KABANATA 121
“Lakasan Ninyo ang Inyong Loob! Dinaig Ko ang Sanlibutan”
MALAPIT NANG HINDI MAKITA NG MGA APOSTOL SI JESUS
MAPAPALITAN NG KAGALAKAN ANG PAMIMIGHATI NG MGA APOSTOL
Palabas na si Jesus at ang mga apostol mula sa silid kung saan sila kumain ng hapunan ng Paskuwa. Maraming ipinayo si Jesus, pero idinagdag niya: “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito para hindi kayo matisod.” Bakit ganito ang babala niya? Sinabi niya: “Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga. Ang totoo, darating ang panahon na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang gumagawa siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.”—Juan 16:1, 2.
Masamang balita iyan para sa mga apostol. Kahit nabanggit na ni Jesus na mapopoot sa kanila ang sanlibutan, hindi niya direktang sinabi na papatayin sila. Bakit? “Hindi ko sinabi ang mga ito sa inyo noong una, dahil kasama pa ninyo ako,” ang sabi niya. (Juan 16:4) Ibinigay niya ang babalang ito bago siya umalis para hindi sila matisod sa kalaunan.
Nagpatuloy si Jesus: “Ngayon ay pupunta ako sa nagsugo sa akin; gayunman, walang isa man sa inyo ang nagtatanong, ‘Saan ka pupunta?’” Maaga nang gabing iyon, nagtanong sila kung saan siya pupunta. (Juan 13:36; 14:5; 16:5) Pero ngayon, nabalot sila ng pangamba dahil sa sinabi niya tungkol sa pag-uusig. Kaya hindi na sila nagtanong tungkol sa kaluwalhatiang naghihintay sa kaniya o sa magiging epekto nito sa mga tunay na mananamba. Sinabi ni Jesus: “Dahil sinabi ko sa inyo ang mga ito, napuno ng kalungkutan ang mga puso ninyo.”—Juan 16:6.
Ipinaliwanag ngayon ni Jesus: “Para sa ikabubuti ninyo ang pag-alis ko. Dahil kung hindi ako aalis, ang katulong ay hindi darating sa inyo; pero kung aalis ako, ipadadala ko siya sa inyo.” (Juan 16:7) Kailangang mamatay si Jesus at umakyat sa langit para maipadala niya ang banal na espiritu, na magiging katulong ng mga alagad niya saanman sa lupa.
Ang banal na espiritu ay “magbibigay . . . sa mundo ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa kasalanan at sa katuwiran at sa paghatol.” (Juan 16:8) Oo, ilalantad ang kawalan ng pananampalataya ng sanlibutan sa Anak ng Diyos. Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay magiging matibay na ebidensiya ng kaniyang matuwid na katayuan at magpapakita na karapat-dapat sa matinding hatol si Satanas, “ang tagapamahala ng mundong ito.”—Juan 16:11.
“Marami pa sana akong sasabihin sa inyo,” ang patuloy ni Jesus, “pero hindi pa ninyo iyon mauunawaan sa ngayon.” Kapag ibinuhos niya ang banal na espiritu, tutulong ito sa kanila na maintindihan “ang katotohanan” at makapamuhay kaayon ng katotohanang iyan.—Juan 16:12, 13.
Hindi naintindihan ng mga apostol ang sumunod na sinabi ni Jesus: “Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako.” Nagtanungan sila sa isa’t isa kung ano ang ibig niyang sabihin. Nahalata ito ni Jesus, kaya ipinaliwanag niya: “Tinitiyak ko sa inyo, iiyak kayo at hahagulgol, pero magsasaya ang mundo; mamimighati kayo, pero mapapalitan ng kagalakan ang inyong pamimighati.” (Juan 16:16, 20) Kapag pinatay si Jesus, magsasaya ang mga lider ng relihiyon, pero malulungkot nang husto ang mga alagad. Gayunman, mapapalitan ito ng kagalakan kapag binuhay-muli si Jesus! At magpapatuloy pa iyon kapag ibinuhos na sa mga alagad ang banal na espiritu ng Diyos.
Inihambing ni Jesus ang sitwasyon ng mga apostol sa isang babaeng nanganganak. Sinabi niya: “Kapag nanganganak ang isang babae, napakatindi ng paghihirap niya dahil dumating na ang oras niya, pero kapag naisilang na niya ang sanggol, hindi na niya naaalaala ang naranasan niyang hirap dahil sa kagalakan na isang tao ang ipinanganak sa mundo.” Pinatibay sila ni Jesus, na sinasabi: “Kayo rin naman ay namimighati sa ngayon; pero makikita ko kayong muli, at magsasaya ang mga puso ninyo, at walang sinumang makapag-aalis ng inyong kagalakan.”—Juan 16:21, 22.
Hanggang sa oras na ito, wala pang hinihiling ang mga apostol sa pangalan ni Jesus. Sinabi niya ngayon: “Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa pangalan ko.” Bakit sila hihingi sa pangalan ni Jesus? Hindi dahil ayaw o nagdadalawang-isip ang Ama na ibigay ang hiling nila. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako . . . bilang kinatawan ng Diyos.”—Juan 16:26, 27.
Malamang na sa sinabi ni Jesus, lumakas ang loob ng mga apostol na sabihin: “Dahil dito, naniniwala kaming galing ka sa Diyos.” Pero masusubok ang kanilang kombiksiyon. Inilarawan ni Jesus ang mangyayari: “Sinasabi ko sa inyo, malapit nang dumating ang oras na mangangalat kayo, bawat isa sa sarili niyang bahay, at iiwan ninyo akong mag-isa.” Pero tiniyak niya sa kanila: “Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko. Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan, pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:30-33) Hindi sila pababayaan ni Jesus. Sigurado siyang gaya niya, madaraig nila ang sanlibutan kung patuloy nilang gagawin ang kalooban ng Diyos sa kabila ng pagtatangka ni Satanas at ng sanlibutang ito na sirain ang kanilang katapatan.