ARALIN 17
Ano ang mga Katangian ni Jesus?
Habang nalalaman natin ang mga sinabi at ginawa ni Jesus noong nandito siya sa lupa, nakikita natin ang mga katangian niya. Dahil dito, napapalapít tayo sa kaniya, pati na sa Ama niyang si Jehova. Ano ang ilan sa mga katangiang ito? At paano natin siya matutularan?
1. Paano natularan ni Jesus ang Ama niya?
Bilyon-bilyong taon nang magkasama si Jesus at ang maibigin niyang Ama sa langit. Kaya siguradong natularan niya si Jehova. Pareho silang mag-isip, pareho sila ng nararamdaman, at pareho sila kung kumilos. (Basahin ang Juan 5:19.) Dahil kopyang-kopya ni Jesus ang mga katangian ng Ama niya, sinabi niya: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Habang pinag-aaralan mo ang mga katangian ni Jesus, mas makikilala mo si Jehova. Halimbawa, nang maawa si Jesus sa mga tao, ipinapakita nito na nagmamalasakit sa iyo si Jehova.
2. Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya si Jehova?
Sinabi ni Jesus: “Para malaman ng mundo na iniibig ko ang Ama, ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.” (Juan 14:31) Habang nasa lupa, ipinakita ni Jesus na mahal na mahal niya ang Ama niya. Sinusunod niya si Jehova kahit sa mahihirap na sitwasyon. Gustong-gusto ring ipakipag-usap ni Jesus ang tungkol sa Ama niya at tulungan ang iba na makipagkaibigan kay Jehova.—Juan 14:23.
3. Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga tao?
Sinasabi ng Bibliya na “espesyal para [kay Jesus] ang mga anak ng tao.” (Kawikaan 8:31) Ipinakita niyang mahal niya ang mga tao at nagsakripisyo siya para tulungan sila. Sa mga himala niya, kitang-kita ang kapangyarihan niya, pero lalo na ang awa niya. (Marcos 1:40-42) Mabait siya at pantay-pantay ang pakikitungo niya sa mga tao. Napatibay at nagkaroon ng pag-asa ang mga tapat-pusong nakikinig sa kaniya. Dahil mahal ni Jesus ang mga tao, handa siyang magdusa at mamatay para sa kanila. Pero mas mahal niya ang mga sumusunod sa turo niya.—Basahin ang Juan 15:13, 14.
PAG-ARALAN
Alamin pa ang mga katangian ni Jesus, at kung paano matutularan ang pag-ibig at pagiging mapagbigay niya.
4. Mahal ni Jesus ang Ama niya
Itinuro ni Jesus kung paano natin maipapakitang mahal natin ang Diyos. Basahin ang Lucas 6:12 at Juan 15:10; 17:26. Sa bawat teksto, talakayin ang tanong na ito:
Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya si Jehova, at paano natin siya matutularan?
5. May malasakit si Jesus sa mga nangangailangan
Inuna ni Jesus ang kapakanan ng iba imbes na ang sa kaniya. Ginamit ni Jesus ang oras at lakas niya para tulungan ang mga tao kahit pagod na siya. Basahin ang Marcos 6:30-44. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa teksto, paano ipinakita ni Jesus na nagmamalasakit siya sa iba?—Tingnan ang talata 31, 34, 41, at 42.
Bakit niya tinulungan ang mga tao?—Tingnan ang talata 34.
Dahil kopyang-kopya ni Jesus ang mga katangian ni Jehova, ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol kay Jehova?
Paano natin matutularan ang pagmamalasakit ni Jesus sa iba?
6. Mapagbigay si Jesus
Kahit walang gaanong pera at pag-aari si Jesus, naging mapagbigay siya. At sinabi niya sa mga tao na maging mapagbigay rin. Basahin ang Gawa 20:35. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ayon kay Jesus, paano tayo magiging maligaya?
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang ilang paraan para makapagbigay tayo kahit wala tayong gaanong pera at pag-aari?
Alam mo ba?
Itinuturo ng Bibliya na dapat tayong manalangin kay Jehova sa pangalan ni Jesus. (Basahin ang Juan 16:23, 24.) Kapag ginawa natin iyan, ipinapakita natin na pinapahalagahan natin ang ginawa ni Jesus para maging kaibigan tayo ni Jehova.
MAY NAGSASABI: “Walang pakialam ang Diyos sa mga paghihirap natin.”
Paano pinatunayan ng mga ginawa ni Jesus na nagmamalasakit sa atin si Jehova?
SUMARYO
Mahal ni Jesus si Jehova pati na ang mga tao. Kopyang-kopya ni Jesus ang mga katangian ng Ama niya. Kaya kapag nakikilala natin siya, mas nakikilala rin natin si Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano natin maipapakita na mahal natin si Jehova, gaya ng ginawa ni Jesus?
Paano natin maipapakita na mahal natin ang mga tao, gaya ng ginawa ni Jesus?
Ano ang pinakanagustuhan mo sa mga katangian ni Jesus?
TINGNAN DIN
Pag-aralan ang ilang katangian ni Jesus na puwede nating tularan.
“Maging Gaya ni Jesus na . . .” (Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay, pahina 317)
Alamin kung bakit dapat tayong manalangin sa pangalan ni Jesus.
“Bakit Dapat Manalangin sa Pangalan ni Jesus?” (Ang Bantayan, Pebrero 1, 2008)
May sinasabi ba ang Bibliya tungkol sa hitsura ni Jesus?
Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jesus sa mga babae?
“Respeto at Dignidad sa Ilalim ng Pangangalaga ng Diyos” (Ang Bantayan, Setyembre 1, 2012)