Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Payo sa Pagyaon
TAPOS na ang hapunan sa memoryal, ngunit si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay naroon pa rin sa silid sa itaas. Bagaman hindi na magtatagal at yayaon na si Jesus, siya’y marami pang mga bagay na sasabihin. “Huwag magulumihanan ang inyong puso,” ang pang-aliw niya sa kanila. “Magsisampalataya kayo sa Diyos.” Ngunit higit pa ang kailangan. “Magsisampalataya rin kayo sa akin,” ang susog pa niya.
“Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan,” ang patuloy pa ni Jesus. “Ako’y pupunta roon upang maghanda ng dako para sa inyo . . . upang kung saan ako naroroon kayo man ay dumoon din. At kung saan ako paroroon ay malalaman ninyo ang daan.” Hindi maintindihan ng mga apostol na ang tinutukoy pala ni Jesus ay ang pag-alis upang pumunta sa langit, kaya nagtanong si Tomas: “Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon. Papaano ngang malalaman namin ang daan?”
“Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” ang sagot ni Jesus. Oo, tanging sa pagtanggap sa kaniya at pagtulad sa kaniyang landasin ng buhay makapapasok ang sinuman sa makalangit na bahay ng Ama sapagkat, gaya ng sabi ni Jesus: “Sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
“Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama,” ang pakiusap ni Felipe, “at sapat na ito para sa amin.” Maliwanag na ibig ni Felipe na si Jesus ay magbigay ng isang nakikitang kaanyuan ng Diyos, gaya ng ipinakita noong sinaunang panahon sa mga pangitain kina Moises, Elias, at Isaias. Ngunit, ang totoo, ang mga apostol ay may isang bagay na mas mainam kaysa mga ganoong uri ng pangitain, gaya ng sabi ni Jesus: “Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, gayunman, hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”
Makikita kay Jesus ang ganap na larawan ng kaniyang Ama kung kaya’t ang pakikipamuhay at pagmamasid sa kaniya ay, sa katunayan, parang totohanang nakikita mo ang Ama. Gayunman, ang Ama ay lalong higit na nakatataas sa Anak, gaya ng kinikilala ni Jesus: “Ang mga bagay na aking sinasabi sa inyo ay hindi ko sinasalita sa aking ganang sarili.” Sa kaniyang makalangit na Ama wastong ibinibigay ni Jesus ang lahat ng kapurihan para sa kaniyang mga turo.
Anong laking pampatibay-loob na marinig ng mga apostol si Jesus ngayon na sabihin sa kanila: “Siyang sa akin ay sumasampalataya, gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya”! Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay gagawa ng lalong dakilang mga gawang kahima-himala kaysa kaniyang mga ginawa. Hindi, kundi ibig niyang sabihin na sila’y magsasagawa ng ministeryo sa loob ng lalong mahabang panahon, sa isang lalong malawak na lugar, at sa lalong higit na maraming tao.
Hindi pababayaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad pagkatapos ng kaniyang pagyaon. “Anumang inyong hingin sa aking pangalan,” ang kaniyang pangako, “ito’y aking gagawin.” At, sinabi pa niya: “Ako’y hihiling sa Ama at kayo’y bibigyan niya ng isa pang katulong upang sumainyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.” Nang malaunan, pagkatapos na umakyat na siya sa langit, sa kaniyang mga alagad ay ibinuhos ni Jesus ang banal na espiritu, ang isa pang katulong na ito.
Nalalapit na ang pagyaon ni Jesus, gaya ng kaniyang sinasabi: “Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” Si Jesus ay magiging isang espiritung nilalang na hindi makikita ng sinumang tao. Ngunit muli na namang nangangako si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Inyong makikita ako, sapagkat ako’y nabubuhay at kayo’y mangabubuhay rin.” Oo, si Jesus ay hindi lamang pakikita sa kanila sa anyong tao pagkatapos na siya’y buhaying-muli kundi sa takdang panahon kaniyang bubuhaying-muli sila sa buhay upang makasama niya sa langit bilang mga espiritung nilalang.
Ngayon ay sinasalita ni Jesus ang payak na alituntunin: “Ang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga yaon, siya ang umiibig sa akin. At ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko at ako’y magpapakahayag sa kaniya ng aking sarili.”
Sa puntong ito si apostol Judas, na siya ring tinatawag na Tadeo, ay sumabad: “Panginoon, ano’t mangyayari na sa amin ka magpapakahayag at hindi sa sanlibutan?”
“Kung ang sinuman ay umiibig sa akin,” ang tugon ni Jesus, “kaniyang tutuparin ang aking salita, at siya’y iibigin ng aking Ama . . . Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita.” Di-gaya ng kaniyang masunuring mga tagasunod, ang sanlibutan ay hindi nagbibigay-pansin sa mga turo ni Kristo. Kaya naman hindi siya nagpapakahayag sa kanila ng kaniyang sarili.
Sa panahon ng kaniyang makalupang ministeryo, maraming mga bagay ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga apostol. Papaano nila matatandaang lahat iyon, lalo na yamang, hanggang sa mga sandaling ito, hindi nila gaanong naiintindihan ang gayong karaming bagay? Nakatutuwa naman, si Jesus ay nangako: “Ang tagatulong, ang banal na espiritu, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, ang isang ito ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala sa inyo ng lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.”
Sila’y muling inaliw ni Jesus, na ang sabi: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. . . . Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” Totoo, yayaon na si Jesus, ngunit siya’y nagpaliwanag: “Kung ako’y inyong iniibig, kayo’y magagalak dahil sa ako’y paroroon sa Ama, sapagkat ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.”
Ang natitirang panahon ni Jesus sa piling nila ay maikli. “Hindi na ako magsasalita pa nang marami sa inyo,” aniya, “sapagkat dumarating ang pinuno ng sanlibutan. At siya’y walang kapangyarihan sa akin.” Si Satanas na Diyablo, na nakapasok na kay Judas at nagkaroon ng kapangyarihan sa kaniya, ang siyang pinuno ng sanlibutan. Ngunit si Jesus ay walang anumang makasalanang kahinaan na maaaring samantalahin ni Satanas upang italikod siya sa paglilingkod sa Diyos. Juan 14:1-31; 13:27; Lucas 22:3, 4; Exodo 24:10; 1 Hari 19:9-13; Isaias 6:1-5.
▪ Saan ba pupunta si Jesus, at ano ang isinagot niya kay Tomas tungkol sa pagpunta roon?
▪ Sa pamamagitan ng kaniyang hiniling, maliwanag na ano ang ibig ni Felipe na ibigay ni Jesus?
▪ Bakit ang isang nakakita kay Jesus ay nakakita rin sa Ama?
▪ Papaanong ang mga tagasunod ni Jesus ay gumagawa ng mga gawang lalong dakila kaysa kaniyang mga ginawa?
▪ Sa anong diwa walang kapangyarihan kay Jesus si Satanas?