Kabanata 7
Sinasalungat ba ng Bibliya ang Sarili?
Isang paratang na madalas gawin laban sa Bibliya ay na sumasalungat ito sa sarili. Madalas, ang mga nagpaparatang ay hindi pa talaga nakapagbasa ng Bibliya; inuulit lamang nila ang kanilang narinig. Gayunman, ang iba ay nakabasa ng wari’y pagkakasalungatan kaya sila ay lubhang nababahala dito.
1, 2. (Ilakip ang pambungad.) (a) Anong paratang ang malimit gawin laban sa Bibliya? (b) Sa paghahambing ng iba’t-ibang talata sa Bibliya, ano ang dapat tandaan? (c) Ano ang ilang dahilan kung bakit nagkakaiba kung minsan ang paraan ng pag-uulat ng dalawang manunulat ng Bibliya sa iisang pangyayari?
KUNG ito nga’y talagang Salita ng Diyos, ang Bibliya ay dapat na nagkakasuwato, hindi nagkakasalungatan. Kaya, bakit may mga talata na tila kasalungat ng iba? Bilang sagot, dapat tandaan na, bagaman ang Bibliya’y Salita ng Diyos, iba-iba ang sumulat nito sa loob ng maraming dantaon. Sila ay may iba’t-ibang pinagmulan, estilo ng pagsulat, at mga kaloob, kaya maaaninaw ito sa kanilang isinulat.
2 Bukod dito, kapag dalawa o higit pa ang nagsasalaysay sa iisang pangyayari, maaaring isama ng isa ang mga detalye na inaalis ng iba. Karagdagan pa, ang isang paksa ay maaaring iharap ng magkakaibang manunulat sa magkakaibang paraan. Maaaring sumulat ang isa ayon sa panahon, samantalang ibang kaayusan naman ang maaaring sundin ng iba. Sa kabanatang ito, ihaharap namin ang ilang di-umano’y pagkakasalungatan sa Bibliya at isasaalang-alang kung papaano ito pagtutugmain, salig sa binabanggit sa itaas.
Mga Saksing Hindi Nagsabwatan
3, 4. Hinggil sa senturion na may aliping nagkasakit, anong maliwanag na pagkakaiba ang umiiral sa pagitan ng ulat nina Mateo at Lucas, at papaano ito pagtutugmain?
3 Nagkakaroon ng “salungatan” kapag may dalawa o higit pang ulat sa iisang pangyayari. Halimbawa, sa Mateo 8:5 mababasa natin na pagdating ni Jesus sa Capernaum, “sinalubong siya ng isang senturion, na namanhik sa kaniya,” at nakiusap ito kay Jesus na pagalingin ang kaniyang alila. Nguni’t sa Lucas 7:3, mababasa natin na ang senturion ay “nagsugo ng matatandang Judio upang pakiusapan [si Jesus] na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin.” Ang senturion ba ay nakipag-usap mismo kay Jesus, o ang matatandang sinugo niya?
4 Maliwanag na ang sagot ay isinugo niya ang matatandang Judio. Bakit, kung gayon sinabi ni Mateo na siya mismo ang nakiusap kay Jesus? Sapagka’t, ang totoo, nakiusap siya kay Jesus sa tulong ng matatandang Judio. Ang matatanda ang naging tagapagsalita niya.
5. Bakit sinasabi ng Bibliya na itinayo ni Solomon ang templo, samantalang iba ang aktuwal na gumawa niyaon?
5 Upang ilarawan ito, basahin ang 2 Cronica 3:1: “Sa wakas ay sinimulan ni Solomon na itayo ang bahay ni Jehova sa Jerusalem.” Sa dakong huli, ay mababasa natin: “Ganito tinapos ni Solomon ang bahay ni Jehova.” (2 Cronica 7:11) Personal bang itinayo ni Solomon ang templo mula pasimula hanggang katapusan? Tiyak na hindi. Ang aktuwal na pagtatayo ay ginawa ng mga bihasa at karaniwang manggagawa. Subali’t si Solomon ang nag-organisa sa gawain, siya ang may pananagutan. Kaya, sinasabi ng Bibliya na itinayo niya ang bahay. Kahawig nito, sinasabi ng Ebanghelyo ni Mateo na ang senturion ang lumapit kay Jesus. Nguni’t idinadagdag ni Lucas ang detalye ng paglapit niya sa pamamagitan ng matatanda.
6, 7. Papaano pagtutugmain ang dalawang magkaibang ulat sa Ebanghelyo hinggil sa pakiusap ng mga anak ni Zebedeo?
6 Narito pa ang isang halimbawa. Sa Mateo 20:20, 21 ay sinasabi: “Lumapit [kay Jesus] ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, na nagpatirapa sa harapan niya at may hinihinging isang bagay sa kaniya.” Hiniling niya na pagkalooban ang kaniyang mga anak ng pinakapangunahing puwesto pagdating ni Jesus sa kaniyang Kaharian. Mababasa natin ang ulat ni Marcos sa pangyayari ding ito: “Nagsilapit [kay Jesus] si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, at nagsabi sa kaniya: ‘Guro, ibig naming gawin mo ang anomang aming hingin sa iyo.’ ” (Marcos 10:35-37) Ang mga anak ba ni Zebedeo, o ang ina nila, ang mismong nakiusap kay Jesus?
7 Maliwanag, na ang dalawang anak ni Zebedeo ang humiling, gaya ng sinabi ni Marcos. Subali’t ginawa ito sa pamamagitan ng kanilang ina. Siya ang tagapagsalita nila. Sinusuhayan ito ng ulat ni Mateo na, nang marinig ng ibang apostol ang ginawa ng ina ng mga anak ni Zebedeo, sila ay nagalit, hindi sa ina, kundi sa “magkapatid.”—Mateo 20:24.
8. Papaano maaaring magkaiba ang dalawang hiwalay na ulat tungkol sa iisang pangyayari at kapuwa pa rin maging totoo?
8 Narinig na ba ninyo ang dalawang nagkukuwentuhan ng isang pangyayari na kapuwa nila nasaksihan? Napansin ba ninyo na bawa’t isa ay nagdiriin ng mga detalye na nakatawag-pansin sa kaniya? Baka may nalaktawan ang isa na naikuwento naman ng ikalawa. Pero, kapuwa pa rin sila nagsasabi ng totoo. Ganoon din sa apat na Ebanghelyo sa ministeryo ni Jesus, at sa iba pang pangyayari na iniulat ng mahigit sa isang manunulat ng Bibliya. Lahat ay gumawa ng wastong ulat bagaman ang isa ay bumabanggit ng mga detalye na nalalaktawan ng iba. Sa pagsasaalang-alang ng bawa’t ulat, isang mas maliwanag na larawan ang natatamo. Ang ganitong pagkakaiba ay patotoo na ang Bibliya ay malaya sa pagsasabwatan. At ang mahalagang pagkakasuwato nito ay katibayayan na yaon ay totoo.
Basahin ang Konteksto
9, 10. Papaano tumutulong ang konteksto upang makita kung saan nakuha ni Cain ang kaniyang asawa?
9 Madalas, nalulutas ang tila pagkakasalungatan kung babasahin lamang ang konteksto. Kuning halimbawa ang problema tungkol sa asawa ni Cain. Mababasa natin sa Genesis 4:1, 2: “At ipinanganak [ni Eba] si Cain at nagsabi: ‘Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ni Jehova.’ Nang dakong huli ay muli siyang nanganak, sa kaniyang kapatid na si Abel.” Gaya ng alam-na-alam na, pinatay ni Cain si Abel; nguni’t pagkaraan nito, si Cain ay nag-asawa at nagkaanak. (Genesis 4:17) Kung dadalawa ang anak nina Adan at Eba, saan nakuha ni Cain ang asawa niya?
10 Ang sagot ay higit sa dalawa ang naging anak nina Adan at Eba. Ayon sa konteksto, malaki ang naging pamilya nila. Sa Genesis 5:3 mababasa natin na si Adan ay nagkaanak uli ng lalaki na tinawag niyang Set at, sa susunod na bersikulo, ay sinasabi: “Nagkaanak siya ng mga lalaki at babae.” (Genesis 5:4) Kaya napangasawa ni Cain ang isa niyang kapatid o pamangkin. Sa maagang yugtong yaon ng kasaysayan, nang napakalapit pa ng tao sa kasakdalan, maliwanag na ang gayong pag-aasawa ay hindi pa naging mapanganib sa supling na gaya ng sa ngayon.
11. Anong di-umano’y pagkakasalungatan na namagitan kina Santiago at apostol Pablo ang itinuturo ng iba?
11 Ang pagsasaalang-alang sa konteksto ay tutulong din upang maunawaan ang di-umano’y salungatan nina apostol Pablo at Santiago. Sa Efeso 2:8, 9, sinabi ni Pablo na ang Kristiyano ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi ng gawa. Sinabi niya: “Kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya . . . hindi sa pamamagitan ng gawa.” Gayunman, iginigiit ni Santiago ang halaga ng mga gawa. Sinabi niya: “Kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” (Santiago 2:26) Papaano pagtutugmain ang dalawang pangungusap na ito?
12, 13. Sa halip na salungatin, papaano pinupunan ng mga salita ni Santiago ang sinabi ni apostol Pablo?
12 Kung isasaalang-alang ang konteksto ng mga salita ni Pablo, matutuklasan na ang unang pangungusap ay nagiging kapupunan ng ikalawa. Tinukoy ni apostol Pablo ang pagsisikap ng mga Judio na sumunod sa Batas Mosaiko. Akala nila sila’y magiging matuwid kung detalyado nilang susundin ang Batas. Idiniin ni Pablo na imposible ito. Kailanma’y hindi tayo magiging matuwid—at sa gayo’y maging marapat sa kaligtasan—sa sarili nating mga gawa, sapagka’t tayo’y likas na makasalanan. Maliligtas lamang tayo kung sasampalataya tayo sa haing pantubos ni Jesus.—Roma 5:18.
13 Gayumpaman, idinaragdag ni Santiago na ang pananampalataya sa ganang sarili ay walang kabuluhan kung hindi nilalakipan ng gawa. Ang sumasampalataya kay Jesus ay dapat magpatotoo nito sa pamamagitan ng mga gawa. Ang isang di-aktibong pananampalataya ay patay na pananampalataya na hindi aakay sa kaligtasan.
14. Saang mga talata ipinakikita ni Pablo na lubos siyang sumasang-ayon sa simulain na ang buháy na pananampalataya ay dapat patunayan ng mga gawa?
14 Si apostol Pablo ay lubusang sumasang-ayon dito, at madalas niyang banggitin ang mga gawa na dapat ipamalas ng mga Kristiyano bilang pagtatanghal ng kanilang pananampalataya. Halimbawa, sumulat siya sa mga taga-Roma: “Sa puso ay nananampalataya ang isa sa ikatutuwid, at sa bibig ay gumagawa ng madlaang pagpapahayag sa ikaliligtas.” Ang “madlaang pagpapahayag”—pamamahagi ng ating pananampalataya sa iba—ay mahalaga sa kaligtasan. (Roma 10:10; tingnan din ang 1 Corinto 15:58; Efeso 5:15, 21-33; 6:15; 1 Timoteo 4:16; 2 Timoteo 4:5; Hebreo 10:23-25.) Gayumpaman, anomang gawa na maaaring gawin ng isang Kristiyano, at tiyak na anomang pagsisikap na tumupad sa Batas ni Moises, ay hindi magpapaging-marapat sa isa sa buhay na walang-hanggan. Ito ay “kaloob na ibinibigay ng Diyos” sa mga sumasampalataya.—Roma 6:23; Juan 3:16.
Magkakaibang Punto-de-Bista
15, 16. Papaano magiging tama kapuwa sina Moises at Josue gayong sinasabi ng isa na ang silangan ng Jordan ay “nasa dako rito” ng ilog samantalang sinabi naman ng isa na “nasa dako roon”?
15 Kung minsan ang mga manunulat ng Bibliya ay sumulat ng iisang pangyayari mula sa magkakaibang punto-de-bista, o iba-iba ang paraan ng paghaharap nila rito. Kapag isinasaalang-alang ang mga pagkakaibang ito, madaling malutas ang iba pang tila pagkakasalungatan. Isang halimbawa nito ay nasa Bilang 35:14, kung saan tinutukoy ni Moises ang teritoryo sa silangan ng Jordan na “sa dakong ito ng Jordan.” Subali’t, si Josue, nang nagsasalita tungkol sa lupain sa silangan ng Jordan, ay tumukoy dito na “sa dako roon ng Jordan.” (Josue 22:4) Alin ang tama?
16 Ang totoo, pareho silang tama. Ayon sa ulat ng Bilang, hindi pa natatawid ng mga Israelita ang Ilog Jordan tungo sa Lupang Pangako, kaya para sa kanila ang silangan ng Jordan ay ang “dakong ito.” Subali’t si Josue ay nakatawid na sa Jordan. Ngayon, nasa kanluran na siya ng ilog, sa lupain ng Canaan. Kaya ang silangan ng Jordan, para sa kaniya, ay ang “dako roon.”
17. (a) Anong raw pagkakasalungatan ang makikita sa unang dalawang kabanata ng Genesis? (b) Ano ang dahilan ng pagkakaiba?
17 Bukod dito, ang balangkas ng isang salaysay ay maaaring umakay sa tila pagsasalungatan. Sa Genesis 1:24-26, ipinakikita ng Bibliya na ang mga hayop ay nilalang bago ang tao. Nguni’t sa Genesis 2:7, 19, 20, waring sinasabi na nilalang muna ang tao bago ang mga hayop. Bakit may pagkakaiba? Sapagka’t ang paglalang ay tinatalakay ng dalawang ulat mula sa magkaibang punto-de-bista. Inilalarawan ng una ang paglalang sa langit at sa lupa at lahat ng naroroon. (Genesis 1:1-2:4) Ang pangalawa ay tumatalakay lamang sa paglalang ng tao at sa pagkahulog nito sa pagkakasala.—Genesis 2:5–4:26.
18. Papaano pagtutugmain ang pagkakaiba ng dalawang ulat ng paglalang sa panimulang mga kabanata ng Genesis?
18 Ang unang ulat ay binalangkas ayon sa panahon, na hinati sa anim na sunud-sunod na “araw.” Ang pangalawa ay isinulat ayon sa halaga ng paksa. Pagkatapos ng maikling pambungad, angkop lamang na tumungo ito agad sa paglalang kay Adan, yamang siya at ang pamilya niya ang susunod na paksa. (Genesis 2:7) Ang karagdagang detalye ay inihaharap ayon sa pangangailangan. Nalaman natin na pagkaraan ng paglalang si Adan ay titira sa isang halamanan sa Eden. Kaya binabanggit ngayon ang pagtatanim ng halamanan sa Eden. (Genesis 2:8, 9, 15) Iniutos ni Jehova kay Adan na pangalanan “ang bawa’t mailap na hayop sa parang at bawa’t lumilipad na nilalang sa langit.” Kaya, ngayon, wastong banggitin na “nilalang ng Diyos na Jehova mula sa lupa” ang lahat ng ito, bagaman ang pagkalalang sa kanila ay nangyari matagal na panahon pa bago lumitaw si Adan— Genesis 2:19; 1:20, 24, 26.
Basahin nang Maingat ang Salaysay
19. Anong maliwanag na kalituhan ang umiiral sa ulat ng Bibliya hinggil sa pagsakop sa Jerusalem?
19 Kung minsan, kailangan lamang na basahin nang maingat ang salaysay at mangatuwiran batay sa naroroong impormasyon upang malutas ang mga tila pagkakasalungatan. Ito ang kailangan kapag isinasaalang-alang ang pagsakop ng mga Israelita sa Jerusalem. Ang Jerusalem ay itinala bilang bahagi ng mana ni Benjamin, subali’t mababasa natin na hindi ito nasakop ng tribo ni Benjamin. (Josue 18:28; Hukom 1:21) Mababasa din natin na hindi nasakop ng Juda ang Jerusalem—na para bang bahagi ito ng mana ng tribong yaon. Nang dakong huli, tinalo ng Juda ang Jerusalem, at sinunog ito sa apoy. (Josue 15:63; Hukom 1:8) Gayunman, pagkaraan ng daandaang taon, ay iniulat na sinakop ni David ang Jerusalem.—2 Samuel 5:5-9.
20, 21. Sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa lahat ng magkakaugnay na detalye, ano ang lumilitaw na talagang nangyari sa pagsakop ng mga Hebreo sa lunsod ng Jerusalem?
20 Sa unang pagbasa, ito ay tila nakalilito, subali’t wala namang tunay na salungatan. Sa katunayan, ang hangganan ng mana nina Benjamin at Juda ay kaagapay ng Libis ng Hinnom na bumabagtas sa sinaunang lunsod ng Jerusalem. Talagang nasa teritoryo ni Benjamin ang dako na nang malaunan ay tinawag na Lunsod ni David, gaya ng sinasabi ng Josue 18:28. Subali’t malamang na ang Jebuseong lunsod ng Jerusalem ay lumampas pa sa Libis ng Hinnom at sa gayo’y sumaklaw sa teritoryo ng Juda, kung kaya’t ang Juda ay kinailangan ding makipagdigma laban sa mga Canaanitang naninirahan dito.
21 Ang lunsod ay hindi nasakop ng Benjamin. Minsan ay sinakop ng Juda ang Jerusalem at sinunog ito. (Hukom 1:8, 9) Subali’t umalis uli ang hukbo ng Juda, kaya nagbalik sa lunsod ang orihinal na mga naninirahan. Nang dakong huli, mahigpit nilang ipinagtanggol ang lunsod anupa’t walang nagawa ang Juda o ang Benjamin upang mapaalis sila. Kaya, nanatili ang mga Jebuseo sa Jerusalem hanggang masakop ito ni David pagkaraan ng daandaang taon.
22, 23. Sino ang pumasan ng haliging pahirapan ni Jesus hanggang sa dakong pagpapakuan?
22 May pangalawang halimbawa sa mga Ebanghelyo. Hinggil sa paghahatid kay Jesus sa kamatayan, ay mababasa natin sa Ebanghelyo ni Juan: “Siya’y lumabas, na pasan-pasan ang haliging pahirapan.” (Juan 19:17) Subali’t, sa Lucas ay sinasabi: “Nang siya’y dadalhin na nila, ay kanilang pinigil ang isang Simon, tubong Cirene, na nanggaling sa bukid, at ipinapasan sa kaniya ang haliging pahirapan habang sumusunod kay Jesus.” (Lucas 23:26) Si Jesus ba ang pumasan sa haligi, o pinasan ba ito ni Simon para sa kaniya?
23 Sa pasimula, maliwanag na si Jesus ang pumasan ng haliging pahirapan, gaya ng sinabi ni Juan. Nguni’t nang maglaon, gaya ng patotoo nina Mateo, Marcos at Lucas, si Simong Cireneo ay inatasan na pasanin ito para sa kaniya hanggang sa dakong pagpapakuan.
Patotoo ng Kawalang-Pagsasabwatan
24. Bakit hindi tayo nagtataka sa maliwanag na mga pagkakaiba sa Bibliya, subali’t ano ang hindi natin dapat ipasiya mula rito?
24 Totoo, may mga pagkakaiba sa Bibliya na mahirap pagtugmain. Subali’t huwag nating ipasiya na ito’y tiyak na pagkakasalungatan. Madalas yao’y dahil sa kakulangan ng impormasyon. Ang Bibliya ay naglalaan ng kaalaman na sasapat sa ating espirituwal na pangangailangan. Nguni’t kung ilalaan ang bawa’t detalye sa bawa’t pangyayari, ito’y magiging napakakapal, at napakabigat na aklatan, sa halip na isang maliit, magaang na tomo na gaya ng taglay natin ngayon.
25. Ano ang sinasabi ni Juan tungkol sa ulat ng ministeryo ni Jesus, at papaano ito tumutulong upang maunawaan kung bakit hindi ibinibigay ng Bibliya ang bawa’t detalye sa bawa’t pangyayari?
25 Ganito ang isinulat ni apostol Juan tungkol sa ministeryo ni Jesus, sa makatuwirang malabis na paglalarawan: “At mayroon pang iba’t-ibang bagay na ginawa si Jesus na, kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin.” (Juan 21:25) Lalo pang imposible na itala ang lahat ng detalye sa mahabang kasaysayan ng bayan ng Diyos mula sa mga patriarka hanggang sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano.
26. Ang Bibliya ay naglalaman ng sapat na impormasyon na tutulong upang matiyak ang anong mahalagang katotohanan?
26 Oo, ang Bibliya ay isang himala ng pagpapaikli. May sapat na impormasyon ito na tutulong upang makilala na ito’y hindi gawa lamang ng tao. Anomang pagkakaiba na nilalaman nito ay patotoo lamang na ang mga sumulat ay hindi talaga nagsabwatan. Sa kabilang dako, ang namumukod-tanging pagkakasuwato ng Bibliya—na tatalakayin sa isang hinaharap na kabanata—ay tiyak na patotoo hinggil sa banal na pinagmulan nito. Ito’y salita ng Diyos, hindi ng tao.
[Blurb sa pahina 89]
Ang maliwanag na mga pagkakaiba sa Bibliya ay patotoo na ang mga sumulat ay talagang hindi nagsabwatan
[Blurb sa pahina 91]
Ang pagsasaalang-alang ng konteksto ay malimit tumutulong upang malutas ang di-umano’y pagkakasalungatan
[Kahon sa pahina 93]
Ang “Mga Pagkakaiba” ay Hindi Naman Pagsasalungatan
Si Kenneth S. Kantzer, isang teologo, ay naglarawan minsan kung papaanong ang dalawang ulat hinggil sa iisang pangyayari ay tila magkasalungat gayunma’y kapuwa puwedeng maging totoo. Sumulat siya: “Matagal na ang nakalipas mula nang mamatay ang ina ng isang mahal na kaibigan. Una naming nabalitaan ang pagkamatay niya mula sa isang kaibigan na kapuwa namin pinagtitiwalaan na nagsabing ang ina ng aming kaibigan ay nakatayo sa kanto at naghihintay ng bus, nang mabangga siya ng isa pang bus na dumaraan, at namatay pagkaraan ng ilang minuto.”
Hindi nagtagal, nakarinig siya ng lubhang naiibang balita. Sinabi niya: “Nalaman namin mula sa apo ng babaeng namatay na ang babae ay nasangkot sa banggaan, at tumilapon mula sa kotseng kaniyang sinasakyan, at agad namatay. Tiniyak ng apo na ito nga ang nangyari.
“Pagkaraan pa rin nito . . . sinikap naming pagtugmain ang balita. Nalaman namin na ang babae ay naghihintay ng bus, nabangga ng isa pang bus, at nasugatan nang malubha. Isinakay siya ng isang kotseng dumadaan at isinugod sa ospital, nguni’t sa pagmamadali, ang kotse na sinasakyan niya ay nabangga ng isa pa ring kotse. Tumilapon siya at namatay agad.”
Oo. ang dalawang ulat hinggil sa iisang pangyayari ay kapuwa puwedeng magkatotoo bagaman tila magkasalungat. Ganoon din kung minsan ang Bibliya. Maaaring iulat ng magkahiwalay na saksi ang magkaibang detalye ng iisang pangyayari. Kaya, imbes na magkasalungatan, ang ulat nila ay pinupunan ng isa’t-isa, kaya kung isasaalang-alang ang bawa’t ulat, nagkakaroon tayo ng mas maliwanag na larawan sa nangyari.