Ang Pagiging Ordinadong Ministro sa Paraan ng Diyos!
MALAMANG na ang isang panauhin ay magtataka—marahil ay malilito pa nga—sa kaniyang narinig. Ang tanawin ay isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. May isang nagpapahayag sa isang grupo ng mga taong noon ay babautismuhan. Nakapagtataka, ang sinabi ng tagapagpahayag sa mga kandidatong ito sa bautismo ay ganito: “Ang inyong pagkanaririto sa grupong ito ng mga kandidato sa bautismo ay nagpapakita ng inyong hangarin na maging ordinadong ministro ng Kaharian.”
‘Paano nga kaya mangyayari iyan?’ marahil ay itatanong ng isang bisita. ‘Hindi baga ang bautismo ay para sa mga taong bagu-bago pa lamang napapalantad sa pagka-Kristiyano—at para sa mga sanggol? Hindi baga nangangailangan ng mga taon ng puspusang pagsasanay at pag-aaral upang ang isa’y maging ordinadong ministro?’ Baka ganiyan din ang iyong pangangatuwiran. Subalit ang aktuwal na sinasabi ng Bibliya tungkol sa bautismo at sa ordinasyon ay baka maging kataka-taka para sa iyo.
Bago ang Isa ay Bautismuhan
Una sa lahat, ang bautismo ay hindi para sa mga taong bago pa lamang nakakaalam ng mensaheng Kristiyano. Ang Bibliya, sa Gawa 8:12, ay nagpapakita na ang mga tao noong unang siglo ay binautismuhan pagkatapos na “sila’y sumampalataya.” Ipinakikita rin ng Mateo 28:19 na ang isang tao ay kailangang maging isang alagad bago bautismuhan. At paanong ang isa ay nagiging ‘mananampalataya,’ o alagad, (‘tinuruan’)? Sa pamamagitan ng maingat na pag-aaral ng Bibliya! Sa ganitong paraan, ang isang tao ay nagtatamo ng tumpak na kaalaman kay Jesus at kay Jehovang Diyos. (Juan 17:3) Pagkatapos lamang na makamit ang kaalamang ito nasa kalagayan ang isang mag-aarál na pag-isipan ang pabautismo. Noong unang siglo, ang matatag nang mga Kristiyano ang nagbigay ng gayong instruksiyon sa mga bagong nakumberte.—Gawa 8:31, 35, 36.
Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon, gumagawa ng katulad na mga kaayusan upang ang mga taong interesado ay makinabang sa isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang isang tao na may pusong tumutugon ay unti-unting nagpapahalaga sa kaniyang natututuhan. Siya’y napakikilos na ang kaniyang bagong-katutuklas na mga paniwala ay ibahagi sa iba. (Roma 10:8-10) Siya’y nagsisimulang palagian nang dumalo sa mga pulong Kristiyano, na kung saan siya’y nagtatamo ng higit pang turo buhat sa Bibliya. (Hebreo 10:24, 25) At pagkatapos ng mga linggo o mga buwan, ang bagong mananampalataya at tinutubuan ng hangarin na sundin ang payo ng Bibliya sa Roma 12:1: “Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran.”
Gayunman, kung kaalaman lamang, ay hindi nagiging kuwalipikado ang isa na gumawa ng ganitong pag-aalay. Ang isa ay kailangan ding magsisi at “magbalik-loob.” (Gawa 3:19) Bakit nga ganito? Sa tuwirang pangungusap, ang iba ay nagkaroon ng imoral na istilo ng pamumuhay bago sila nakaalam ng mga pamantayan ng Diyos. Ang iba naman ay gumagawa noon ng mapag-imbot na mga gawain. Subalit upang maiharap ang kanilang sarili sa Diyos bilang “banal, kaaya-aya,” kailangang pagsisihan nila ang gayong nakalipas na mga gawain. Pinagsisihan nila na ginamit nila ang kanilang buhay, lakas, at mga kakayahan sa mga gawaing di-naaayon sa Kasulatan. Ang gayong pagsisisi ay kailangan ding may kasamang nararapat na pagkilos upang maging tunay na ‘pagbabalik-loob,’ o pagbabago ng kanilang landasin sa buhay.
Upang matulungan pa ang bagong mananampalataya, ang hinirang na matatanda sa kongregasyong Kristiyano ay nagsasaayos ng pakikipagpulong sa kaniya at pagrerepaso nila ng mga saligang turo ng Bibliya. Ito, unang-una, ang nagbibigay-katiyakan sa matatanda na ang may hangaring maging Kristiyano ay may tumpak na kaalaman na sa mga layunin ng Diyos. Mangyari pa, ang pagrerepasong iyon ay nagiging isang malaking tulong sa isang mag-aarál. Kung kinakailangan, ang mga bagay na hindi tama ang pagkaunawa ay nililiwanag.
Ang bautismo ay karaniwan nang ginaganap may kaugnayan sa mga kombensiyon o mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Sa gayong mga okasyon, ang mga kandidato sa bautismo ay nakikinig sa isang pahayag na diretso sa punto. Sa kanila’y ipinaaalaala na ang bautismo ay hindi isang bagay na pag-anib sa isang bagong relihiyon. Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.”—Mateo 16:24.
Ang mga kandidato ay pinaaalalahanan pa ng malalim na kahulugan ng bautismo. Ganito ang malimit na pagbasa sa teksto sa 1 Pedro 3:21: “Yaong katumbas nito ay nagliligtas din sa inyo, samakatuwid baga, ang bautismo, (hindi ang pag-aalis ng karumihan sa laman, kundi ang nakikisuyong paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi,) sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” Dito, ang bautismo ay inihahambing ni Pedro sa karanasan ni Noe na pagkaligtas niya sa pamamagitan ng tubig ng Baha. Samantalang ang tubig na iyon ay naghatid ng kamatayan sa balakyot na mga tao noon sa lupa, ito’y nagligtas sa buhay ni Noe nang siya’y sumakay sa daong. Sa katulad na paraan, ang bautismo ay “nagliligtas” sa mga Kristiyano buhat sa balakyot na sanlibutang ito pagka ang sinuman, salig sa kaniyang pananampalataya sa bisa ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo, ay nagpabautismo, ang gayong tao ay, sa isang diwa, nasa isang ‘ligtas’ na kalagayan sa harap ng Diyos. Siya’y hindi na itinuturing na isang bahagi ng balakyot na lahing ito na nakatalagang puksain.—Tingnan ang Gawa 2:40.
Samakatuwid, ang pagpapabautismo ay hindi isang hakbang na dapat gawin sa mga sandali ng silakbo ng damdamin, gaya ng malimit na nangyayari sa mga revival meeting ng isang relihiyon. Ito’y itinatampok ng bagay na bago aktuwal na ilubog ang mga bagong alagad, ang ministrong nangangasiwa sa bautismo ay nagtatanong sa kanila ng dalawang matatalim na tanong. Ang kanilang mga sagot na oo ay isang “pangmadlang pagpapahayag” ng kanilang pananampalataya sa pantubos at sa bagay na sila’y walang pasubaling nag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova. (Roma 10:9, 10) Ngayon ay handa na sila para sa bautismo sa tubig.
Ordinado Bilang mga Ministro ng Kaharian
Ang lubos na paglulubog sa tubig ay isang angkop na sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos. Samantalang nasa ilalim ng tubig, doon ay para bagang sila’y namatay na sa kanilang dating paraan ng pamumuhay. Sa pag-ahon sa tubig, doon ay para bagang sila’y nabuhay na ngayon sa isang bagong landasin ng pagsasakripisyo sa sarili sa paglilingkod sa Diyos.—Ihambing ang Roma 6:2-4.
Subalit, paano ngang ang ordinasyon ay umaangkop sa pagpapabautismo? Pansinin ang sinasabi ng M’Clintock and Strong’s Cyclopedia of Biblical, and Ecclesiastical Literature (1877), Tomo VII, pahina 411: “Ang ordinasyon ay tumutukoy sa paghirang o pagtatalaga sa isang tao sa isang ministeryal na tungkulin, maging iyon man ay mayroon o walang kasamang seremonyas. (Amin ang italiko.) Kinikilala nito na hindi na kailangan ang isang magarang seremonya o isang sertipiko ng ordinasyon upang ang isa’y maging isang ministrong Kristiyano.
Subalit ganito nga kaya ang itinuturo ng Bibliya? Isaalang-alang natin si Jesu-Kristo. Walang alinlangan na siya ang pangunahing ministro ng Diyos. Gayumpaman, siya ba ay nakaranas ng isang magarang seremonya ng ordinasyon bago niya pinasimulan ang kaniyang gawaing pangangaral? Siya ba’y mayroong isang sertipiko na nagpapakilala sa kaniya bilang isang ministro? Ang kabaligtaran pa nga ang totoo. Pagkatapos ng kaniyang basta pagpapabautismo sa tubig ipinahayag ng Diyos ang kaniyang pagkalugod kay Jesus bilang kaniyang Anak at itinalaga siya bilang Kaniyang ministro.—Marcos 1:9-11; Lucas 4:18-21.
Kumusta naman ang unang-siglong mga Kristiyano? Walang ulat na ang gayong sinaunang mga ministrong Kristiyano ay dumaan sa anumang magarang ordinasyon. Ang rekord sa Mga Gawa ay paulit-ulit na naglalahad ng pagsasagawa ng mga simpleng bautismo ng mga mananampalataya. Ito’y sinundan ng kanilang masigasig na pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo.—Tingnan ang Gawa 2:41-47; 8:36-39; 22:14-16.
Ano ba ang ebidensiya na ang gayong mga ministro nga ay ordinado? Ganito ang sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 3:1-3: “Muli baga naming pinasisimulan na irekumenda ang aming sarili? O kami baga, tulad ng ibang mga lalaki, ay nangangailangan ng mga liham ng rekumendasyon sa inyo o buhat sa inyo? Kayo nga ang aming liham, na isinulat sa aming mga puso at kilala at binabasa ng lahat ng tao. Sapagkat ipinakikitang kayo’y isang liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga ministro, isinulat hindi ng tinta kundi ng espiritu ng Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa mga tapyas na laman, sa mga puso.” Ang epekto ng espiritu ng Diyos sa mga puso ng mga tinuruang ito ay isang bagong pagkataong Kristiyano, na maaaring mabasa ng lahat ng nagmamasid. Ito’y sapat na patotoo na tunay ngang ordinado ng Diyos ang mga taong may bahagi sa pagtuturo sa mga bagong alagad na ito.
Puspusang Pagsusumikap sa Ministeryo
Gayundin sa ngayon, ang isang ministro ay nakikilala sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa. Siya’y taimtim na ‘puspusang nagsusumikap’ sa kaniyang ministeryo. (Lucas 13:24) Kaniyang itinuturing na ang kaniyang ministeryo ay isang dakilang pribilehiyo buhat sa Diyos. Hindi niya ito ipinagwawalang-bahala.—1 Timoteo 1:12-16.
Ang pangangaral ng Kaharian ang pangunahing obligasyon ng gayong mga ministro. Kailangang lagyan ng limitasyon ang lahat ng iba pang gawain upang kanilang ‘lubusang maganap ang kanilang ministeryo.’ (2 Timoteo 4:2, 5) Mangyari pa, ang kanilang sariling pisikal na mga pangangailangan at pati na ng kanilang pamilya ay kailangang asikasuhin nila. Gayunman, sila ay ‘kuntento na kung may kinakain at dinadamit.’ Hindi nila tinutulutan ang personal na mga gawain o personal na mga hangarin ay makagambala sa kanila sa ministeryo. (1 Timoteo 5:8; 6:7, 8; Filipos 2:20-22) Kanilang tinitiyak ang “lalong mahahalagang bagay.” (Filipos 1:10) Sinisikap nilang sundin ang ulirang halimbawa ni Jesu-Kristo na ang buhay ay nakasentro sa pangangaral ng Kaharian.—Lucas 4:43; Juan 18:36, 37.
Gayumpaman, pagka ang isang tao’y binautismuhan bilang isang ordinadong ministro, siya’y aktuwal na nasa mga unang yugto ng kaniyang paglilingkod sa Diyos. Totoo, siya’y nagtamo ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus at sa Diyos na Jehova. Siya’y gumawa rin ng maraming pagbabago sa kaniyang buhay upang ang kaniyang ministeryong Kristiyano ay huwag mapulaan. (2 Corinto 6:3) Ang bagong bautismong Kristiyano ay kailangan pa ring gumawa ng maraming pagsulong. Ang kaniyang bautismo, na tanda ng kaniyang ordinasyon, ay isa lamang mahalagang pananda sa kaniyang pagsulong bilang isang Kristiyano. (Filipos 3:16) Kung gayon, ang bawat ordinadong ministro ay kailangang patuloy na palaguin ang pagpapahalaga ng kaniyang puso sa espirituwal na mga bagay. Siya’y kailangang mag-iskedyul ng panahon para sa personal na pag-aaral. Dapat na samantalahin niya ang lahat na mga paglalaan ng kongregasyon para sa sama-samang pagtitipon. Siya’y dapat gumawa upang mapasulong ang kaurian ng kaniyang mga panalangin, na ang resulta’y isang lalong matalik na personal na kaugnayan sa Diyos.—Lucas 6:45; 1 Tesalonica 5:11; 1 Pedro 4:7.
Inaasahan namin na ang mga kaisipang ito sa Kasulatan ay tumulong sa iyo upang maunawaan kung bakit ang isang titulo sa unibersidad ay hindi isang kahilingan para sa mga ibig maglingkod bilang mga ministro ng Diyos. Mahigit na tatlong milyong mga Saksi ni Jehova ang tapat na naglilingkod sa Diyos bilang kaniyang mga ministro, na nagbabalita ng mga katotohanang nasa kaniyang Salita. Bakit hindi mo hayaang isa sa kanila’y tumulong sa iyo sa pagtatamo ng kaalaman sa Bibliya?
[Larawan sa pahina 29]
Sang-ayon sa Bibliya, ang isang ministrong Kristiyano ay inoordinahan sa kaniyang bautismo