Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
▪ Sa liwanag ng mga salita ni Jesus sa Juan 15:15, dapat bang malasin ng mga Kristiyano ang kanilang sarili bilang kaniyang “mga alipin,” o maituturing ba natin ang ating sarili na kaniyang “mga kaibigan”?
Maituturing natin at dapat na tayo’y kapuwa gayon nga. Upang makita kung bakit, pansinin natin kung ano ang sinabi ni Jesus noon sa kaniyang tapat na mga apostol noong huling gabi na siya’y kapiling nila:
“Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. Kayo’y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.”—Juan 15:13-15.
Una, ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya na ang kaniyang tapat na mga alagad ay mga alipin? Hindi ang ibig niyang sabihin na mga alipin sa diwa na lahat ng mga taong inapo ni Adan ay ipinanganak na di-sakdal, sa gayo’y ipinagbili sa kasalanan o alipin ito. (Juan 8:34; Roma 5:18, 19; 6:16; 7:14) Tulad ng mga Kristiyano sapol noon, ang mga apostol ay dating mga alipin nga sa ganiyang paraan, subalit ang hain na inihandog ni Jesus ang nagbibigay ng paraan upang sila’y makalaya, o makaalis, doon. (1 Pedro 1:18, 19; Galacia 4:5) Gayunman, bagaman nagkagayon ay hindi sila lubusang lumaya. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo noong malaunan, sila ay “binili sa halaga,” ang dugo ni Jesus, kung kaya’t sila’y naging mga alipin ng Diyos at ni Kristo.—1 Corinto 6:20, 7:22, 23.
Sa Juan 15:15 hindi ibig sabihin ni Jesus na ang tapat na mga apostol na malapit na noong tumanggap ng banal na espiritu at maging pinahirang mga Kristiyano ay hindi na mga alipin. (Ihambing ang Juan 15:20.) Mangyari pa, ang pagpapaalipin sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay hindi mapang-api at nagdadala sa kamatayan. Ito ay mapagmahal at nagliligtas ng buhay. (2 Timoteo 4:8; Tito 1:1, 2) Ang isang Kristiyano na malugod na tumatanggap sa bisa ng dugo ni Kristo at nagiging isang alipin ng Diyos ay mapapaharap sa walang-hanggang kamatayan tangi lamang kung siya sa dakong huli ay tatanggi sa haing iyon at manunumbalik sa pagkakasala, upang maging isang aliping muli niyaon. (Galacia 1:10; 4:8, 9; Hebreo 6:4-6) Samakatuwid, ang mga alagad ni Jesus ay magpapatuloy na maging mga alipin ng Diyos at ni Kristo, subalit sila’y higit pa sa pagiging mga alipin. Bakit?
Noon, naunawaan ni Jesus at ng mga apostol na sa isang normal na malamig o pormal na relasyong panginoon-alipin, ‘hindi malalaman ng isang alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon.’ Sa normal na relasyon, ang isang taong panginoon ay hindi makikipag-usap ng mga bagay-bagay sa kaniyang biniling alipin, ni isisiwalat man niya sa alipin ang kaniyang pribadong mga kaisipan at damdamin.
Makikita natin buhat sa mga salita ni Jesus, gayumpaman, na naiiba kung tungkol sa mga apostol. Kaniyang sinabi: “Tinatawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.” (Juan 15:15) Oo, gaya ng karaniwang pangyayari sa pagitan ng mga mahal na kaibigan, isiniwalat sa kanila ni Jesus ang mga detalye at mga kaunawaan na noo’y dating lihim. (Mateo 13:10-12; 1 Corinto 2:14-16) Bagama’t sila’y mga lingkod pa, o mga alipin ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus, ang mga apostol ay nagtatamasa ng matalik na pagsasamahan na nagpapakilalang sila rin naman ay mga kaibigang mapagtitiwalaan. (Ihambing ang Awit 25:14.) Iyan ay maaari at dapat na maging totoo rin tungkol sa atin. Anong laking pribilehiyo na ang maging mga Panginoon sa langit ay silang tumatrato sa atin bilang mapagkakatiwalaan at respetadong mga kapanalig, bilang mga kaibigan!