Ang Trinidad—Ito ba’y Itinuturo ng Bibliya?
“Ang Pananampalatayang Katoliko ay ito, na ating sambahin ang iisang Diyos sa Trinidad at Trinidad sa Pagkakaisa. . . . Kaya ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos. Gayunman sila ay hindi Tatlong Diyos, kundi Iisang Diyos.”
SA MGA salitang ito isinasaysay ng Athanasian Creed ang pinakasentrong doktrina ng Sangkakristiyanuhan—ang Trinidad.a Kung miyembro ka ng isang relihiyon, Katoliko o Protestante, marahil ay sasabihin sa iyo na ito ang pinakamahalagang turo na dapat mong paniwalaan. Subalit maipaliliwanag mo ba ang doktrina? Ang ilan sa pinakaintelehenteng mga tao sa Sangkakristiyanuhan ang umamin na hindi nila maunawaan ang Trinidad.
Kung gayon, bakit nila pinaniniwalaan ito? Dahilan ba sa itinuturo ng Bibliya ang doktrinang ito? Ang yumaong obispong Anglicano na si John Robinson ay nagbigay ng isang pumupukaw-kaisipang sagot sa tanong na ito sa kaniyang pinakamabiling aklat na Honest to God. Kaniyang isinulat:
“Sa gawa ang popular na pangangaral at pagtuturo ay naghaharap ng isang di-karaniwang pagkakilala kay Kristo na hindi mapatotohanan sa Bagong Tipan. Sinasabi lamang nito na si Jesus ay (was) Diyos, sa paraan na ang mga terminong ‘Kristo’ at ‘Diyos’ ay maaaring pagpalitin. Subalit saanman gamitin ito sa Bibliya ay hindi gayon. Sinasabi ng Bagong Tipan na si Jesus ang Salita ng Diyos, sinasabi nito na ang Diyos ay nasa kay Kristo, sinasabi nito na si Jesus ang Anak ng Diyos; subalit hindi nito sinasabi na si Jesus ay (was) Diyos, ganiyan lamang kasimple.”
Si John Robinson ay isang taong pinagtatalunan sa Iglesya Anglicano. Gayunpaman, siya ba’y tama sa pagsasabing ang “Bagong Tipan” ay hindi nagsasabi saanman na “si Jesus ay Diyos, ganiyan lamang kasimple”?
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Baka sagutin ng ilan ang tanong na iyan sa pamamagitan ng pagsipi sa talata na unang-una sa Ebanghelyo ni Juan: “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” (Juan 1:1, King James Version) Hindi ba salungat iyan sa sinabi ng obispong Anglicano? Hindi naman. Walang alinlangan, gaya ng alam ni John Robinson, ang ilang modernong tagapagsalin ay hindi sumasang-ayon sa pagkasalin ng tekstong iyan sa King James Version. Bakit? Sapagkat sa pananalitang “ang Salita ay Diyos” sa orihinal na Griego, ang salita para sa “Diyos” ay walang tiyak na pantukoy na “ang.” Sa naunang pananalita na “ang Salita ay kasama ng Diyos,” ang salitang “Diyos” ay tiyakan, samakatuwid nga, ito’y may kasamang tiyakang pantukoy. Kaya malayo na ang dalawang salita ay may iisang kahulugan.
Sa gayon, sa ilang salin ay lumilitaw ang aspektong nagbabadya ng kaurian. Halimbawa, ang ilan ay gumamit ng pangungusap na “ang Salita ay banal.” (An American Translation, Schonfield) Isinalin iyon ni Moffatt na “ang Logos ay banal.” Gayunman, sa pagpapahiwatig na ang “banal” ay hindi magiging pinakaangkop na pagkasalin dito, tinukoy ni John Robinson at ng Britanong kritiko ng teksto na si Sir Frederick Kenyon na kung iyan ang ibig bigyang-diin ni Juan, kaypala’y ginamit niya ang Griegong salita para sa “banal,” na theiʹos. Ang New World Translation, sa paniniwalang ang salitang “Diyos” ay di-tiyak, ay isinalin iyon na ginagamit ang di-tiyakang pantukoy sa Ingles, na ganito: “Ang Salita ay isang diyos.”
Si Propesor C. H. Dodd, direktor ng proyektong The New English Bible, ay nagkokomento sa paraang ito: “Ang isang posibleng salin . . . ay, ‘Ang Salita ay isang diyos.’ Bilang salita-por-salitang pagkasalin ay walang mali rito.” Gayunman, hindi ganiyan ang pagkasalin ng The New English Bible sa talatang iyan. Bagkus, ang Juan 1:1 sa bersiyong iyan ay kababasahan: “Nang magpasimula ang lahat ng bagay, ang Salita ay iyon na. Ang Salita ay tumahan na kasama ng Diyos, at kung ano ang Diyos, iyon ang Salita.” Bakit hindi pinili ng komite sa pagsasalin ang mas simpleng salin? Ganito ang sagot ni Propesor Dodd: “Ang dahilan kung bakit hindi iyan matatanggap ay sapagkat salungat iyan sa kasalukuyang kaisipan na tinaglay ni Juan, at sa buong kaisipang Kristiyano.”—Technical Papers for the Bible Translator, Tomo 28, Enero 1977.
Ang Dalisay na Kahulugan ng Kasulatan
Masasabi ba natin na ang idea na si Jesus ay isang diyos at hindi siya ang Diyos na Maylikha ay salungat sa kaisipan ni apostol Juan, at gayundin sa buong kaisipang Kristiyano? Suriin natin ang ilang teksto sa Bibliya na tumutukoy kay Jesus at sa Diyos, at makikita natin kung ano ang kaisipan tungkol sa mga tekstong iyon ng ilang komentarista na nabuhay bago nabuo ang Athanasian Creed.
“Ako at ang Ama ay iisa.”—JUAN 10:30.
Si Novatian (c. 200-258 C.E.) ay nagkomento: “Yamang Kaniyang sinabi ‘isang’ bagay, [b] ipaunawa sa mga erehes na hindi Niya sinabing ‘isang’ persona. Para sa isang inilagay sa pambalaki, ang ipinahihiwatig ay ang panlipunang pagkakasundo, hindi ang personal na pagkakaisa. . . . Gayundin, na Siya na nagsasabing iisa, ay tumutukoy sa pagkakasundo, at sa pagkakilala sa paghatol, at sa maibiging pagsasamahan mismo, makatuwiran na kung papaano ang Ama at ang Anak ay isa sa pagkakasundo, sa pag-iibigan, at sa pagmamahalan.”—Treatise Concerning the Trinity, kabanata 27.
“Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.”—JUAN 14:28.
Irenaeus (c. 130-200 C.E.): “Maaari nating matutuhan sa pamamagitan Niya [ni Kristo] na ang Ama ay nasa ibabaw ng lahat ng bagay. Sapagkat ‘ang Ama,’ ang sabi Niya, ‘ay lalong dakila kaysa akin.’ Samakatuwid, ang Ama ay ipinahayag ng ating Panginoon na nakahihigit kung tungkol sa kaalaman.”—Against Heresies, Book II, kabanata 28.8.
“Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—JUAN 17:3.
Clement ng Alexandria (c. 150-215 C.E.): “Upang makilala ang walang-hanggang Diyos, ang tagapagbigay ng walang-hanggan, at sa pamamagitan ng kaalaman at kaunawaan ay ariin ang Diyos, na una, at pinakamataas, at isa, at mabuti. . . . Siya kung gayon na mamumuhay ng tunay na buhay ay tinatagubilinan muna na makilala Siya ‘na hindi nakikilala ninuman, maliban sa ipakilala (Siya) ng Anak.’ (Mat. 11:27) Ang susunod na kailangang matutuhan ay ang kadakilaan ng Manunubos pagkatapos Niya.”—Who Is the Rich Man That Shall Be Saved? VII, VIII.
“Iisang Diyos at Ama ng lahat ng tao, na nasa ibabaw ng lahat at sa pamamagitan ng lahat at nasa lahat.”—EFESO 4:6.
Irenaeus: “At sa gayon iisang Diyos na Ama ang ipinahahayag, na nasa ibabaw ng lahat, at sa pamamagitan ng lahat, at nasa lahat. Ang Ama ay tunay ngang nasa ibabaw ng lahat, at Siya ang Ulo ni Kristo.”—Against Heresies, Book V, kabanata 18.2.
Ang sinaunang mga manunulat na ito ay malinaw ang pagkaunawa sa mga talatang ito upang masabi na ang Ama ay kataas-taasan, nasa ibabaw ng lahat ng bagay at ng bawat isa kasali na si Jesu-Kristo. Ang kanilang mga sinabi ay hindi nagpapahiwatig na sila’y naniniwala sa isang Trinidad.
Ang Banal na Espiritu ang Nagsisiwalat ng Lahat ng Katotohanan
Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad na pagkamatay niya at pagkabuhay-muli, ang banal na espiritu ay ibibigay sa kanila bilang isang katulong. Kaniyang ipinangako: “Pagdating ng isang iyon, ang espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan, . . . at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na darating.”—Juan 14:16, 17; 15:26; 16:13.
Pagkamatay ni Jesus, natupad ang pangakong iyan. Naisulat sa Bibliya kung papaanong ang bagong mga doktrina ay nahayag o niliwanag sa kongregasyong Kristiyano sa tulong ng banal na espiritu. Ang bagong mga turong ito ay isinulat sa mga aklat na noong bandang huli ay naging ikalawang bahagi ng Bibliya, ang Kasulatang Griegong Kristiyano, o “Bagong Tipan.” Sa pinaagos na bagong liwanag na ito, mayroon bang anumang inihayag na umiiral ang isang Trinidad? Wala. Ang banal na espiritu ay nagsisiwalat ng isang bagay na ibang-iba tungkol sa Diyos at kay Jesus.
Halimbawa, noong Pentecostes 33 C.E., pagkatapos ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad na nagtitipon sa Jerusalem, si apostol Pedro ay nagpatotoo tungkol kay Jesus sa karamihan na nasa labas. Mayroon ba siyang binanggit tungkol sa isang Trinidad? Isaalang-alang ang ilan sa kaniyang mga sinabi, at magpasiya para sa iyong sarili: “Si Jesus . . . , isang lalaking hayagang pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng makapangyarihang mga gawa at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo.” “Ang Jesus na ito’y binuhay-muli ng Diyos, at tungkol sa katotohanang ito’y mga saksi kaming lahat.” “Siya’y ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, itong si Jesus na inyong ibinayubay.” (Gawa 2:22, 32, 36) Ibang-iba sa pagtuturo ng isang Trinidad, ang mga ipinahayag na ito ng puspos-ng-espiritung si Pedro ay nagtatampok sa pagpapasakop ni Jesus sa kaniyang Ama, na siya’y isang instrumento sa ikatutupad ng kalooban ng Diyos.
Hindi nagtagal pagkatapos, isa pang tapat na Kristiyano ang nagsalita tungkol kay Jesus. Si Esteban ay dinala sa harap ng Sanhedrin upang sagutin ang mga paratang. Sa halip, ang pangyayari ay binaligtad ni Esteban, pinaratangan ang mga umaakusa sa kaniya na sila ay katulad ng kanilang mapaghimagsik na mga ninuno. Sa wakas, nagpapatuloy ang salaysay: “Siya, palibhasa’y puspos ng banal na espiritu, ay tumingala sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at ni Jesus na nakatindig sa kanan ng Diyos, at sinabi niya: ‘Narito! Nakikita kong bukás ang mga langit at ang Anak ng tao ay nakatayo sa kanan ng Diyos.’ ” (Gawa 7:55, 56) Bakit nga inihayag ng banal na espiritu na si Jesus ay ang “Anak ng tao” lamang na nakatayo sa kanan ng Diyos at hindi bahagi ng isang pagka-diyos na kapantay ng kaniyang Ama? Malinaw, si Esteban ay walang anumang idea ng isang Trinidad.
Nang ang mabuting balita tungkol kay Jesus ay dalhin ni Pedro kay Cornelio, nagkaroon sana ng isa pang pagkakataon na ihayag ang doktrina ng Trinidad. Ano ang nangyari? Ipinaliwanag ni Pedro na si Jesus ay “Panginoon ng lahat.” Subalit siya’y nagpatuloy na ipaliwanag na ang pagka-panginoong ito ay nanggaling sa isang nakatataas. Si Jesus “ang Isa na itinakda ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay.” Pagkatapos na buhaying-muli si Jesus, ang kaniyang Ama ay “nagkaloob sa kaniya [nagbigay sa kaniya ng pahintulot] na mahayag” sa kaniyang mga tagasunod. At ang banal na espiritu? Iyon ay nagpakita sa pag-uusap na ito subalit hindi bilang ang ikatlong persona ng Trinidad. Bagkus, “[Si Jesus] ay pinahiran ng Diyos ng banal na espiritu at kapangyarihan.” Sa gayon, ang banal na espiritu, malayo sa pagiging isang persona, ay ipinakikita na isang bagay na hindi isang persona, tulad ng “kapangyarihan” na binanggit din sa talatang iyan. (Gawa 10:36, 38, 40, 42) Maingat na repasuhin ang Bibliya, at ikaw ay makatutuklas ng higit pang patotoo na ang banal na espiritu ay hindi isang personalidad kundi isang aktibong puwersa na maaaring puspusin nito ang mga tao, pakilusin sila, pasiglahin sila, at mabuhos ito sa kanila.
Sa wakas, si apostol Pablo ay nagkaroon sana ng magandang pagkakataon na ipaliwanag ang Trinidad—kung ito nga ay tunay na doktrina—nang siya’y nangangaral sa mga taga-Atenas. Sa kaniyang pahayag, binanggit niya ang kanilang dambana na “Sa Isang Di-Kilalang Diyos” at sinabi: “Yaong inyong sinasamba na wala kayong alam, ito ang ibinabalita ko sa inyo.” Isa bang Trinidad ang kaniyang ibinalita? Hindi. Inilarawan niya “ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto, Siya, palibhasa’y Panginoon ng langit at ng lupa.” Subalit kumusta naman si Jesus? “[Ang Diyos] ay nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang.” (Gawa 17:23, 24, 31) Walang ipinahihiwatig doon na isang Trinidad!
Sa katunayan, ipinaliwanag ni Pablo ang isang bagay tungkol sa mga layunin ng Diyos anupat imposible na si Jesus at ang kaniyang Ama ay maging magkapantay na bahagi ng isang Trinidad. Siya’y sumulat: “Ang Diyos ang ‘nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya [ni Jesus].’ Ngunit kung sinasabi niya na ‘lahat ng bagay ay ipinasakop,’ maliwanag na hindi kasali ang nagpasakop sa kaniya ng lahat ng bagay. Ngunit kung lahat ng bagay ay napasakop na sa kaniya, saka naman ang Anak mismo ay magpapasakop din sa Isa na nagpasakop sa kaniya ng lahat ng bagay, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.” (1 Corinto 15:27, 28) Sa gayon, ang Diyos pa rin ang nasa ibabaw ng lahat, kasali na si Jesus.
Kung gayon, ang Trinidad ba ay itinuturo ng Bibliya? Hindi. Tama si John Robinson. Ito’y wala sa Bibliya, ni ito man ay isang bahagi ng “kaisipang Kristiyano.” Itinuturing mo ba na ito’y mahalaga sa iyong pagsamba? Dapat nga. Sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung ating diniribdib ang ating pagsamba sa Diyos, kailangan na makilala natin kung sino siya talaga, yamang isiniwalat niya sa atin ang kaniyang sarili. Tanging sa ganiyan lamang masasabi nating tiyakan na tayo ay kabilang sa “mga tunay na sumasamba” na “sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23.
[Mga talababa]
a Sang-ayon sa The Catholic Encyclopedia, edisyon ng 1907, tomo 2, pahina 33.
b Tinutukoy ni Novatian na ang salita para sa “iisa” sa talatang ito ay nasa kasariang pambalaki. Kung gayon, ang natural na kahulugan ay “isang bagay.” Ihambing ang Juan 17:21, na kung saan ang salitang Griego para sa “iisa” ay ginagamit sa mismong magkahawig na paraan. Kapansin-pansin, sa pangkalahatan ay sinang-ayunan ng New Catholic Encyclopedia (edisyon ng 1967) ang De Trinitate ni Novatian, bagaman binanggit nito na doon “ang Espiritu Santo ay hindi itinuturing na isang banal na Persona.”
[Blurb sa pahina 28]
Ang dalisay na kahulugan ng Kasulatan ay malinaw na nagpapakita na si Jesus at ang kaniyang Ama ay hindi iisang Diyos
[Blurb sa pahina 29]
Bakit hindi inihayag ng banal na espiritu na si Jesus ay Diyos pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E.?