Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Pagbibigay-Pansin sa Pahimakas na mga Salita ni Jesus
NOONG gabi ng Nisan 14, 33 C.E., si Jesu-Kristo at ang kaniyang 11 tapat na apostol ay nakahilig sa mesa sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Palibhasa’y batid na malapit na siyang mamatay, sinabi niya sa kanila: “Ako ay kasama ninyo nang sandali na lamang.” (Juan 13:33) Sa katunayan, lumakad na si Judas Iscariote upang makipagsabwatan sa mga lalaking balakyot na ibig ipapatay si Jesus.
Walang isa man sa silid na iyon sa itaas ang nakadama sa pagkaapurahan ng sitwasyon nang higit kaysa kay Jesus. Lubos niyang alam na siya ay malapit nang maghirap. Alam din ni Jesus na iiwan siya ng kaniyang mga apostol sa mismong gabing iyon. (Mateo 26:31; Zacarias 13:7) Yamang ito ang huling pagkakataon ni Jesus na magsalita sa kaniyang mga apostol bago siya mamatay, matitiyak natin na ang kaniyang pahimakas na mga salita ay magtutuon ng pansin sa mga bagay na napakahalaga.
“Patuloy Ninyong Gawin Ito sa Pag-alaala sa Akin”
Kasama ang kaniyang tapat na mga apostol, sinimulan ni Jesus ang isang bagong pangingilin na hahalili sa Paskuwa ng mga Judio. Tinawag ito ni apostol Pablo na “ang hapunan ng Panginoon.” (1 Corinto 11:20) Pagkatapos kumuha ng tinapay na walang lebadura, si Jesus ay nanalangin. Nang magkagayo’y pinagputul-putol niya ang tinapay at ibinigay ito sa kaniyang mga apostol. “Kumuha kayo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan,” ang sabi niya. Pagkatapos ay kumuha siya ng isang kopa ng alak, nanalangin ng pasasalamat at ibinigay ito sa kaniyang mga apostol, na sinasabi: “Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos aang-alang sa marami para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”—Mateo 26:26-28.
Ano ang kahulugan ng pangyayaring ito? Gaya ng sinabi ni Jesus, ang tinapay ay sumasagisag sa kaniyang walang-kasalanang katawan. (Hebreo 7:26; 1 Pedro 2:22, 24) Ang alak ay sumasagisag sa itinigis na dugo ni Jesus, na nagbibigay-daan sa kapatawaran ng mga kasalanan. Binibigyang bisa rin ng kaniyang itinigis na dugo ang bagong tipan sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng 144,000 tao, na sa wakas ay mamamahalang kasama ni Jesus sa langit. (Hebreo 9:14; 12:22-24; Apocalipsis 14:1) Sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa mga apostol na makibahagi sa hapunang ito, ipinahihiwatig ni Jesus na sila ay makikibahaging kasama niya sa makalangit na Kaharian.
Tungkol sa alaalang hapunan na ito, iniutos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Oo, ang Hapunan ng Panginoon ay magiging taunang okasyon, gaya ng Paskuwa. Samantalang ipinaaalaala ng Paskuwa ang pagkaligtas ng mga Israelita buhat sa pagkaalipin sa Ehipto, ang Hapunan ng Panginoon ay magtutuon ng pansin sa lalong malaking pagliligtas—yaong sa sangkatauhan na maaaring tubusin buhat sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. (1 Corinto 5:7; Efeso 1:7) Karagdagan pa, yaong nakikibahagi sa makasagisag na tinapay at alak ay mapaaalalahanan sa kanilang panghinaharap na pribilehiyo bilang mga hari at mga saserdote sa makalangit na Kaharian ng Diyos.—Apocalipsis 20:6.
Ang kamatayan ni Jesu-Kristo ang siyang tunay na napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng tao. Yaong nagpapahalaga sa ginawa ni Jesus ay tumutupad sa kaniyang utos hinggil sa Hapunan ng Panginoon: “Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.” Bawat taon ay inaalaala ng mga Saksi ni Jehova ang kamatayan ni Jesus sa petsang katumbas ng Nisan 14. Ngayong 1996 ang petsang ito ay pumapatak sa Abril 2, pagkalubog ng araw. Kayo ay malugod na inaanyayahang dumalo sa isang Kingdom Hall sa inyong lugar.
“Binibigyan Ko Kayo ng Isang Bagong Kautusan”
Liban sa pagtatatag sa Hapunan ng Panginoon, nagbigay si Jesus ng ilang pahimakas na payo sa kaniyang mga apostol. Sa kabila ng kanilang mahusay na pagkakasanay, ang mga lalaking ito ay marami pang dapat malaman. Hindi nila lubusang naunawaan ang layunin ng Diyos para kay Jesus, para sa kanila, o para sa hinaharap. Subalit hindi sinikap ni Jesus na liwanagin ang lahat ng bagay na ito sa panahong iyon. (Juan 14:26; 16:12, 13) Sa halip, nagsalita siya tungkol sa isang bagay na napakahalaga. “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan,” sabi niya, “na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.” Pagkatapos ay idinagdag ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35.
Sa papaanong paraan ito naging “isang bagong kautusan”? Buweno, iniutos ng Batas Mosaiko: “Dapat mong ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Subalit, hiniling ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magpakita ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig na aabot sa punto na handang ibigay ng isa ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano. Sabihin pa, ang ‘batas ng pag-ibig’ ay kakapit din sa hindi gaanong maselang na mga kalagayan. Sa lahat ng kalagayan ay magkukusa ang isang tagasunod ni Jesu-Kristo na magpamalas ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagtulong sa iba sa espirituwal at sa iba pang paraan.—Galacia 6:10.
Sa huling gabing ito ng buhay ni Jesus sa lupa, pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus upang manalangin sa Diyos na Jehova alang-alang sa kaniyang mga alagad. Sa isang bahagi, idinalangin niya: “Sila ay nasa sanlibutan at ako ay paroroon sa iyo. Amang banal, bantayan mo sila dahil sa iyong sariling pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa na gaya natin.” (Juan 17:11) Kapansin-pansin na sa pakiusap na ito sa kaniyang Ama, nanalangin si Jesus para sa maibiging pagkakaisa ng kaniyang mga tagasunod. (Juan 17:20-23) Kailangang ‘ibigin nila ang isa’t isa kung paanong inibig sila ni Jesus.’—Juan 15:12.
Ang tapat na mga apostol ay nagbigay-pansin sa pahimakas na mga salita ni Jesus. Tayo man ay nararapat sumunod sa kaniyang utos. Sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, ang pag-ibig at pagkakaisa sa gitna ng tunay na mga mananamba ay mas mahalaga higit kailanman. (2 Timoteo 3:1) Sa katunayan, tinutupad ng tunay na mga Kristiyano ang mga utos ni Jesus at ipinamamalas ang pag-ibig na pangkapatid. Kasali rito ang pagsunod sa kaniyang utos na ipangilin ang Hapunan ng Panginoon.