BAHAY (SAMBAHAYAN) NG AMA
Ang pananalitang Hebreo na behth ʼav (sa pangmaramihan, behth ʼa·vohthʹ) ay maaaring tumukoy (1) sa isang tahanang dako (Deu 22:21); (2) sa sambahayan ng ama ng isang tao sa kaniyang dakong tinatahanan (Gen 31:30; 38:11); (3) doon sa mga bumubuo sa mismong sambahayang iyon, ang mga ito man ay nasa lokasyong malayo sa tahanan ng mga ninuno (Gen 46:31; Huk 9:18); o (4), gaya ng iba’t ibang pagkakasalin dito, sa isang “sambahayan ng ama,” “pangunahing sambahayan,” “sambahayan ng mga ninuno,” “sambahayan sa panig ng ama,” na sa ilang kaso ay binubuo ng ilang pamilya. Halimbawa, noong panahong bilangin ang mga Israelita sa ilang, apat na pamilya ang itinuring na bumubuo sa sambahayan ni Kohat sa panig ng ama. (Bil 3:19, 30; tingnan din ang Exo 6:14; Bil 26:20-22; Jos 7:17.) Mahigit sa isang sambahayan sa panig ng ama ang bumubuo sa isang tribo (gaya ng tribo ni Levi, na binubuo ng mga sambahayan nina Gerson, Kohat, at Merari sa panig ng ama).
Gayunman, ang mga terminong “sambahayan sa panig ng ama,” o “sambahayan ng ama,” “sambahayan ng aming ama,” at iba pa, ay hindi laging limitado sa nabanggit na mga paggamit. (Para sa mas malawak na paggamit ng pananalitang “sambahayan sa panig ng ama,” tingnan ang Bil 17:2, 6, kung saan ang sambahayan sa panig ng ama ay tumutukoy sa isang tribo.)
Habang dumarami ang populasyon ng Israel at habang pinaninirahan ang iba’t ibang lugar ng Lupang Pangako, lumalaki rin ang bilang ng mga sambahayan sa panig ng ama. Ang mga saserdote ay inorganisa ni David sa 24 na pangkat ng paglilingkod ayon sa kani-kanilang sambahayan sa panig ng ama, 16 na pangkat para kay Eleazar at 8 para kay Itamar. Ang 24 na pangulo ay tinawag na “mga ulo para sa kanilang mga sambahayan sa panig ng ama.” (1Cr 24:4-6) Ang iba pang mga Levita ay pinili para sa ilang tungkulin sa pamamagitan ng palabunutan, anupat hindi na isinaalang-alang ang anumang priyoridad batay sa edad ng mga ulo ng kani-kanilang mga sambahayan sa panig ng ama.—1Cr 24:20-31.
Bawat Israelitang sambahayan sa panig ng ama ay kinatawanan ng tagapagmanang ulo nito may kaugnayan sa opisyal na gawain ng tribo at sa paglalapat ng katarungan. (Ne 7:70, 71; 11:13) Sa pagdiriwang ng Paskuwa sa Jerusalem noong panahon ni Haring Josias, lumilitaw na ang mga tao ay pumapasok sa looban ng templo ayon sa kani-kanilang sambahayan sa panig ng ama upang maghandog ng kanilang mga hain. Ang mga Levita, ayon sa kani-kanilang pangkat batay sa mga sambahayan sa panig ng ama, ang tumatanggap sa mga hain ng mga tao at naghahanda ng mga ito.—2Cr 35:4, 5, 12.
Nangako si Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod na yayaon siya upang maghanda ng dako para sa kanila sa ‘bahay ng kaniyang Ama,’ anupat ang tinutukoy niya ay ang makalangit na tahanang dako ni Jehova.—Ju 14:2; tingnan ang PAMILYA.