Dinakila ni Jesus ang Katuwiran ng Diyos
“Inilagay siya [si Kristo] ng Diyos bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Ito ay upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran.”—ROMA 3:25.
1, 2. (a) Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng tao? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
ALAM ng marami ang ulat ng Bibliya tungkol sa rebelyon sa hardin ng Eden. Nararanasan natin ang mga epekto ng kasalanan ni Adan kaayon ng mga salitang ito: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Kahit anong pagsisikap natin, nagkakamali pa rin tayo. Kaya kailangan natin ang kapatawaran ng Diyos. Si apostol Pablo man ay naghinagpis: “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa. Miserableng tao ako!”—Roma 7:19, 24.
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mahahalagang tanong: Yamang lahat ay makasalanan, bakit hindi nagmana ng kasalanan si Jesus, at bakit siya binautismuhan? Paano dinakila ng paraan ng pamumuhay ni Jesus ang katuwiran ni Jehova? Higit sa lahat, ano ang naisakatuparan ng kamatayan ni Kristo?
Hinamon ang Katuwiran ng Diyos
3. Paano nilinlang ni Satanas si Eva?
3 Napakalaki ng pagkakamali ng ating unang mga magulang na sina Adan at Eva—ipinagpalit nila ang soberanya ng Diyos sa pamamahala ng “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Apoc. 12:9) Tingnan natin kung paano ito nangyari. Kinuwestiyon ni Satanas ang pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Tinanong niya si Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa bawat punungkahoy sa hardin?” Inulit ni Eva ang malinaw na utos ng Diyos na may isang partikular na punungkahoy na hindi nila dapat hipuin upang hindi sila mamatay. Inakusahan ni Satanas na sinungaling ang Diyos. “Tiyak na hindi kayo mamamatay,” ang sabi ng Diyablo. Pinapaniwala niya si Eva na may ipinagkakait ang Diyos at kung kakainin ni Eva ang bunga, siya’y magiging gaya ng Diyos na may sariling pamantayan.—Gen. 3:1-5.
4. Paano napasailalim ang mga tao sa pamamahala ni Satanas?
4 Sa diwa, ipinahiwatig ni Satanas na mas magiging maligaya ang tao kung hiwalay sa Diyos. Sa halip na pahalagahan ang pagiging matuwid ng soberanya ng Diyos, nakinig si Adan sa kaniyang asawa at kumain din ng ipinagbabawal na bunga. Kaya naiwala ni Adan ang kaniyang sakdal na katayuan sa harap ni Jehova at nasadlak tayo sa malupit na paniniil ng kasalanan at kamatayan. Kasabay nito, ang mga tao ay napasailalim sa pamamahala ni Satanas, ang “dios ng sanlibutang ito.”—2 Cor. 4:4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino; Roma 7:14.
5. (a) Paano tinupad ni Jehova ang sinabi niya? (b) Anong pag-asa ang ibinigay ng Diyos sa magiging mga anak nina Adan at Eva?
5 Bilang pagtupad sa sinabi niya, sinentensiyahan ni Jehova ng kamatayan sina Adan at Eva. (Gen. 3:16-19) Pero hindi ito nangangahulugang bigo ang layunin ng Diyos. Imposible iyon! Kasabay ng sentensiya kina Adan at Eva, binigyan ni Jehova ng pag-asa ang kanilang magiging mga anak. Sinabi niyang magbabangon siya ng isang “binhi” na susugatan ni Satanas sa sakong. Pero maghihilom ang sugat na iyon ng ipinangakong Binhi, at ito naman ang “susugat [kay Satanas] sa ulo.” (Gen. 3:15) Ipinaliwanag pa ito ng Bibliya sa pagsasabi tungkol kay Jesu-Kristo: “Sa layuning ito inihayag ang Anak ng Diyos, samakatuwid nga, upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Pero paano dinakila ng paggawi at kamatayan ni Jesus ang katuwiran ng Diyos?
Ang Kahulugan ng Bautismo ni Jesus
6. Bakit masasabing si Jesus ay hindi nagmana ng kasalanan kay Adan?
6 Bilang isang adulto, si Jesus ay kailangang maging katumbas ng dating sakdal na si Adan. (Roma 5:14; 1 Cor. 15:45) Kaya dapat siyang isilang na sakdal. Paano? Malinaw itong ipinaliwanag ng anghel na si Gabriel kay Maria: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan kung kaya ang ipanganganak ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” (Luc. 1:35) Malamang na noong bata pa si Jesus, sinabi ni Maria sa kaniya ang ilang bagay tungkol sa pagsilang niya. Kaya nang minsang matagpuan siya nina Maria at Jose sa templo ng Diyos, nagtanong siya: “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?” (Luc. 2:49) Maliwanag na sa murang edad pa lang, alam na ni Jesus na siya ang Anak ng Diyos. Kaya napakahalaga sa kaniya ang pagdakila sa katuwiran ng Diyos.
7. Ano ang mahahalagang taglay ni Jesus?
7 Ipinakita ni Jesus na interesadung-interesado siya sa espirituwal na mga bagay—regular siya sa mga pulong para sa pagsamba. Sakdal ang isip niya, kaya tiyak na naunawaan niya ang lahat ng kaniyang narinig at nabasa sa Hebreong Kasulatan. (Luc. 4:16) Sakdal din ang kaniyang katawan, na maihahain alang-alang sa mga tao. Nang bautismuhan si Jesus, nanalangin siya at malamang na nasa isip niya ang hula sa Awit 40:6-8.—Luc. 3:21; basahin ang Hebreo 10:5-10.a
8. Bakit ayaw bautismuhan ni Juan si Jesus?
8 Ayaw sanang bautismuhan ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus. Bakit? Dahil ang pagbabautismo ni Juan sa mga Judio ay sagisag ng pagsisisi sa nagawang paglabag sa Kautusan. Yamang magpinsan, tiyak na alam ni Juan na si Jesus ay matuwid at walang kailangang pagsisihan. Tiniyak ni Jesus kay Juan na dapat Siyang bautismuhan: “Ganito ang nararapat sa atin upang maisakatuparan ang lahat ng matuwid.”—Mat. 3:15.
9. Ano ang isinasagisag ng bautismo ni Jesus?
9 Bilang sakdal na tao, malamang na naisip ni Jesus na, gaya ni Adan noon, puwede rin siyang maging ama ng sakdal na mga tao. Pero hindi ito hinangad ni Jesus dahil hindi ito ang kalooban ni Jehova. Si Jesus ay isinugo ng Diyos para gampanan ang papel ng ipinangakong Binhi, o Mesiyas. Kabilang na rito ang paghahain ni Jesus ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao. (Basahin ang Isaias 53:5, 6, 12.) Siyempre pa, iba ang bautismo ni Jesus sa bautismo natin. Hindi ito isang pag-aalay kay Jehova, dahil kabilang na si Jesus sa bansang Israel na nakaalay sa Diyos. Sa halip, ang bautismo ni Jesus ay sumasagisag sa paghaharap ng kaniyang sarili para gawin ang kalooban ng Diyos, gaya ng inihula sa Kasulatan na gagawin ng Mesiyas.
10. Bilang Mesiyas, ano ang kahulugan ng paggawa ni Jesus ng kalooban ng Diyos? Ano ang nadama ni Jesus tungkol dito?
10 Kalooban ni Jehova na si Jesus ay mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, gumawa ng mga alagad, at sanayin ang mga ito na gayon din ang gawin. Ang paghaharap ni Jesus ng kaniyang sarili ay nangangahulugan din na handa niyang batahin ang pag-uusig at ang malupit na kamatayan bilang pagsuporta sa matuwid na soberanya ng Diyos. Dahil gayon na lang kasidhi ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama, gustung-gusto niyang gawin ang kalooban ng Diyos at nalulugod siyang iharap ang kaniyang katawan bilang hain. (Juan 14:31) Natutuwa rin siyang malaman na ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay ay puwedeng ihandog sa Diyos para matubos tayo sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Sinang-ayunan ba ng Diyos ang paghaharap na ito ni Jesus ng kaniyang sarili para balikatin ang napakalaking mga pananagutang ito? Aba, oo!
11. Paano ipinakita ni Jehova na tinanggap niya si Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo?
11 Pinatunayan ng apat na manunulat ng Ebanghelyo na talagang sinang-ayunan ni Jehova si Jesus noong umaahon ito sa Ilog Jordan. “Nakita ko ang espiritu na bumababang gaya ng isang kalapati mula sa langit,” ang sabi ni Juan na Tagapagbautismo, “at nanatili ito [kay Jesus] . . . At nakita ko iyon, at nagpatotoo ako na ang isang ito ang Anak ng Diyos.” (Juan 1:32-34) Nang pagkakataon ding iyon, sinabi ni Jehova: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.”—Mat. 3:17; Mar. 1:11; Luc. 3:22.
Tapat Hanggang Kamatayan
12. Ano ang ginawa ni Jesus sa loob ng tatlo at kalahating taon matapos siyang bautismuhan?
12 Sa sumunod na tatlo at kalahating taon, ginamit ni Jesus ang buong panahon niya sa pagtuturo sa mga tao tungkol sa kaniyang Ama at sa pagiging matuwid ng soberanya ng Diyos. Nakakapagod ang mahahabang paglalakad sa Lupang Pangako, pero walang nakapigil sa kaniya na lubusang magpatotoo sa katotohanan. (Juan 4:6, 34; 18:37) Itinuro ni Jesus sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Nang makahimala niyang pagalingin ang mga maysakit, pakanin ang mga nagugutom, at buhayin ang mga patay, naipakita niya kung ano ang gagawin ng Kaharian para sa mga tao.—Mat. 11:4, 5.
13. Ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa panalangin?
13 Sa halip na angkinin ang papuri dahil sa kaniyang pagtuturo at pagpapagaling, nagpakita si Jesus ng napakagandang halimbawa nang ibigay niya kay Jehova ang lahat ng papuri. (Juan 5:19; 11:41-44) Itinuro din ni Jesus ang pinakamahahalagang bagay na dapat nating ipanalangin. Dapat nating hilingin sa ating panalangin na “pakabanalin” sana ang pangalan ng Diyos na Jehova at na mapalitan ang masamang pamamahala ni Satanas ng matuwid na soberanya ng Diyos upang ‘mangyari ang Kaniyang kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ (Mat. 6:9, 10) Hinimok din tayo ni Jesus na kumilos kasuwato ng ganitong mga panalangin sa pamamagitan ng ‘paghanap muna sa kaharian at sa katuwiran ng Diyos.’—Mat. 6:33.
14. Bagaman sakdal si Jesus, bakit kailangan pa rin niyang magsikap para magampanan ang kaniyang papel sa layunin ng Diyos?
14 Habang papalapit ang kaniyang kamatayan, lalong tumitindi ang pagkabagabag ni Jesus sa bigat ng kaniyang pananagutan. Ang layunin at reputasyon ng kaniyang Ama ay nakasalalay sa pagbabata niya ng di-makatarungang paglilitis at malupit na kamatayan. Limang araw bago mamatay, nanalangin si Jesus: “Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa, at ano ang sasabihin ko? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito. Gayunpaman, ito ang dahilan kung bakit ako dumating sa oras na ito.” Bilang isang tao, likas lang na madama ito ni Jesus. Pero ibinaling niya ang kaniyang pansin sa mas mahalagang bagay at nanalangin: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Agad na sumagot si Jehova: “Kapuwa ko ito niluwalhati at luluwalhatiing muli.” (Juan 12:27, 28) Oo, handang harapin ni Jesus ang pinakamatinding pagsubok sa kaniyang katapatan. Pero nang marinig niya ang sinabi ng kaniyang makalangit na Ama, lalo pang tumibay ang pagtitiwala niyang magtatagumpay siya sa pagdakila at pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova. At nagtagumpay nga siya!
Ang Naisakatuparan ng Kamatayan ni Jesus
15. Nang malapit nang mamatay si Jesus, bakit niya sinabi: “Naganap na”?
15 Bago malagutan ng hininga si Jesus, sinabi niya: “Naganap na!” (Juan 19:30) Napakalaki nga ng nagawa ni Jesus sa loob ng tatlo at kalahating taon dahil sa tulong ng Diyos! Nang mamatay si Jesus, nagkaroon ng malakas na lindol, kaya nasabi ng Romanong opisyal ng hukbo: “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos.” (Mat. 27:54) Malamang na nakita ng opisyal ang paglibak kay Jesus nang sabihin nitong Anak siya ng Diyos. Sa kabila ng lahat ng dinanas ni Jesus, nanatili pa rin siyang tapat at pinatunayan niyang napakasinungaling ni Satanas. Ganito ang hamon niya sa lahat ng sumusuporta sa soberanya ng Diyos: “Anumang bagay ay ibibigay ng tao, huwag lamang siyang mamatay.” (Job 2:4, Magandang Balita Biblia) Sa pananatiling tapat, naipakita ni Jesus na puwede rin sanang naging tapat sina Adan at Eva sa mas madaling pagsubok na napaharap sa kanila. Higit sa lahat, naitaguyod at nadakila nito ang pagiging matuwid ng soberanya ni Jehova. (Basahin ang Kawikaan 27:11.) May iba pa bang naisakatuparan ang kamatayan ni Jesus? Aba, oo!
16, 17. (a) Bakit naging posible na magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ni Jehova ang kaniyang mga saksi na nabuhay bago ang panahong Kristiyano? (b) Paano ginantimpalaan ni Jehova ang katapatan ng kaniyang Anak? Ano ang patuloy na ginagawa ng Panginoong Jesu-Kristo?
16 Maraming lingkod ni Jehova ang nabuhay bago bumaba si Jesus dito sa lupa. Itinuring silang matuwid ng Diyos at binigyan ng pag-asang mabuhay-muli. (Isa. 25:8; Dan. 12:13) Pero ano ang legal na saligan ni Jehova sa pagbibigay ng gayon kagandang pag-asa sa mga makasalanang tao? Sinabi ng Bibliya: “Inilagay siya [si Jesu-Kristo] ng Diyos bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo. Ito ay upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran, sapagkat pinatatawad niya ang mga kasalanan na naganap noong nakaraan habang ang Diyos ay nagtitimpi; upang ipakita ang kaniyang sariling katuwiran sa kasalukuyang kapanahunang ito, upang siya ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong may pananampalataya kay Jesus.”—Roma 3:25, 26.b
17 Matapos buhaying muli, ginantimpalaan ni Jehova si Jesus ng mas mataas na posisyon kaysa noong bago siya bumaba sa lupa. Si Jesus ay isa nang imortal at maluwalhating espiritung nilalang. (Heb. 1:3) Bilang Mataas na Saserdote at Hari, patuloy na tinutulungan ng Panginoong Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod sa pagdakila sa katuwiran ng Diyos. At laking pasasalamat natin na ang ating makalangit na Ama, si Jehova, ang Tagapagbigay-Gantimpala sa lahat ng gumagawa nito at tapat na naglilingkod sa kaniya bilang pagtulad sa kaniyang Anak!—Basahin ang Awit 34:3; Hebreo 11:6.
18. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Ang tapat na mga tao mula noong panahon ni Abel ay nagkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova dahil nanampalataya sila at nanalig sa ipinangakong Binhi. Alam ni Jehova na mananatiling tapat ang kaniyang Anak at na ang kamatayan nito ay magsisilbing sakdal na pambayad sa “kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Sa ngayon, nakikinabang din ang mga tao sa kamatayan ni Jesus. (Roma 3:26) Kung gayon, anong mga pagpapala ang matatanggap mo mula sa pantubos ni Kristo? Iyan ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Sinipi ni apostol Pablo ang Awit 40:6-8 ayon sa salin ng Griegong Septuagint, na may pananalitang “naghanda ka ng katawan para sa akin.” Ang mga salitang ito ay wala sa natuklasang mga manuskrito ng sinaunang Hebreong Kasulatan.
b Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa pahina 6 at 7.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano hinamon ang katuwiran ng Diyos?
• Ano ang isinasagisag ng bautismo ni Jesus?
• Ano ang naisakatuparan ng kamatayan ni Jesus?
[Larawan sa pahina 9]
Alam mo ba ang isinasagisag ng bautismo ni Jesus?