Mga Himalang Nakita Mo Na!
ANG salitang “himala” ay may pangalawahing kahulugan na “isang lubhang natatangi o pambihirang pangyayari, bagay, o nagawa.” Tayong lahat ay nakakita na ng ganitong uri ng himala, kahit na hindi namagitan ang Diyos.
Palibhasa’y sumulong ang kanilang kaalaman sa pisikal na mga batas ng kalikasan, nagawa na ng mga tao ang karaniwan nang minamalas noon na imposibleng gawin. Halimbawa, noong nakalipas na sandaang taon, malamang na inisip ng karamihan sa mga tao na imposible ang karaniwan nang nagagawa ngayon ng mga computer, telebisyon, teknolohiyang pangkalawakan, at nakakatulad na mga pagsulong sa makabagong panahon.
Yamang natatanto na nila na bahagya lamang ang kanilang nalalaman sa kagila-gilalas na mga bagay sa siyensiya na masusumpungan sa mga nilalang ng Diyos, inaamin ng ilang siyentipiko na hindi na nila masasabi nang may katiyakan na imposible ang isang bagay. Ang gusto na lamang nilang sabihin ay na malayong mangyari ang isang bagay. Sa gayon ay iniiwan nilang bukás ang pagkakataon para sa “mga himala” sa hinaharap.
Kahit na ginagamit natin ang pangunahing kahulugan ng “himala,” samakatuwid ay tinutukoy ang mga bagay na “galing sa isang sobrenatural,” masasabi natin na bawat isa sa atin ay nakakita na ng mga himala. Halimbawa, namamasdan natin ang araw, buwan, at mga bituin—pawang likha ng isang “sobrenatural,” ang Maylalang mismo. Bukod diyan, sino ang lubos na makapagpapaliwanag nang detalyado kung paano gumagana ang katawan ng tao? paano gumagana ang utak? o paano nabubuo ang binhi ng tao? Ganito ang sabi ng aklat na The Body Machine: “Ang katawan ng tao, na kinokontrol at magkakasuwatong pinagagana ng central nervous system, ay isang masalimuot na aparatong nakadarama, isang kumikilos na makinang kontrolado ang sarili nito, isang computer na nakapagpaparami sa ganang sarili nito—isang nilalang na kahanga-hanga at mahiwaga sa maraming paraan.” Tunay ngang ang Diyos na lumalang sa “katawan ng tao” ay gumawa ng isang himala, isa na patuloy na nakamamangha sa atin. May iba pang uri ng mga himala na nakita mo na rin, bagaman maaaring hindi mo natanto na gayon nga ang mga ito.
Maaari Bang Maging Himala ang Isang Aklat?
Ang Bibliya lamang ang aklat na may napakalawak na sirkulasyon. Itinuturing mo bang isang himala ang Bibliya? Masasabi ba nating umiral ito dahil sa isang “sobrenatural”? Totoo, ang Bibliya ay isang aklat na isinulat ng mga tao, ngunit inangkin nila na ang isinulat nila’y mga kaisipan ng Diyos, hindi kanila. (2 Samuel 23:1, 2; 2 Pedro 1:20, 21) Isipin ito. Mga 40 indibiduwal sila na nabuhay sa yugto na 1,600 taon. Iba’t iba ang kanilang pinagmulan. Ang ilan sa kanila ay mga pastol, militar, mangingisda, lingkod ng bayan, doktor, saserdote, at mga hari. Gayunman, naisulat nila ang magkakasuwatong mensahe ng pag-asa na kapuwa totoo at tumpak.
Salig sa maingat na pagsusuri, tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya, “hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos,” gaya ng isinulat ni apostol Pablo. (1 Tesalonica 2:13) Sa nakalipas na mga taon, ipinaliwanag ng kanilang mga publikasyon kung paano makakasuwato ng tinatawag na mga pagkakasalungatan sa Bibliya ang pangkalahatang mensahe nito. Ang panloob na pagkakasuwatong ito ay patotoo sa ganang sarili na ang Diyos ang awtor nito.a
Ang Bibliya lamang ang aklat na puspusang pinagsikapang pawiin. Gayunman, umiiral pa rin ito at mababasa pa nga, kahit ang bahagi lamang nito, sa mahigit na 2,000 wika. Yamang naingatan mismo ang aklat at ang kadalisayan ng nilalaman nito, ipinakikita lamang nito na namagitan ang Diyos. Talagang isang himala ang Bibliya!
Isang Himala na “Buháy at May Lakas”
Ang mga himala noong sinaunang panahon—makahimalang mga pagpapagaling at mga pagkabuhay-muli—ay hindi na nangyayari sa ngayon. Ngunit may dahilan tayo upang magtiwala na sa darating na bagong sanlibutan ng Diyos, ang gayong mga himala ay mangyayaring muli, sa pagkakataong ito ay sa pandaigdig na lawak. Magdudulot ang mga ito ng namamalaging kaginhawahan at hindi ito maaarok ng ating kasalukuyang kakayahan sa pang-unawa.
Ang Bibliya, na makahimalang dumating sa atin, ay makagagawa maging sa ngayon ng maituturing na mga himala sa pamamagitan ng pag-uudyok sa mga tao na baguhin ang kanilang mga personalidad ukol sa ikabubuti. (Tingnan ang halimbawa sa kahong “Ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos,” sa pahina 8.) Sinasabi sa Hebreo 4:12: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” Oo, malaki ang naitulong ng Bibliya sa pagbago sa buhay ng mahigit na anim na milyong tao na naninirahan sa iba’t ibang panig ng daigdig, anupat nilipos ng layunin ang kanilang buhay at binigyan sila ng kahanga-hangang pag-asa sa hinaharap.
Bakit hindi hayaang gumawa ng himala sa iyong buhay ang Bibliya?
[Talababa]
a Kung gusto mo pang suriin ang sinasabing mga pagkakasalungatang ito upang makita kung paano mapagkakasuwato ang mga ito, tinatalakay ang maraming halimbawa sa Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? kabanata 7, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
PATAY NA O BUHÁY PA?
Ayon sa Juan 19:33, 34, patay na si Jesus noong “inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang kaniyang tagiliran, at kaagad ay dugo at tubig ang lumabas.” Gayunman, ipinakikita ng ilang salin sa Mateo 27:49, 50 na buháy pa si Jesus nang maganap ito. Bakit may pagkakaiba?
Ipinagbabawal ng Kautusang Mosaiko na hayaang nakabitin nang buong magdamag sa pinagbitayang tulos ang isang kriminal. (Deuteronomio 21:22, 23) Kaya naman noong panahon ni Jesus, kapag buháy pa ang isang nakabayubay na kriminal pagsapit ng hapon, kaugalian nang baliin ang kaniyang mga paa, sa gayon ay pinadadali ang kaniyang kamatayan. Hindi na niya kasi maitutuwid ang kaniyang katawan upang makahinga nang wasto. Yamang binali ng mga kawal ang mga paa ng dalawang manggagawa ng kasamaan na nakabayubay sa tabi ni Jesus ngunit hindi nila binali ang sa kaniya, ipinahihiwatig nito na inakala nilang patay na siya. Malamang na inulos ng kawal ang tagiliran ni Jesus upang mawala ang anumang pag-aalinlangan at alisin ang anumang posibilidad ng pagpapanauli ng malay-tao na sa dakong huli ay maaaring may-kamaliang ipahayag bilang pagkabuhay-muli.
Iba naman ang paraan ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa teksto sa Mateo 27:49, 50. Sinasabi nito: “Kumuha ng sibat ang isa pang lalaki at inulos ang kaniyang tagiliran, at lumabas ang dugo at tubig. Muling sumigaw si Jesus sa malakas na tinig, at ibinigay ang kaniyang espiritu.” Gayunman, hindi lumilitaw ang nakaitalikong pangungusap sa lahat ng sinaunang manuskrito ng Bibliya. Naniniwala ang maraming awtoridad na idinagdag ito nang dakong huli mula sa Ebanghelyo ni Juan ngunit nailagay ito sa maling lugar. Kaya naman ang pangungusap na ito ay inilalagay sa loob ng mga braket o panaklong, nilalagyan ng nagpapaliwanag na talababa, o basta lubusan nang inaalis sa maraming salin.
Ang pangungusap na ito ay inilagay naman sa loob ng magkabilang dobleng braket sa pinakasaligang teksto nina Westcott at Hort, na malawakang ginamit bilang batayan para sa New World Translation. Itinatala nito na ang pangungusap ay “malamang na isiningit ng mga eskriba.”
Kung gayon, napakalaki ng ebidensiya na makatotohanan ang Juan 19:33, 34 at na patay na si Jesus nang ulusin siya ng sibat ng kawal na Romano.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
ANG KAPANGYARIHAN NG SALITA NG DIYOS
Bilang isang tin-edyer at biktima ng isang wasak na pamilya, nasadlak si Detlef sa daigdig ng mga nagpapakasasa sa droga, alak, at musikang heavy metal.b Napabilang siya sa karaniwan nang tinatawag na skinhead (isang gang), at di-nagtagal ay nakalaban niya ang mga pulis dahil sa kaniyang marahas na paggawi.
Noong 1992, nasangkot ang 60 skinhead sa napakalaking pakikipagsagupaan sa mga 35 punker (isa ring gang) sa isang restawran at bar sa hilagang-silangang Alemanya. Si Thomas, isa sa mga punker, ay malubhang nabugbog anupat namatay dahil sa mga pinsalang natamo niya. Ang ilan sa mga pasimuno, kasali na si Detlef, ay hinatulang mabilanggo pagkatapos ng isang paglilitis na malawakang ibinalita ng media.
Di-nagtagal matapos makalaya sa bilangguan si Detlef, isang pamplet ang ibinigay sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova. Ang pamplet ay pinamagatang “Bakit Kaya Punung-puno ng Suliranin ang Buhay?” Agad natanto ni Detlef ang katotohanan ng sinasabi nito, at nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Lubusan nitong binago ang kaniyang buhay. Mula noong 1996, isa na siyang masigasig na Saksi ni Jehova.
Si Siegfried na dating punker ay matalik na kaibigan ni Thomas, ang kabataang lalaki na napatay; siya man nang dakong huli ay naging isang Saksi at isa na ngayong elder sa kongregasyon. Nang dalawin ni Siegfried ang kongregasyon nina Detlef upang magbigay ng isang pahayag sa Bibliya (nagkataon naman na paminsan-minsan ay dumadalo rin doon ng pulong ang ina ni Thomas), inanyayahan ni Detlef si Siegfried para mananghalian. Mga sampung taon pa lamang ang nakalilipas, napakahirap supilin ang kanilang poot. Sa ngayon, kitang-kita ang kanilang pag-ibig na pangkapatid.
Inaasam-asam nina Detlef at Siegfried na sasalubungin nila si Thomas kapag binuhay itong muli sa isang makalupang paraiso. Ang sabi ni Detlef: “Napapaluha ako kapag naiisip ko ito. Labis kong pinagsisisihan ang nagawa ko.” Pareho nilang hangarin na tulungan si Thomas sa panahong iyon, gaya ng pagtulong nila ngayon sa iba, na makilala si Jehova at magsaya sa pag-asa na ibinibigay ng Bibliya.
Oo, ganiyan ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos!
[Talababa]
b Binago ang mga pangalan.
[Larawan sa pahina 6]
Ang katawan ng tao ay isang kahanga-hangang nilalang
[Credit Line]
Anatomy Improved and Illustrated, London, 1723, Bernardino Genga