KABANATA 136
Sa Dalampasigan ng Lawa ng Galilea
NAGPAKITA SI JESUS SA MAY LAWA NG GALILEA
PAKAKAININ NI PEDRO AT NG IBA PA ANG MGA TUPA
Noong huling gabing kasama ni Jesus ang mga apostol, sinabi niya: “Matapos akong buhaying muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” (Mateo 26:32; 28:7, 10) Marami sa mga tagasunod niya ang nagpunta sa Galilea. Ano ang gagawin nila roon?
Sinabi ni Pedro sa anim na apostol: “Mangingisda ako.” Ang anim ay sumagot: “Sasama kami.” (Juan 21:3) Magdamag silang nangisda pero wala silang nahuli. Habang nagbubukang-liwayway, nagpakita si Jesus sa dalampasigan, pero hindi nila siya nakilala. Sinabi ni Jesus: “Mga anak, may makakain ba kayo?” Sumagot sila: “Wala!” Sinabi ni Jesus: “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at may mahuhuli kayo.” (Juan 21:5, 6) Sa dami ng nahuli nila, hindi nila maiahon ang lambat.
“Ang Panginoon iyon!” ang sabi ni Juan kay Pedro. (Juan 21:7) Agad-agad na isinuot ni Pedro ang damit na hinubad niya habang nangingisda. Tumalon siya sa tubig at lumangoy nang mga 90 metro papunta sa dalampasigan. Sumunod ang iba sakay ng bangka, hila ang lambat na punô ng isda.
Pagdating sa baybay, “may nakita silang nagbabagang uling na may isda sa ibabaw, at mayroon ding tinapay.” Sinabi ni Jesus: “Dalhin ninyo ang ilan sa isdang kahuhuli lang ninyo.” Hinatak ni Pedro ang lambat, na may 153 malalaking isda! “Halikayo, mag-almusal muna kayo,” ang sabi ni Jesus. Walang naglakas-loob na magtanong kung sino siya dahil alam nilang si Jesus iyon. (Juan 21:9-12) Ito ang ikatlong pagkakataong nagpakita si Jesus sa mga alagad bilang grupo.
Binigyan sila ni Jesus ng tinapay at isda. Pagkatapos, marahil ay habang nakatingin sa mga nahuling isda, nagtanong siya: “Simon na anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?” Mas mahalaga kaya kay Pedro ang negosyong pangingisda kaysa sa gawaing iniatas ni Jesus? Sumagot si Pedro: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Kaya hinimok siya ni Jesus: “Pakainin mo ang aking mga kordero.”—Juan 21:15.
Nagtanong ulit si Jesus: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Malamang na napaisip si Pedro. Pero taimtim siyang sumagot: “Oo, Panginoon, alam mong mahal kita.” Sinabi ni Jesus: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.”—Juan 21:16.
Nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon: “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Ngayon, maaaring naisip ni Pedro na duda si Jesus sa katapatan niya. Mariing sinabi ni Pedro: “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong mahal kita.” Muling sinabi ni Jesus ang dapat gawin ni Pedro: “Pakainin mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:17) Oo, ang mga nangunguna ay kailangang maglingkod sa mga inaakay tungo sa kulungan ng tupa ng Diyos.
Si Jesus ay dinakip, iginapos, at pinatay dahil sa pagtupad sa iniatas ng Diyos. Isiniwalat niya ngayon na ganoon din ang mangyayari kay Pedro. “Noong bata ka pa,” ang sabi ni Jesus, “ikaw ang nagbibihis sa sarili mo at nagpupunta ka kahit saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at ibang tao ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” Pero hinimok siya ni Jesus: “Patuloy kang sumunod sa akin.”—Juan 21:18, 19.
Pagtingin ni Pedro kay apostol Juan, nagtanong siya: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kaniya?” Ano nga ba ang mangyayari sa apostol na minamahal ni Jesus? Sumagot si Jesus: “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa dumating ako, ano ang ikinababahala mo?” (Juan 21:21-23) Dapat magpokus si Pedro sa pagsunod kay Jesus, hindi sa ginagawa ng iba. Ipinahihiwatig ni Jesus na si Juan ang huling apostol na mamamatay at makakakita ito ng pangitain tungkol sa pagdating ni Jesus bilang Hari sa Kaharian.
Siyempre, may iba pang ginawa si Jesus, na kung isusulat ay hindi magkakasya sa kahit gaano karaming balumbon.