“Sinasaliksik ng Espiritu . . . ang Malalalim na Bagay ng Diyos”
“Sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.”—1 COR. 2:10.
1. Anong papel ng banal na espiritu ang idiniin ni Pablo sa 1 Corinto 2:10? Anong mga tanong ang bumabangon?
SALAMAT at kumikilos ang banal na espiritu ni Jehova! Ang espiritu ayon sa Kasulatan ay isang katulong, kaloob, tagapagpatotoo, at siyang nakikiusap para sa atin. (Juan 14:16; Gawa 2:38; Roma 8:16, 26, 27) Idiniin ni apostol Pablo ang isa pang napakahalagang papel ng banal na espiritu: “Sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Cor. 2:10) Oo, ginagamit ni Jehova ang banal na espiritu para isiwalat ang malalalim na katotohanan. Kung wala ito, paano natin mauunawaan ang mga layunin ni Jehova? (Basahin ang 1 Corinto 2:9-12.) Ngayon, ang tanong: Paano ‘sinasaliksik ng espiritu ang malalalim na bagay ng Diyos’? Sa pamamagitan nino isiniwalat ni Jehova noong unang siglo C.E. ang mga bagay na ito? Paano at sa pamamagitan nino sinasaliksik ng espiritu sa ngayon ang malalalim na bagay?
2. Sa anong dalawang paraan kikilos ang espiritu?
2 Ipinahiwatig ni Jesus ang dalawang paraan kung paano kikilos ang espiritu. Noong malapit na siyang mamatay, sinabi niya sa mga apostol: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Juan 14:26) Kaya ang banal na espiritu ay magiging tagapagturo at tagapagpaalaala. Bilang tagapagturo, tutulungan nito ang mga Kristiyano na maunawaan ang mga bagay na dati’y hindi nila naiintindihan. Bilang tagapagpaalaala naman, tutulungan sila nito na maalaala at wastong maikapit ang mga naipaliwanag na.
Noong Unang Siglo
3. Anong mga salita ni Jesus ang nagpapahiwatig na unti-unting isisiwalat ang “malalalim na bagay ng Diyos”?
3 Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng maraming katotohanang bago sa kanila. Pero marami pa silang dapat matutuhan. Sinabi ni Jesus: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan. Gayunman, kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan, aakayin niya kayo sa lahat ng katotohanan.” (Juan 16:12, 13) Kaya ipinahiwatig ni Jesus na sa pamamagitan ng banal na espiritu, unti-unting isisiwalat ang malalalim na bagay ng Diyos.
4. Paano naging tagapagturo at tagapagpaalaala ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E.?
4 Noong Pentecostes 33 C.E., dumating ang “espiritu ng katotohanan” na ibinuhos sa 120 Kristiyanong nagkakatipon sa Jerusalem. Nakita at narinig ang mga katibayan nito. (Gawa 1:4, 5, 15; 2:1-4) Ang mga alagad ay nagsalita sa iba’t ibang wika “tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.” (Gawa 2:5-11) Panahon na para isiwalat ang isang bagong bagay! Ang pagbubuhos na ito ng banal na espiritu ay inihula ni propeta Joel. (Joel 2:28-32) Nasaksihan ng mga naroroon ang katuparan nito sa paraang hindi nila inaasahan, at ipinaliwanag ni apostol Pedro ang nangyari. (Basahin ang Gawa 2:14-18.) Kaya bilang tagapagturo, nilinaw ng banal na espiritu kay Pedro na ang naranasan ng mga alagad ay katuparan ng isang matagal nang hula. Ang espiritu ay naging isa ring tagapagpaalaala, dahil sinipi ni Pedro hindi lang si Joel kundi pati ang dalawang awit ni David. (Awit 16:8-11; 110:1; Gawa 2:25-28, 34, 35) Talagang malalalim na bagay ng Diyos ang nakita at narinig ng mga naroroon.
5, 6. (a) Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., anong mga tanong tungkol sa bagong tipan ang kailangang masagot? (b) Sa pamamagitan nino iniharap ang mga tanong na ito? Paano nakakagawa ng mga desisyon?
5 Marami pang dapat linawin sa mga Kristiyano noong unang siglo. Halimbawa, may mga tanong tungkol sa bagong tipan na nagkabisa noong Pentecostes. Para lang ba sa mga Judio at proselitang Judio ang bagong tipan? Puwede rin ba ito sa mga Gentil at sa gayo’y mapahiran ng banal na espiritu? (Gawa 10:45) Dapat ba munang tuliin ang mga Gentil at sumunod sa Kautusang Mosaiko? (Gawa 15:1, 5) Napakahalaga ng mga tanong na iyan. Kailangan ang espiritu ni Jehova para masaliksik ang malalalim na bagay na ito. Pero sa pamamagitan nino kikilos ang banal na espiritu?
6 Ang mahahalagang isyung ito ay iniharap sa pamamagitan ng mga tagapangasiwa. Sina Pedro, Pablo, at Bernabe ay naroroon sa pulong ng lupong tagapamahala at inilahad nila kung paano pinakikitunguhan ni Jehova ang di-tuling mga Gentil. (Gawa 15:7-12) Matapos pag-usapan ang katibayang ito ayon sa ipinahihiwatig sa Hebreong Kasulatan at sa tulong ng banal na espiritu, nagdesisyon ang lupong tagapamahala. Saka nila sinulatan ang mga kongregasyon tungkol sa naging desisyon.—Basahin ang Gawa 15:25-30; 16:4, 5; Efe. 3:5, 6.
7. Paano pa isiniwalat ang malalalim na katotohanan?
7 Marami pang bagay ang nilinaw sa tulong ng kinasihang mga sulat nina Juan, Pedro, Santiago, at Pablo. Pero nang makumpleto ang Kristiyanong Kasulatan, inalis na ang mga kaloob na panghuhula at makahimalang pagsisiwalat ng kaalaman. (1 Cor. 13:8) Patuloy bang magiging tagapagturo at tagapagpaalaala ang espiritu? Patuloy ba itong tutulong sa mga Kristiyano na saliksikin ang malalalim na bagay ng Diyos? Ayon sa hula, oo.
Sa Panahon ng Kawakasan
8, 9. Sino ang mga may kaunawaan na “sisikat” sa panahon ng kawakasan?
8 Tungkol sa panahon ng kawakasan, inihula ng isang anghel: “Silang may kaunawaan ay sisikat na gaya ng ningning ng kalawakan; at silang nagdadala ng marami tungo sa katuwiran, tulad ng mga bituin hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman. . . . At ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Dan. 12:3, 4) Sino ang mga may kaunawaan na sisikat? Ipinahiwatig ito ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa trigo at panirang-damo. May kinalaman sa “katapusan ng isang sistema ng mga bagay,” sinabi niya: “Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.” (Mat. 13:39, 43) Ayon kay Jesus, ang “mga matuwid” ay ang “mga anak ng kaharian”—mga pinahirang Kristiyano.—Mat. 13:38.
9 “Sisikat” ba ang lahat ng pinahirang Kristiyano? Sa diwa, oo, dahil lahat sila ay makikibahagi sa pangangaral, paggawa ng alagad, at pagpapatibayan sa isa’t isa sa mga pulong. At magiging huwaran sila ng lahat ng Kristiyano. (Zac. 8:23) Pero mayroon ding malalalim na bagay na isisiwalat sa panahon ng kawakasan. Ang mismong hula ni Daniel ay “tinatakan” hanggang sa panahong iyon. (Dan. 12:9) Paano at sa pamamagitan nino sasaliksikin ng espiritu ang malalalim na bagay?
10. (a) Sa pamamagitan nino isinisiwalat ngayon ng espiritu ang malalalim na katotohanan? (b) Ipaliwanag kung paano nilinaw ang katotohanan tungkol sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova.
10 Sa ngayon, tinutulungan ng banal na espiritu ang mga kinatawan ng “tapat at maingat na alipin” sa punong-tanggapan para maunawaan ang malalalim na katotohanan na dati’y hindi naiintindihan. (Mat. 24:45; 1 Cor. 2:13) Isinasaalang-alang ng Lupong Tagapamahala kung kailangang baguhin ang ilang paliwanag. (Gawa 15:6) Pagkatapos, nagpapasiya sila, at kung kailangan, inilalathala nila ito para sa kapakinabangan ng lahat. (Mat. 10:27) Sa paglipas ng panahon, maaaring magkaroon ng higit pang paglilinaw, at inilalathala rin nila ang mga ito.—Tingnan ang kahong “Paano Isiniwalat ng Espiritu ang Kahulugan ng Espirituwal na Templo?”
Makinabang Ngayon sa Papel ng Espiritu
11. Paano nakikinabang ang lahat ng Kristiyano ngayon sa papel ng banal na espiritu sa pagsisiwalat ng malalalim na bagay ng Diyos?
11 Ang lahat ng tapat na Kristiyano ay nakikinabang sa papel ng banal na espiritu sa pagsisiwalat ng malalalim na bagay ng Diyos. Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, nag-aaral din tayo, at sa kalaunan, maaari nating alalahanin at ikapit ang mga impormasyong ipinaunawa sa atin ng banal na espiritu. (Luc. 12:11, 12) Hindi kailangan ang mataas na pinag-aralan para maunawaan ang nakalathalang malalalim na katotohanan. (Gawa 4:13) Paano natin mapasusulong ang ating kaunawaan sa malalalim na bagay ng Diyos? Tingnan natin ang ilang mungkahi.
12. Kailan tayo dapat manalangin para sa banal na espiritu?
12 Manalangin para sa banal na espiritu. Bago pag-aralan ang isang materyal sa Kasulatan, ipanalangin muna nating patnubayan tayo ng banal na espiritu. Gagawin pa rin natin ito kahit nag-iisa o saglit lang mag-aaral. Tiyak na matutuwa si Jehova sa ganitong mapagpakumbabang pagsusumamo. Sinabi ni Jesus na handang magbigay si Jehova ng kaniyang banal na espiritu kapag taimtim natin itong hiniling.—Luc. 11:13.
13, 14. Paano nakakatulong ang paghahanda para sa mga pulong upang maunawaan ang malalalim na bagay ng Diyos?
13 Maghanda para sa mga pulong. Tinutupad ng uring alipin ang kanilang atas na paglaanan tayo ng “pagkain sa tamang panahon”—mga materyal sa Kasulatan at mga programa para sa pag-aaral at mga pulong. May mahahalagang dahilan kung bakit hinihilingan ang “buong samahan ng mga kapatid” na isaalang-alang ang ilang impormasyon. (1 Ped. 2:17; Col. 4:16; Jud. 3) Masasabing nakikipagtulungan tayo sa banal na espiritu kung ginagawa natin ang ating buong makakaya sa pagsunod sa tinatanggap nating mga tagubilin.—Apoc. 2:29.
14 Kapag naghahanda para sa mga pulong, dapat nating tingnan ang binanggit na mga teksto at ang kaugnayan nito sa paksang tinatalakay. Kung lagi itong gagawin, unti-unting lalalim ang ating unawa sa Bibliya. (Gawa 17:11, 12) Kapag tinitingnan natin sa Bibliya ang mga teksto, natatandaan natin ang nilalaman nito sa tulong ng banal na espiritu at naaalaala kung saang lugar sa Bibliya ito nabasa.
15. Bakit dapat nating basahin ang pinakabagong mga publikasyon? Paano mo ito magagawa?
15 Basahin ang pinakabagong mga publikasyon. May mga publikasyong hindi tinatalakay sa mga pulong, pero inihanda para makinabang tayo. Kahit nga ang mga magasing iniaalok natin sa publiko ay para din sa ating kapakinabangan. Bagaman abalang-abala tayo, madalas na may mga pagkakataong naghihintay lang tayo. Kung may dala tayong publikasyong hindi pa natin nababasa o natatapos basahin, puwede nating samantalahin ang mga pagkakataong ito para magbasa. Ang ilan naman ay nakikinig sa mga rekording ng ating mga publikasyon habang naglalakad o nagbibiyahe. Ang mga materyal na ito, na sinaliksik na mabuti pero madaling maunawaan ng mga karaniwang mambabasa, ay nagpapalalim ng ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.—Hab. 2:2.
16. Bakit mahalagang isulat at pag-aralan ang naiisip mong mga tanong?
16 Magbulay-bulay. Pag-isipang mabuti ang mga binabasa mo sa Bibliya o sa ating mga publikasyon. Habang sinusundan ang itinatawid na mga impormasyon, baka may mga tanong ka. Puwede mong isulat ang mga ito at saka mo pag-aralan. Sa paggawa nito, nagiging malalim ang iyong pag-aaral. Ang nakukuha nating kaunawaan ay parang mga nakaimbak na kayamanan na magagamit natin kapag kailangan.—Mat. 13:52.
17. Paano ninyo isinasagawa ang inyong pampamilya o personal na pag-aaral?
17 Mag-iskedyul para sa Pampamilyang Pagsamba. Tayong lahat ay hinihimok ng Lupong Tagapamahala na mag-iskedyul ng isang gabi o ng ibang oras linggu-linggo para sa personal o pampamilyang pag-aaral. Ang pagbabago sa iskedyul ng ating pulong ay nagbigay sa atin ng pagkakataong magawa ito. Paano ninyo isinasagawa ang inyong Pampamilyang Pagsamba? Ang ilan ay nagbabasa ng Bibliya, anupat sinasaliksik ang mga talatang nakaintriga sa kanila at nilalagyan ng maiikling nota ang kanilang Bibliya. May mga pamilya naman na nag-uusap kung paano ikakapit ang napag-aralang materyal. May mga ama na pumipili ng materyal na kailangan ng kanilang pamilya o mga paksa o tanong na gustong pag-usapan ng pamilya. Sa susunod na mga pagkakataon, tiyak na may maiisip kang iba pang mga paksang mapag-uusapan.a
18. Bakit hindi tayo dapat tumigil sa pag-aaral ng malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos?
18 Sinabi ni Jesus na ang espiritu ay magiging katulong. Kaya huwag tayong titigil sa pag-aaral ng malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang mga katotohanang ito ay bahagi ng mahalagang “kaalaman sa Diyos,” at inaanyayahan tayong saliksikin ang mga ito. (Basahin ang Kawikaan 2:1-5.) Isinisiwalat nito ‘ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.’ Habang nagsisikap tayong matuto pa tungkol sa Salita ng Diyos, tutulungan tayo ng banal na espiritu dahil “sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.”—1 Cor. 2:9, 10.
[Talababa]
a Tingnan din ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Oktubre 2008, pahina 8.
Paano Mo Sasagutin?
• Sa anong dalawang paraan tumutulong sa atin ang espiritu na masaliksik ang “malalalim na bagay ng Diyos”?
• Sa pamamagitan nino isiniwalat ng banal na espiritu noong unang siglo ang malalalim na katotohanan?
• Paano kumikilos ang banal na espiritu para linawin ang mga bagay-bagay sa ngayon?
• Paano ka makikinabang sa papel ng espiritu?
[Kahon sa pahina 22]
Paano Isiniwalat ng Espiritu ang Kahulugan ng Espirituwal na Templo?
Isiniwalat noong unang siglo ang isa sa “malalalim na bagay ng Diyos.” Nilinaw na ang tabernakulo—nang maglaon, ang mga templo—ay may mas malaking espirituwal na paglalarawan. Tinawag ito ni Pablo bilang ang “tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Heb. 8:2) Isa itong dakilang espirituwal na templo, isang kaayusan ng paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng hain at pagkasaserdote ni Jesu-Kristo.
Ang “tunay na tolda” ay umiral noong 29 C.E., nang bautismuhan si Jesus at tanggapin ni Jehova bilang isa na magiging sakdal na hain. (Heb. 10:5-10) Matapos mamatay at buhaying muli, pumasok si Jesus sa Kabanal-banalang dako ng espirituwal na templo at iniharap ang halaga ng kaniyang hain “sa mismong persona ng Diyos.”—Heb. 9:11, 12, 24.
Sa isa pang liham, isinulat ni apostol Pablo na ang mga pinahirang Kristiyano ay “lumalaki upang maging isang banal na templo para kay Jehova.” (Efe. 2:20-22) Ito rin ba ang templong inilarawan niya bilang “tunay na tolda” sa kaniyang liham sa mga Hebreo? Sa loob ng maraming taon, inakala ng mga lingkod ni Jehova na gayon nga. Inisip nila na ang mga pinahirang Kristiyano ay inihahanda dito sa lupa para maging ‘mga bato’ sa makalangit na templo ni Jehova.—1 Ped. 2:5.
Noong unang mga taon ng dekada ng 1970, naunawaan ng mga nangangasiwang miyembro ng uring alipin na ang templong binanggit ni Pablo sa mga taga-Efeso ay hindi ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Ang “tunay na tolda” ay hindi maaaring binubuo ng binuhay-muling mga pinahirang Kristiyano, dahil binuhay lang silang muli noong panahon ng “pagkanaririto ng Panginoon.” (1 Tes. 4:15-17) Bukod diyan, sinabi ni Pablo tungkol sa tabernakulo: “Ang tolda ngang ito ay isang ilustrasyon para sa takdang panahon na narito na ngayon.”—Heb. 9:9.
Matapos ihambing ang mga tekstong ito sa iba pang mga teksto, maliwanag na ang espirituwal na templo ay hindi itinatayo pa lang sa ngayon at na hindi inihahanda ang mga pinahirang Kristiyano para maging ‘mga bato’ nito. Sa halip, ang mga pinahirang Kristiyano ay naglilingkod sa looban at sa Banal na dako ng espirituwal na templo, anupat araw-araw na naghahandog sa Diyos ng “hain ng papuri.”—Heb. 13:15.
[Larawan sa pahina 23]
Paano natin mapasusulong ang ating kaunawaan sa “malalalim na bagay ng Diyos”?