KABANATA 15
Ang Kaniyang Unang Himala
ANG KASALAN SA CANA
GINAWANG ALAK NI JESUS ANG TUBIG
Ikatlong araw na ngayon mula nang maging alagad ni Jesus si Natanael. Si Jesus at ang ilan sa kaniyang unang mga alagad ay naglakbay pahilaga patungo sa distrito ng Galilea, kung saan sila nakatira. Pupunta sila sa Cana, ang bayan ni Natanael. Ang Cana ay nasa mga burol sa hilaga ng Nazaret, kung saan lumaki si Jesus. Naimbitahan sila sa isang kasalan sa Cana.
Imbitado rin sa kasalang iyon ang ina ni Jesus. Palibhasa’y kaibigan ng pamilya ng ikakasal, malamang na abalang-abala si Maria sa pag-aasikaso sa maraming bisita. Kaya madali niyang napansin na paubos na ang alak, at sinabi niya ito kay Jesus: “Wala na silang alak.”—Juan 2:3.
Para bang sinasabi ni Maria kay Jesus na gumawa ng paraan para hindi kapusin ang alak. Makikita sa sagot ni Jesus na hindi siya sang-ayon sa naisip ni Maria: “Ano ang kinalaman natin doon?” (Juan 2:4) Bilang Haring pinili ng Diyos, anumang gagawin ni Jesus ay dapat na utos ng kaniyang Ama sa langit, at hindi ng kaniyang pamilya o mga kaibigan. Kaya ipinaubaya na lang ni Maria sa kaniyang anak ang gagawin, at sinabi sa mga nagsisilbi: “Gawin ninyo anuman ang sabihin niya sa inyo.”—Juan 2:5.
May anim na banga, at bawat isa’y makapaglalaman ng mahigit 40 litro. Sinabi ni Jesus sa mga nagsisilbi: “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Pagkatapos, sinabi niya: “Sumalok kayo ngayon ng kaunti at dalhin ninyo sa nangangasiwa sa handaan.”—Juan 2:7, 8.
Ang nangangasiwa ay humanga sa kalidad ng alak, pero hindi niya alam na ito ay makahimalang ginawa. Tinawag niya ang lalaking ikinasal, at sinabi: “Ang lahat ng iba pa ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang klase naman. Pero ngayon mo inilabas ang mainam na alak.”—Juan 2:10.
Ito ang unang himala ni Jesus. Nang masaksihan ito ng kaniyang bagong mga alagad, tumibay ang kanilang pananampalataya sa kaniya. Pagkatapos, si Jesus, ang kaniyang ina, at ang mga kapatid niyang lalaki ay naglakbay patungo sa lunsod ng Capernaum, sa hilagang-kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea.