Pangungumpisal ng mga Kasalanan—Paraan ba ng Tao o ng Diyos?
SA GITNA ng mga Katoliko, malaki ang ipinagbago ng pangungumpisal sa lumipas na daan-daang taon. Noong maagang mga taon ng Iglesiya Katolika, ang pangungumpisal at pagpepenitensiya ay hinihiling tangi lamang para sa malulubhang mga pagkakasala. Tungkol dito, ang aklat na Religion in the Medieval West ay nagsasabi: “Hanggang noong magtatapos na ang ikaanim na siglo ang sistema ng pagpepenitensiya ay napakalupit: ang sakramento ay maaaring igawad nang minsan lamang sa buong buhay ng isa, ang pangungumpisal ay pampubliko, ang pagpepenitensiya ay matagal at matindi.”
Gaanong katindi ang gayong pagpepenitensiya? Noong 1052 ang isang nagpepenitensiya ay kinakailangang lumakad nang nakapaa mula sa Bruges sa Belgium hanggang sa Jerusalem! “Ang mga Katoliko ay masusumpungan pa rin noong 1700 sa sagradong mga balon at mga bukal, na nakaluhod sa nagyeyelong mga tubig hanggang sa kanilang mga leeg upang magdasal sa kanilang pagpepenitensiya,” ang sabi ng aklat na Christianity in the West 1400-1700. Yamang noong panahong iyon ang pagpapatawad ng kasalanan ay pinipigil muna hangga’t hindi natatapos ang pagpepenitensiya, marami ang nangungumpisal pagka sila’y mamamatay na lamang.
Kailan nagsimula ang modernong kaugalian na pangungumpisal? Ang Religion in the Medieval West ay nagsasabi: “Isang bagong anyo ng pagpepenitensiya ang ipinakilala sa Pransiya noong may dakong katapusan ng ikaanim na siglo ng mga mongheng Celtiko. . . . Ito ay ang pabulong na pangungumpisal, na kung saan ang kaniyang mga kasalanan ay sarilinang ikinukumpisal sa isang pari ng nagpepenitensiya, at yaon ay isang paghiram sa monastikong kaugalian ng espirituwal na pagpapayo.” Sang-ayon sa mas matagal nang monastikong kaugalian, ang mga monghe ay nangungumpisal sa isa’t isa ng kanilang mga kasalanan upang magtamo ng espirituwal na tulong para madaig ang kanilang mga kahinaan. Gayunman, sa mas huling pabulong na pangungumpisal inangkin ng simbahan para sa pari ang lalong malaking “kapangyarihan o autoridad na magpatawad ng mga kasalanan.”—New Catholic Encyclopedia.
Si Jesus ba ay talagang nagbigay sa ilan sa kaniyang mga tagasunod ng gayong kapangyarihan? Ano ang kaniyang sinabi na umakay sa ilan sa ganitong panghihinuha?
“Ang mga Susi ng Kaharian”
Minsan, sinabi ni Jesu-Kristo kay apostol Pedro: “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: anuman ang iyong talian sa lupa ay ituturing na natalian na sa langit; anuman ang iyong kalagan sa lupa ay ituturing na nakalagan na sa langit.” (Mateo 16:19, The Jerusalem Bible) Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus ng “mga susi ng kaharian”? Ating lalong higit na mauunawaan ito kung tayo’y magmamasid sa isa pang okasyon nang gamitin ni Jesus ang salitang “susi.”
Minsan ay sinabi ni Jesus sa mga pinunong relihiyosong Judio na may kaalaman sa Kautusang Mosaiko: “Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan na nag-alis ng susi ng kaalaman! Hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala pa ang mga ibig magsipasok.” (Lucas 11:52, JB) ‘Sinansala pa ang iba ng pagpasok’ saan? Sinasabi ito sa atin ni Jesus sa Mateo 23:13: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Kayong nagsasara sa kaharian ng langit mula sa mga tao, na kayo’y hindi nagsisipasok at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok.” (JB) Ang pintuan, wika nga, ay sinarhan ng klerong Judio para huwag makapasok ang marami sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila ng pagkakataon na makasama ni Jesu-Kristo sa langit. Ang “susi” na ‘inalis’ ng mga pinunong relihiyoso ay walang kinalaman sa pagpapatawad sa mga kasalanan. Iyon ay ang susi sa pagkakamit ng kinasihang kaalaman.
Sa katulad na paraan, “ang mga susi ng kaharian” na ibinigay kay Pedro ay hindi sumasagisag sa kapangyarihan na ipagbigay-alam sa langit ang tungkol sa kung kaninong mga kasalanan ang dapat patawarin o ang di-dapat patawarin. Bagkus, ang mga ito’y kumakatawan sa dakilang pribilehiyo ni Pedro na buksan ang daan patungo sa langit sa pamamagitan ng pamamahagi ng inilaang kinasihang kaalaman sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo. Kaniyang ginawa ito una para sa mga Judio at sa mga proselitang Judio, pagkatapos ay para sa mga Samaritano, at sa katapus-tapusan ay para sa mga Gentil.—Gawa 2:1-41; 8:14-17; 10:1-48.
“Anuman ang Inyong Talian sa Lupa”
Nang malaunan, ang sinabi ni Jesus kay Pedro ay inulit sa mga ibang alagad. “Sinasabi ko sa inyo nang may kataimtiman,” ang sabi ni Jesus, “anuman ang inyong talian sa lupa ay ituturing na natalian na sa langit; anuman ang inyong kalagan sa lupa ay ituturing na nakalagan na sa langit.” (Mateo 18:18, JB) Ano bang autoridad ang ibinigay rito ni Kristo sa mga alagad? Ipinakikita ng konteksto na ang kaniyang tinutukoy ay tungkol sa paglutas ng suliranin sa pagitan ng indibiduwal na mga mananampalataya at pagpapanatiling malinis ang kongregasyon sa mga manggagawa ng kasamaan na hindi nagsisisi.—Mateo 18:15-17.
Sa mga bagay na tungkol sa malulubhang paglabag sa kautusan ng Diyos; ang responsableng mga lalaki sa kongregasyon ang hahatol at magpapasiya kung ang isang nagkasala ay dapat “talian” (itinuring na nagkasala) o “kalagan” (pinawalang-sala). Ibig bang sabihin na ang langit pa ang susunod sa mga pasiya ng mga tao? Hindi. Gaya ng ipinakikita ng iskolar ng Bibliya na si Robert Young, anumang pasiya na ginawa ng mga alagad ay dapat na kasunod ng pasiya ng langit, hindi nauuna rito. Kaniyang sinasabi na ang Mat 18 talatang 18 ay ganito ang literal na pagbasa: Ang inyong tinalian sa lupa “ay dapat na natalian (na)” sa langit.
Talaga naman, di-makatuwiran na isiping sinumang di-sakdal na tao ay makagagawa ng mga pasiya na kailangang sundin ng mga nasa makalangit na mga hukuman. Higit na makatuwiran pang sabihin na ang hinirang ni Kristo na mga kinatawan niya ay dapat sumunod sa kaniyang mga tagubilin upang mapanatiling malinis ang kaniyang kongregasyon. Kanilang gagawin ito sa pamamagitan ng pasiya na salig sa mga simulaing naitatag na sa langit. Si Jesus mismo ang gagabay sa kanila sa paggawa nito.—Mateo 18:20.
Mayroon bang sinumang tao na maaaring “kumatawan kay Kristo bilang ang tulad-amang hukom” hanggang sa sukdulang magpasiya tungkol sa walang hanggang kinabukasan ng kapuwa mananamba? (New Catholic Encyclopedia) Ang mga pari na pinangungumpisalan ay halos lahat nagkakaloob ng kapatawaran, bagaman “waring isang di-ipinahahayag na paniniwala [sa gitna ng mga teologong Katoliko] na isang pambihirang tao ang talagang ikinalulungkot ang kaniyang mga kasalanan.” (The New Encyclopædia Britannica) Totoo naman, kailan ba ang huling pagkakataon na inyong narinig na ang isang pari ay tumangging magpatawad o pawalang-sala ang isang nagkasala? Malamang, ito’y dahilan sa ang isang pari ay hindi naniniwalang siya’y may kakayahan na humatol na ang isang nagkasala ay nagsisisi o hindi. Subalit kung ito nga ay totoo, bakit inaangkin niya ang kapangyarihan na magpatawad?
Gunigunihin ang isang hukuman ng batas na kung saan ang isang mahabaging hukom ay may rutinang sinusunod na pagpapawalang-sala sa mga kriminal, maging sa pusakal na mga manlalabag-batas, sapagkat sila’y dumaan sa isang rituwal na pag-amin sa kanilang nagawang mga krimen at pagsasabing kanilang ikinalulungkot iyon. Bagaman ito’y baka katuwaan ng mga nagkakasala, ang gayong maling pagkakilala sa awa ay makasisira nang malaki sa paggalang sa hustisya. Maaari kaya na ang pangungumpisal na kinaugalian sa Iglesiya Katolika ay aktuwal na humihila sa mga tao upang magumon sa pagkakasala?—Eclesiastes 8:11.
“Ang pangungumpisal ay hindi lumilikha ng anumang hilig na subuking iwasan ang kasalanan sa hinaharap,” ang sabi ni Ramona, batay sa kaniyang karanasan na pangungumpisal bilang isang Katoliko mula nang siya’y pitong taóng gulang. Kaniyang isinusog: “Ang pangungumpisal ay bumubuo ng ideya na ang Diyos ay lubos na mapagpatawad at na anuman ang ipagawa sa iyo ng iyong di-sakdal na laman ay kaniyang patatawarin. Iyon ay hindi nagbibigay ng matinding hangarin na gawin mo ang matuwid.”a
Subalit kumusta naman ang mga salita ni Jesus na nasusulat sa Juan 20:22, 23? Doon ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Sinumang inyong patawarin ang mga kasalanan, yao’y ipinatatawad sa kanila; sinumang hindi ninyo patawarin ang mga kasalanan, yao’y hindi pinatatawad.” (JB) Hindi baga rito’y espesipikong binibigyan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng autoridad na magpatawad ng mga kasalanan?
Kung kukunin nang ito lamang, ang talatang ito sa Bibliya ay baka waring nagsasabi ng ganiyan. Gayunman, pagka ang mga salitang ito ay isinaalang-alang kaugnay ng ulat sa Mateo 18:15-18 at ng lahat ng iba pang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pangungumpisal at pagpapatawad, ano ang kailangang isipin natin? Na sa Juan 20:22, 23, ang kaniyang mga alagad ay binigyan ni Jesus ng autoridad na paalisin sa kongregasyon ang di-nagsisising namihasa ng paggawa ng malulubhang kasalanan. Kasabay rin nito, ang kaniyang mga tagasunod ay binigyan ni Kristo ng autoridad na magpakita ng awa at patawarin ang nagsisising mga nagkasala. Tunay na hindi ang ibig sabihin ni Jesus ay na dapat ikumpisal sa isang pari ng kaniyang mga alagad ang bawat kasalanan.
Ang responsableng mga tao sa kongregasyon ay autorisado sa gayon na magpasiya kung papaano makikitungo sa mga gumagawa ng mabibigat na kasalanan. Ang gayong mga pagpapasiya ay kailangang gawin sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ng Diyos at kasuwato ng mga tagubilin ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng Banal na Kasulatan. (Ihambing ang Gawa 5:1-5; 1 Corinto 5:1-5, 11-13.) Ang responsableng mga lalaking iyon ay sa ganoong paraan tutugon sa patnubay mula sa langit, hindi ipinipilit na ang langit ang sumunod sa kanilang mga pasiya.
“Mangumpisal sa Isa’t Isa ng Inyong mga Kasalanan”
Kung gayon, kailan angkop na ang mga Kristiyano ay mangumpisal sa isa’t isa ng kanilang mga kasalanan? Kung tungkol sa malubhang pagkakasala (hindi naman bawat munting pagkakamali), ang isang tao ay dapat mangumpisal sa responsableng mga tagapangasiwa ng kongregasyon. Kahit na kung ang isang kasalanan ay hindi naman malubha ngunit ang budhi ng nagkasala ay labis na lumiligalig sa kaniya, mahalaga na ikumpisal iyon at humingi ng espirituwal na tulong.
Sa bagay na ito ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagsasabi: “Kung ang sinuman sa inyo ay may sakit [sa espiritu], ipatawag niya ang matatanda sa iglesiya, at kanilang pahiran siya ng langis sa ngalan ng Panginoon at ipanalangin nila siya. Ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa taong may sakit at siya’y ibabangong muli ng Panginoon; at kung siya’y nagkasala, siya ay patatawarin. Kaya mangumpisal sa isa’t isa ng inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa’t isa.”—Santiago 5:14-16, JB.
Sa mga salitang ito, walang ipinahihiwatig na isang pormal, parang rituwal, pabulong na pangungumpisal. Bagkus, pagka ang isang Kristiyano ay totoong nabibigatan sa kaniyang pagkakasala na anupa’t para bang hindi siya makapanalangin, dapat na tawagin niya ang hinirang na matatanda, o mga tagapangasiwa, ng kongregasyon, at sila’y mananalangin kasama niya. Upang siya’y matulungan na gumaling sa espirituwal, kanila rin namang ipapahid sa kaniya ang langis ng Salita ng Diyos.—Awit 141:5; ihambing ang Lucas 5:31, 32; Apocalipsis 3:18.
Hindi dapat kalimutan ang payo ni Juan Bautista na “mangagbunga ng karapat-dapat sa pagsisisi.” (Mateo 3:8; ihambing ang Gawa 26:20.) Ang isang tunay na nagsising nagkasala ay humihinto sa gawang pagkakasala. Tulad ni Haring David ng sinaunang Israel, ang nagsising makasalanan na nangungumpisal ng kaniyang pagkakamali sa Diyos ay tatanggap ng kapatawaran. Si David ay sumulat: “Ang aking kasalanan ay sa wakas ikinumpisal ko sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli. Aking sinabi: ‘Aking ikukumpisal ang aking mga pagkakasala kay Jehova.’ At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking mga kasalanan.”—Awit 32:5.
Ang mga gawang pagpepenitensiya ay hindi maaaring makapagbigay ng ganiyang kapatawaran. Tanging ang Diyos ang makapagkakaloob nito. Kaniyang isinasaalang-alang ang mga kahilingan ng sakdal na katarungan, subalit ang kaniyang pagpapatawad ay nagpapahayag ng kaniyang pag-ibig sa tao. Ang kaniyang pagpapatawad ay isa ring pagpapakita ng di-sana nararapat na awa na nakasalig sa haing pantubos na inihandog ni Jesu-Kristo at tanging ibinibigay sa nagsising mga nagkasala na lumalayo sa masama sa paningin ng Diyos. (Awit 51:7; Isaias 1:18; Juan 3:16; Roma 3:23-26) Tanging yaon lamang pinatawad ng Diyos na Jehova ang magtatamo ng buhay na walang hanggan. At upang tumanggap ng gayong kapatawaran, tayo’y kailangang mangumpisal ayon sa paraan ng Diyos, hindi ng tao.
[Talababa]
a Sa kabaligtaran naman, tingnan ang Marcos 3:29; Hebreo 6:4-6; 10:26. Sa mga talatang ito, ipinakikita ng mga manunulat ng Bibliya na hindi lahat ng kasalanan ay pinatatawad ng Diyos.
[Larawan sa pahina 7]
Si David ay nangumpisal kay Jehova, na nagpatawad