KABANATA 17
Tinuruan Niya si Nicodemo sa Gabi
NAKIPAG-USAP SI JESUS KAY NICODEMO
ANG IBIG SABIHIN NG ‘IPANGANAK MULI’
Habang nasa Jerusalem para sa Paskuwa ng 30 C.E., gumawa si Jesus ng pambihirang mga tanda, o mga himala. Kaya marami ang nanampalataya sa kaniya. Humanga si Nicodemo, isang Pariseo at miyembro ng mataas na hukuman ng mga Judio na tinatawag na Sanedrin. Gusto niyang matuto nang higit pa kaya nagpunta siya kay Jesus nang madilim na, marahil sa takot na makita siya ng ibang mga Judiong lider at masira ang reputasyon niya.
“Rabbi,” ang sabi ni Nicodemo, “alam naming isa kang guro na nagmula sa Diyos dahil walang sinuman ang makagagawa ng mga himalang ginagawa mo kung walang tulong ng Diyos.” Bilang sagot, sinabi ni Jesus kay Nicodemo na makakapasok lang sa Kaharian ng Diyos ang isa kung ito ay “ipanganganak muli.”—Juan 3:2, 3.
Pero paano maipanganganak muli ang isa? “Puwede ba siyang makapasok sa bahay-bata ng kaniyang ina at maipanganak muli?” ang tanong ni Nicodemo.—Juan 3:4.
Hindi ganiyan ang ibig sabihin ng ipanganak muli. Ipinaliwanag ni Jesus: “Ang isa ay makakapasok lang sa Kaharian ng Diyos kung ipanganganak siya mula sa tubig at sa espiritu.” (Juan 3:5) Nang bautismuhan si Jesus at bumaba sa kaniya ang banal na espiritu, siya ay ipinanganak “mula sa tubig at sa espiritu.” Nang panahong iyon, may tinig din mula sa langit na nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” (Mateo 3:16, 17) Sa ganitong paraan, ipinahayag ng Diyos na si Jesus ay naging espirituwal na anak niya na may pag-asang pumasok sa Kaharian ng langit. Di-magtatagal, pagsapit ng Pentecostes 33 C.E., ibubuhos ang banal na espiritu sa iba pang nabautismuhan. Sa gayon, sa pamamagitan ng espiritu, sila rin ay maipanganganak muli bilang mga anak ng Diyos.—Gawa 2:1-4.
Hindi maintindihan ni Nicodemo ang itinuturo ni Jesus tungkol sa Kaharian. Kaya nagbigay si Jesus ng higit pang impormasyon tungkol sa natatanging papel niya bilang taong Anak ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang, kailangan ding itaas ang Anak ng tao para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat isa na naniniwala sa kaniya.”—Juan 3:14, 15.
Ang mga Israelita noon na tinuklaw ng makamandag na mga ahas ay kailangang tumingin sa tansong ahas para hindi sila mamatay. (Bilang 21:9) Sa katulad na paraan, lahat ng tao ay kailangang manampalataya sa Anak ng Diyos para mahango mula sa kamatayan at magkaroon ng buhay na walang hanggan. Para idiin ang maibiging papel ni Jehova rito, sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Kaya naman dito sa Jerusalem, mga anim na buwan matapos simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, nilinaw niya na siya ang daan para maligtas ang mga tao.
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo, hindi para hatulan ang mga tao.” Ibig sabihin, hindi siya isinugo para italaga ang lahat ng tao sa pagkalipol. Sa halip, sinabi ni Jesus na isinugo siya “para maligtas ang mga tao sa pamamagitan niya.”—Juan 3:17.
Takót si Nicodemo kaya madilim na nang pumunta siya kay Jesus. Kaya kapansin-pansin na sa pag-uusap nila, ganito ang huling sinabi ni Jesus: “Dumating ang liwanag [si Jesus sa pamamagitan ng kaniyang pamumuhay at mga turo] sa mundo pero sa halip na ibigin ng mga tao ang liwanag, inibig nila ang kadiliman dahil napakasama ng ginagawa nila, at iyan ang dahilan kung bakit sila hahatulan. Ang sinumang gumagawa ng napakasasamang bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag para hindi malantad ang kaniyang mga gawa. Pero ang sinumang gumagawa ng tama ay lumalapit sa liwanag para mahayag na katanggap-tanggap sa Diyos ang kaniyang mga gawa.”—Juan 3:19-21.
Kailangang pag-isipan ngayon ng Pariseo at guro ng Israel na si Nicodemo ang mga narinig niya tungkol sa papel ni Jesus sa layunin ng Diyos.