FELIPE
[nangangahulugang “Mahilig sa mga Kabayo; Maibigin sa Kabayo”].
1. Isa sa kauna-unahang mga alagad na kabilang sa 12 apostol ni Jesu-Kristo. Sa mga ulat ng Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas, binabanggit ang pangalan ni Felipe tangi lamang sa mga talaan ng mga apostol. (Mat 10:3; Mar 3:18; Luc 6:14) Tanging ang ulat ni Juan ang nagbibigay ng ilang detalyadong impormasyon tungkol sa kaniya.
Si Felipe ay nagmula rin sa sariling bayan nina Pedro at Andres, samakatuwid nga, sa Betsaida, na nasa H baybayin ng Dagat ng Galilea. Pagkarinig sa paanyaya ni Jesus na, “Maging tagasunod kita,” ginawa ni Felipe ang gaya rin ng ginawa ni Andres noong nagdaang araw. Hinanap ni Andres ang kaniyang kapatid na si Simon (Pedro) at dinala ito kay Jesus, at gayundin ang ginawa ni Felipe kay Natanael (Bartolome), na sinasabi: “Nasumpungan na namin ang isa na isinulat ni Moises, sa Kautusan, at ng mga Propeta, si Jesus, na anak ni Jose, na mula sa Nazaret. . . . Halika at tingnan mo.” (Ju 1:40, 41, 43-49) Ang pananalitang “nasumpungan ni Jesus si Felipe” ay maaaring nagpapahiwatig na dati na silang magkakilala, gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Felipe kay Natanael, sapagkat binanggit ni Felipe ang pangalan ni Jesus, ang pamilya nito, at ang tirahan nito. Hindi sinasabi kung may anumang kaugnayan bukod pa sa pagkakaibigan na namagitan kina Felipe at Natanael (Bartolome), ngunit sa mga talaan ng Bibliya ay karaniwang magkasama sila, maliban sa Gawa 1:13.
Noong okasyon ng matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem limang araw bago ang Paskuwa ng 33 C.E. (Mar 11:7-11), nais makita ng ilang Griego si Jesus. Hiniling nila kay Felipe na ipakilala sila, posibleng napili nilang lapitan ang apostol dahil sa kaniyang pangalang Griego, o marahil ay dahil lamang sa siya ang nagkataong naroroon upang hilingan. Gayunpaman, lumilitaw na hindi nadama ni Felipe na kuwalipikado siyang sagutin ang kahilingan ng mga Griegong ito (marahil ay mga proselita). Sumangguni muna siya kay Andres, na sa ibang dako ay binabanggit na kasama niya (Ju 6:7, 8) at na marahil ay may higit na malapit na kaugnayan kay Jesus. (Ihambing ang Mar 13:3.) Magkasama nilang iniharap kay Jesus ang pakiusap, hindi ang mga nakikiusap, upang isaalang-alang niya ito. (Ju 12:20-22) Ang ganitong palasuri at maingat na saloobin ay mababanaag sa tugon ni Felipe sa tanong ni Jesus tungkol sa pagpapakain sa pulutong at maging sa kaniyang kahilingan (na iniharap pagkatapos ng waring tahasang mga tanong nina Pedro at Tomas) nang sabihin niya: “Ipakita mo sa amin ang Ama, at sapat na iyon para sa amin.” (Ju 6:5-7; 13:36, 37; 14:5-9) Ang kaniyang mataktikang paraan ay ibang-iba sa pagiging tuwiran at tahasan ni Pedro, sa gayon ang maiikling ulat may kinalaman kay Felipe ay may isinisiwalat tungkol sa pagkakasari-sari ng personalidad na makikita sa piniling mga apostol ni Jesus.
Dahil sa malapít na pakikipagsamahan niya kay Natanael (Bartolome) at sa mga anak ni Zebedeo, maaaring si Felipe ang isa sa dalawang di-ipinakilalang alagad na nasa baybayin ng Dagat ng Galilea nang magpakita ang binuhay-muling si Jesus.—Ju 21:2.
2. Isang unang-siglong ebanghelisador at misyonero. Kasama si Esteban, si Felipe ay kabilang sa pitong “lalaking may patotoo . . . puspos ng espiritu at karunungan” na pinili para sa walang-pagtatanging araw-araw na pamamahagi ng pagkain kapuwa sa mga Kristiyanong babaing balo na nagsasalita ng Griego at nagsasalita ng Hebreo sa Jerusalem. (Gaw 6:1-6) Ang ulat ng gawain ni Felipe (gaya rin niyaong kay Esteban) nang matapos ang pantanging paglilingkod na ito ay nagpapatunay sa mataas na espirituwal na katangian ng mga lalaking bumubuo sa piniling lupong tagapangasiwang ito, sapagkat gumanap si Felipe ng isang gawain na katulad niyaong isinagawa ng apostol na si Pablo nang maglaon, bagaman sa mas maliit na antas.
Nang mangalat ang lahat dahil sa pag-uusig maliban sa mga apostol, na nanatili sa Jerusalem, si Felipe ay pumaroon sa Samaria; doon ay ipinahayag niya ang mabuting balita ng Kaharian at, taglay ang makahimalang kapangyarihan ng banal na espiritu, nagpalayas siya ng mga demonyo at nagpagaling ng mga paralisado at mga pilay. Dahil sa malaking kagalakan, pulu-pulutong ang tumanggap ng mensahe at nabautismuhan, kabilang na ang isang Simon na dating nagsasagawa ng mga sining ng mahika. (Gaw 8:4-13) Kaya “nang marinig ng mga apostol na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan,” upang tanggapin ng bautisadong mga mananampalatayang ito ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.—Gaw 8:14-17.
Pagkatapos ay inakay si Felipe ng espiritu ni Jehova upang salubungin ang bating na Etiope sa daang patungo sa Gaza, at doon, sa maikling panahon lamang, ang ‘taong ito na may kapangyarihan sa ilalim ni Candace na reyna ng mga Etiope’ ay nanampalataya kay Jesus at humiling kay Felipe na bautismuhan siya. (Gaw 8:26-38) Mula roon ay pumaroon siya sa Asdod at nagpatuloy sa Cesarea, anupat “ipinahayag ang mabuting balita sa lahat ng mga lunsod” na nadaanan niya. (Gaw 8:39, 40) Inilalarawan ng maiikling ulat na ito ang gawain ng isang “ebanghelisador.”—Gaw 21:8.
Dito sa internasyonal na salubungang-dakong ito ng Cesarea pagkalipas ng mga 20 taon ay nasumpungan si Felipe na aktibo pa rin sa ministeryo, kilala pa rin sa pagiging “isa sa pitong lalaki” na inatasan ng mga apostol. Gaya ng iniulat ni Lucas, nang siya at si Pablo ay manuluyan sa tahanan ni Felipe nang ilang panahon, noong mga taóng 56 C.E., “ang taong ito [si Felipe] ay may apat na anak na babae, mga dalaga, na nanghuhula.” (Gaw 21:8-10) Yamang nasa hustong gulang na ang apat na anak na babae upang makapagsagawa ng makahulang pagsasalita, maaaring nangangahulugan ito na si Felipe ay may-asawa na noong panahon ng maagang bahagi ng kaniyang gawain.
3. Asawa ni Herodias at ama ni Salome. Nakatira siya sa Roma nang panahong mapangalunya siyang iniwan ng kaniyang asawa upang maging asawa ng kaniyang kapatid sa ama na si Herodes Antipas. (Mat 14:3, 4; Mar 6:17, 18; Luc 3:19, 20) Si Felipe ay anak ni Herodes na Dakila sa ikatlong asawa nito, si Mariamne II na anak ng mataas na saserdoteng si Simon. Samakatuwid, siya ay mestisong Judio at Idumeano.—Tingnan ang HERODES Blg. 5.
4. Ang tagapamahala ng distrito ng Iturea at Traconite nang panahong pasimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang ministeryo nang “ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar,” 29 C.E. (Luc 3:1-3) Si Felipe ay anak ni Herodes na Dakila kay Cleopatra ng Jerusalem at samakatuwid ay kapatid sa ama nina Herodes Antipas, Arquelao, at Felipe Blg. 3.—Tingnan ang HERODES Blg. 6.