Ano ang Kahulugan ng Pagiging Born Again?
Ang sagot ng Bibliya
Ang terminong “born again,” o ipinanganak muli, ay tumutukoy sa bagong pasimula ng kaugnayan sa Diyos ng isang taong born again. (Juan 3:3, 7) Ang mga ipinanganak muli ay inaampon ng Diyos bilang kaniyang mga anak. (Roma 8:15, 16; Galacia 4:5; 1 Juan 3:1) Tulad ng mga legal na inaampon, nagbabago ang kalagayan nila at nagiging miyembro ng pamilya ng Diyos.—2 Corinto 6:18.
Bakit ipinapanganak muli ang isa?
Sinabi ni Jesus: “Malibang maipanganak muli ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3) Kaya ang pagiging born again ay naghahanda sa isang tao para mamahalang kasama ni Kristo sa Kaharian ng Diyos. Ang Kahariang ito ay mamamahala mula sa langit, kaya ang “bagong pagsilang,” ayon sa Bibliya, ay magbibigay-daan para makamit ang manang “nakataan sa langit.” (1 Pedro 1:3, 4) Binibigyang-katiyakan ang mga born again, o ipinanganak muli, na “mamamahala [silang] magkakasama bilang mga hari” kasama ni Kristo.—2 Timoteo 2:12; 2 Corinto 1:21, 22.
Paano nagiging born again ang isa?
Nang talakayin ni Jesus ang paksang ito, sinabi niya na ang mga born again ay ‘ipanganganak mula sa tubig at espiritu.’ (Juan 3:5) Tumutukoy ito sa bautismo sa tubig at sinusundan ng bautismo sa banal na espiritu.—Gawa 1:5; 2:1-4.
Si Jesus ang unang taong ipinanganak muli. Binautismuhan siya sa Ilog Jordan, at pagkatapos ay pinahiran (o, binautismuhan) ng Diyos sa banal na espiritu. Sa gayon ay ipinanganak muli si Jesus bilang espirituwal na anak ng Diyos, na may pag-asang muling mabuhay sa langit. (Marcos 1:9-11) Tinupad ng Diyos ang pag-asang iyan nang buhayin niyang muli si Jesus bilang espiritung nilalang.—Gawa 13:33.
Ang iba na ipinanganak muli ay nabautismuhan din sa tubig bago nakatanggap ng banal na espiritu.a (Gawa 2:38, 41) Sila ay binigyan ng tiyak na pag-asang mabuhay sa langit, na tutuparin ng Diyos sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kanila.—1 Corinto 15:42-49.
Mga maling akala tungkol sa pagiging born again
Maling akala: Para maligtas o maging Kristiyano ang isa, dapat siyang maging born again.
Ang totoo: Ang hain ni Kristo ay naglalaan ng kaligtasan hindi lang para sa mga ipinanganak muli na mamamahalang kasama ni Kristo sa langit kundi para din sa magiging sakop ng Kaharian ng Diyos sa lupa. (1 Juan 2:1, 2; Apocalipsis 5:9, 10) Ang ikalawang grupong ito ng mga Kristiyano ay may pagkakataong mabuhay sa Paraisong lupa magpakailanman.—Awit 37:29; Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:1-5.
Maling akala: Puwedeng ipasiya ng isang tao na maging born again.
Ang totoo: Ang pagkakataong magkaroon ng kaugnayan sa Diyos at maligtas ay bukás sa lahat. (1 Timoteo 2:3, 4; Santiago 4:8) Pero ang Diyos lang ang pumipili kung sino ang ipanganganak muli, o papahiran ng banal na espiritu. Ayon sa Bibliya, “nakasalalay ito, hindi sa isa na nagnanais ni sa isa na tumatakbo, kundi sa Diyos.” (Roma 9:16) Ang pananalitang “maipanganak muli,” o born again, ay isinasalin ding “maipanganak mula sa itaas,” na nagpapatunay na ang pagpili para ipanganak muli ay “mula sa itaas,” o mula sa Diyos.—Juan 3:3.
a Ang isang eksepsiyon ay ang nangyari kay Cornelio at sa mga kasama niya.—Gawa 10:44-48.