BATO, I
Isang materyales na madalas gamitin sa pagtatayo. Dahil sa tibay nito, malaki ang naiambag nito sa kaalaman ng mga arkeologo hinggil sa nakalipas na panahon. Nagtayo ang mga Ehipsiyo, mga Asiryano, at iba pang mga bansa ng mga templo, mga palasyo, mga bantayog, at iba pang mga istraktura na yari sa bato. Marami sa mga istrakturang ito ang may mga paglalarawan at mga inskripsiyon na naglalahad ng mga pangyayari, nagsasalaysay ng mga tagumpay sa pakikibaka, at nagpapakita ng mga kaugalian, na nagbibigay naman ng impormasyon tungkol sa kanilang kasaysayan at gayundin sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Madalas gumamit ng bato ang mga Hebreo sa mga gusali (Lev 14:40, 41), mga pader (Ne 4:3; Kaw 24:31), mga altar (Exo 20:25), mga gilingang-bato (Huk 9:53), mga sisidlan ng tubig (Ju 2:6), mga panimbang (Kaw 16:11), bilang pantakip sa mga balon, mga yungib, at mga libingan (Gen 29:8; Jos 10:18; Ju 11:38), at sa maraming iba pang layunin. Gayunman, hindi nagtayo ang mga Hebreo ng mga bantayog na may mga larawan sa anyong bahorelyebe, gaya ng ginawa ng mga bansang pagano; dahil dito, kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kanilang hitsura, sa partikular na mga istilo ng kanilang pananamit, at iba pa. Ngunit ang Bibliya ay nagbibigay ng mas maraming impormasyon tungkol sa kasaysayan ng Israel, sa kanilang paraan ng pamumuhay, at sa kanilang personalidad kaysa sa mga batong labí ng ibang mga bansa.
Ang pagtabas ng mga bato ay isang napakasulong na gawain noon. (2Sa 5:11; 1Ha 5:18) Ang mga bato para sa templo ni Solomon sa Jerusalem ay tinabas sa tibagan nang eksakto sa sukat kung kaya hindi na kailangan pang tabasan pagdating sa dakong pinagtatayuan ng templo.—1Ha 6:7.
Ipinakikita ng Kasulatan sa wikang Hebreo ang kaibahan ng isang bato (tsur) at ng isang malaking bato (seʹlaʽ). Sa Kasulatan, ang mga terminong ito ay kapuwa ginagamit sa literal at sa makasagisag na paraan. Ang dalawang ito ay parehong binanggit sa 2 Samuel 22:2, 3 at sa Awit 18:2: “Si Jehova ang aking malaking bato . . . Ang aking Diyos ang aking bato.”
Binabanggit sa Bibliya ang pangalan ng ilang partikular na bato at malalaking bato. Halimbawa, ang Midianitang prinsipe na si Oreb ay pinatay ng mga tauhan ni Gideon sa isang bato na tinawag na Oreb, maliwanag na pinangalanan nang gayon dahil sa insidenteng ito. (Huk 7:25; Isa 10:26) Binanggit ang malaking bato ng Etam, kung saan nanirahan si Samson nang ilang panahon (Huk 15:8), at ang tulad-ngiping malalaking bato ng Bozez at Sene, kung saan sinalakay ni Jonatan at ng kaniyang tagapagdala ng baluti ang isang himpilan ng mga Filisteo. (1Sa 14:4, 5) Sa Meriba, na malapit sa Kades (may isa pang Meriba na malapit sa Repidim sa bulubunduking pook ng Horeb [Exo 17:7]), napukaw sa galit sina Moises at Aaron anupat hindi nila pinabanal si Jehova nang magpalabas sila ng tubig mula sa malaking bato para sa kapulungan.—Bil 20:11-13; Aw 106:32, 33; tingnan ang MASAH; MERIBA Blg. 1 at 2.
Makasagisag na Paggamit. Ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa ay inihahalintulad sa isang templo, at si Jesu-Kristo ang “pundasyong batong-panulok” nito. (Tingnan ang BATONG-PANULOK.) Sa ibabaw ng “pundasyong batong-panulok” na ito, ang inianak-sa-espiritung mga tagasunod ni Kristo “gaya ng mga batong buháy ay itinatayo bilang isang espirituwal na bahay.” Itinakwil ng mga Judiong lider ng relihiyon, na mga “tagapagtayo” ng bansa, si Jesus bilang “pangulong batong-panulok,” anupat natisod sila sa batong ito dahil masuwayin sila sa Salita ng Diyos.—Efe 2:19-22; 1Pe 2:4-8; Mat 21:42; Mar 12:10; Luc 20:17; Ro 9:32, 33.
Ang Kaharian ng Diyos ay inihalintulad sa isang bato na ‘natibag na hindi sa pamamagitan ng mga kamay,’ anupat dudurugin at wawakasan ng batong ito ang mga kahariang inilalarawan ng ibaʼt ibang bahagi ng imahen. Ang kahariang iyon ay mananatili “hanggang sa mga panahong walang takda.”—Dan 2:34, 44, 45.
Sa Apocalipsis 2:17, nangangako ang niluwalhating si Kristo Jesus may kinalaman sa Kristiyanong nananaig: “Bibigyan ko siya ng isang maliit na batong [“bato,” KJ] puti, at sa maliit na bato ay nakasulat ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakaaalam maliban sa tumatanggap nito.” Ang salitang “maliit na bato” rito ay salin ng salitang Griego na pseʹphon. Ginamit ng apostol na si Pablo ang salitang ito nang isalaysay niya ang pang-uusig niya noon sa mga Kristiyano. Sinabi niya: “Ibinigay ko ang aking boto [pseʹphon; sa literal, maliit na bato (para sa pagboto)] laban sa kanila.” (Gaw 26:10) Ginagamit noon ang maliliit na bato sa mga hukuman sa pagbibigay ng hatol o pagpapahayag ng opinyon hinggil sa kung ang akusado ay inosente o nagkasala. Ginagamit ang maliliit na batong puti upang ipahayag na siya ay inosente, sa gayo’y pinawawalang-sala; maliliit na batong itim naman upang ipahayag na siya ay nagkasala, sa gayo’y tatanggap ng kahatulan. Samakatuwid, waring ang maliit na batong puti na ibinibigay sa isa na nananaig ay nangangahulugan ng paghatol ni Jesus sa kaniya bilang inosente, dalisay, malinis, sa gayo’y nakapasa at sinang-ayunan ni Kristo bilang isang alagad.—Tingnan ang HIYAS AT MAHAHALAGANG BATO.
Sa makasagisag na diwa, ang “bato” ay lumalarawan sa mga katangian ni Jehova bilang Ama ng Israel (Deu 32:18), bilang isang moog (2Sa 22:32, 33; Isa 17:10), bilang matibay na kaitaasan at kanlungan ng kaniyang bayan (Aw 62:7; 94:22), at bilang kanilang kaligtasan (Deu 32:15; Aw 95:1). Ang ilan ay umasa sa huwad na mga diyos bilang kanilang “bato.” (Deu 32:37) May iba pang mga halimbawa kung saan ang “bato” o “malaking bato” ay sumasagisag sa pangkalahatan sa isang dako ukol sa kaligtasan, proteksiyon, katiwasayan, at kanlungan. (Isa 2:10, 19, 21) Sa Isaias 8:14, ipinahihiwatig na si Kristo Jesus ay isang “malaking bato” na kinatisuran ng “dalawang sambahayan ng Israel.”—Ihambing ang Mat 21:42-44.
Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik, ginagamit ang pang-uring Griego na pe·troʹdes (kaugnay ng pangngalang peʹtros) upang ilarawan ang mga dakong mabato kung saan nahulog ang ilan sa mga binhi. (Mat 13:3-5, 20) Ang peʹtros ay ginagamit bilang isang pangalang pantangi na “Pedro.” (Ju 1:42) Tungkol sa kahulugan ng terminong ito, ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words (1981, Tomo 4, p. 76) ay nagsasabi: “Ang petros ay tumutukoy sa isang piraso ng bato o isang natibag na bato, anupat naiiba sa petra, isang limpak ng bato.” Ganito ang sinasabi ng Word Studies in the New Testament ni M. Vincent tungkol sa peʹtros: “Sa klasikal na Griego, ang salitang ito ay nangangahulugang isang piraso ng bato, gaya sa akda ni Homer, noong pukulin ni Ajax ng bato si Hector, . . . o noong hawakan at itago ni Patroclus ang isang matalim na bato sa kaniyang kamay.”—1957, Tomo I, p. 91.
Ang salitang Griego na tra·khysʹ, nangangahulugang “malubak” (Luc 3:5), ay tumutukoy sa matatalim, baku-bako, at tulad-bahurang mga bato sa Gawa 27:29.
Ang isa pang salitang Griego, spi·lasʹ, ay maliwanag na tumutukoy sa isang bato o bahura na nakatago sa ilalim ng tubig. Ginamit ito ni Judas upang ilarawan ang ilang tao na may masasamang motibo na nakapuslit sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Kung paanong ang nakatagong mga bato ay kapaha-pahamak sa mga barko, ang mga taong ito ay napakapanganib din para sa mga nasa kongregasyon. Sinabi niya tungkol sa gayong mga tao: “Ito ang mga batong nakatago sa ilalim ng tubig sa inyong mga piging ng pag-ibig habang sila ay nakikipagpiging sa inyo.”—Jud 12.
Para sa pagtalakay sa Mateo 16:18, tingnan ang BATONG-LIMPAK.