BATO, II
Ang mga bato (sa Ingles, kidneys) ay magkakambal na sangkap ng katawan na nasa bandang ibaba ng likod. Sinasala at inaalis ng mga ito ang mga dumi sa dugo. May kinalaman sa salitang Hebreo na kela·yohthʹ (mga bato), sumulat si J. N. Oswalt: “Kapag ginamit sa makasagisag na paraan, ang terminong ito ay tumutukoy sa kaloob-loobang mga aspekto ng personalidad.” (Theological Wordbook of the Old Testament, inedit ni R. Laird Harris, 1980, Tomo 1, p. 440; ihambing ang Aw 7:9, tlb sa Rbi8.) Ganito rin ang salitang Griego na ne·phroiʹ (mga bato).—Apo 2:23, tlb sa Rbi8.
Gaya ng lahat ng iba pang sangkap ng katawan, ang mga bato ay tuwirang dinisenyo ng Diyos na Jehova na Maylalang. (Aw 139:13) Sa mga hayop na inihahain, ang taba sa palibot ng mga bato ay itinuring na pantangi at piling bahagi at espesipikong binanggit bilang isang bagay na pauusukin sa altar kasama ng mga bato para sa mga haing pansalu-salo (Lev 3:10, 11; 9:19, 20), mga handog ukol sa kasalanan (Lev 4:8, 9; 8:14, 16; 9:10), at mga handog ukol sa pagkakasala (Lev 7:1, 4). Noong italaga ang pagkasaserdote, ikinaway muna ang mga bato ng barakong tupa ng pagtatalaga at pagkatapos ay sinunog ang mga iyon sa altar. (Exo 29:22, 24, 25; Lev 8:25, 27, 28) Kaayon ng kahulugang ito ng pagiging pili, tinukoy ni Moises si Jehova bilang nagpapakain sa kaniyang bayang Israel ng “taba ng bato ng trigo.”—Deu 32:14.
Dahil ang mga bato ay nasa kaloob-looban ng katawan, kabilang ang mga ito sa pinakatagong mga sangkap. Kaya naman ginagamit ng Bibliya ang terminong ito upang kumatawan sa pinakamalalalim na kaisipan at pinakamasisidhing emosyon ng personalidad ng isang tao. Ang sugat sa mga bato ay isang napakalalim na sugat, sa literal man o sa makasagisag na paraan. (Job 16:13; Aw 73:21; Pan 3:13) Kung minsan, ang mga bato ay iniuugnay sa puso, na ginagamit naman sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa buong panloob na pagkatao.—Jer 11:20; 17:10; 20:12; tingnan ang PUSO.
Lubusang nababatid ng ating Maylalang ang kayarian ng tao. Kaya naman sinasabing sinusubok ni Jehova ang ‘puso at mga bato,’ kung paanong sinasaliksik din ng kaniyang Anak ang “mga bato at mga puso.” (Aw 7:9; Apo 2:23) Kung paanong dinadalisay ng isa ang pilak, kayang ‘dalisayin’ ni Jehova ang mga bato at ang puso ng isang tao upang maging matuwid siya sa harap ng Diyos, anupat ginagawa siyang mas madaling tumugon sa mga daan ni Jehova.—Aw 26:2; 66:10.
Sa Awit 16:7, sumulat si David: “Pagpapalain ko si Jehova, na nagpapayo sa akin. Tunay nga, kapag gabi ay itinutuwid ako ng aking mga bato.” Bilang isang mananamba ng tunay na Diyos, tumagos ang payo ng Diyos sa kaibuturan ng pagkatao ni David. Dahil nanuot ito sa kaloob-loobang bahagi niya, ang “payo” ay iniugnay sa “mga bato,” at sa gayon ay masasabing itinuwid si David ng kaniyang mga bato.
Bagaman maaaring nasa mga labi ng mga balakyot ang Salita ng Diyos, hindi ito tumatagos sa kaloob-loobang mga aspekto ng kanilang personalidad. Kaya naman tungkol sa mga balakyot, sinasabi ng Jeremias 12:2: “Patuloy silang sumusulong; nagluwal din sila ng bunga. Ikaw ay malapit sa kanilang bibig, ngunit malayo sa kanilang mga bato.” Nakakatulad ito ng mababasa sa Isaias 29:13, na sinipi ni Jesus sa Mateo 15:7, 8, kung saan gayundin ang sinasabi tungkol sa puso ng balakyot, anupat ipinakikita na kung minsan ay ginagamit ang “puso” at ang “mga bato” bilang magkatumbas.