumuhay siya kaayon ng mga turong iyon. Kung ang isa ay may kinakasamang di-kasekso at hindi niya ito kamag-anak, dapat silang legal na ikasal.—Mat. 19:9; 1 Cor. 6:9, 10; 1 Tim. 3:2, 12; Heb. 13:4.
(5) Sinusunod niya ang pagbabawal ng Bibliya sa paglalasing at iniiwasan ang di-medikal na paggamit ng natural o sintetikong mga substansiya na nakakaadik o nakaaapekto sa isip.—2 Cor. 7:1; Efe. 5:18; 1 Ped. 4:3, 4.
(6) Nakikita niya ang kahalagahan ng pag-iwas sa masasamang kasama.—1 Cor. 15:33.
(7) Lubusan na niyang pinutol ang kaugnayan niya sa lahat ng huwad na relihiyosong organisasyon na marahil ay dati niyang kinaaaniban. Hindi na siya dumadalo sa kanilang mga pagtitipon at hindi na nakikibahagi o sumusuporta sa kanilang mga gawain.—2 Cor. 6:14-18; Apoc. 18:4.
(8) Hindi siya nakikisangkot sa anumang politikal na gawain ng sanlibutan.—Juan 6:15; 15:19; Sant. 1:27.
(9) Nananatili siyang neutral at hindi nakikisangkot sa alitan ng mga bansa.—Isa. 2:4.
(10) Talagang gusto niyang maging isang Saksi ni Jehova.—Awit 110:3.
9 Kung hindi sigurado ang mga elder sa nadarama ng estudyante sa alinman sa mga bagay na ito, dapat nila siyang tanungin, at puwede nilang gamitin ang nabanggit na mga teksto. Mahalagang maunawaan niya na ang mga sumasama sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay dapat mamuhay kaayon ng nabanggit na makakasulatang mga kahilingan. Ang kaniyang mga sagot ay makatutulong sa mga elder na malaman kung nauunawaan niya ang inaasahan sa kaniya at kung sa makatuwirang antas ay kuwalipikado na siyang sumama sa ministeryo.
10 Dapat ipaalám agad ng mga elder sa estudyante kung kuwalipikado siya. Kadalasan na, puwede na itong sabihin bago matapos ang pag-uusap. Kung kuwalipikado siya, malugod siyang tatanggapin ng mga elder bilang isang mamamahayag. (Roma 15:7) Dapat siyang pasiglahin na makibahagi agad sa ministeryo at magbigay ng kaniyang ulat ng paglilingkod sa larangan tuwing katapusan ng buwan. Maaaring ipaliwanag ng mga elder na kapag ang isa ay naging kuwalipikado na maging di-bautisadong mamamahayag at nakapag-ulat na siya ng kaniyang paglilingkod sa larangan sa unang pagkakataon, gagawan siya ng Congregation’s Publisher Record at isasama ito sa file ng kongregasyon. Aalamin ng mga elder ang ilang impormasyon tungkol sa kaniya bilang bahagi ng pagiging organisado ng mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo at para makabahagi siya sa mga espirituwal na gawain at makatanggap ng espirituwal na tulong. Ipapaalaala rin ng mga elder sa bagong mamamahayag na ang personal na impormasyon niya ay gagamitin lang batay sa Global Data Protection Policy ng mga Saksi ni Jehova na makikita sa jw.org.
11 Ang pagsisikap na mas makilala ang bagong mamamahayag at pagpapakita ng personal na interes sa nagawa niya ay puwedeng magkaroon ng magandang epekto sa kaniya. Puwede siyang mapakilos nito na regular na mag-ulat ng kaniyang paglilingkod sa larangan at lalo pang paglingkuran si Jehova.—Fil. 2:4; Heb. 13:2.
12 Kapag nakita ng mga elder na kuwalipikado nang sumama sa ministeryo ang estudyante sa Bibliya, puwede na siyang magkaroon ng sariling kopya ng Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova. Sa una niyang pag-uulat ng paglilingkod sa larangan, magkakaroon ng maikling patalastas sa kongregasyon na siya ay isa nang di-bautisadong mamamahayag.
PAGTULONG SA MGA BATA
13 Ang mga bata ay puwede ring maging kuwalipikado bilang mamamahayag ng mabuting balita. Tinanggap ni Jesus ang mga bata at pinagpala sila. (Mat. 19:13-15; 21:15, 16) Ang mga magulang ang may pangunahing pananagutan sa kanilang mga anak, pero ang iba pa sa kongregasyon ay puwede ring makatulong sa mga bata na talagang gustong makibahagi sa pangangaral. Kung isa kang magulang, malaki ang magagawa ng magandang halimbawa mo sa ministeryo para mapasigla ang iyong mga anak na maging masigasig sa paglilingkod sa Diyos. Kapag ang isang batang huwaran sa paggawi ay napakilos ng puso niya na sabihin sa iba ang kaniyang paniniwala, paano pa siya matutulungan?
14 Makakabuting lumapit ang magulang sa isang elder na miyembro ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon at ipakipag-usap kung kuwalipikado nang maging isang mamamahayag ang anak niya. Isasaayos ng koordineytor ng lupon ng matatanda na dalawang elder (ang isa ay miyembro ng komite sa paglilingkod) ang makipag-usap sa bata at sa Saksing (mga) magulang o guardian nito. Kung alam ng bata ang pangunahing mga turo sa Bibliya at gusto niyang makibahagi sa ministeryo, ipinapakita niyang sumusulong siya. Matapos isaalang-alang ang mga bagay na ito at ang ilang bagay na pang-adulto, makikita ng dalawang elder kung puwede nang maging di-bautisadong mamamahayag ang bata. (Luc. 6:45; Roma 10:10) Kapag isang bata ang kakausapin, hindi na kailangang talakayin ang mga bagay na para lang sa mga adulto.
15 Sa pag-uusap na iyon, dapat komendahan ng mga elder ang bata dahil sa kaniyang pagsulong at pasiglahin siya na gawing tunguhin ang pagpapabautismo. Tiyak na nagsikap din nang husto ang mga magulang para maituro sa bata ang katotohanan kaya dapat din silang komendahan. Para mas maalalayan ang kanilang anak, dapat imungkahi ng mga elder sa mga magulang na basahin ang “Mensahe Para sa mga Kristiyanong Magulang,” sa pahina 179-181.
PAG-AALAY AT BAUTISMO
16 Ngayong kilala mo na si Jehova at ipinapakita mong mahal mo siya sa pamamagitan ng pag-abot sa mga kahilingan niya at pakikibahagi sa ministeryo, kailangan mong patibayin ang kaugnayan mo sa kaniya. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalay ng iyong sarili sa kaniya at pagpapabautismo sa tubig bilang sagisag nito.—Mat. 28:19, 20.
17 Ang pag-aalay ay nangangahulugan ng pagbubukod ng isang bagay para sa isang banal na layunin. Ang pag-aalay sa Diyos ay nangangahulugan ng paglapit sa kaniya sa panalangin at na taimtim mong ipinapangako na lalakad ka sa kaniyang mga daan at gagamitin mo ang iyong buhay para paglingkuran siya. Ibig sabihin, ibibigay mo kay Jehova ang iyong bukod-tanging debosyon magpakailanman. (Deut. 5:9) Ito ay isang personal at pribadong bagay. Walang sinuman ang puwedeng gumawa nito para sa iyo.
18 Pero hindi mo lang kay Jehova sasabihin na gusto mong maging pag-aari ka niya. Kailangan mo ring ipakita sa iba na nakapag-alay ka na sa Diyos. Maipapakita mo ito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig, gaya ng ginawa ni Jesus. (1 Ped. 2:21; 3:21) Kung nakapagpasiya ka nang paglingkuran si Jehova at gusto mong magpabautismo, ano ang dapat mong gawin? Dapat mo itong sabihin sa koordineytor ng lupon ng matatanda. Isasaayos niya na makipag-usap sa iyo ang ilang elder para matiyak na naaabot mo ang mga kahilingan ng Diyos para sa bautismo. Para sa karagdagang impormasyon, pakisuyong repasuhin ang “Mensahe Para sa Di-bautisadong Mamamahayag,” na nasa pahina 182-184 ng aklat na ito, at “Mga Tanong Para sa Gustong Magpabautismo,” sa pahina 185-207.
ULAT NG PAGSULONG SA MINISTERYO
19 Noon pa man, nakapagpapatibay na sa mga lingkod ni Jehova ang mga ulat ng pagsulong ng dalisay na pagsamba sa buong mundo. Mula nang sabihin ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na ang mabuting balita ay ipangangaral sa buong lupa, gustong-gusto nang makita ng tunay na mga Kristiyano kung paano ito matutupad.—Mat. 28:19, 20; Mar. 13:10; Gawa 1:8.
20 Masayang-masaya ang mga tagasunod ni Jesus noon na malaman ang mga ulat ng pagsulong sa gawaing pangangaral. (Mar. 6:30) Ayon sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa, mga 120 katao ang naroroon nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad noong Pentecostes 33 C.E. Di-nagtagal, dumami ang mga alagad at naging mga 3,000 at pagkatapos ay mga 5,000. Sinabi sa ulat na “sa araw-araw, patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova ang mga inililigtas niya” at na “marami ring saserdote ang nanampalataya.” (Gawa 1:15; 2:5-11, 41, 47; 4:4; 6:7) Tiyak na napatibay ang mga alagad dahil sa mga balitang ito ng pagsulong! Talagang napatibay sila ng mga ulat na ito na ipagpatuloy ang atas nila galing sa Diyos kahit may matinding pag-uusig dahil sa mga Judiong lider ng relihiyon!
21 Noong mga 60-61 C.E., iniulat ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas na ang mabuting balita ay “namumunga at lumalaganap sa buong sanlibutan” at “ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa.” (Col. 1:5, 6, 23) Masunurin sa Salita ang sinaunang mga Kristiyano, at pinalakas sila ng banal na espiritu para maisagawa ang napakalawak na gawaing pangangaral bago magwakas ang Judiong sistema noong 70 C.E. Talagang nakapagpapatibay ang gayong mga ulat sa tapat na mga Kristiyanong iyon!
Ginagawa mo ba ang buong makakaya mo para lubusang maisagawa ang ministeryo bago dumating ang wakas?
22 Ganiyan din sa organisasyon ni Jehova sa ngayon. Nag-iingat sila ng mga rekord tungkol sa gawaing binabanggit sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.” Bilang nakaalay na mga lingkod ng Diyos, apurahan ang ating gawain. Dapat nating gawin ang ating buong makakaya para lubusang makibahagi sa ministeryo bago dumating ang wakas. Titiyakin ni Jehova na matatapos ang gawaing ito, at kung makikibahagi tayo rito, makakamit natin ang pagsang-ayon niya.—Ezek. 3:18-21.
ANG IYONG ULAT NG PAGLILINGKOD SA LARANGAN
23 Ano ba ang dapat nating iulat? Makikita sa Field Service Report slip na inilaan ng organisasyon kung anong mga impormasyon ang dapat iulat. Pero makatutulong din ang sumusunod na mga paliwanag.
24 Sa “Placements (Printed and Electronic),” ilagay ang total na bilang ng publikasyon—nakaimprenta man o electronic—na naipamahagi mo sa mga hindi bautisadong Saksi. Sa “Video Showings,” ilista kung ilang beses kang nakapagpanood ng isa sa ating mga video.
25 Sa pag-uulat naman ng “Return Visits,” ilagay kung ilang beses kang dumalaw para pasidhiin ang interes ng isang hindi nakaalay at hindi bautisadong Saksi. Puwedeng gumawa ng pagdalaw-muli sa pamamagitan ng personal na pagdalaw, pagliham, pagtawag sa telepono, pagpapadala ng text o e-mail, o paghahatid ng literatura. Sa tuwing magdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, dapat itong iulat na isang pagdalaw-muli. Ang isang magulang ay puwedeng mag-ulat ng isang pagdalaw-muli kada linggo kapag nanguna siya sa pampamilyang pagsamba kasama ang isang di-bautisadong anak.
26 Karaniwan nang linggo-linggo idinaraos ang isang pag-aaral sa Bibliya, pero iniuulat ito na isang Bible study lang bawat buwan. Dapat isulat ng mga mamamahayag kung ilang magkakaibang Bible study ang idinaos niya sa buwang iyon. Puwedeng iulat ang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos sa isang hindi nakaalay at hindi bautisadong Saksi; sa isang di-aktibong kapatid, ayon sa tagubilin ng isang miyembro ng komite sa paglilingkod; o sa isang bagong bautisado na hindi pa tapós sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.
27 Mahalagang ibigay ang tumpak na ulat ng iyong oras ng paglilingkod (“Hours”). Ito ang panahong ginugol mo sa pagbabahay-bahay, pagdalaw-muli, pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, pormal o di-pormal na pagpapatotoo sa mga hindi nakaalay at hindi bautisadong Saksi. Kung magkasamang naglingkod ang dalawang mamamahayag, pareho nilang maiuulat ang oras, pero isa lang ang mag-uulat ng pagdalaw-muli o pag-aaral sa Bibliya. Parehong makapag-uulat ang mga magulang ng hanggang isang oras kada linggo kung nakibahagi sila sa pagtuturo sa kanilang mga anak sa Pampamilyang Pagsamba. Puwedeng iulat ng isang brother na tagapagsalita ang oras na nagamit niya sa pahayag pangmadla. Puwede ring mag-ulat ng oras ang interpreter ng pahayag pangmadla. Pero hindi iniuulat ang oras na nagagamit natin sa iba pang mahahalagang gawain, gaya ng paghahanda para sa ministeryo, pagdalo sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, at pag-aasikaso ng iba pang bagay.
28 Dapat sundin ng bawat mamamahayag ang sinasabi ng kaniyang konsensiya na sinanay sa Bibliya kapag nagpapasiya kung ano ang ibibilang niyang oras ng paglilingkod. May mga mamamahayag na nangangaral sa mataong lugar, samantalang ang iba ay may mga teritoryong kaunti lang ang nakatira at kailangan pa ng mahaba-habang paglalakbay. Iba-iba ang teritoryo; iba-iba rin ang pananaw ng mga mamamahayag sa kanilang ministeryo. Hindi ipinipilit ng Lupong Tagapamahala ang sinasabi ng konsensiya nila tungkol sa kung paano bibilangin ng mga mamamahayag ang oras nila sa paglilingkod, at wala rin namang inatasan para gumawa ng pangkalahatang desisyon sa bagay na ito.—Mat. 6:1; 7:1; 1 Tim. 1:5.
29 Ang oras na ginamit sa paglilingkod sa larangan ay dapat iulat nang buong oras, maliban na lang kung napakalimitado ang nagagawa ng isang mamamahayag dahil may-edad na siya, hindi makaalis ng bahay dahil sa sakit o kapansanan, o nasa isang nursing home. Ang gayong mamamahayag ay makapag-uulat ng 15, 30, o 45 minuto. Kahit 15 minuto lang siyang nakapagpatotoo sa isang buwan, dapat niya itong iulat. Ibibilang siya na isang regular na mamamahayag ng Kaharian. Angkop din ang kaayusang ito sa isang mamamahayag na pansamantalang nalilimitahan, marahil ay hindi siya makakilos sa loob ng isang buwan o higit pa dahil sa isang malubhang sakit o injury. Ang probisyong ito ay para lang sa mga napakalimitado ng magagawa. Ang komite sa paglilingkod ang magpapasiya kung kuwalipikado ang isang mamamahayag sa kaayusang ito.
CONGREGATION’S PUBLISHER RECORD
30 Ang iyong ulat ng paglilingkod sa larangan buwan-buwan ay inilalagay sa Congregation’s Publisher Record. Ang mga rekord na ito ay pag-aari ng lokal na kongregasyon. Kung plano mong lumipat sa ibang kongregasyon, dapat mo itong ipaalám sa mga elder. Titiyakin ng kalihim na maipadadala ang iyong mga rekord sa lilipatan mong kongregasyon. Sa gayon, ang mga elder sa bago mong kongregasyon ay magiging mas handa sa pagtanggap sa iyo at sa pagbibigay ng espirituwal na tulong. Kung mawawala ka sa inyong kongregasyon at hindi naman aabot ng tatlong buwan, patuloy na ipadala ang iyong mga ulat ng paglilingkod sa larangan sa kongregasyong kinauugnayan mo.
KUNG BAKIT TAYO NAG-UULAT NG PAGLILINGKOD SA LARANGAN
31 Nalilimutan mo ba kung minsan na ibigay ang iyong ulat ng paglilingkod sa larangan? Tiyak na kailangan nating lahat ng paalala paminsan-minsan. Pero kung may tamang pananaw tayo sa pag-uulat at nauunawaan natin ang kahalagahan nito, malamang na mas maaalala nating mag-ulat ng ating paglilingkod sa larangan.
32 Itinatanong ng ilan: “Alam naman ni Jehova ang paglilingkod ko sa kaniya, kaya bakit kailangan ko pang ibigay sa kongregasyon ang ulat ko?” Totoo, alam ni Jehova ang ginagawa natin, at alam niya kung ang paglilingkod natin ay buong kaluluwa o hindi. Pero tandaan na inirekord ni Jehova kung ilang araw si Noe sa arka at kung ilang taóng naglakbay ang mga Israelita sa ilang. Inirekord ng Diyos ang bilang ng mga tapat at ng mga masuwayin. Iniulat niya ang unti-unting pagsakop sa lupain ng Canaan at ang mga tagumpay ng tapat na mga hukom sa Israel. Oo, marami siyang inirekord na detalye tungkol sa gawain ng kaniyang mga lingkod. Ipinasulat ni Jehova ang mga iyon, kaya talagang mahalaga sa kaniya ang pag-iingat ng tumpak na mga rekord.
33 Makikita natin sa mga pangyayaring iyon sa Bibliya na eksakto ang mga rekord na iningatan ng bayan ni Jehova. Hindi magiging ganoon kapuwersa ang maraming ulat sa Bibliya kung hindi inirekord ang espesipikong mga bilang. Tingnan ang ilang halimbawa: Genesis 46:27; Exodo 12:37; Hukom 7:7; 2 Hari 19:35; 2 Cronica 14:9-13; Juan 6:10; 21:11; Gawa 2:41; 19:19.
34 Kahit hindi natin iniuulat ang lahat ng ginagawa natin para sa pagsamba sa Diyos, malaki ang naitutulong ng mga ito sa organisasyon ni Jehova. Noong unang siglo, pagkabalik ng mga apostol mula sa pangangaral, iniulat nila kay Jesus ang “lahat ng ginawa nila at itinuro.” (Mar. 6:30) Kung minsan, nakikita sa mga ulat kung ano ang kailangang bigyang-pansin sa ating ministeryo. Baka sumusulong tayo sa ilang gawain pero mabagal naman sa ibang aspekto, gaya ng pagdami ng mamamahayag. Baka kailangan ang pampatibay-loob o may mga problemang dapat lutasin. Bibigyang-pansin ng responsableng mga tagapangasiwa ang mga ulat at aasikasuhin ang anumang posibleng nakahahadlang sa pagsulong ng mga indibidwal o ng kongregasyon.
35 Nakatutulong din ang mga ulat para malaman ng organisasyon ang mga teritoryo kung saan mas malaki ang pangangailangan. Saan mas mabunga ang gawain? Saan naman mabagal ang pagsulong? Anong mga publikasyon ang kailangan para matulungan ang mga tao na malaman ang katotohanan? Dahil sa mga ulat, nalalaman ng organisasyon kung anong mga literatura ang kailangan sa pangangaral sa iba’t ibang bahagi ng mundo at napaghahandaan nila iyon.
36 Nakapagpapatibay ang gayong mga ulat. Masayang-masaya tayo kapag naririnig natin ang naisasagawa ng mga kapatid sa pangangaral ng mabuting balita sa buong mundo. Ang mga ulat ng pagsulong ay tumutulong sa atin na makita ang paglawak ng organisasyon ni Jehova. Napapatibay tayo ng mga karanasan, at napapakilos tayong maging mas masigasig sa pangangaral. (Gawa 15:3) Mahalaga ang pakikipagtulungan natin sa pagbibigay ng mga ulat ng paglilingkod sa larangan. Ipinapakita rin nitong nagmamalasakit tayo sa mga kapatid. Sa maliit na paraang ito, ipinapakita nating nagpapasakop tayo sa kaayusan ng organisasyon ni Jehova.—Luc. 16:10; Heb. 13:17.
PAGTATAKDA NG PERSONAL NA MGA TUNGUHIN
37 Walang dahilan para ikumpara sa iba ang ating paglilingkod sa larangan. (Gal. 5:26; 6:4) Iba-iba ang kalagayan natin. Pero talagang makikinabang tayo kung magtatakda tayo ng makatotohanan at personal na mga tunguhin para makita natin ang ating pagsulong sa ministeryo. Magiging masaya tayo kapag naaabot natin ang mga tunguhing iyon.
38 Kitang-kita na pinabibilis ni Jehova ang pagtitipon sa mga poprotektahan niya sa “malaking kapighatian.” Natutupad na ang hula ni Isaias sa ngayon: “Ang munti ay magiging isang libo at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa takdang panahon nito.” (Apoc. 7:9, 14; Isa. 60:22) Isa ngang pribilehiyo na maging mga ministro ng mabuting balita sa mga huling araw na ito!—Mat. 24:14.