SANLIBUTAN
Ito ang karaniwang terminong Tagalog na ginamit bilang salin ng Griegong koʹsmos sa lahat ng mga paglitaw nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, maliban sa 1 Pedro 3:3, kung saan isinalin ito bilang “kagayakan.” Ang “sanlibutan” ay maaaring mangahulugang (1) sangkatauhan sa kabuuan, anuman ang kanilang kalagayan sa moral o landasin sa buhay, (2) ang balangkas ng mga kalagayan ng tao na doo’y ipinanganak at namumuhay ang isang tao (at sa diwang ito ay may mga panahong kahawig na kahawig ito ng Griegong ai·onʹ, “sistema ng mga bagay”), o (3) ang karamihan ng sangkatauhan na hiwalay sa sinang-ayunang mga lingkod ni Jehova.
Ginamit ng King James Version ang salitang “sanlibutan” bilang salin hindi lamang ng koʹsmos kundi pati ng tatlong iba pang salitang Griego (ge; ai·onʹ; oi·kou·meʹne) at ng limang iba’t ibang salitang Hebreo (ʼeʹrets; cheʹdhel; cheʹledh; ʽoh·lamʹ; te·velʹ). Dahil dito, lumabo o nagkahalu-halo ang mga kahulugan ng mga ito anupat mahirap nang makuha ang tamang unawa sa mga kasulatang nasasangkot. Malaki ang naitulong ng mas huling mga salin upang mabigyang-linaw ang kalituhang ito.
Ang Hebreong ʼeʹrets at ang Griegong ge (na pinagmulan ng mga salitang Ingles na “geography” at “geology”) ay nangangahulugang “lupa; lupain” (Gen 6:4; Bil 1:1; Mat 2:6; 5:5; 10:29; 13:5), bagaman sa ilang kaso, ang mga ito’y maaaring sumagisag sa mga tao sa lupa, gaya sa Awit 66:4 at Apocalipsis 13:3. Kapuwa ang ʽoh·lamʹ (Heb.) at ai·onʹ (Gr.) ay pangunahing may kaugnayan sa isang yugto ng panahon na di-tiyak ang haba. (Gen 6:3; 17:13; Luc 1:70) Ang ai·onʹ ay maaari ring tumukoy sa “sistema ng mga bagay” na pagkakakilanlan ng isang partikular na yugto, edad [age], o epoch. (Gal 1:4) Ang cheʹledh (Heb.) ay waring may katulad na kahulugan at maaaring isalin sa pamamagitan ng mga terminong gaya ng “lawig ng buhay” at “sistema ng mga bagay.” (Job 11:17; Aw 17:14) Ang oi·kou·meʹne (Gr.) ay nangangahulugang “tinatahanang lupa” (Luc 21:26), at ang te·velʹ (Heb.) naman ay maaaring isalin bilang “mabungang lupain.” (2Sa 22:16) Ang cheʹdhel (Heb.) ay sa Isaias 38:11 lamang lumitaw, at sa King James Version ay isinalin ito bilang “sanlibutan” sa pananalitang “mga tumatahan sa sanlibutan.” Iminumungkahi ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible (inedit ni G. Buttrick, 1962, Tomo 4, p. 874) ang saling “mga tumatahan sa (sanlibutan ng) paglilikat,” habang itinatawag-pansin nito na pinapaboran ng karamihan sa mga iskolar ang mababasa sa ilang manuskritong Hebreo kung saan cheʹledh ang nakalagay sa halip na cheʹdhel. Ang Bagong Sanlibutang Salin ay kababasahan ng “mga tumatahan sa lupain ng paglilikat.”—Tingnan ang EDAD; LUPA; SISTEMA NG MGA BAGAY, MGA.
Ang “Kosmos” at ang Iba’t Ibang Diwa Nito. Ang saligang kahulugan ng Griegong koʹsmos ay “kaayusan.” At yamang ang kagandahan ay may malapit na kaugnayan sa kaayusan at simetriya, itinatawid din ng koʹsmos ang kaisipang iyan kung kaya naman madalas itong gamitin ng mga Griego upang tumukoy sa “kagayakan,” lalo na may kinalaman sa mga kababaihan. Ganiyan ang pagkakagamit ng koʹsmos sa 1 Pedro 3:3. Dito rin nagmula ang salitang Ingles na “cosmetic,” na pinagkunan naman ng salitang Tagalog na “kosmetik.” Ang kaugnay na pandiwang ko·smeʹo ay may diwa na ‘pag-aayos’ sa Mateo 25:7 at ‘paggagayak’ sa ibang mga talata. (Mat 12:44; 23:29; Luc 11:25; 21:5; 1Ti 2:9; Tit 2:10; 1Pe 3:5; Apo 21:2, 19) Ang pang-uring koʹsmi·os, sa 1 Timoteo 2:9 at 3:2, ay ginamit na deskripsiyon ng isang bagay na “maayos.”
Yamang ang sansinukob ay kakikitaan ng kaayusan, may mga panahong ikinakapit ng mga Griegong pilosopo ang koʹsmos sa buong nakikitang sangnilalang. Gayunman, hindi sila lubusang nagkakasundo sa bagay na ito, anupat sinasabi ng ilan na kapit lamang ito sa mga bagay sa kalangitan, samantalang ikinakapit naman ito ng iba sa buong sansinukob. Ginamit ng ilang akdang Apokripal ang salitang koʹsmos upang tumukoy sa kabuuan ng materyal na sangnilalang (ihambing ang Karunungan 9:9; 11:17), yamang isinulat ang mga ito noong panahong pinapasok ng pilosopiyang Griego ang maraming larangan ng mga Judio. Ngunit sa kinasihang mga akda ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, halos o marahil ay talagang wala ang diwang ito. May ilang teksto na tila gumagamit ng terminong koʹsmos sa gayong diwa, gaya ng ulat ng talumpati ng apostol sa mga taga-Atenas sa Areopago. Doo’y sinabi ni Pablo: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan [isang anyo ng koʹsmos] at ng lahat ng bagay na naririto, yamang ang Isang ito nga ay Panginoon ng langit at lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong gawa ng kamay.” (Gaw 17:22-24) Yamang karaniwan sa mga Griego noon ang paggamit ng koʹsmos upang tumukoy sa sansinukob, maaaring ginamit ni Pablo ang koʹsmos sa gayong diwa. Gayunman, kahit sa tekstong ito ay posible rin na ginamit niya iyon sa isa sa mga diwang tatalakayin sa artikulong ito.
Iniuugnay sa Sangkatauhan. Matapos nitong talakayin ang paggamit ng mga pilosopo sa salitang koʹsmos upang tumukoy sa sansinukob, ganito ang sabi ng Synonyms of the New Testament (London, 1961, p. 201, 202) ni Richard C. Trench: “Mula sa paggamit na ito ng κόσμος [koʹsmos] upang tumukoy sa materyal na sansinukob, . . . kasunod yaong κόσμος bilang panlabas na balangkas ng lahat ng bagay na doo’y namumuhay at kumikilos ang tao, na umiiral para sa kaniya at na siya ang pinakasentro ng moral (Juan xvi. 21; I Cor. xiv. 10; I Juan iii. 17); . . . at pagkatapos ay ang mga tao mismo, ang kabuuan ng mga taong nabubuhay sa sanlibutan (Juan i. 29; iv. 42; II Cor. v. 19); at kasunod nito, at sa etikal na paraan, lahat ng hindi kabilang sa ἐκκλησία [ek·kle·siʹa; ang iglesya o kongregasyon], na hiwalay sa buhay ng Diyos at dahil sa balakyot na mga gawa ay mga kaaway Niya (I Cor. i. 20, 21; II Cor. vii. 10; San. iv. 4).”
Sa katulad na paraan, sinipi ng aklat na Studies in the Vocabulary of the Greek New Testament, ni K. S. Wuest (1946, p. 57), ang sinabi ng iskolar sa Griego na si Cremer: “Yamang ang kosmos ay itinuturing na kaayusan ng mga bagay-bagay na nakasentro sa tao, siya ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin, at ang kosmos ay tumutukoy sa sangkatauhan na nasa loob ng kaayusang iyon ng mga bagay-bagay, ang sangkatauhan na naghahayag ng sarili nito sa kaayusang iyon at sa pamamagitan niyaon (Mat. 18:7).”
Buong sangkatauhan. Samakatuwid, ang koʹsmos, o “sanlibutan,” ay may malapit na kaugnayan sa sangkatauhan. Totoo ito sa sekular na panitikang Griego at lalo na sa Kasulatan. Nang sabihin ni Jesus na “nakikita” ng taong naglalakad sa liwanag ng araw “ang liwanag ng sanlibutang [isang anyo ng koʹsmos] ito” (Ju 11:9), parang lumilitaw na ang pananalitang ‘sanlibutan’ ay tumutukoy lamang sa planetang Lupa, na ang pinagmumulan ng liwanag sa maghapon ay ang araw. Gayunman, pagkatapos ay sinasabi niya na ang taong naglalakad sa gabi ay may nababangga “dahil ang liwanag ay wala sa kaniya.” (Ju 11:10) Ibinigay ng Diyos ang araw at ang iba pang mga bagay sa kalangitan pangunahin na para sa sangkatauhan. (Ihambing ang Gen 1:14; Aw 8:3-8; Mat 5:45.) Sa katulad na paraan, ginamit ni Jesus ang liwanag sa isang espirituwal na diwa at sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod na sila ang magiging “liwanag ng sanlibutan.” (Mat 5:14) Tiyak na hindi niya ibig sabihing sila ang magbibigay-liwanag sa planeta, sapagkat pagkatapos ay ipinakita niya na ang pagbibigay-liwanag nila ay para sa sangkatauhan, “sa harap ng mga tao.” (Mat 5:16; ihambing ang Ju 3:19; 8:12; 9:5; 12:46; Fil 2:15.) Ang pangangaral ng mabuting balita “sa buong sanlibutan” (Mat 26:13) ay nangangahulugan din ng pangangaral nito sa buong sangkatauhan, kung paanong sa ilang wika, ang “all the world” ay isang karaniwang paraan ng pagsasabing “lahat” (ihambing ang pananalitang Pranses na tout le monde at ang pananalitang Kastila na todo el mundo).—Ihambing ang Ju 8:26; 18:20; Ro 1:8; Col 1:5, 6.
Kung gayon, sa isang saligang diwa, ang koʹsmos ay tumutukoy sa buong sangkatauhan. Kaya naman sinasabi ng Kasulatan na ang koʹsmos, o sanlibutan, ay nagkasala (Ju 1:29; Ro 3:19; 5:12, 13) at nangangailangan ng tagapagligtas na magbibigay-buhay rito (Ju 4:42; 6:33, 51; 12:47; 1Ju 4:14), mga deskripsiyong kapit lamang sa sangkatauhan at hindi sa mga nilalang na walang buhay ni sa mga hayop. Ito ang sanlibutan na inibig ng Diyos nang gayon na lamang anupat “ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Ju 3:16, 17; ihambing ang 2Co 5:19; 1Ti 1:15; 1Ju 2:2.) Ang sanlibutang iyan ng sangkatauhan ang siyang bukid na hinasikan ni Jesu-Kristo ng mainam na binhi, “ang mga anak ng kaharian.”—Mat 13:24, 37, 38.
Nang sabihin ni Pablo na ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa,” tiyak na ang tinutukoy niya ay mula sa pagkalalang ng sangkatauhan, sapagkat nang lumitaw ang sangkatauhan, saka lamang nagkaroon sa lupa ng mga isipan na may kakayahang ‘umunawa’ ng gayong di-nakikitang mga katangian sa pamamagitan ng nakikitang sangnilalang.—Ro 1:20.
Sa katulad na paraan, sinasabi ng Juan 1:10 na “ang sanlibutan [koʹsmos] ay umiral sa pamamagitan niya [ni Jesus].” Bagaman totoong nakibahagi si Jesus sa paggawa ng lahat ng bagay, kasama na ang langit at ang planetang Lupa at ang lahat ng bagay na narito, sa tekstong ito, ang koʹsmos ay pangunahing kumakapit sa sangkatauhan na ginawa nang may partisipasyon ni Jesus. (Ihambing ang Ju 1:3; Col 1:15-17; Gen 1:26.) Kaya naman ganito ang sabi ng natitirang bahagi ng talata: “Ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan [samakatuwid nga, ng sangkatauhan].”
Ang “pagkakatatag ng sanlibutan.” Ang malinaw na kaugnayang ito ng koʹsmos at ng sangkatauhan ay makatutulong din upang maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “pagkakatatag ng sanlibutan,” na binabanggit sa maraming teksto. Sa mga tekstong iyon, may mga bagay na sinasabing naganap ‘mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.’ Ang ilan sa mga ito ay ang ‘pagbububo ng dugo ng mga propeta’ mula noong panahon ni Abel, isang ‘kahariang inihanda,’ at ang ‘mga pangalang napasulat sa balumbon ng buhay.’ (Luc 11:50, 51; Mat 25:34; Apo 13:8; 17:8; ihambing ang Mat 13:35; Heb 9:26.) Ang mga bagay na ito ay may kinalaman sa buhay at gawain ng mga tao. Samakatuwid, tiyak na ang “pagkakatatag ng sanlibutan” ay may kinalaman sa pasimula ng sangkatauhan, at hindi sa pasimula ng mga nilalang na walang buhay o ng mga nilalang na hayop. Ipinakikita ng Hebreo 4:3 na ang mga gawang paglalang ng Diyos ay, hindi pinasimulan, kundi “tapos na mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan.” Yamang maliwanag na si Eva ang panghuli sa mga gawang paglalang ni Jehova sa lupa, hindi maaaring mauna sa kaniya ang pagkakatatag ng sanlibutan.
Gaya ng ipinakikita sa mga artikulong ABEL (Blg. 1) at PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA (Patiunang pagtatalaga sa Mesiyas), ang terminong Griego (ka·ta·bo·leʹ) para sa “pagkakatatag” ay maaaring tumukoy sa paglilihi ng binhi ng tao. Ang ka·ta·bo·leʹ ay literal na nangangahulugang “isang paghahagis [ng binhi],” at sa Hebreo 11:11 ay maaari itong isalin bilang “maglihi” (RS, NW). Maliwanag na ang pagkakagamit nito roon ay tumutukoy sa ‘paghahagis’ ni Abraham ng binhi ng tao upang magkaanak at sa pagtanggap ni Sara sa binhing iyon upang mapertilisa iyon.
Samakatuwid, ang “pagkakatatag ng sanlibutan” ay hindi dapat unawain bilang ang pasimula ng pagkakalalang ng materyal na sansinukob. At ang pananalitang “bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan” (Ju 17:5, 24; Efe 1:4; 1Pe 1:20) ay hindi rin tumutukoy sa isang panahon bago lalangin ang materyal na sansinukob. Sa halip, maliwanag na ang mga pananalitang ito ay tumutukoy sa panahon nang ‘itatag’ ang lahi ng tao sa pamamagitan ng unang mag-asawang sina Adan at Eva, na, sa labas ng Eden ay nagsimulang maglihi ng binhi na maaaring makinabang sa mga paglalaan ng Diyos para sa katubusan mula sa minanang kasalanan.—Gen 3:20-24; 4:1, 2.
‘Panoorin sa sanlibutan, kapuwa sa mga anghel at mga tao.’ Ganito ang pagkakasalin ng American Standard Version sa 1 Corinto 4:9: “Tayo ay ginawang panoorin sa sanlibutan, kapuwa sa mga anghel at mga tao.” Dahil dito, ipinapalagay ng ilan na saklaw ng salitang koʹsmos na ginamit dito kapuwa ang di-nakikitang mga espiritung nilalang at ang nakikitang mga taong nilalang. Gayunman, ang talababa ay nagbibigay ng alternatibong salin sa pagsasabing: “O, at sa mga anghel, at sa mga tao.” Kapareho ng huling nabanggit na saling ito ang pagkakasalin ng ibang mga bersiyon sa tekstong Griego na ito. (KJ; La; Mo; Vg; CC; Murdock) Ganito ang mababasa sa salin ni Young: “Naging isang panoorin kami sa sanlibutan, at mga mensahero, at mga tao.” Bago nito, sa 1 Corinto 1:20, 21, 27, 28; 2:12; 3:19, 22 ginamit ng manunulat ang salitang koʹsmos upang tukuyin ang sanlibutan ng sangkatauhan, kaya naman maliwanag na hindi siya kaagad-agad na lilihis sa diwang iyan sa 1 Corinto 4:9, 13. Kaya nga, kung tatanggapin natin ang pagkakasalin na “kapuwa sa mga anghel at mga tao,” ang pananalitang ito’y isa lamang pagdiriin, hindi para palawakin ang kahulugan ng salitang koʹsmos, kundi para palawakin ang mga manonood anupat saklaw hindi lamang ang sanlibutan ng sangkatauhan, kundi pati ang “mga anghel” at gayundin ang “mga tao.”—Ihambing ang Ro.
Ang daigdig na kinabubuhayan ng mga tao at ang balangkas nito. Hindi naman ibig sabihin na tuluyang naiwala ng koʹsmos ang orihinal na diwa nito ng “kaayusan” at naging singkahulugan na lamang ito ng sangkatauhan. Ang sangkatauhan mismo ay kakikitaan ng kaayusan, yamang binubuo ito ng mga pamilya, mga tribo, mga bansa at mga grupo na may kani-kaniyang wika (1Co 14:10; Apo 7:9; 14:6), mga uring mayayaman at mahihirap at iba pang mga pangkat. (San 2:5, 6) Habang lumalaki ang bilang ng sangkatauhan at tumatagal ang pag-iral nito, nabuo naman sa lupa ang isang balangkas ng mga bagay-bagay na nakapalibot at nakaaapekto sa sangkatauhan. Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa isang tao na ‘nagtamo ng buong sanlibutan ngunit kasabay nito’y naiwala naman ang kaniyang kaluluwa,’ maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang pagtatamo ng lahat ng maiaalok ng daigdig at ng lipunan ng mga tao. (Mat 16:26; ihambing ang 6:25-32.) Ganito rin ang kahulugan ng mga salita ni Pablo hinggil sa mga “gumagamit ng sanlibutan” at sa ‘pagkabalisa ng mga taong may asawa para sa mga bagay ng sanlibutan’ (1Co 7:31-34), pati na rin ng pagtukoy ni Juan sa “panustos-buhay ng sanlibutang ito.”—1Ju 3:17; ihambing ang 1Co 3:22.
Kung sa diwa ng balangkas, kaayusan, o daigdig na kinabubuhayan ng mga tao, ang kahulugan ng koʹsmos ay kahawig niyaong sa Griegong ai·onʹ. Sa ilang kaso, halos maaari pa ngang pagpalitin ang dalawang salitang ito. Halimbawa, iniulat na pinabayaan ni Demas ang apostol na si Pablo sa dahilang “inibig niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay [ai·oʹna],” samantalang nagbabala naman ang apostol na si Juan na ‘huwag ibigin ang sanlibutan [koʹsmon]’ at ang paraan nito ng pamumuhay na kaakit-akit sa makasalanang laman. (2Ti 4:10; 1Ju 2:15-17) At sa Juan 12:31, yaong isa na inilalarawan bilang “ang tagapamahala ng sanlibutang ito [koʹsmou]” ay ipinakikilala naman sa 2 Corinto 4:4 bilang ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay [ai·oʹnos].”
Sa pagtatapos ng kaniyang Ebanghelyo, sinabi ng apostol na si Juan na kung ang lahat ng bagay na ginawa ni Jesus ay naisulat nang lubhang detalyado, sa palagay niya, “sa sanlibutan [isang anyo ng koʹsmos] mismo ay hindi magkakasiya ang mga balumbong isinulat.” (Ju 21:25) Hindi niya ginamit ang ge (lupa) ni ang oi·kou·meʹne (tinatahanang lupa) anupat sinabing hindi magkakasiya sa planetang ito ang mga balumbon, kundi ginamit niya ang koʹsmos, anupat maliwanag na ang ibig niyang sabihin ay hindi kayang tanggapin ng lipunan ng tao (at ng mga aklatan nito) ang pagkarami-raming rekord na malilikha nito (sa istilo ng aklat na ginagamit noon). Ihambing din ang mga tekstong gaya ng Juan 7:4; 12:19 para sa katulad na mga paggamit sa koʹsmos.
Pagparito “sa sanlibutan.” Samakatuwid, kapag ang isa’y ‘ipinanganak sa sanlibutang ito,’ hindi lamang siya basta ipinanganganak sa gitna ng sangkatauhan kundi pumapasok din siya sa balangkas ng mga kalagayang kinabubuhayan ng mga tao. (Ju 16:21; 1Ti 6:7) Gayunman, bagaman ang pagparito sa sanlibutan ay maaaring tumukoy sa kapanganakan ng isa sa daigdig na kinabubuhayan ng mga tao, hindi laging ganito ang kaso. Halimbawa, sa isang panalangin sa Diyos, sinabi ni Jesus: “Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila [ang kaniyang mga alagad] sa sanlibutan.” (Ju 17:18) Isinugo niya sila sa sanlibutan bilang mga lalaking maygulang at hindi bilang mga bagong-silang na sanggol. Sinabi ni Juan na ang mga bulaang propeta at mga manlilinlang ay “humayo sa sanlibutan.”—1Ju 4:1; 2Ju 7.
Maliwanag na ang maraming pagtukoy sa ‘pagparito ni Jesus o pagsusugo sa kaniya sa sanlibutan’ ay hindi pangunahing tumutukoy, kung tumutukoy man, sa kaniyang kapanganakan bilang tao kundi mas makatuwirang kumakapit sa paghayo niya sa gitna ng sangkatauhan, anupat hayagang isinasagawa ang ministeryong iniatas sa kaniya mula nang siya’y bautismuhan at pahiran, habang nagsisilbing tagapagdala ng liwanag sa sanlibutan ng sangkatauhan. (Ihambing ang Ju 1:9; 3:17, 19; 6:14; 9:39; 10:36; 11:27; 12:46; 1Ju 4:9.) Ang kaniyang kapanganakan bilang tao ay isa lamang mahalagang hakbang para sa layuning iyon. (Ju 18:37) Upang patunayan ito, sinabi ng manunulat ng Mga Hebreo na binigkas ni Jesus ang mga salita ng Awit 40:6-8 “nang pumarito siya sa sanlibutan,” at makatuwiran naman na hindi ito ginawa ni Jesus bilang isang bagong-silang na sanggol.—Heb 10:5-10.
Nang matapos ang kaniyang pangmadlang ministeryo sa gitna ng sangkatauhan, batid ni Jesus “na dumating na ang kaniyang oras upang umalis siya sa sanlibutang ito patungo sa Ama.” Siya’y mamamatay bilang tao at bubuhaying-muli sa dako ng mga espiritu na pinanggalingan niya.—Ju 13:1; 16:28; 17:11; ihambing ang Ju 8:23.
Ang “panimulang mga bagay ng sanlibutan.” Sa Galacia 4:1-3, ipinakita ni Pablo na ang isang bata ay tulad ng isang alipin sa diwang nasa ilalim ito ng pangangalaga ng iba hanggang sa sumapit ito sa hustong gulang. Sumunod ay sinabi niya: “Gayundin naman tayo, noong tayo ay mga sanggol pa, ay patuloy na napaaalipin sa mga panimulang bagay [stoi·kheiʹa] na nauukol sa sanlibutan.” Pagkatapos ay ipinakita ni Pablo na ang Anak ng Diyos ay dumating sa “hustong hangganan ng panahon” at pinalaya niya mula sa ilalim ng Kautusan yaong mga naging alagad niya upang tumanggap sila ng pag-aampon bilang mga anak. (Gal 4:4-7) Sa katulad na paraan, sa Colosas 2:8, 9, 20 ay binabalaan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Colosas na mag-ingat na huwag silang matangay “sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay [stoi·kheiʹa] ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo; sapagkat sa kaniya tumatahan sa katawan ang buong kalubusan ng tulad-Diyos na katangian,” anupat idiniin niya na “namatay [silang] kasama ni Kristo sa panimulang mga bagay ng sanlibutan.”
Hinggil sa salitang Griego na stoi·kheiʹa (anyong pangmaramihan ng stoi·kheiʹon) na ginamit ni Pablo, ganito ang sabi ng The Pulpit Commentary (Galatians, p. 181): “Mula sa pangunahing diwa nito na ‘mga tulos na nakahanay,’ . . . ang terminong ito [stoi·kheiʹa] ay ikinapit sa mga titik ng alpabeto na magkakahanay, at pagkatapos ay sa mga pangunahing bahagi ng pananalita; pagkatapos ay sa mga pangunahing bahagi ng lahat ng bagay sa kalikasan, gaya halimbawa ng apat na ‘elemento’ (tingnan ang 2 Ped. iii. 10, 12); at sa ‘mga saligang sangkap’ o unang ‘mga elemento’ ng anumang sangay ng kaalaman. Ginamit ito sa Heb. v. 12 sa huling diwang nabanggit.” (Inedit ni C. Spence, London, 1885) Ang kaugnay na pandiwang stoi·kheʹo ay nangangahulugang ‘lumakad nang maayos.’—Gal 6:16.
Sa kaniyang mga liham sa mga taga-Galacia at mga taga-Colosas, maliwanag na hindi ang saligan o pangunahing mga bahagi ng materyal na sangnilalang ang tinutukoy ni Pablo kundi, sa halip, gaya ng komento ng Alemang iskolar na si Heinrich A. W. Meyer sa kaniyang Critical and Exegetical Hand-Book (1884, Galatians, p. 168), ang “mga elemento ng di-Kristiyanong sangkatauhan,” samakatuwid nga, ang pundamental, o pangunahing mga simulain nito. Ipinakikita ng mga liham ni Pablo na kasama rito ang mga pilosopiya at mga turong mapanlinlang na ang tanging batayan ay mga pamantayan, konsepto, pangangatuwiran, at mitolohiya ng mga tao, gaya ng kinagigiliwan ng mga Griego at ng iba pang mga taong pagano. (Col 2:8) Gayunman, maliwanag na ginamit din niya ang terminong ito upang sumaklaw sa mga bagay na may kinalaman sa mga Judio, hindi lamang ang di-Biblikal na mga turong Judio na humihiling ng asetisismo o “pagsamba sa mga anghel” kundi pati na rin ang turo na ang mga Kristiyano ay obligadong tumupad sa Kautusang Mosaiko.—Col 2:16-18; Gal 4:4, 5, 21.
Totoo na sa Diyos nagmula ang Kautusang Mosaiko. Subalit nang panahong iyon ay natupad na ito kay Kristo Jesus, “ang katunayan” na itinuturo ng mga anino nito, at samakatuwid ay lipas na ito. (Col 2:13-17) Karagdagan pa, ang tabernakulo (at ang templong itinayo nang maglaon) ay “makasanlibutan” o gawa ng tao, at sa gayo’y ‘makalupa’ (sa Gr., ko·smi·konʹ; Heb 9:1, Mo), samakatuwid nga, bahagi ng daigdig ng mga tao at hindi makalangit ni espirituwal. Ang mga kahilingang kaugnay nito ay “mga kahilingan ng batas may kinalaman sa laman at ipinataw hanggang sa takdang panahon upang ituwid ang mga bagay-bagay.” Samantala, nang panahong iyon ay pumasok na si Kristo Jesus sa “mas dakila at lalong sakdal na tolda na hindi ginawa ng mga kamay, samakatuwid nga, hindi sa paglalang na ito,” kundi sa langit mismo. (Heb 9:8-14, 23, 24) Sinabi niya mismo sa isang babaing Samaritana na darating ang panahon na ang templo sa Jerusalem ay hindi na gagamitin sa tunay na pagsamba kundi “sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan.” (Ju 4:21-24) Kaya naman, nang si Jesus ay mamatay, buhaying-muli, at umakyat sa langit, hindi na kailangang gumamit ng gayong mga bagay na “makasagisag na mga paglalarawan” (Heb 9:23) lamang ng mas dakilang mga bagay sa langit.
Samakatuwid nang panahong iyon, ang mga Kristiyanong taga-Galacia at taga-Colosas ay maaari nang sumamba ayon sa nakahihigit na paraang salig kay Kristo Jesus. Siya, at hindi ang mga tao at ang mga simulain o mga turo ng mga tao, ni ang “mga kahilingan ng batas may kinalaman sa laman” na matatagpuan sa tipang Kautusan, ang dapat kilalanin bilang itinakdang pamantayan at hustong panukat ng katotohanan ng anumang turo o daan ng buhay. (Col 2:9) Ang mga Kristiyano ay hindi dapat maging tulad ng mga bata anupat kusang-loob na nagpapasailalim sa Kautusang Mosaiko, na inihalintulad sa isang tagapagturo [tutor]. (Gal 3:23-26) Sa halip, ang kaugnayan nila sa Diyos ay dapat na maging tulad ng kaugnayan ng isang maygulang na anak sa kaniyang ama. Ang kautusan ay panimulang bagay lamang, “ang abakada ng relihiyon,” kung ihahambing sa turong Kristiyano. (Critical and Exegetical Hand-Book ni H. Meyer, 1885, Colossians, p. 292) Palibhasa’y inianak sila sa makalangit na buhay, ang mga pinahirang Kristiyano, sa diwa, ay namatay at naibayubay na sa koʹsmos ng daigdig na kinabubuhayan ng mga tao, kung saan dating ipinatutupad ang mga tuntuning gaya ng pagtutuli sa laman. Sila’y naging “isang bagong nilalang.” (2Co 5:17; Col 2:11, 12, 20-23; ihambing ang Gal 6:12-15; Ju 8:23.) Alam nila na ang Kaharian ni Jesus ay hindi nagmula sa mga tao. (Ju 18:36) Tiyak na hindi sila dapat bumalik sa “mahihina at malapulubing panimulang mga bagay” ng daigdig ng mga tao (Gal 4:9) at malinlang na isuko ang “kayamanan ng lubos na katiyakan ng kanilang unawa” at “tumpak na kaalaman sa sagradong lihim ng Diyos, samakatuwid ay si Kristo,” na sa kaniya nakakubli ang “lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.”—Col 2:1-4.
Ang sanlibutang hiwalay sa Diyos. Ang isang gamit ng koʹsmos na sa Kasulatan lamang makikita ay bilang sagisag ng sanlibutan ng sangkatauhan na hiwalay sa mga lingkod ng Diyos. Isinulat ni Pedro na ang Diyos ay nagpasapit ng Delubyo “sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos,” samantalang iniligtas Niya si Noe at ang pamilya nito. Sa ganitong paraan “ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” (2Pe 2:5; 3:6) Muli, mapapansin na ang tinutukoy rito ay hindi ang pagkawasak ng planeta o ng makalangit na mga bagay sa uniberso, kundi tumutukoy lamang ito sa daigdig ng mga tao, anupat sa kasong ito ay sa di-matuwid na lipunan ng tao. Iyan ang “sanlibutan” na hinatulan ni Noe sa pamamagitan ng kaniyang tapat na landasin.—Heb 11:7.
Ang di-matuwid na sanlibutan, o lipunang iyon ng tao, bago ang Baha ay nagwakas, ngunit ang sangkatauhan mismo ay hindi nagwakas, anupat naingatan sa pamamagitan ni Noe at ng kaniyang pamilya. Pagkatapos ng Baha, muling lumihis sa katuwiran ang karamihan sa sangkatauhan, anupat nagluwal na naman ng isang balakyot na lipunan ng tao. Subalit mayroon ding mga tumahak ng ibang landasin at nanghawakan sa katuwiran. Sa paglipas ng panahon, itinalaga ng Diyos ang Israel bilang kaniyang piling bayan at nakipagtipan siya sa kanila. Kaya naman, yamang ang mga Israelita ay ibinukod na sa sanlibutan, maaaring gamitin ni Pablo ang koʹsmos, “sanlibutan,” bilang katumbas ng di-Israelitang “mga tao ng mga bansa,” o “mga Gentil,” sa Roma 11:12-15. (NW; KJ) Doo’y itinawag-pansin niya na dahil sa pag-aapostata ng Israel, pinawalang-bisa ng Diyos ang kaniyang pakikipagtipan sa kanila. Dahil dito, nabuksan ang daan para ang mga Gentil ay makapasok sa gayong kaugnayan at sa mga kayamanan nito, sa pamamagitan ng pakikipagkasundo nila sa Diyos. (Ihambing ang Efe 2:11-13.) Kung gayon, ang “sanlibutan,” o koʹsmos, na umiral pagkaraan ng Baha at bago ang panahong Kristiyano ay tumutukoy na naman sa buong sangkatauhan na hindi kabilang sa sinang-ayunang mga lingkod ng Diyos, at lalo na doon sa mga hindi kabilang sa Israel noong panahong may pakikipagtipan ito kay Jehova.—Ihambing ang Heb 11:38.
Sa katulad na paraan, malimit gamitin ang koʹsmos upang tumukoy sa buong di-Kristiyanong lipunan ng mga tao, anuman ang kanilang lahi. Ito ang sanlibutang napoot kay Jesus at sa kaniyang mga tagasunod sapagkat nagpatotoo sila may kinalaman sa kalikuan nito at nanatili silang hiwalay rito. Kaya naman ang sanlibutang ito’y nagpakita ng pagkapoot sa Diyos na Jehova mismo at hindi nito siya kilala. (Ju 7:7; 15:17-25; 16:19, 20; 17:14, 25; 1Ju 3:1, 13) Ang Kalaban ng Diyos, si Satanas na Diyablo, ang namamahala sa sanlibutang ito ng di-matuwid na lipunan ng tao at mga kaharian nito. Sa katunayan, ginawa niyang “diyos” ng sanlibutang ito ang kaniyang sarili. (Mat 4:8, 9; Ju 12:31; 14:30; 16:11; ihambing ang 2Co 4:4.) Hindi ang Diyos ang nagluwal sa di-matuwid na sanlibutang ito. Utang nito ang pag-iral nito sa pangunahing Mananalansang ng Diyos, yamang “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan” niya. (1Ju 4:4, 5; 5:18, 19) Si Satanas at ang kaniyang “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako” ay kumikilos bilang ang di-nakikitang “mga tagapamahala ng sanlibutan [sa Gr., ko·smo·kraʹto·ras]” na hiwalay sa Diyos.—Efe 6:11, 12.
Ang tinutukoy sa mga tekstong ito ay hindi basta ang sangkatauhan, na kinabibilangan ng mga alagad ni Jesus, kundi ang buong organisadong lipunan ng tao na nasa labas ng tunay na kongregasyong Kristiyano. Kung hindi, kailangang mamatay ang mga Kristiyano at huwag nang mabuhay pa sa laman para masabing sila’y “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Ju 17:6; 15:19) Bagaman hindi nila maiiwasang mamuhay sa gitna ng lipunang iyon ng mga taong makasanlibutan, na kinabibilangan ng mga nagsasagawa ng pakikiapid, idolatriya, pangingikil, at katulad na mga gawain (1Co 5:9-13), ang mga Kristiyanong iyon ay dapat manatiling malinis at walang batik mula sa kasiraan at karungisan ng sanlibutang iyon, anupat hindi nakikipagkaibigan dito, upang huwag silang mahatulang kasama nito. (1Co 11:32; San 1:27; 4:4; 2Pe 1:4; 2:20; ihambing ang 1Pe 4:3-6.) Hindi sila maaaring magpaakay sa makasanlibutang karunungan, na kamangmangan sa paningin ng Diyos, ni maaari man nilang ‘langhapin’ ang “espiritu ng sanlibutan,” samakatuwid nga, ang makasarili at makasalanang nagpapakilos na puwersa nito. (1Co 1:21; 2:12; 3:19; 2Co 1:12; Tit 2:12; ihambing ang Ju 14:16, 17; Efe 2:1, 2; 1Ju 2:15-17; tingnan ang ESPIRITU [Nag-uudyok na Hilig ng Kaisipan].) Kaya naman, sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, kanilang ‘dinaraig ang sanlibutan’ ng di-matuwid na lipunan ng tao, gaya ng ginawa ng Anak ng Diyos. (Ju 16:33; 1Ju 4:4; 5:4, 5) Ang di-matuwid na lipunang iyan ng tao ay nakatakdang lumipas sa pamamagitan ng pagpuksa ng Diyos (1Ju 2:17), kung paanong naglaho ang di-makadiyos na sanlibutan bago ang Baha.—2Pe 3:6.
Magwawakas ang di-makadiyos na sanlibutan; ililigtas ang sangkatauhan. Kung gayon, tiyak na ang koʹsmos na para dito’y namatay si Jesus ay tumutukoy sa sanlibutan ng sangkatauhan na sa simpleng pangmalas ay ang pamilya ng tao, lahat ng taong laman. (Ju 3:16, 17) Hinggil naman sa sanlibutan sa diwang lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos at aktuwal na nakikipag-alit sa Diyos, hindi ipinanalangin ni Jesus ang sanlibutang iyon kundi yaon lamang mga lumabas sa sanlibutang iyon at nanampalataya sa kaniya. (Ju 17:8, 9) Kung paanong may mga taong laman na nakaligtas sa pagkapuksa ng di-makadiyos na lipunan ng tao, o sanlibutan, noong Delubyo, ipinakita ni Jesus na may makaliligtas ding mga taong laman sa malaking kapighatiang inihalintulad niya sa Bahang iyon. (Mat 24:21, 22, 36-39; ihambing ang Apo 7:9-17.) Sa katunayan, “ang kaharian ng sanlibutan” (maliwanag na tumutukoy sa kaharian ng sangkatauhan) ay ipinangakong magiging “kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo,” at yaong mga maghaharing kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian ay nakatakdang ‘mamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa,’ samakatuwid ay sa sangkatauhang hiwalay sa patay at di-makadiyos na lipunan ng tao na pinamunuan ni Satanas.—Apo 11:15; 5:9, 10.